NAGING tahimik sa kanilang mesang kinauupuan sa paglapag ng serbedora sa karneng kanilang kakainin. Sa naging usapan nila't galit na mukha ng batang lalaki, walang nagsalita sa kanila. Nanatiling tikom ang bibig ng bawat isa sa pagsisimula nilang kumain. Tanging pagtama ng kubyertos ang nag-uusap. Sa pagkagat niya sa karne ay nalusaw lamang iyon sa loob ng kaniyang bibig na nagtulak sa kaniya na pumikit upang lasapin ang katas niyon. Kailanman ay hindi siya nakakain ng karne na katulad ng kinakain nila nang sandaling iyon sa pinanggalingan niyang mundo. Sa takaw niya ay isang hiwa na lang maaubos niya na ang karne sa pinggan na kahoy. Naimulat niya lamang ang kaniyang mata nang marinig niyang kumilos ang batang lalaki sa kaniyang tabi. Ibinaba nito ang hawak na kutsara na gumawa ng ingay s

