BAGONG SIMULA‼️

1934 Words
NILISAN ko ang aming bayan sa gabi ring iyon. Umalis ako sa aking lugar baon ang bagong pag-asa at kapanatagan. Alam kong mahirap makipagsapalaran sa magulo at maingay na siyudad, ngunit handa na akong harapin ang naghihintay sa aking kapalaran sa Maynila. Alam kong gagabayan ako ng maykapal sa aking pakikipagsapalaran. Habang sakay kami ng Bus, papuntang Maynila ay tila gumagaan ang pakiramdam ko. Para akong isang bilanggo na biglang nakalaya, dahil sa sayang nararamdaman ko. Kahit hindi ko pa alam kung anong buhay ang naghihintay sa akin sa Maynila. Tanging dasal na lamang ang aking sandata, para matagpuan ko ang tamang landas patungo sa mga taong may mabubuting kalooban. "Joy, malayo pa ang Maynila. Matulog ka muna, para makapagpahinga ka." saad sa akin ni Ate. "Hindi kasi ako inaantok, Ate." sagot ko. "Pilitin mong matulog, para hindi ka makaramdam ng pagkahilo. Baka mamaya, masuka ka." muli niyang paalala sa akin. "Sige, ate, pipikit na lang ako." tumango lang siya sa akin. Hindi naman niya makikita kung naka pikit ako o hindi, dahil naka suot naman ako ng sunglasses, at may tela akong inilagay sa aking ulo. Balot na balot ang mukha ko, para hindi mahalata ang mga pasa at sugat na natamo ko, mula sa mag iinang demonyo. May facemask din akong suot, para maitago ko ang malaking pasa sa magkabilang pisngi ko. Pumutok din ang labi ko, kaya hirap ako ngayon na kumain. Hindi ko namalayan ang paglipas ng mga oras. Nakatulog ako ng mahimbing dito sa aking upuan. Salamat kay, ate, dahil sa ibinigay niyang unan sa leeg na gamit ko ngayon. Nakatulog akong hindi nangangalay ang aking leeg. UMAGA na kami nakarating ng Maynila. Pagbaba namin sa Terminal ay naka abang na ang driver ng agency, kung saan siya nagtatrabaho. May tatlong kababaehan pa kaming kasama na lumuwas ng Maynila. Mas matanda lang yata sila sa akin ng dalawang taon. Sa ibang bayan sila galing, kaya hindi ko sila kilala. Sumakay kami sa isang van, para ihatid kami sa agency, May sariling boarding house daw ang agency namin kaya doon kami pansamantalang titira, habang hinihinatay na makuha kami ng mga magiging mga amo namin. Nakakalula ang mga nagtataasang building na nadadaanan namin. Lahat kaming magkakasama ay nakatanaw sa labas ng bintana ng van. Sa pinanggalingan namin na probinsya ay walang matataas na building. Kahit pa sa mismong city ay wala kang makikita na sobrang taas na kagaya ng mga nakikita ko. Pagkapasok ng van sa parking lot ay agad kaming bumaba, para agad na makapasok sa loob. Sa back door kami dumaan, para hindi kami agad makita ng mga client sa loob ng opisina. Pinakain din kami kaagad pagdating namin dito sa boarding house. May dalawang babae kaming nadatnan sa loob, kaya sila lahat ang nag prepare ng pagkain namin. Pagkatapos naming mananghalian ay kinausap na kami ng may ari ng agency. Pina fill-up kami ng Bio Data namin, para sa aming mga application. Kinuhaan ng pictures ang mga kasama ko, maliban sa akin. Pero binigyan naman ako ng mga gamot at cream na ipapahid sa mga pasa at sugat ko, para mabilis gumaling ang mga ito. Isang linggo akong nanatili sa agency, bago ako sinundo ng magiging amo ko. Mayaman ang pamilya ng mga amo ko. Three Storey mansion ang kanilang bahay at may malawak na garden, at swimming pool. Pero marami daw kaming magkakasama sa bahay, sabi ni Madam Emily. Si Madam Emily ang kumuha sa akin, dahil kailangan daw nila nang kapalit sa nag asawang kasambahay nila. Paglilinis ng mga kuwarto sa second floor ang sinabi nilang trabaho ko. May kanya-kanya daw gawain ang mga kasambahay, kaya kung ano ang naka toka sa akin ay iyon lamang ang gagawin ko. Pagdating namin sa bahay ni Madam Emily ay para akong malulula sa laki at lawak nito. Agad naman akong ipinakilala ni Madam Emily sa mga kasama ko. "Joy, magmula ngayon ay ito na ang magiging tahanan mo. Lahat ng nakatira dito ay parte na nang pamilya namin, kaya mula din sa araw na ito ay parte kana ng pamilya namin." saad sa akin ni Madam Emily. "Huwag kang mahihiyang magsabi sa amin kung may kailangan ka o kaya'y problema. Kung wala naman kaming mag asawa dito sa Pilipinas ay kay Ate Maring ka lang magsabi." muling pahayag sa akin ni Madam Emily. Kahit ngayon ko lang nakita at nakausap si Madam Emily, alam ko, isa siyang mabuting tao. Sa kabila ng kanilang yaman ay nananatiling mapagpakumbaba siya sa mga tao sa paligid niya. Nakikita ko rin kung gaano siya kamahal ng mga kasambahay. Kita rin sa mga mukha nila ang saya kahit napakalaki ng bahay na pinaglilingkuran nila. Nasabi din ni Madam Emily sa akin kanina na sila lang ni Sir James ang nakatira sa bahay nila. May sariling bahay daw ang dalawang mga anak nila na may asawa na, at ang bunso naman daw ay nasa ibang bansa. Malimit din daw silang pumunta sa iba't-ibang mga bansa ni Sir James, dahil sa mga negosyo ng kanilang pamilya. Kaya kami-kami lang na mga kasambahay ang nakatira sa malaking bahay. Tuwang tuwa naman ang mga kasama kong kasambahay, dahil sa pagdating ko sa bahay na ito. Pang apat ako na kasambahay. May dalawang hardenero, at dalawang guwardya din sila. Mukha silang mababait, kaya panatag ang loob ko na mas magiging maayos ang buhay ko dito, kompara sa naging kapalaran ko sa kamay ng sarili kong Tiyahin. "Maraming-maraming salamat po, Madam Emily." saad ko. Naramdaman ko rin ang pag init nang gilid ng aking mga mata. Naiiyak ako, dahil sa malugod nilang pagtanggap sa akin. "Oh, bakit ka umiiyak? May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?" Pinahid ko ang luhang naglandas sa aking mukha. Tumingin ako kay Madam Emily, at ngumiti ako sa kanya. "Masaya lang po ako, Madam, kaya ako naiiyak. Mula kasi noong mam@t@y ang Papa ko, wala na rin nagpahalaga sa akin." tugon ko. Biglang lumamlam ang mga mata ni Madam Emily. Kita ko sa kanyang mukha ang awa sa akin. Sinabi kasi sa kanya ng agent ko ang dahilan ng pagkakaroon ko ng mga pasa at sugat. Hanggang ngayon kasi ay halata pa rin ang mga pasa ko sa mukha. Nangingitim din ang mga pilat ko, gawa ng mga kalmot at sugat na gawa ng takong ng sapatos nina Nadine at Laila. "Mula ngayon ay wala nang mananakit sayo, Joy. Habang nasa poder ka namin ay hinding hindi mo na mararanasan ang kalupitan at hirap. Puwede kang mag simula ulit, Joy. Bata ka pa, marami pang magagandang bagay ang naghihintay sa iyo. Huwag kang mawalan ng pag asa sa buhay. Tutulungan ka namin para makapag simula ka ulit sa iyong buhay." saad sa akin ni Madam Emily. Niyakap din niya ako at hinaplos ang aking likod. "Ate Maring, ihatid mo na si Joy sa magiging kuwarto niya. Hayaan muna ninyo siyang magpahinga ngayon. Bukas na siya magsisimulang magtrabaho." habilin niya kay Aling Maring. "Masusunod, Madam Emily!" tugon nito. "Halika, anak, sumunod ka sa akin." pagyaya naman sa akin ni Aling Maring. Sumunod ako kay Aling Maring, patungo sa may kusina. Lumabas pa kami mula sa dirty ketchen at dinaanan ang laundry area. Nasa pinaka likod ng mansion ang bahay na para sa mga kasambahay. Para itong malaking bahay na maraming kuwarto. May sariling sala at kusina na kompleto sa mga gamit. "Dito tayong lahat titira, anak. Tag iisa tayo ng kuwarto at banyo dito, kaya hindi mo na kailangang maghintay sa iba para gumamit ng palikuran. Sa umaga, kailangang gumising tayo ng maaga. Alas sais ng umaga, kailangan nasa mansion na tayo at nagsisimulang maghanda ng agahan. Pagsapit naman ng alas otso ng umaga ay kailangan na ninyong magtrabaho sa kung saan kayo naka assign. Pagsapit ng alas onse ng umaga ay muli tayong maghahanda ng pananghalian. Pagkakain natin ay magpapahinga tayo hanggang alas dos ng hapon, saka muling babalik sa trabaho kung may hindi pa natapos. Pero kung tapos na ay puwede kayong tumambay sa kusina. Alas singko ng hapon ay muli na naman tayong maghahanda para sa hapunan. Alas otso naman ng gabi ang oras ng pahinga natin. Babalik tayong lahat dito sa bahay, para magpahinga ng maaga. Puwede rin kayong manuod ng television, hanggang alas dyes ng gabi." mahabang pahayag ni Aling Maring. Mabuti pa dito, may oras ang trabaho, pagkain, at pahinga. Hindi kagaya noong nasa probinsya pa ako, halos wala akong pahinga sa katatrabaho. Kahit tubig na iinumin ng mag iina ay sa akin pa iasa. Kapag pabagal bagal kang kumilos ay marami pa akong maririnig na masasakit na salita. Masasaktan pa ako at paparusahan, kapag hindi ko sila sinunod. "Maraming salamat po, Aling Maring. Kahit hindi niyo ako kaanu ano ay pinapakitaan niyo ako ng kabutihan." pasalamat ko kay Aling Maring. Muli na naman nag unahan sa pag patak ang luha ko, dahil muli ko na namang na alala ang naging buhay ko sa probinsya. "Magpahinga kana muna, anak. Hahatiran kana lang namin ng hapunan mo dito mamaya ha! Huwag mo na munang isipin ang mga problema mo. Sa bahay na ito ay walang puwang ang lungkot at mga problema. Isa na tayong pamilya ngayon, kaya sanayin mo na ang sarili mong maging masaya." saad sa akin ni Aling Maring. "Nasa cabinet nga pala ang mga uniform na gagamitin mong mag trabaho, anak. Lahat ng mga gamit na narito sa loob ng kuwarto mo ay para sayo. Gamitin mo lahat ang mga iyan. Wala yang bayad." pahabol pa niya, bago siya tuluyang umalis. Binuksan ko ang mga cabinet at drawer, para makita ko kung anong laman ng mga ito. Kompleto nga sa mga damit ang malaking cabinet dito. Mula sa mga panloob na puro mga bago, damit pang labas at pang bahay. Mayroon din pantulog at mga uniform pangtrabaho. Pitong set ang uniform na naka hanger dito. Bawat araw ay ibang uniform ang isusuot. May nakalagay na araw kung kailan isusuot ang mga ito. May ilang pares nang sapatos at tsenilas din dito sa gilid, kaya tinanggal ko ang suot kong sapatos na bigay ni Tiyang Caring sa akin at sinuot ko ang isang pares na tsinelas. Muli akong napaluha, dahil sa tuwa kong makapag suot ng bagong tsinelas. Puro mga pudpod ang mga tsinelas na sinusuot ko sa amin, dahil wala naman akong pambili ng bago. Magkaiba pa nga ang dahon, dahil napigtas na ang isa noon. Lagi kong nilalagyan ng alambre ang ilalim para magamit ko pa rin na pansapin sa paa. Ayaw din akong bigyan nila Tiyang Magda ng mga pinaglumaan nila. Tinatago lang nila sa isang kahon ang mga sapatos at tsinelas na hindi na nila ginagamit. Inilabas ko rin ang laman ng dala kong bag. Inilagay ko na rin sa loob ng cabinet ang mga pabaong damit sa akin ni Tiyang Caring. Ang mga dala kong mahahalagang papeles ay inilagay ko sa isang drawer dito sa loob ng cabinet ko. Ipinatong ko naman sa ibabaw ng side table ko ang mga picture frame na dala ko. Ang mga larawang naka album ay inilagay ko sa loob ng drawer nito. Umupo ako sa kama at hinaplos ito. Ang lambot nito at mukhang kay sarap higaan. Mas malambot pa itong kamang ito, kaysa sa dati kong kama noon na inangkin ng mga pinsan ko. Ilang taon akong nagtiis matulog sa matigas na papag na tanging banig lang ang sapin. Nagmistula akong alipin sa sarili kong tahanan. Ginawang alipin ng mga taong dapat ay nagmamahal at nag alaga sa akin. Balang araw, babalik ako sa lugar namin para bawiin ang para sa akin. Hindi man ngayon, pero balang araw kapag tuluyan ko nang naibangon ang sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD