Tapos na ni Esperanza ang lahat ng gawaing bahay kaya't bagot na bagot na siya. Hinanap niya si Gilda. Hindi niya ito nakita mula pa kaninang umaga.
Itinuro ni Aling Esther kung saan ang kinaroroonan nito, sa maliit na kubo na nagsisilbing silid-aralan ng mga bata. Nakita raw ni Lucas na tinuturuan ni Gilda ang mga paslit na magbasa kaya't naisipan ng binatang magtayo ng silid-aralan.
May mga nagbulontaryo ring magturo, tulad ni Lucas, pero si Gilda ang masigasig sa lahat. Kahit sa edad nitong kinse anyos at kahit limitado ang kaalaman nito, nagpupursige pa rin itong magturo.
Malayo pa lang, natanaw na ni Esperanza ang kubo. May kalakihan iyon, ang bubong ay yari sa nipa at ang dingding ay yari sa kawayan at sawali. Malalaki ang bintana niyon. Tamang-tama ang pinagtayuang lugar. Nakahiwalay iyon sa mga kabahayan para hindi magambala ang mga bata sa ingay. Patag, mababa ang d**o at may mga ilang puno sa paligid. Presko ang hangin kahit mataas na ang sikat ng araw.
Narinig ni Esperanza ang boses ni Gilda at ang ingay ng mga bata. Nakita niya ang ilan na nakasalampak sa lupa, doon nakaupo at ginamit na mesa ang dapat sanang silya nito. Si Gilda nama'y sinasabayan ng pagsusulat sa pisara ang sinasabi nito.
Kinawayan siya ni Gilda nang mapansin siya nito. Balak pa nga siya nitong lapitan kung hindi niya ito sinenyasan na ipagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Pinatayo pa rin nito ang lahat ng bata para batiin siya.
Lumalaki ang paghanga niya sa dalagita. Kahit sa mura nitong edad, malawak ang pag-iisip nito. Sinusubukan nitong tumulong para iangat ang kaalaman ng mga bata sa paligid niya. Samantalang siya, mayaman nga at nakapagtapos ng kolehiyo, pero wala siyang maalalang makabuluhang kontribusyon niya sa lipunan.
Noong una, nakikinig lang si Esperanza hanggang sa matagpuan niya ang sariling nasa harapan ng pisara. Siya ang humalili kay Gilda nang makita niya itong nahihirapang magturo ng Ingles.
"Ate, salamat," sabi ni Gilda. "Buti na lang pala, 'di ko pinairal 'yong selos ko sa 'yo noon."
"Selos? Ba't ka naman magseselos sa akin?"
"Sinabi sa 'kin ni Buboy na tinamaan daw nang husto sa 'yo si Isko, eh, alam n'ya na matagal na kong may gusto ro'n." Nahihiyang ngumiti ito. "Tapos, nadala pa ako ng mga sulsol nina Ate Anita."
Bumalik sa alaala niya iyong nangyari noon nang inawat nito ang mga bumugbog sa kaniya. "Kaya ba nakipagkaibigan ka sa 'kin dahil alam mong iniiwasan na ako ni Isko?"
"Ipinaliwanag ko na sa 'yo noon ang dahilan, Ate, at 'yon talaga ang totoo. Saka, 'di ko naman mapipilit si Isko kung iba ang tipo n'yang babae." May bahid lungkot sa boses nito.
"H'wag mo na munang isipin ang ganiyang bagay. Bata ka pa. Marami pang p'wedeng mangyari sa buhay mo. May ibang lalaki ka pang makikilala na maaaring higit pa sa katangiang mayroon si Isko."
"Kung pangkaraniwan lang sana ang kalagayan namin, baka nga may makilala pa akong iba. Pero kakaunti lang ang p'wede kong pagpilian. 'Di rin madaling kalimutan 'yong nararamdaman ko sa kaniya, Ate."
Natahimik si Esperanza. Ano nga bang alam niya pagdating sa larangan ng pag-ibig? Sa edad niyang dalawampu't apat, hindi niya pa naranasan ang magmahal. Baka ngayon pa lang, ngayong nakilala niya si Lucas. Ilang linggo niya pa lang nakakasama ang binata pero malalim kaagad ang nararamdaman niya rito. Hindi iyon basta-basta mabubura. Si Gilda pa kaya na ilang taon niya ring itinangi si Isko sa puso nito? Oo nga't bata pa ito pero marami siyang kilala na may asawa na sa edad na disi-sais.
Matapos ang kinse minutos na pahinga, itinuloy ni Esperanza ang pagtuturo. Binasa niya ang isang librong nakasulat sa Ingles. Pagkatapos ay isasalin niya ito sa Tagalog.
Isinara niya ang kababasang libro.
"Isang kuwento pa po, Titser Esperanza," hirit ng isang bata.
Ngumiti ang dalaga. Tuwang-tuwa siya noong unang tinawag siyang titser. Masarap sa tainga niya iyon. Para kasing nagkaroon ng kabuluhan ang buhay niya.
"Ako rin po, gusto ko pa ng isa pang kuwento," segunda ng isa pang bata.
"Sige, payag ako. Basta't uupo kayo nang maayos."
Agad namang sumunod ang mga bata.
Kumuha siya ng isang aklat at nagkunyaring binasa iyon. Tumingin siya sa mga batang puno ng kasabikang naghihintay ng kuwento niya.
"Alam n'yo ba ang ibig sabihin ng pabula?" tanong ni Esperanza.
Umiling ang mga bata at sabay-sabay sinabing, "Hindi po, Titser!"
"Ito'y kathang isip lamang, gawa-gawa pero may layunin itong magbigay ng aral. Ang mga tauhang gumaganap ay mga hayop o mga bagay na walang buhay."
"Gusto ko po n'yan, Titser. Tungkol saan po ang kuwento?"
"Tungkol ito sa magkaibigang pabo. Tawagin natin silang"—nag-isip si Esperanza—"si Cocky at si Henny. Magkasama na sila mula bata hanggang paglaki nila."
Nangalumbaba si Gilda. Nakikinig nang mabuti.
"May natipuhan si Cocky na isang pabo. Maganda at maraming nagkakagusto ro'n kaya't hindi siya napapansin nito. Si Henny ang palagi niyang hingaan ng sama ng loob.
"Lumipas ang mga taon, hindi pa rin nababago ang pagtingin ni Cocky sa magandang pabo kaya't pinayuhan siya ni Henny na magkaroon ng lakas na loob na ipagtapat ang damdamin niya sa magandang pabo. Mabigat sa loob ni Henny 'yon kasi may lihim din itong pagtingin kay Cocky. Pero pinairal pa rin nito ang pagiging kaibigan nito."
"Sinunod ba ni Cocky ang payo ni Henny?" tanong ni Gilda.
Tumango si Esperanza. "Lumapit si Cocky sa magandang pabo at tumayo sa harapan nito. Para mapansin siya nito, ibinuka niya ang kaniyang mahabang buntot. Parang pamaypay ang hugis niyon nang bumuka. Iba't iba ang kulay n'yon. Mas lamang nga lang ang matingkad na asul at berdeng kulay.
"Noon lang napagtanto ni Cocky na sa paglipas ng panahon, may mga katangian siyang p'wede n'yang ipagmalaki. Humaba ang kaniyang buntot. Hindi lang ganda ng balahibo n'ya ang mapapansin, batayan din kasi 'yon ng pagiging malakas at matapang n'ya."
"Ba't po naging sukatan 'yon ng lakas at tapang ni Cocky," tanong ng isang batang lalaki. Matangkad iyon kumpara sa iba. Marahil, dose ang edad nito.
"Napakabigat kasi ng buntot ni Cocky. Kapag mahina ka, 'di mo kayang buhatin 'yon. At kapag 'di ka matapang, tatalunin ka ng ibang hayop."
"Ano'ng karugtong?" sabi ni Gilda.
"Lumakas ang loob ni Cocky nang makita n'ya ang paghanga sa mga mata ng magandang pabo. Sumigaw s'ya nang malakas! Lalong nadagdagan ang paghanga ng magandang pabo. S'yempre, tuwang-tuwa si Cocky."
"Kawawa naman pala si Henny," sabi ni Gilda.
"Pero kaibigan ni Henny si Cocky. Mas gusto nitong makitang masaya si Cocky kahit nasasaktan ito. Gano'n naman talaga kapag nagmahal ka, 'di ba?"
"Sabagay," sang-ayon ni Gilda. "Eh, 'di 'yong magandang pabo ang nakatuluyan ni Cocky?"
"Teka, itutuloy ko 'yong kuwento," sagot ni Esperanza. "Hinanap ni Cocky si Henny. Gusto n'yang magmayabang. Sa wakas, pinansin s'ya ng pinakamagandang pabo sa kanila! At gusto n'ya ring magpasalamat kay Henny. Pero nakita n'yang naglalakad palayo ito. Ewan n'ya ba kung bakit unti-unting nawala 'yong saya n'ya habang papalayo sa kaniya si Henny. Para bang sumakit 'yong dibdib n'ya nang makita n'yang malungkot ang kaibigan.
"Kinabahan s'ya. Naramdaman n'ya na 'yon ang huling araw nang pagkikita nila. Hinabol n'ya si Henny. Tinawag. Pero hindi s'ya pinapansin nito."
"Gago kasi s'ya, eh," sabat ng batang lalaki, iyong nagtanong kanina.
"Tumahimik ka!" sita ni Gilda. "Tuloy mo na, Ate."
Kumibot ang labi ni Esperanza. Pinigil niyang tumawa. "Humarang s'ya sa dinaraanan ni Henny. Ibinuka n'ya ang kaniyang buntot. Iniladlad n'yang mabuti 'yon na para bang doon nakasalalay ang buhay niya. Kumintab ang makulay niyang balahibo. Gustong niyang kunin ang pansin ni Henny. Pero nakatungo ito, ayaw s'ya nitong harapin. Para s'yang batong hindi nakakilos, hinihintay na titigan s'ya ni Henny.
"Hindi nakatiis si Henny. Iniangat nito ang mukha. Nakakaakit ang kaniyang buntot kaya't labag man sa kalooban ni Henny, nabihag ito ng ganda n'yon.
"Sumigaw si Cocky! Umalingawngaw sa paligid ang sigaw n'ya. Dahan-dahan n'yang tinupi ang kaniyang buntot at kahit na nakatago na 'yon sa paningin ni Henny, kumikislap pa rin ang mga mata nito. Mahal s'ya nito, hindi lang dahil sa panlabas na anyo n'ya, kung 'di lahat ng kung ano s'ya.
"Humingi s'ya ng tawad kay Henny. Naging bulag s'ya. Hindi n'ya napansin ang kagandahan nito. Hindi n'ya alam na ito pala ang totoong mahal n'ya.
"Makaraan lang ang ilang taon, masayang kalaro ni Cocky ang bunga ng kaniyang pagmamahal kay Henny," pagtatapos ni Esperanza.
"Ang mga lalaki kasi kung saan-saan pa tumitingin. Kailangan mo pang pitikin para malaman n'yang nasa tabi n'ya lang ang hinahanap n'ya," sabi ni Gilda.
"Gano'n din naman ang mga babae, ah," kontra ng batang lalaki.
"P'wede na po ba kaming umuwi, Titser?" tanong ng isang bata. Namumungay ang mga mata nito, halatang inaantok.
Inilibot ni Esperanza ang paningin. Muntik na siyang matawa, karamihan sa mga bata, nakatulog na. May ilang magulang din ang naroon, sinusundo ang kanilang anak.
Naroon din si Buboy at Isko. Hindi napansin ni Esperanza na nakikinig din.
"Tsk! Kaya ang daming nag-aasawa nang maaga, eh, dahil sa mga ganiyang k'wento. Makalayas na nga!" sabi ni Buboy.
Binatukan ito ni Isko. "Nakikirinig ka na nga lang, nagreklamo ka pa." Tumingin ito sa kaniya bago lumipat ang paningin nito kay Gilda. Bahagyang nakangiti ang mga mata nito.
Namula naman ang mga pisngi ni Gilda. Hindi nito namalayan na nakatayo ito sa tabi ng bintana.
Maya-maya'y sumunod na rin si Isko sa kaibigan.
"Bukas uli, Esperanza," paalam ng magulang na sumundo sa anak.
"Oo nga. Galing mo palang magkuwento. Ako uli susundo sa pamangkin ko," sabi ng tiyahin ng bata.
Gumaan ang loob ni Esperanza. Pakiramdam niya kasi, nagiging parte na siya ng kanilang mundo.
Tinulungan niya si Gilda sa pagliligpit ng gamit nang nakaalis na ang lahat. Dinampot nito ang librong hawak niya kanina. Kumunot ang noo nito, iba kasi ang laman niyon sa ikinuwento niya. Sinulyapan siya nito. Noon lang nito naintindihan na kathang-isip niya lang ang tungkol sa pabo. Ibinahagi niya iyon dahil may gusto siyang iparating dito.
Na ang tunay na pagmamahal, nagpaparaya. At ang taong totoong nagmamahal, pahahalagaan ka.
Siguro, dapat rin niyang matutunan ang aral sa kuwentong iyon.
SINALUBONG kaagad sina Esperanza at Gilda ni Aling Esther. Kagagaling lang nila sa pagtuturo. May pagpupulong daw ayon dito. Kahapon pa sana iyon, pero napagpasiyahan nina Ka Elmo na ipagpaliban na muna para hindi masira ang pagdiriwang na ginanap kagabi.
Seryoso si Ka Elmo. Gayon din sina Lucas at Goyo. May kinalalaman ang pag-uusapan sa impormasyong nakalap nina Lucas noong bumaba ito sa bayan.
Si Ka Elmo ang unang nagsalita.
"Dalawang bagay ang nalaman nina Lucas no'ng nasa bayan sila. Una, ang puganteng dumukot kay Esperanza ay kinikilalang numero unong kalaban ng batas. Pusakal na magnanakaw, mamamatay tao at"—tumingin ito kay Esperanza—"walang awa pagdating sa babae."
"Sa kasamaang palad, tayo lang ang nakakaalam n'yon," dugtong ni Lucas. "Dahil ang alam ng gobyerno, ako ang dumukot sa kaniya."
"Ano'ng problema? 'Di ba nandito naman talaga si Esperanza kahit hindi ikaw ang talagang kumuha sa kaniya?" ngingisi-ngising sabi ni Alfonso.
"Nagsanib ang puwersa ng militar at pulis. Hindi lang 'yong mga pugante ang tinutugis ngayon, pati tayo," sagot ni Lucas. Matalim ang tingin nito kay Alfonso. "Iyon ang problema. Kapag kasali ang militar, malaki ang tiyansang makita tayo. Sanay sila sa bundok kumpara sa mga pulis."
Umugong ang paligid. Mababakas sa mukha ng mga tao ang takot.
"At ang mas nakababahalang balita, hinala ng mga pulis na nakipagsabwatan tayo sa mga pugante at nagkakanlong sila dito sa lugar natin," dagdag ni Goyo.
"Pano'ng nangyari 'yon?"
"Namataan ang grupo nila dito sa ating lalawigan. Tagarito pala ang isa sa kanila. May nakakita ro'n at positibong kinilala ito na isa sa kasama na dumukot kay Esperanza. At sa paglalarawan ni Señora Isidora, kahawig ko 'yong tumatayong pinuno nila." Itinaas ni Lucas ang isang kamay. "Alam n'yo na kung ano'ng sumunod."
"Nagpanggap na may bigote si Marcial, pero nang makalayo na kami, tinanggal n'ya 'yon," lakas-loob na boluntaryo ni Esperanza.
Nabaling ang pansin ng lahat sa dalaga.
"Kasalanan ng babaeng 'yan kung bakit tayo napunta sa ganitong sitwasyon!" Dinuro ni Anita si Esperanza.
Lumakas ang bulong-bulungan sa paligid. Napakapit naman si Gilda sa braso ni Esperanza nang maramdaman nito ang paninigas ng dalaga.
"Kung may kasalanan man dito, ako 'yon. Ako kasi ang nagdala sa kaniya rito," matapang na sagot ni Isko.
Umingay uli ang paligid. Naglabas sila ng kani-kanilang opinyon.
Itinaas ni Ka Elmo ang mga kamay. "Magsitigil kayo! Walang mangyayari sa sisihan ninyo!"
"Nandito o wala si Esperanza, tayo pa rin ang tutugisin ng batas. Halatang binalak nila Marcial na gumawa ng masama at sa atin ibintang 'yon. Kaya namin kayo pinulong para balaan kayo." Tinitigan isa-isa ni Lucas ang mga naroon. "Mula ngayon, bawal maglakad nang mag-isa. Lalo na ang mga babae. Kailangan lagi may lalaki sa tabi n'yo dahil hindi natin alam kung kailan sasalakay ang grupo nina Marcial."
"Ay, mahabaging Diyos!" sabi ng matandang babae, sinabayan niya iyon ng pag-antanda.
"H'wag naman po sana," usal ng iba.
Niyakap ng mga nanay ang mga anak nila. Tumalas din ang mga mata ng ibang kalalakihan. Pakiramdam nila, bigla na lang susulpot ang grupo ni Marcial.
"Wala tayong dapat ikabahala sa mga sundalo. Hindi nila kayo gagalawin. Wala silang panganib na makikita sa inyo. Iisipin nilang karaniwang mamamayan lang kayo na mas piniling dito sa bundok manirahan. Kami lang ni Goyo"—tumingin si Lucas sa kanang-kamay niya at sa kasamahan niyang bandido—"ang kailangang umalis dito. Alam na namin kung saan kami magtatago hanggang sa makaalis sila."
"Mas manganganib ang buhay natin hanggang nandito ang babaeng 'yan!" sigaw ni Anita. Halos lumuwa ang mata nito sa galit. "Pag-iinitan tayo ng Marcial na 'yan 'pag nagmatyag sila at nakita dito ang babaeng 'yan. Tiyak na gaganti 'yon dahil naisahan sila! Naagaw sa kanila ang babaeng 'yan nang hindi nila natutunugan!"
"Mayroon nang nagbabantay sa buong paligid natin. Makakarating kaagad sa 'kin 'pag may nagmamanman sa atin. Pero para sa ikatatahimik ng lahat, hindi ko na palalabasin ng bahay si Esperanza." Matigas ang ekspresiyon ng mukha ni Lucas.
"Paano kung mga sundalo ang dumating? Makakatakas ka ba kaagad kung hila-hila mo ang babaeng 'yan?" sagot ni Anita.
Umingay uli ang mga tao. Karamihan sa kanila ay sumasang-ayon sa punto ni Anita.
"Tama si Anita, Lucas," sabat ni Ka Elmo. "Mas mapanganib kung nandito sa atin si Esperanza."
"Hindi s'ya aalis dito," mariing sabi ni Lucas.
"Lucas." Humarap si Goyo kay Lucas. Nakikiusap ang mga mata nito. Binibigyan siya nito ng pagkakataong mag- isip na naayon sa lohika. Mahinahon ang boses na sinabi nitong: "Ilalagay mo ba sa alanganin ang lahat ng buhay ng mga tao rito dahil lang kay Esperanza?"
Tumiim ang bagang ni Lucas. Nagtagis iyon sa tindi ng pagpigil ng emosyon nito. Sinulyapan nito si Esperanza. Kumonekta ang mata nito sa dalaga bago niya iniiwas ang paningin nito.
"Mas mabuti nga sigurong wala s'ya rito." Tumalikod si Lucas pagkasabi niyon.