Tulad ng karamihan, nasemento ang mga paa ni Mikael nang dumulas ang kamay ng bata sa tuktok ng kawayan. Binalot ng lamig ang katawan, ang binti nawalan ng lakas. Wala rin pinagkaiba si Victoria na sa sobrang gitla’y hindi napalagay na lamang ng kamay sa bibig.
Sa lahat ng naroon, tila ba si Felix lang ang hindi tinamaan ng kung anong imbisibol na kapangyarihan na pumipigil sa kanilang gumalaw. Nilapag niya ang buslo ng ‘puso’ sa lupa’t kumaripas ng takbo, umaasang maaabutan niya ang bata. Dadali sana ang kanyang pagsagip kung walang nakaharang na mga tao.
Hanggang sa dumagundong ang lupa pagkabulusok ng bata pababa. Napaiwas ng mukha ang mga tao. Ang iba humagulgol. Bakit parating may sakuna sa tuwing dadalo si Mikael ng pista? Ilang sandali lang, nawaglit ang kanilang atensyon sa isang aleng humiyaw. “Buhay ang bata!”
Tila ba ang pahayag na `yon ang lunas kung bakit sila ngayo’y nakagalaw at nakahinga nang maluwag. Dinumog ng mga tao ang direksyon ng pinagbagsakan. Pahapyaw nahagip ni Mikael ang nakaupong binata samantalang inuusisa ang kalagayan ng sinagip niyang bata.
Walang-tigil si Felix pinalakpakan ng mga tao habang inalalayang tumayo. Paika-ika niyang nilakad ang lugar ni Mikael at Victoria sa ngayo’y nadumihang kasuotan.
“Felix, ibang klase ka! Papa’no mo nagawang abutan ang pagbagsak ng bata?” Bati ni Victoria.
“Basta bumagal ang oras para sa`kin at wala akong ibang nakita kung `di `yong bata. Dalawang beses ng nangyari `to sa`kin; una ay sa simbahan.” Pupulutin sana ni Felix ang nilapg na buslo sa lupa subalit inunahan na ni Mikael.
“Ako na magdadala nito.” Nilabas niya ang berdeng panyo sa bulsa’t pinunasan ang dungis sa mukha ng binata. “Ang dumi mo. May rason na ako para `di ka isayaw.”
“Sobra ka naman, Engracio!” Lumiyad si Victoria, bagay na kinangisi ni Mikael. “Hindi ba dapat mas lalo mo pa siyang paunlakan dahil sa kanyang kabayanihan?”
“Sayaw o halik? Mamili ka sa dalawa,” ani Felix.
“Huwag mong gamitin `yang kabayanihan mo para makuha ang gusto.”
“Kahit isang halik lang.” Kinumpas ni Felix ang hintuturo’t ngumuso; hindi siya pinagbigyan.
Sinundan nila ang pinatunguhan ni Victoria hanggang lumabas sa isang bahay si Rosa, buhat ang pahabang platong naglalaman ng hiwa-hiwang pinya (ang paborito ni Mikael) at papaya. Pero higit sa kanyang dala, kapansin-pansin rin ang pagkakaterno ng suot nito kay Victoria – ang kanya’y kulay asul.
“Kumusta, Rosa?” Bumati si Felix. “Napakarikit niyo ngayong gabi.”
“Salamat, Felix.” Nilapag ni Rosa ang dala sa dulo ng pinagdugtong-dugtong na lamesa, hinikayat na rin ang dalawa na ilagay na rin ang mga dala. “Nasagap ko ang balitang may niligtas ka raw na bata. Nakamamangha ka. Pero nakakahinayang na pumunta ka rito na pormado para lang marumihan.”
“Alam mong pipiliin kong marumihan kaysa may madisgrasya sa gabi ng pista.”
Pinakilala ni Rosa ang tatlo sa ina’t kapatid, kahit si Mikael lang ang hindi pa talaga nila kilala. May mga ilalabas pa silang pagkain at nagkusa na si Mikael. Samntalang nasa hilera ng mahabang lamesa, inusisa niya ang ibang handa – galunggong na may kamatis, inihaw na bangus, tuyo, at ensalada. Sa kabilang dulo’y may bukayo at piling ng señyorita. Bago tawagin ni Victoria, nasaksihan pa niya ang paglalagay ng litson, pinaupong itik, pritong manok, at tinola sa gitna ng lamesa pati ang pagpapailaw sa mga lamparang bola.
“Grabe, para akong nasa Food Park,” sambit ni Mikael nang makabalik sa tatlo. “Ang kaibahan lang: dito walang bayad.”
“Diyan ba sa Food Park, nakikita mo tayong kumakain, nagtatawanan?” Tumiyad si Felix sa puwesto.
“Kumakain, nagtatawanan kasama ng dormmates, oo. Hindi ikaw.” “Pero nakikita mo ang posibilidad?”
Ang totoo, hindi talaga sumagi sa isip niya ang date nilang dalawa sa Food Park noon lang idagdag niya ang pahayag tungkol sa ‘posibilidad’ na nakita niya ang kamay na hawak ni Felix, naglalakad, nagtatawanan. Iniling niya ang ulo, ang mga mata ipinikit, pilit nilulusaw ang imahe.
“Nakikita mo, ano?” Nakangisi si Felix.
“Manahimik ka.” Kumatok si Mikael sa lamesang kahoy, tatlong beses, waring takot na magkatotoo.
Dinaos nila ang pista umaga pa lang, at tulad sa pista ng San Juan, nakaplano na rin ang mga aktibidad sa buong araw. Ang pagtatanghal ay ngayong gabi. Tutok si Mikael sa panonood ng mga iba’t-ibang sayaw tulad ng tinikling at pandango sa ilaw na nakikita niya lang tuwing pinagdiriwang ang Buwan ng Wika.
Bukod sa sayaw meroon rin tumula, nag-Balagtasan, at umawit – ang iba acapella, ang iba may saliw ng gitara, subalit pare-pareho lang nang lalim sa gamit ng Tagalog. Walang nagtanghal ang hindi niya pinalakpakan.
Pagkatapos ng tanghalan, naglabas sila ng mga de tuping lamesa’t bangko at gamit sa pagkain. Kanya-kanya silang bitbit ng plato sa harap ng pahabang lamesa. Isang ‘puso’, dalawang galunggong at maraming pinya ang nilagay ni Mikael sa plato; samantalang ang tatlo’y nakarating pa sa kabilang dulo bago saluhan ang binata sa lamesa.
Tulad sa unang dinaluhang pagtitipon, sinaliwan ng musika ang kanilang hapunan. Sa gulat ni Mikael, ang parehong grupo ng musikero ang tumugtog sa gabing ito. Mabuti na lang at nakatalikod ang puwesto niya. ‘Hindi nila ako dapat makita’ sa isip ni Mikael. ‘Sila lang ang nakakaalam na tumugtog siya ng plawta. Baka maisiwalat nila ito’t mabuko siya ni Felix na naglihim.’
“Teka, mahal, hindi ba ito `yong tugtog noon sa dinaluhan mong pagtitipon?” Bahagyang nakatagilid ang ulo ni Felix, pinakikinggan itong mabuti.
Napalagok si Mikael. “Hindi, ah. Marahil parehong masaya ang tempo pero iba ang tugtog noon.”
“Talaga ba?” Tinuloy ni Felix ang pagkain samantalang nakadungaw sa grupo. “Parang sila rin `yong tumugtog no’n e.”
“Hay, Felix ang kulit! Hindi nga sila `yon kasi kung sila `yon dapat may makikita kang tumutugtog diyan ng plawta,” ani Mikael. “May nakikita ka bang tumutugtog nito? `Di ba wala?”
“Bakit ganyan na lang karubdob kung sila’y iyong pasinungalingan?” Si Victoria.
Muling lumagok si Mikael. “E kasi `to e. Ang kulit e.”
Akala ni Mikael hindi na mangungulit pa si Felix patungkol sa mga musikero hanggang sa ipaalam ng huli ang sarili’t tumungo sa direksyon ng mga tumugtog.
“Ano’ng gagawin no’n?” tanong ni Rosa na siya rin tanong ng kinakabahang binata.
‘Huwag niya sabihing kukumpirmahin niya sinabi ko sa kanila? Mabubuking ako nito!’ Kumalma lang siya bahagya nang iabot ng ginoo ang gitara kay Felix, tinono bago sipatin ang puwesto ng tatlo.
“May mahaharana ata nang `di oras.”
“Magtigil ka nga, Victoria!” Kumatok si Mikael sa lamesa, sampung beses, hiniling na huwag magkatotoo. Pero ano pa nga ba aasahan sa lalaki kung hindi kahibangan. Tinungo ni Felix ang lamesa ng tatlo pagkaraan ng unang korus.
Sinubukang gumitgit ni Mikael sa tabi ni Rosa pero hinila siya lalo ni Victoria sa kanyang tabi; wala na tuloy siyang ibang alternatibo kung `di hilutin ang sentido sa sobrang hiya. Sinubukan niyang ibaling ang atensyon sa inawit ni Felix.
Ngayon niya lang narinig ang kantang Walang Iba at nakasisiguro siyang matagal na ito. Hindi niya gusto ang paulit-ulit nitong korus na may linyang, ‘Mahal kita, walang iba…’ `Di umano’y tinamad na mag-isip ng liriko ang komposer. Pero nang bigyan niya ito ng isa pang pagkakataon, napatitig siya sa lamesa’t nalaman ang saysay nito – na kung minsan ang tunay na damdamin ay nasasaad sa kaunting salita. Na kung minsan ang mukhang mababaw ay higit na malalim.
Pero ang tanong niya sa sarili, ‘Ako ba dapat ang alayan niya ng pag-ibig?’ Hindi niya na iyon nabigyan ng kasagutan nang palakpakan ng madla si Felix pagkatapos ng kanyang pagtatanghal.
Binalik ni Felix ang gitara’t yumuko bilang pasasalamat sa pagkakataong tumugtog. Bumalik siya sa tatlo at hiningi ang opinyon ni Mikael. “Nagustuhan mo ba, mahal?”
“Mas magugustuhan ko kung nanatili ka na lang doon sa kinatatayuan mo’t hindi na lumapit dito,” sabi ni Mikael. “Ano bang nakain mo’t naisipan mo `yong gawin?”
“Puwet ng manok ang huli kong kinain.” Kinumpas niya ang kamay sa plato. “Ikaw naman ang huli kong naisip.”
“Buti hindi mo napagbaliktad!” si Victoria bago tunggain ang tuba. Natawa ang dalawa maliban kay Mikael na namumula sa gigil.
Naghintay silang bumaba ang kinain bago itabi sa gilid ang lamesa’t makisayaw sa gitna ng liwasan. Marahil epekto ng tuba kung bakit nagsayaw si Felix ng freestyle, pero kung kailan si Mikael tawang-tawa, ano namang mangha ng madla sa kanilang nakita.
Dinahilan ni Mikael ang paghirit ng kinain para manatili sa lamesa. Napinto niya na ang pagpapalit ng tugtog mula sa maindak patungong mabagal kaya pasimpleng tumayo si Mikael para sana magtago sa bahay nila Rosa nang may kamay na lumapat sa kanyang balikat.
“Saan ka pupunta?”
Nahinto siya sa pagkilos at napalagok. “Sa palikuran. Iihi.”
“At sa eksaktong oras talaga na iimbitahan kitang sumayaw nang mabagal?” May senyales na siya ng pagkalasing.
“Felix, `di ba nagsayaw na tayo noong nakaraang gabi?”
“Pero may sugat kamay ko noon,” katwiran niya. “Hindi kita naisayaw nang maayos. Gusto ko ng pangalawang pagkakataon.”
Bumuntong-hininga si Mikael. “Paihiin mo muna ako.”
“Hihintayin kita dito.” Tinagayan ni Felix ang sarili ng tuba.
Pumasok si Mikael sa palikura’t ginawa ang sadya hanggang sa lumipad ang kanyang diwa noong tanghaling tinabihan siya ni Felix sa harap ng simbahaan at kung gaano niya sinuportahan ang pagdalo nito sa pagtitipon sa palengke. Hindi niya akalaing aaminin niya `to pero nagustuhan niya ang pagsasayaw nila sa kwarter sa ilalim ng asul na buwan.
At ngayon naman buo na desisyon niyang mkipagsayaw muli saka naman niya nadatnan si Felix na nakipagsayaw sa isang dalaga na kung si Victoria o Rosa lang sana’y hindi siya makararamdam ng inggit. Pero bakit siya naiinggit? Hindi ba dapat masaya na siya dahil wala ng aabala sa kanya? Maliligtas niya pa ang sarili sa kahihiyan.
Napatagay siya ng tuba nang `di oras dahil `di umano nakapagpapalimot daw ito ng kung ano-ano. Malamang madali lang nitong mabubura ang kanya – maliit na bagay lang naman ito e. Malapit lang sina Victoria’t Rosa sa pinagsasayawan ni Felix kaya noong makita ni Victoria ang pagsosolo ni Mikael sa lamesa, kinalabit niya ang lalaki’t tinuro ang lugar ng kanyang nobyo.
Pinaumanhin ni Felix ang sarili sa babae’t pumunta sa tapat ni Mikael na siyang nag-angat ng tingin mula sa nakalatag na palad patungo sa kanyang matang mas lalong namungay.
“Akala ko ba hihintayin mo `ko rito?” Si Mikael.
Napaabot si Felix ng batok. “’Yon nga ginagawa ko hanggang sa lapitan ako ni Ising. Kapatid niya `yong batang niligtas ko. Inalok niya `kong sumayaw – paraan niya raw ng pasasalamat. Hindi na `ko nakatanggi.”
“Gusto mo rin kasi.” “Ang totoo, ikaw talaga ang gusto niyang makasayaw. Pero dahil nagselos ako, sinabi kong magnobyo tayo. Nahiya na tuloy siyang lumapit at alukin kang makipagsayaw.”
“May sira ka talaga.” Umiling si Mikael.
Nang ilapat muli ni Felix ang kanyang kamay, tinanggap na ito ni Mikael at sumayaw. Nakatulong ang tuba para mawala ang kanyang agam-agam. Natanto ni Mikael na mas gusto niya ang pagsasayaw nila sa kwarter - `yong walang halong alak at mga taong nakatingin kaya nga pagkaraan ng isang kanta, pinaumanhin niya ang sarili’t hinanap iyong Ising at inalok magsayaw.
Tinanggap ito ng babae na hindi pinalagpas ang pagtatanong kung totoo nga ba ang salaysay ng nagligtas sa kanyang kapatid o hindi. Sa una’y nahirapan siya sa isasagot, pero tingin niya makabubuti kung sundan na lang ang naratibo ni Felix. “Oo, Ising, totoo ngang magkasintahan kami.”
Imbes na mandiri, namangha si Mikael na ito’y kanyang lubos na naunawaan. “May kapareho pala ang aking ama.”
Ang amang tinukoy niya ay ang kalaguyo ni Mang Arturo. At bagamat ngayon lang nagkakilala, pinakiusapan niya si Mikael na huwag isiwalat sa iba na may alam siya sa relasyon ng kanyang ama sa tiyo ni Victoria. Nangako si Mikael sa likod ng pagkagulat.
‘Hindi na pala bago sa mga Pilipino ang atraksyon sa kapwa lalaki’t kapwa babae kahit sa panahon na `to.’ Bagsak na sa lamesa sina Felix at Victoria pagkabalik niya sa lugar nila Rosa. Unti-unti ng nagliligpit ang kanyang mga ka-baryo kaya sa tingin ni Mikael oras na rin para sila’y umuwi.
Dahil mahihirapan sila kung gigisingin ang dalawa, kinuha na lang ni Mikael sa labas ang karwahe. Bagamat walang poste na mag-iilaw sa daan, sapat na ang liwanag na nagmumula sa buwan. Isa pa, napapaligiran rin ang lugar ng mga alitaptap na agad niyang ikinangiti.
Dinala ni Mikael ang kalabaw sa liwasan. Si Rosa na umakay kay Victoria’t pinahiga sa kaliwa ng karwahe, nakatalikod kay Felix sa kanan. Humalik si Rosa sa noo ni Victoria saka kumaway at humiling ng maayos na paglalakbay.
Gising pa ang magulang ni Victoria base sa sumasayaw na liwanag ng gasera sa may bintana, na siya rin binuksan ni Aling Corazon nang matunugan ang paglapit ng karwahe. Sandaling dumungaw si Mang Cardino ngunit pagkadaka’y bumaba rin para sa anak.
“Marami bang nainom si Victoria?”
“Mas marami ho kumpara sa`kin,” wika ni Mikael nang makababa sa kalabaw. Binuhol niya sa balon ang lubid.
“Hintayin mo ko riyan at tutulungan kita sa pagbuhat niyan,” ani Mang Cardino, karga ang anak paakyat ng hagdan.
“Huwag na ho kaya mag-abala. Kaya ko na `to.” Pinalo ni Mikael ang hita ng ‘nobyo’. “Kakaladkarin ko na lang.”
Natawa ang ginoo’t pinagpatuloy ang pag-akyat. Bumati muna si Aling Corazon ng ‘magandang gabi’ bago isara ang bintana’t patayin ang gasera. Hinila ni Mikael sa kamisa ang lalaki hanggang sa naiupo niya ito.
“Felix! Felix! Pilitin mong maglakad!”
Hindi niya ito nakausap nang matino. Gayunman, pinagsikapan pa rin ni Mikael akayin ang malaking bulas na lalaki. Pagewang –gewang silang pumasok ng kwarter. Sa halip na ibaba siya sa kawayang silya, gumawa siya ng eksepsyon sa gabing ito at siya’y pinaunlakan sa kama. Subalit nang ihiga niya ito’y nadamay siya ni Felix nang `di sinadya, dahilan para masubsob siya sa braso nito.
Hindi natuloy ang balak niyang paghila sa sarili nang daganan siya ng isang braso ni Felix at yapusin na parang stuffed toy. Sa ganoong kalagayan, kinuha na lamang niya ang oras upang pagmasdan ang napaka-interesanteng lalaki sa kanyang tabi, sinuklay ang buhok, nangiti. ‘Ngayon lang ako nasangkot sa kama ng may kasamang lalaki.’
Bigl siyang namula nang ito’y mapuna. ‘Mali ang titigan ka. Pilit niyang tinaas ang braso ni Felix hanggang sa siya’y makawala. Naupo siya sa silya at humanap ng komportableng puwesto nang maisara niya na ang mabibigat na talukap ng mata, pero hindi niya nagawa. At hindi niya nagawa dahil kumalembang ang kampana.
Kiniliti ng mga paru-paro ang kanyang kalamnan. Binigyan siya nito ng kakaibang sigla. Nagkumahog siyang isilid sa satchel ang bakya’t abaniko at pagkaraa’y niyugyog ang ‘nobyo’.
“Felix! Gising! Tumutunog na ang kampana! Makakaalis na tayo! Felix!”
Inilingkis ng lalaki ang katawan, humikab, nakipag-diyalogo sa kanya sa panaginip. “Ako rin, mahal, masaya akong kasama ka. Hindi kita iiwan. Proprotektahan kita. Pangako.”
May bumara sa kanyang lalamunan nang kanya itong marinig. Hindi niya alam kung hanggang kailan tatagal ang pagtunog ng kampana, kung hindi niya `to tatakbuhin baka magsara na lang ito bigla. Alam naman siguro ni Felix na hindi niya palalampasin ang pagkakataong makaalis dito. Maiintindihan naman niya siguro.
Pinunasan ni Mikael ang nanunubig niyang mga mata’t humarap sa direksyon ng pinto. Ngunit bago ito lapitan, tinitigan niya ang lalaki, hinaplos ang mukha’t humalik sa noo.
Tuluyan niyang sinara ang pinto.