Hapon, dalawang oras bago dumayo kina Rosa, nakaupo si Mikael sa kama’t sinusubukan (na naman) buksan ang cellphone, kesyo kung nagawa nilang makabalik sa nakaraan ano ba naman ang himalang ito’y gumana pagkaraan ng mahigit isang buwan.
Subalit tulad ng paghihintay tumunog sa alas dose ang kampana, bigo ito mangyari. Gaano na lang kaya kawindang ang mga tao kung sakaling makakuha siya ng larawan o aktwal na footage sa panahon na `to. Sapat na ba ang bakya, panyo’t abaniko bilang ebidensya? Mas mainam siguro kung may nakaukit o nakasulat dito na taong 1846, para hindi maparatangang imitasyon lang ang mga pasalubong mula sa nakaraan.
At kung hindi pa rin sila makumbinsi, wala na siyang ibang alas kung `di ipakita ang kalachuching inipit niya sa casing ng cellphone, ang parehong kalachuching inakyat ni Felix na sanhi ng gasgas niyang palad. Tatlong talulot lang ng bulaklak ang kanyang inipit at ang natira’y inipit sa kama at sa loob ng unan para ito’y bumango.
`Yon lang ang mga baon niya pag-uwi. Kung makauwi.
Hanggang sa mapangiti na naman si Mikael nang ilapit niya sa ilong ang isang talulot. Hindi niya kailanman inakalang may mag-aalay sa kanya ng bulaklak gawa nga ng siya ay lalaki at inaasahan ng lipunan na silang mga lalaki ang tagabigay, hindi ang tagatanggap. Ayaw man niyang aminin, pero kinilig siya sa gesture. May takot, oo, pero himalang walang pandidiri.
Naudlot lang ang kanyang pagmuni-muni nang bumagsak mula sa silya ni Felix ang nilililok na “ari”, hango raw kuno sa kanya. Nilapitan ito ng aso, inamoy at pinagkamalang buto.
“Psshh! Nimpa, tigilan mo `yan!” Sinaway niya ang alaga pero imbes na tantanan, winasiwas ni Nimpa ang buntot at pinagpatuloy ang pagngatngat.
‘ Ito na nga lang ang souvenir ni Felix sa nakaraan, kakagatan pa ni Nimpa.’ Napailing si Mikael. Pero kung siya lang din ang masusunod, hindi niya ito isasama sa pag-uwi, ano pa’t sa simbahan pala siya tumutuloy. At hindi niya rin maaatim na iwan ito rito baka kung ano pa maisip ni Mang Cardino. Ang alam kasi ng ginoo pigura ng kalabaw ang kanyang nilililok.
Dahil may utang na loob (sa mga binili sa kanya ni Felix), sinubukan niyang agawin ang bagay na iyon kay Nimpa. Sa kasamaang palad, inakala ng aso na siya’y nakikipaglaro kaya hinigpitan nito ang sakmal sa obra.
“Nimpa, pakawalan mo! Hindi `to laruan!”
Dalawang kamay na ang paghablot niya sa bagay subalit nahirapan pa rin siyang kunin gawa ng balot ito ng laway. Hindi niya akalaing may pagkatuso pala ang aso dahil itong kapit na kapit na si Mikael saka naman ito pinakawalan ni Nimpa. Dumausdos siya sa sahig na sa sobrang lakas ay napadagundong niya ang itaas.
Madali siyang binaba ng lalaking may nakaipit na pangkulot sa buhok (tulad ng ginamit sa kanya ni Victoria) at may ekspresyong hindi niya mawari. Lumapit si Felix, dahan-dahan, ang mata’y salitang nakatingin kay Mikael at sa hawak nitong bagay.
“Tatayo ka lang ba diyan?” Si Mikael. “Ba’t `di mo kaya ako tulungan?”
“Papaano ko tutulungan ang isang taong ginamit ang aking obra para paligayahin ang sarili.”
“Paligayahin ang sarili? Pinagsasabi mo?” Binaling ni Mikael ang tingin sa tinuro ng lalaki’t nanlaki ang mata. “Hoy, mali ka ng inaakala!”
Sinara ni Felix ang pinto’t bumalik sa taas. ‘Ang walang hiya. Ako na nga `tong tumulong, pagbibintangan pa!’ Binato ni Mikael ang kahoy sa lupa’t tumayo mag-isa. Bumalik si Felix, palapit sa kanya. Bubungangaan sana ni Mikael kung `di lang nahagip sa kamay ang bolo.
Pinulot ni Felix ang obra sa lupa. “Paano mo maipaliliwanag itong laway sa aking ‘ari’?”
Umurong si Mikael. “H-hindi ko laway `yan! Laway `yan ni Nimpa. Tignan mo, may mga kagat, `di ba? Tingin mo gano’n ako kabagot para ngatngatin `yan? Saka papa’no ko naman `yan magagawa ni hindi pa nga ako nakakasubo ng isa?”
Nilaglag ni Felix ang obra samantalang lubos naman ang pagsisi ni Mikael kung bakit pati iyon ay inamin. ‘May bolo kasi siyang dala,’ aniya sa sarili. “Seryoso ka ba? Tatagain mo `ko dahil lang sa kapirasong kahoy na `yon?”
Binakuran ni Felix si Mikael sa isang haligi, ang kamay nakasandig sa ibabaw ng nakapikit na lalaki. Naglakas-loob si Mikael silipin kung wala na siya; nandoon pa rin, ang labi poporma na sa pagngiti.
“Totoo ba ang sinabi mo?”
Napalagok si Mikael. “Oo, pangako! Totoo `yon. Wala pa akong nailalagay sa bibig ko na –” “Ibig kong sabihin kung totoo bang si Nimpa ang gumawa.”
“Oo, si Nimpa nga.” Lumuwag ang kanyang paghinga nang hilain ni Felix ang sarili.
“`Yon lang naman gusto kong malaman e.” Inikot niya ang bolo’t lumapit sa alagang pinagpatuloy ang ginagawang pagngatngat.
Gusto niyang sabihan si Nimpa na tumakbo na subalit kung gaano siya natigilan sa puwesto ganito rin naman siya kagitla para magsalita. ‘Nasiraan na ata ng bait si Felix!’
Tumingkayad ang binata sa harap ng aso, ang bolo nakatarak sa lupa’t pinangtungkod. Hinablot niya ang obra; ayaw sa kanya ibigay. Tinaas ni Felix ang patalim at bilang reflex, pinikit ni Mikael ang mga mata’t nalundag nang marinig ang pag-itak na sinundan ng iyak, bagay na nagpaisip kay Mikael na pinatay niya ang aso.
Inasahan niyang maglalaho na ang iyak anumang saglit, sa halip nasundan iyon ng masiglang pagtahol na ikinamulat niya ng mata. Ang obra pala ang initak ng binata – ang mahabang parte’y hinagis sa labas at pinahabol kay Nimpa, ang natira’y initsa sa silya.
Sinuntok niya si Felix sa braso. “Hayop ka! Tinakot mo `ko! `Kala ko may gagawin ka na!”
“Patawad na, mahal.” Lumapit si Felix, aktong manunuyo.
“Lumayo ka sa`kin.” Naupo si Mikael sa higaa’t pinasok ang cellphone sa bag.
Tumabi si Felix, bandang paanan ng kama. “Pero totoo `yong pinagtapat mo kanina? Na wala ka pang nasusubong –”
“Oo, kasi lalaki ako! Saka ba’t ko gagawin `yon?” “Hindi ka ba naku-curious?”
“Sa kabutihang palad, hindi.” Hindi pa.
“Sa babae nagawa mo na?” tanong ni Felix.
“Bakit ba interesado kang malaman?” Ginawa ni Mikael unan ang mga kamay at tumihaya. “Ikaw ba, nagawa mo na?”
“Oo,” sagot ni Felix. “Sa pareho.”
Nakailang kurap ng mata si Mikael. Para sa lalaking nagtra-trabahao sa simbahan, nakagugulat iyong malaman. ‘Hindi, baka naman nagawa niya `yon bago pa siya maging taga-bantay.’
“Kumusta naman karanasan mo?”
Bumuntong-hininga si Felix at ito’y sinariwa. “Alam mo `yong pakiramdam nang makatikim ka ng paborito mong atis?”
“Oo.” Hindi pa talaga nakatitikim si Mikael ng atis pero pinalit na lang niya ang paborito niyang pinya sa isip.
Tinuloy ni Felix. “E ang makatikim ng pulot sa unang pagkakataon hanggang sa iyo’y maging paborito?”
“Teka…” Kumurap si Mikael at inintindi. “Pero bago ang pulot, atis ang iyong paborito, tama?”
“Tama ka. At kalaunan, nadiskubre kong paborito ko rin pala ang pulot.” “Sabay mo silang gusto dahil pareho mo silang paborito, gano’n ba?”
Napahawak si Felix sa baba’t tumingala. “Hindi ko pa naranasang ipaghalo ang pulot sa atis o sabay itong kainin, pero kung ibibigay nila sa`kin ang consent... Sa realidad, hindi lang naman iisa ang paborito mong kainin, tama? Gano’n rin ako.”
Lumunok si Mikael nang maintindihan niya ang gusto nitong iparating. ‘Hindi lang siya sa isang kasarian, nahuhumaling.’ Nagkaro’n na ng linaw kay Mikael kung bakit may mga kilos si Felix na kwestiyonable.
“Ikaw? Ano bang gusto mong ilagay diyan sa bibig mo?” Umusog si Felix. “Ano ba talaga ang `yong paborito?”
“Halos lahat naman kasi kinakain ko e kaya wala akong paborito.” “Kahit man lang pinaglilihian, hinahanap-hanap ng panglasa, wala?”
Hinila ni Mikael ang sarili’t sumandal sa uluhan ng kama. “Wala. Hindi ako madaling magnasa e. Puwera na lang siguro kung napukaw nito ang puso ko, ang tiwala ko. May sense ba sinasabi ko?” Natawa si Mikael.
“Nangyari na ba sa`yo `yan? Napukaw na ba ang puso mo’t tiwala? May natikman ka na ba? Sa`yo may nakatikim na ba?”
Nahihiyang iniling ni Mikael ang ulo.
“O paano mo nalamang `yan ang kailangan mo para magkaroon ng paborito?”
Ipinatong ni Mikael ang ulo sa mga tuhod. “Sino nagsabing kailangan ko ng paborito?”
Tumitig si Felix. “Gusto mong matulad kay Mang Arturo?”
“Felix, may paborito si Mang Arturo. Ang kaso, nakikipitas lang siya sa bakuran ng may-bahay, isang beses sa isang linggo.” Gumaya na ng upo si Mikael sa lalaki’t sinuot ang tsinelas. “Hindi ako madaling ma-attract, Felix. At kung ma-attract man hindi dahil sa kasarian, kung `di dahil napukaw niya ang puso ko’t isipan. Magawa niya `yon kanya na ang aking katawan.”
“Ang hirap naman.” Napakamot siya ng ulo. “Wala bang kodigo `yan?”
Hinampas niya si Felix ng unan.
“Oh, dahan-dahan ang buhok ko.” Pinangsalag niya ang kamay.
Umakyat si Mikael sa mag-asawa. Nadatnan niya si Aling Corazon na nagsasalin ng i-a-ambag na pagkain sa pista, si Mang Cardino nasa usual niya na puwesto. Pinaalam niya ang pagpunta kay Mang Arturo para manghiram ng karwahe. Pinasuyo sa kanya ni Mang Cardino na papanhikin si Felix bago umalis.
“Tawag niyo raw ho ako?” si Felix, palapit sa sala kung nasaan si Mang Cardino.
“May damit ka na ba para sa pista?” “Ayos na ho sa`kin `to. Hindi na naman nila mapapansin ang mga butas pagkagat ng gabi.”
Inikot ni Mang Cardino ang katawan at may kinuha sa likuran ng upuan. Hinagis niya ito sa mababang lamesa. “`Isukat mo kung kasya sa`yo.”
Inangat ni Felix ang damit – koton at kakulay sa pinakamalalim na parte ng dagat. Dali-dali niya itong sinuot; hindi niya napigilang ngumiti. “Ang presko sa balat.”
Isinuot niya ang pambaba sa kwarter at pagbalik, si Mang Cardino naman ang ngumiti nang makita ang sarili sa binata noong kabataan niya – matikas, makarisma. Ang kaibahan lang nila’y hindi siya gumagayak hanggang `di nagtatabas ng balbas at bigote.
Tumayo si Mang Cardino’t may kinuha sa kwarto – isang sisidlan na naglalaman ng kanyang mga pampagwapo tulad ng suklay, pangtabas at salamin. “Sinagot ako ni Corazon dahil sa damit na `yan at dahil nagtabas ako.”
“Tingin niyo ho mapupukaw ko na puso’t isipan ni Engracio `pag nagtabas ako?” “Magnobyo na kayo, hindi ba? Hindi mo pa ba napupukaw?”
‘Sa realidad, hindi pa.’ sagot ni Felix sa isip sabay sambit ng, “Napukaw na. Pero hindi parati.”
Pumunta sa palikuran si Felix at tinabasan ang balbas at bigote. Kalalabas lang ng mag-ina sa kwarto ni Victoria at kung paano nakurap si Felix sa ayos ni Victoria, doble ang ganti ng dalawa nang siya ang makita.
“Felix, lalo kang gum`wapo’t kumisig!” “Gumanda ka naman.” “Hindi mo na kailangan sabihin. Alam ko `yan.”
Lahat sila’y tumawa hanggang sa humingi ng tulong ang ginang kay Felix tungkol sa dadalhin.
“Victoria! Felix! Andito na `ko!” sigaw ni Mikael samantalang sakay sa ibabaw ng kalabaw palapit sa bahay.
“Bakit ang tagal mo?” Sandaling sumilip ang dalaga’t bumaba nang may bitbit na buslo ng mga ‘puso’. “Inuban na kami kahihintay!”
Napapormang ‘o’ ang bibig ni Mikael sa ganda ng ayos ni Victoria na nakapulang checkered na saya na pinartner-an ng panyong headband. Lumundag si Mikael mula sa kalabaw at nagpagpag ng puwetan. “Mahirap magpasunod ng kalabaw, ano! Pero hayaan mong batiin kita… nagmukha ka ng tao!”
“Hulaan mo kung sino pa ang nagmukhang tao.” Bumaling si Victoria sa bintana kaya tumuran na rin si Mikael.
Laglag-panga niyang nagisnan ang lalaking mukhang Hollywood aktor na waring nag-shoot ng pelikula sa Pinas, may suot ng tipikal na kamisa na pinalitaw lalo ang kanyang kakisigan.
“Nagbalik ka na pala, mahal.” Ngumiti si Felix pero mabilis rin umalis.
Kinuha ni Mikael ang pagkakataong iyon upang lumunok at huminahon. Bumaba si Felix bitbit ang huling ambag sa pista, dumaan sa kanilang harapan at nagtanong. “O paano, halika na?”
“Halikan mo na.” Si Victoria.
“Sige ba.” Tinangka ni Felix lumapit.
“Magtigil nga kayong dalawa!” sigaw ni Mikael, paatras. “Hintayin niyo `ko magpalit.”
Pumasok si Mikael sa paliguan at muling sinuot ang damit na luminlang sa mata ni Felix bilang kasuotan ng anghel. Sakay na sa karwahe si Victoria nang siya’y bumalik; ang mga magulang nasa bintana. Kumaway sila’t humiling na magsaya at umuwi nang ligtas.
Kulay lumang papel ang langit nang sila’y umalis, kulay baga nang dumating sa Sto. Rosa. Pinababa ni Felix ang dalawa, bitbit ang pasalubong, bago igiya ang kalabaw sa malawak na pilapilan. Nang maitali na ito sa puno ng bayabas, inako ni Felix ang pagdala sa ‘puso’ at sabay-sabay na pumasok sa parisukat na komunidad na napalalamutian ng mga banderitas.
Biglang naalala ni Felix ang Sto. Cristo at ang mga banderitas na nakasabit sa mga poste. Pero kung gaano doon katahimik, gano’n naman ang iningay rito. Nagkalat ang mga tao sa liwasan – ang iba’y nagkakabit ng mala-capiz ball na pailaw, ang iba nagdudugtong ng mga lamesa, na sinasapinan naman ng dahon ng saging ng mga nakabuntot na ineng. Meroon rin mga nakatingala sa gitna ng liwasan, karamihan bata, na sumisigaw at pinanalanging makuha ng kanilang kalaro ang premyong nasa tuktok ng kawayan.
“Ano’ng tawag sa laro na `yan?” Kinalabit ni Mikael si Victoria nang hindi nalilingat ang tingin.
“Palosebo,” aniya. “Para makuha mo ang premyo sa tuktok kailangan mo `yang akyatin. Pero para hindi nila madaling makuha nilagyan nila ng pampadulas ang kawayan.”
“Mukhang masaya!”
“At mukhang makukuha na niya.” Tinuro ni Victoria ang bata na ilang sandali lang ay hawak na ang premyong balot sa pulang panyo. Hindi magkamayaw ang mga tao kahihiyaw ngunit mabilis rin napalitan ng hiyaw ng pagkasindak nang dumulas ang kamay ng bata’t hindi nakakapit.