Chapter 18

1733 Words
Ngumiwi si Felix nang masinagan ang mukha ng araw. Hinarang niya ang kamay at pilit inangat ang sarili. Kumuha siya ng sandali upang libutin ng tingin ang paligid - umimpis na ang usok sa sinigaang dahon sa harap-bahay; si Nimpa ang nagmanman. Masinop rin ang kanyang silya, ang klase ng pagkasinop na para bang may umalis. Naroon ang bakya’t abaniko, tinabi siguro ni Mikael upang hindi niya madaganan. Wala siyang ideya kung pa’no napadpad sa higaan ni ideya paano sila nakauwi. Bagamat karaniwan ng umiinom, ito ang unang pagkakataong nahuli siya ng gising. Lumabas si Felix. Sumilip siya sa kamalig sa tsansang makikita rito ang dalawa, subalit base sa timbang basa ng gatas at mga bakang tapos ng umunga, nakaalis na sila. ‘Sa palengke.’ Kumbinsi ni Felix sa sarili. ‘Sana sa palengke lang.’ Sa panaginip niya kasi’y tumunog ang kampana, ngunit sa sobrang kalasingan hindi siya makatakbo kaya iniwan siya nito’t sina Rosa’t Victoria na lang ang sinama. Sinara niya muli ang kamalig, naghilamos bago ipakita ang sarili sa mag-asawa, pasan ang kahihiyan. Nadatnan niya ang pagtataob ni Aling Corazon ng pagkain subalit nang makita siya’y hindi na itinuloy. “Felix, halika na rito. Lumamig na pagkain mo.” “Pasensya na po kung tinanghali ako.” Inabot ni Felix ang batok. “Hindi na po mauulit.” “Mas matibay pa sa inyo si Engracio sa inuman” Si Mang Cardino sa sala, naglililok. “Siya naghatid sa inyo kagabi, alam mo ba?” ‘Parang hindi ako matutunawan nito, ha.’ Inabot muli ni Felix ang batok. ‘Siya dapat ang nag-uwi sa kanila, hindi si Engracio. “Kumusta ho pala si Victoria?” “Kanina pa nasa palengke. Siya na muna umako ng trabaho mo,” ani Aling Corazon, kaharap ang mga hugasin. Namanata si Felix na siya na gagawa nito. ‘Pero si Victoria na mas marami pang nainom kaysa sa kanya nagawang magising nang maaga?’ Nailing siya. “Siya nga pala, lumabas ka ba noong hatinggabi?” tanong ng ginang bago tunggain ang baso. “Hindi po.” “Ah, marahil si Engracio `yon.” Tinuloy niya ang pag-inom. Lumunok si Felix. “Tumunog ho ba ang kampana?” “Oo!” May tono ng pagkamangha ang sagot ng ginang. “Nakapagtatakang bumagting iyon nang ganoong oras!” “Corazon, gumagawa ka na naman ng kwento. Tignan mo `yang kaharap mo.” Tumingin si Aling Corazon. “E nakagigimbal naman talaga! Saka hindi iyon kwento, Cardino. Pinupunasan ko pa si Victoria noong mangyari `yon.” Samantalang nagtatalo ang mag-asawa, wala sa sariling tinuloy ni Felix ang pagkain. ‘Umalis na si Mikael.’ Hinugasan niya ang mga plato pagkatapos. Sinigurado niya munang wala ng ipag-uutos ang dalawa bago bumalik sa kwarto’t mahiga sa kama ng kasama. Dating kasama. Nakapa niya ang talulot ng kalachuchi nang i-unan niya ang palad; tinapat niya ito sa mukha’t kalauna’y napatitig sa kisameng papag. ‘Mag-isa na uli ako sa nakaraan.’ Wala na siyang mananakawan ng tingin sa kanyang silya. Wala ng makikinig ng kanta niya. Wala na siyang kasama. Bagamat banaag sa lamlam ng mata ang lungkot, sumilay pa rin ang ngiti sa labi ni Felix dahil tanto niyang matagal ng pinapanalangin ni Mikael makabalik. ‘Nakadaupang-palad niya na marahil ang anghel na tinutukoy ko. Siguro ngayon alam niya ng nagsasabi ako ng totoo – na hindi ako hibang o kung hibang man ay sa kanya lang.’ Naudlot ang kanyang pagmuni-muni nang bigla na lang bumukas ang pinto’t masaksihan ang pagtaas-baba ng balikat ng dalaga, pawis at pagal. “Hindi ko makita si Engracio!” Umupo si Felix. “Huli ka na sa balita.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” “Tumunog ang kampana noong hatinggabi; bumalik na siya sa panahon namin.” “Hindi pa ba nawawala tama ng alak sa`yo?” “Siguro, kaya maaari bang iwan mo muna ako? Gusto kong –” Ginusot ni Victoria ang damit ng lalaki. “Felix, hindi ko alam pinagsasabi mo. Kasama ko si Engracio sa palengke. Nagpaalam lang siya na may bibilhin subalit isang oras na ang nakaraan hindi pa rin siya nabalik. Inaasahan kong marahil nauna na siya rito pero wala pala.” “Ibig sabihin, hindi siya umalis? Hindi niya ako iniwan?” Napahawak siya sa braso ni Victoria, ang mga mata’y mabilis na nag-iba-iba ng ekspresyon mula sa gulat papunta sa saya. “Ibig kong sabihin, siya’y nawawala!” Bumalik sa ayos ang kanyang tingin. Natauhan. “Saan mo siya huling nakita?” “Nasipat ko pa pagkaliwa niya sa looban. Ika niya, bibili raw siyang pulot para sa`yo.” Sinundan niya ng labas si Felix. “Hiramin mo kalabaw ni Tiyo!” “Kailangan kong magmadali!” Tinuloy ni Felix ang pagtakbo. Tatlong sentimo ang nakita ni Mikael sa palad nang tawagin ni Mang Cardino kaninang umaga. Para raw ito sa pag-uwi sa kanila nang ligtas kagabi. Balak niyang isauli ito sa ginoo nang maalalang nangongolekta nga pala si Felix ng mga antigong salapi. Naisip niyang ibigay na lang ito subalit nang makarating sa pamilihan mas may maganda siyang naisip. Hinintay niya munang matapos ang transaksyon ni Victoria kay Aling Liway saka nagpaalam bumili ng pulot. Gusto niyang bilhan ang lalaki kapalit sa paglibre niya ng bakya’t abaniko. Pinayagan siya ni Victoria. ‘Sandali lang `to,’ sambit pa niya. Subalit imbes na hintuan ang tindero ng pulot, nilagpasan niya ito upang mahabol ang nagmamadaling batang humingi sa kanya ng tulong, ang parehong batang nag-abot sa kanya ng bote ng gatas mula kay Tinyente Elgario. Nang mabawi ang hininga, huminto saglit si Mikael, ang kamay sa tuhod. Nilingon niya ang pinanggalingan – ang bahay kung saan ginanap ang pagtitipon at ang pamilihan. ‘Malayo na `to sa mga tao.’ Sa pagod, ang takbo niya’y naging lakad na lang at ang lakad niya’y naging maalinlangan samantalang lumalapit sa bungad ng gubat. May barung-barong sa gawing kanan nito; sa likod nito’y naroon ang bata, kumaway sa kanya. “Andito po ako!” “Sandali! Hintayin mo `ko riyan!” Tinahak niya ang pataas at lubak-lubak na daan. Ngunit bahagya siyang natigilan nang masaksihan sa damuhan ang nakadapang babae, ang buhok buhaghag, tila wala ng malay. Lumapit siya rito’t tumingkayad. “Ano’ng nangyari sa kanya?” Tinangka niyang hawiin ang buhok ng babae subalit isang lalaki mula sa likuran ang kumaladkad sa kanya paurong samantalang tinatakpan ang bibig at ilong ng pampatulog. Nanlaban si Mikael ngunit `di nagtagal nagmistulan na siyang lantang gulay. Laglag-panga’t tiwala na-estatw ang batang nakasaksi ng pangyayari, lalo na nang tumayo ang babae’t pagpag ang sarili. Nakakubli rin sa damit ang kanyang mukha tulad ng lalaki. Nahanap ng bata ang boses. “Ano pong gagawin niyo sa kanya?” “Wala ka ng pakialam,” sambit ng babae na sa higpit ng pagkakakubli sa mukha’y nagkaron ng distoryon sa boses. Pinulot niya ang tatlong sentimong nalaglag sa bulsa ni Mikael. Nilagay niya ito sa palad ng bata. “Heto bayad namin. Ngayon, umalis ka na!” Tila walang narinig ang paslit; nanatili lang itong nakatindig, hinintay na isa sa kanila’y may magsabing nagbibiro lang sila. Ngunit nang walang gumawa, kumaripas na ito nang takbo lalo na nang ipadyak ng lalaki ang paa sa lupa. Mula sa pagkakayuko, unti-unting nag-angat ng ulo si Mikael at marahang ibinukas ang mga mata. Nakaupo siya sa damuhan, tanaw ang barung-barong. May tumulo mula sa dulo ng kanyang buhok, nalaglag sa itaas ng labi. Inabot niya `to ng dila. Matamis. Itinuon niya ang atensyon sa sarili’t dali-daling nagpumiglas nang natutunang nakatali ang mga kamay niya sa likuran ng punong mangga. Balot ng pulot ang buo niyang katawan. Kinislot-kislot niya ang kamay ngunit tumigil rin nang humapdi ang pulso. Hindi pa sapat ang pulot para dumulas ito’t pakawalan ang sarili. “Tulong!” Ang paulit-ulit niyang sigaw na may kasamang paghikbi. Tumahan lang siya nang lumitaw ang isang lalaki sa likod ng barung-barong, may hawak na panungkit. Nalaman niyang ang panungkit ay upang bulabugin ang bahay ng mga bubuyog na nasa itaas lang ng punong pinagkakatalian niya. “Huwag! Huwag mong guluhin ang bahay!” Umigting lalo ang pagnanasa ni Mikael na makawala. Alam niyang oras na mahulog ito, walang sasantuhin ang mga bubuyog kahit gaano pa siya ka-inosente sa pangyayari. Matapos ng ilang beses na pagtatangka ng lalaki, nakakapit pa rin ang bahay ng mga bubuyog. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Mikael, ngunit bumalik ang kaba niya nang pumulot naman ito ng bato’t inasinta sa gilid. Ilang bubuyog ang lumabas sa una niyang pagbulabog. Pumulot uli ng bato ang lalaki, ngayon mas malaki. Nagawang pakawalan ni Mikael ang kanyang kanan at wala siyang inaksayang segundo para mapalaya ang kaliwa. Subalit sa kasamaang palad, kasabay ng kanyang paglaya ay ang pagbagsak ng bahay ng mga bubuyog sa tapat niya. Tumakbo si Mikael dahil ito na lang ang tangi niyang pagpipilian. May ibibilis pa sana siya kung hindi lang sa kasuotan niyang bumigat mula sa pulot na binuhos . Gayunman, buo pa rin ang desisyon niyang tumakbo. Natanto niya, tumakbo man siya o hindi makukuyog pa rin siya ng mga bubuyog. Puwera na lang kung hihingi siya ng lingap sa loob ng barung-barong. Sa normal na kondisyon, hindi niya gagawin ang pumasok sa hindi niya pamamahay, tulad rin ng agam-agam niyang magtago sa ilalim ng lamesa ng pari doon sa simbahan. Ngunit wala na siyang ibang alternatibo na mas madali kaysa rito kaya kahit labag sa kalooban, gumiray siya pakaliwa’t tinungo ang pinto. Sinandalan niya ito nang pigilan ang pagdumog. Swinerte siyang walang sumamang bubuyog pagkapasok. Pagkakalang ng kapirasong kahoy sa pinto, inusisa niya ang mga tusok sa katawan. Ang mga braso niya’y nagmistulang pulang brazo de mercedez. Sinilip niya mula sa nakababang bintana ang pagwewelga sa labas. ‘Kung nakaiintindi lang sila na hindi ako ang sumira.’ Samantalang naroon, inusisa ni Mikael ang nasa makitid na lamesa sa may bintana. May mga nakataob na garapon, kumpol ng kalamansi, okra, at iba pang ka-gulayan. Bandang kanan, sa loob ng buslo, maayos na nakahanay ang mga bote ng pulot. Kutob niyang bahay ito ng tindero ng pulot sa palengke. Sunod naman niyang inikutan ang lamesa sa gitna, kapareho ng kay Mang Arturo na may nakakabit ng upuan sa magkabilaan. May nakalatag ditong dahon ng saging. Nilundag niya ang lamesa, hinubad ang tsinelas, at nahiga rito. ‘Hindi ito mangyayari kung `di na ako nagdalawang-isip na umuwi.’ At totoo naman. Napakaliit nga ng tsansang putaktihin siya ng bubuyog o halayin ng Tinyente. Pero tinimbang niya ang mga paghihirap na ito sa kung gaano siya kasaya sa kanyang pananatili. Wala itong binatbat sa saya nang siya’y makaligo sa ilog, sa paggatas sa baka o sa pagsakay sa kalabaw. Wala itong kapantay sa saya kapag kasama niya ang hibang na lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD