Parang mabibiyak ang ulo ni Lucas. Epekto iyon ng kaniyang kalasingan kagabi. Gusto niyang magkape pero kailangan niyang lumabas agad ng bahay. Hindi niya matagalang kasama si Esperanza. Buhay na buhay kasi sa isip niya iyong panaginip na niroromansa niya ito.
Bumuntonghininga siya. Kahit sa pagtulog, ginugulo siya nang dalaga.
"O, ba't sambakol na naman 'yang mukha mo?" salubong na bati ni Goyo. Nakaupo ito sa hagdanan ng bahay nito. Nagkakape.
"May tira pa n'yang iniinom mo? Bigyan mo nga ako."
"Wala kayo nito sa inyo?" Nangangantiyaw ang mga mata nito. "Ah, alam ko na. Umalis ka agad ng bahay dahil may hindi ka matagalan. May tinatakbuhan ka."
Ilang taon na rin ang pinagsamahan nila ni Goyo. Pati likaw ng bituka niya kabisado na nito.
"Pakapehin mo muna ako, saka ka na manghula ng kung ano-ano."
"Hirap kasi sa 'yo, 'di mo pa pinatulan 'yong babae sa kabaret. Sana, kampante na 'yang alaga mo."
Pumupunta sila ni Goyo sa kabaret para makasagap ng balita. May mga naliligaw doon na puwedeng kunan ng impormasyon. Mayroon ding mga parokyanong pulis na kapag nalalasing, lumuluwag ang bibig at nagkukuwento.
Ayon sa babaeng nakausap nila, patuloy pa rin ang paghahanap kay Esperanza. Pero habang tumatagal, nawawalan na ng pag-asa ang mga awtoridad na mabawi ito. Wala rin daw natatanggap ang pamilya nito na humihingi ng pera kapalit ng pagsauli rito.
Siya pa rin ang hinihinalang kumuha kay Esperanza. Nakabase lang iyon sa hitsura niya nang inilarawan siya nina Isidora at Conchita. Pinalawak na ng kapulisan ang paghahanap sa grupo niya. Pati ang militar, pinakilos na rin.
Lumiliit ang mundo niya. Kailangan niyang kumilos bago matunton ng mga sundalo ang kanilang lugar.
Nalaman din ni Lucas ang totoong pagkatao nina Marcial. Pugante ang mga iyon na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Pagpatay, pagnanakaw at panggagahasa ang kaso ng mga iyon.
Napatiim-bagang si Lucas. Noon, ikinatuwa niya nang mabalitaan niyang dinukot si Esperanza. Iba na ngayon. Kahit siguro malaki ang kasalanan nito sa kaniya, hindi niya nanaisin na matulad ito sa mga nabiktima ng grupo ni Marcial.
"O, ngayon, para kang sinisilihan. Nag-iinit palagi," patuloy ni Goyo.
"Hindi babae ang ipinunta natin do'n."
"Hindi nga pero p'wede nating isingit 'yon, 'di ba? Tingnan mo ako," pagyayabang nito.
Naisip niya na rin iyon. Kung tutuusin, binalak niya talagang gawin iyon. Pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit wala siyang gana. Hindi niya lang siguro nagustuhan ang amoy na babaeng nakakunyapit sa leeg niya. Natipuhan pa naman siya ng babae. Hindi kasi siya nakabalatkayong matanda.
Tila naman nanunudyo ang memorya niya nang may maalala siyang mahinhing amoy. Masarap iyon sa ilong. Parang totoong sinamyo niya iyon habang nakadikit ang ilong niya sa leeg ni Esperanza.
"Wala lang akong gana. Marami akong iniisip," sagot ni Lucas.
"Tulad ni... Esperanza?"
Sinamaan niya ng tingin si Goyo.
"Gusto mo s'yang gantihan, 'di ba? Ba't 'di mo kunin ang mahalaga sa kaniya? Tikman mo s'ya." Tumaas ang dalawang kilay ni Goyo.
"Hindi ko ugaling ipilit ang sarili ko."
"Sino bang may sabing pipilitin mo s'ya? Mukhang may gusto rin sa 'yo 'yon. Narinig mo naman siguro kung ano'ng sinabi n'ya kahapon, 'di ba? Ibinabandera n'ya na may namagitan na sa inyo."
"Alam nating hindi totoo 'yon."
Numipis ang labi ni Goyo. Naiinis na ito. "Alam mo, sa inaasta mo, parang hindi lang libog ang nararamdaman mo. Parang may gusto ka na sa kaniya."
"Wala akong gusto ro'n!"
Umiling si Goyo. "Kunan na nga kita ng kape bago maubos pasensya ko."
Paakyat na sila ng bahay nang may sumigaw.
"Kuya Lucas!" sigaw ni Buboy.
"Bakit, Buboy?" Bumaba ng hagdan si Lucas, sinalubong si Buboy.
"Dumating na si Kuya Alfonso. Nakita kong sinusundan n'ya si Ate Esperanza," humahangos na sabi nito.
"Sa'n pupunta si Esperanza?"
"Sa ilog."
"Nakasunod si Isko sa kaniya?"
" Hindi, nagsisibak s'ya ng kahoy."
"Ba't iniwan mo si Esperanzang mag-isa? 'Di ba utos ko, dapat laging may nakasunod sa kaniya?"
Napakamot sa ulo si Buboy. "Sabi mo rin kasi, Kuya, kapag dumating si Kuya Alfonso, ipagbigay alam kaagad sa inyo. Pasensya na."
Nalaman niya kahapon kay Buboy na nawala rin si Alfonso makaraan lamang ng ilang oras mula nang bumaba sila ng bayan.
Tinapik niya sa balikat si Buboy. "Sige, ako nang bahala. Pero sa susunod, alamin mo kung ano'ng mas mahalaga." Umakma siyang aalis na.
"Lucas," tawag ni Goyo. "Pag-isipan mo 'yong sinabi ko sa 'yo. Ito na 'yong pagkakataon mo."
Tinanguan niya ito.
Nagmamadaling binagtas niya ang daan tungo sa ilog. Masama ang kutob niya kay Alfonso. Noong una niyang makilala ito, naramdaman niya agad na hindi ito puwedeng pagkatiwalaan. Wala nga lang siyang dahilan para tanggihan ang hinihinging tulong nito. Inapi raw ito at pinagkaitan ng hustisya. Maaaring nagsasabi ito ng totoo, o mahusay lang itong magsinungaling. Wala kasi siyang makitang butas sa kuwento nito.
May gusto ba si Alfonso kay Esperanza kaya nito sinundan ang dalaga? May iba pa bang pakay ito kay Esperanza?
Kung ano man ang dahilan, parehong nagpakulo iyon sa ulo ni Lucas.
"Alfonso!" tawag ni Lucas.
Nakaharap si Alfonso kay Esperanza, malapit ang distansiya nito sa dalaga. Parehong mababa ang boses ng dalawa, mukhang ayaw nilang iparinig sa iba ang pinag-uusapan nila.
Namula ang mukha ng dalaga pagkakita sa kaniya bago nito iniiwas ang paningin. Si Alfonso naman, balewalang humarap sa kaniya saka ngumisi.
"Lucas, 'di na ako magtatakang nakasunod ka agad. Bantay-sarado 'tong bihag mo. Siguradong may nagsumbong agad sa 'yo." Pinunasan nito ang gilid ng labi. "H'wag kang mag-alala, wala akong masamang hangarin kay Esperanza. Kinukumusta ko lang siya."
"Ako rin, gusto kitang kumustahin. Balita ko, umalis ka rin daw." Lumiit ang mga mata ni Lucas. "Tapatin mo nga ako, inaahas mo ba kami? Tinitiktikan mo ba kami?"
"Teka lang!" Tumaas ang dalawang kamay nito. "Kakampi n'yo ako. Kahit kailan, 'di ko inisip na traydurin kayo!"
"Sa'n ka nagpunta no'ng bumaba kami sa bayan?"
"Nasa paligid lang ako, nangaso. Kung gusto mo ng katibayan, punta ka sa bahay. Nando'n 'yong mga huli ko."
"Dahilan mo lang 'yon para hindi kami maghinala sa 'yo. P'wede kang mangaso habang nandito kami. Ba't mo itinaon no'ng wala kami?"
Hinilamos ni Alfonso ang palad sa mukha nito. Saka ito umiling, nakatungo ang ulo. Bumuga ito ng hangin. "Ganito talaga ugali ko. May oras na gusto kong mag-isa. Mag-isip." Tinitigan nito si Lucas, humihingi ng pang-unawa ang mga mata nito. "Dati maganda ang buhay ko, eh. Pero sa isang iglap, lahat 'yon biglang nagbago. Nawala 'yong mga mahal ko sa buhay. Natanggal ako sa trabaho. Nag-iisip ako kung may maganda pang buhay ang naghihintay sa akin. Para akong masisiraan ng bait kaya umalis ako. Nagkataon lang na 'yon din ang araw nang bumaba kayo sa bayan."
Matamang tinitigan ni Lucas ang lalaki. Inaarok kung nagsasabi ito ng totoo. Wala siyang makitang bahid ng panloloko sa mga mata ni Alfonso. Kung tutuusin, naiintindihan niya ang lalaki. Ganoon din kasi ang kalagayan niya. Pero hindi niya alam kung bakit malaki pa rin ang pagdududa niya sa sinseridad nito.
"Sa susunod, magpaalam ka kay Ka Elmo. Lalo't mawawala ka nang matagal."
Lumambot ang ekspresiyon sa mukha ni Alfonso. May lakip na pasasalamat ang ngiti nito. "Gagawin ko 'yon. Hindi ako nagsabi noon dahil hindi ko inaasahan na magtatagal ako. Na mas kailangan ko ng mahabang oras na pag-iisa." Humarap ito kay Esperanza. Kinuha nito ang kamay ng dalaga at dinampian ng halik iyon. "Magandang umaga uli sa 'yo, Esperanza. Masaya akong muli kang nakausap. Nasa tabi lang ako kung kailangan mo ng kaibigan."
Uminit ang ulo ni Lucas. Nairita siya sa huling sinabi nito. At mas lalong hindi niya nagustuhan ang pahalik-halik sa kamay na paalam nito.
"Natutuwa rin akong makita't makausap ka," tugon ni Esperanza.
Salubong ang kilay na nilapitan niya ang dalaga pagkaalis ni Alfonso. Napaatras ito pero tuloy pa rin ang paglapit niya. Nasukol si Esperanza nang bumangga ang likod nito sa puno. Sinunggaban niya ang kamay nitong hinalikan ni Alfonso. Mariing kiniskis ng palad niya ang kamay nito.
"Ba't hinayaan mong halikan ka n'yon? 'Di ba binalaan na kita na iwasan mo ang lalaking 'yon? Hindi 'yon p'wedeng pagkatiwalaan!"
"Mas mapagkakatiwalaan pa 'yon kaysa sa 'yo!"
"Ang tagal na nating magkasama sa bahay, pero wala kang p'wedeng ibato sa 'kin na binastos kita. Pero 'tong si Alfonso, minsan lang kayong magkita, hinayaan mo nang halikan ka!" Lumabas ang litid sa leeg niya. "Mas mapagkakatiwalaan ba 'yong gano'n? Gusto mong halikan din kita?"
"Ano bang pinagsasabi mo? Nababaliw ka na yata!"
Binawi nito ang kamay, pero mas humigpit ang hawak niya rito. Hinapit niya ito sa likod at hinilang palapit sa kaniya. Naghinang ang ibabang parte ng kanilang katawan. Sumilab ang init doon.
Tumingala si Esperanza. Mababakas sa mukha nito ang pagkabigla. Siguro, naramdaman nito ang nagpupumiglas na p*********i ni Lucas na tuwina'y naninigas kapag nagkakalapit sila ng dalaga. Tulad na lang ngayon. May naamoy rin siyang kakaiba sa hangin. Pagnanasa. Nagmumula iyon sa kaniya at sa kaharap niya.
Tinutuya sila ng tadhana. Lagi silang naggigirian, pero isang bagay ang tiyak na magkakasundo sila. Iyon ay kung tutugunan nila ang makamundong pagnanasa sa isa't isa.
Bakit ba pinaglalabanan niya iyon? Hindi siya dapat makonsensiya. Ang dalaga nga'y wala niyon nang pinatawan siya nito ng parusa.
Tikman mo na para makaganti ka.
Saglit lang nagtalo ang isip ni Lucas. Bumaba ang ulo niya. Pumaypay sa mukha niya ang mainit na hininga ng dalaga. Lalong pinagningas nito ang apoy na kanina pa naglalakbay sa loob ng kaniyang katawan.
NAHIGIT ni Esperanza ang kaniyang hininga nang matiyak niya ang intensiyon ni Lucas. Wala siyang magawa kung 'di ipikit ang mga mata.
Bakit ba pagdating sa lalaki, tinatakasan siya ng katinuan? Dapat lumaban siya pero hindi niya kaya.
Inangkin ni Lucas ang labi niya. Mapangahas ang mga halik nito. Hindi iyon katulad kagabi na mabagal. Banayad. Mapaglaro.
Halos isubo ni Lucas ang buong bibig niya. Hinawakan siya nito sa batok at parang nanggigil itong kinuyumos siya ng halik.
Napakapit siya sa dibdib ni Lucas. Nanghina kasi ang tuhod niya. Para namang naunawan siya nito. Isinandal siya nito sa puno sabay tukod ng tuhod nito sa pagitan ng kaniyang hita. Napaliyad siya kaya't kumayod ang kaselanan niya sa hita nito.
Hinawakan nito ang kaniyang dibdib. Sumigid sa kalamnan niya ang init mula sa palad ng binata kahit na humaharang dito ang damit na suot niya.
Dumaing siya sa sarap ng sensasyong dumadaloy sa kaniyang katawan. May katugon na ungol rin ang lumabas sa lalamunan ni Lucas.
Nakasentro kay Lucas ang lahat ng pandama niya. Pati ang pandinig niya, na kay Lucas lahat. Naririnig niya kahit mahinang ungol nito. Nasisiyahang ungol. Nasasarapan.
Kaya muntik niya nang hindi marinig ang tinig na iyon. Natigilan siya. Tumigas ang kaniyang katawan.
Nahalata kaagad ni Lucas ang pagbabagong iyon. Huminto ito at saglit nakiramdam. Napamura ito. Parang napasong binitiwan siya nito. Humarap ito sa paparating.
"Kuya Lucas!" tawag ni Buboy. Maya-maya'y tanaw na ito nang malagpasan nito ang matataas na d**o. "Mabuti't nahanapan mo si Ate. Nakasalubong ko rin si Kuya Alfonso."
"Tamang-tama ang dating mo. Paalis na rin ako," sabi ni Lucas.
Sinulyapan ni Lucas si Esperanza. Tinitigan. "Hindi mo pa sinabi sa 'kin kung ano'ng pinag-usapan n'yo ng lalaking 'yon."
Humalukipkip siya at niyakap ang sarili. Hindi pa rin siya nakakabawi sa pananalanta ni Lucas sa emosyon at katawan niya. Paanong nagawa nitong umakto nang normal? Samantalang siya, nanghihina pa rin.
Balewala ba rito ang pinagsaluhan nilang halik?
Lakas loob na sinalubong niya ang titig ni Lucas. "Kung ano'ng pinag-usapan namin, labas ka na roon." Humakbang siya para layuan ito.
Hinawakan siya nito sa braso. "Makinig ka sa 'kin. Hindi ko alam ang totoong pagkatao ni Alfonso. Ang alam ko lang, hindi siya p'wedeng pagkatiwalaan."
Tumawa siya ng pagak. "Ikaw, p'wede ba kitang pagkatiwalaan? Hindi rin naman kita kilala, 'di ba?"
Numipis ang labi nito. "Wala ka nga sigurong dapat pagkatiwalaan dito, dahil karamihan sa amin, may mga pagkakasala sa batas. Pero mag-ingat ka lang, baka sa pagpili mo, mapunta ka sa mas demonyo." Tinalikuran siya nito. "Buboy, ikaw nang bahala rito."
Kanino nga ba siya lalapit? Kay Lucas na alam niyang may atraso siya? O, kay Alfonso?
Handang tumulong sa kaniya si Alfonso. Magpasabi lang daw siya at itatakas siya nito kahit kailan.