Chapter 11

1914 Words
Napabangon si Victoria sa kasarapan ng paghiga nang makaramdam ng uhaw. Pero sa halip na diretsuhin ang kusina, sinilip niya muna sa awang ng bintana kung nauwi na ang dalawa. Nakatali sa balon ang kalabaw na sa kanyang kutob ay kararating lang. Sinara niya ang bintana’t sumalok na ng maiinom. Sa kanyang paglagok, naaninag niya ang magnobyong patungo sa paliguan. Humilig siya nang malinaw na masipat si Felix na taas ang tabing at si Engracio na pumasok dito na parang may iniindang sakit sa bagal ng paglalakad. Nang nasa loob na’y binaba ni Felix ang tabing saka tumungo sa direksyon ng kwarter, hagod ang buhok na animo’y may seryoso kung hindi delikadong nangyari sa pagtitipon. Ininom ni Victoria ang tubig samantalang tinatanong ang sarili, ‘Ano kayang nangyari?’ Bumalik si Felix, bitbit ang tuwalya’t pamalit ng kasama. Kinuha ito ni Engracio at base sa saglit na pagtigil nito sa harapa’y inutusan siya nitong mauna na sa kwarter. Sumunod si Felix pero halata sa mga yabag ang kagustuhan niyang manatili’t hintayin ang isa hanggang sa matapos. Hindi na rin nahintay ni Victoria ang paglabas ni Engracio nang dalawin na muli ng antok. ‘Bukas ko na lang sila kukumustahin.’ Alas kwatro kadalasan ang gising ni Victoria. Ang siste niya - pagkatapos magligpit ng higaan ay bababa para maligo. Sunod, gigisingin niya ang magnobyosaka gagawin ang trabaho. Kaya anong gulat niyang madatnan si Felix na nangalahati na sa pagkuha ng itlog, at base sa liwanag sa bintana ng kamalig, naggagatas na rin sa loob si Engracio. “Magandang umaga, Victoria,” bati ni Felix nang pumuwesto ang dalaga sa likuran, bitbit ang pangligo. “Papaanong ang aga niyo ngayon?” “Hindi kami nakatulog sa nainom namin na kape galing sa piging.” Tuloy-tuloy lang sa trabaho ang lalaki nang may dahilan siya para huwag tignan si Victoria. Hindi na muna nang-usisa pa ang dalaga’t tumuloy na sa paliguan. Nang matapos, dumiretso siya sa kamalig para masaksihan si Engracio na nakalimang puno na ng timba. Bagamat namangha, may kung ano sa lamlam ng mata ng binata ang inalala ni Victoria. Bukod dito, nakatali rin ang mga palad niya sa benda. “Napaano `yang kamay mo?” kumusta ni Victoria sa binata’t pinaglalagyan ng dayami ang buslo ng iba. “Nadulas kasi `ko paglabas sa pagtitipon, ginawa kong preno nang `di ako dumausdos hanggang baba.” “Kaya ba dumiretso ka ka`gad sa paliguan?” “Oo. Nadumihan rin kasi ako.” Pumasok si Victoria sa katabing kwadra nang may hilingin ang binata. “Victoria, kung puwede sana hiindi muna ako sasama sa`yo sa palengke. Bukod kasi sa iniinda ko’y wala pa `kong sapat na tulog. Ikaw na magpaalam sa magulang mo. Nahihiya kasi `ko e.” Sa lalim nga ng mata nito’t namumutlang kompleksyon, tama lang na hilingin niya ang pabor. “Sige, sige. Sasabihin ko.” Nang matapos sa gawain, dumiretso si Mikael sa kwarter at nagtalukbong sa kama. Hindi siya nakisalo sa agahan kaya binabaan na lang siya ni Felix ng pagkain. Dumating si Mang Arturo’t kinamusta ang kalabaw na ngumunguya ng dayami, umakyat para paunlakan ang alok na kape ni Mang Cardino. Tumulong si Felix sa pagkakarga ng mga produkto hanggang sa bilinan ni Victoria na magpaiwan na rin muna. “Asikasuhin mo na lang muna si Engracio. Pinaalam ko na kina Ama.” Nagpasalamat siya sa dalaga. Pagdating sa merkado’y sinalubong siya ng pagkaaligaga ng mga tao. At kung gaano si Victoria nangailangan ng detalye, ganoon rin si Aling Liway sa kanya. “Victoria!” Hindi magkamayaw ang tindera’t pinalapit siya nang mabilis sa puwesto. “Ano hong meron at tila `di kayo mapakali?” “Sinong hindi e ang bali-balita angTinyente patay na!” “Ho? Papa’no?” Lumaki ang kanyang mata. “Ang sabi raw, sinaksak samantalang si Engracio dinukot!” Nalito si Victoria. ‘Dinukot? E ligtas naman silang nakauwi kagabi, ha?’ Hindi niya alam kung anong totoo pero pinagpasalamat niyang hindi sumama ang binata dahil kung magkataon, matatadtad siya ng mga katanungan. Minabuti niyang ikubli ang nalalaman hanggang `di niya naririnig ang panig ng binata. “Kaya ho pala nang daanan ko sa kanila’y hindi nasagot. Dinukot ho pala.” Alibi ni Victoria. “Pero alam niyo ho ba kung bakit pinatay ang Tinyente?” “Si Engracio lang ang nakakaalam. Pero `yon ay kung buhay pa siya.” Iniwan ni Victoria si Aling Liway at dumiretso sa Tiyo na katatapos lang ilapag sa gilid ang mga produkto at binilinan itong huwag magbanggit ng kahit ano ukol sa magnobyo. Bumalik siya sa transaksyon na para bang walang inaalala, pero alam niyang pag-uwi ang magnobyo kaagad ang sasadyain niya. Nagtanong rin si Rosa tungkol kay Engracio pero maging sa kanya’y nilihim niya muna ito. Pagkauwi, binuksan ni Victoria ang pinto ng kwarter, hawak ang tuhod sa hingal. Nakaupo noon si Felix sa silyang kawayan, haplos ang noo, si Mikael sa kama nakatalikod. Kapwa sila nalingon sa kanyang pagpapakita. “Engracio, Felix, puwede ko ba kayong imbitahan sa labas?” Ikinumpas niya ang kamay upang sila’y sumunod. Hinila ni Mikael ang sarili’t tinignan si Felix na parehong napalagok. Tumungo sila sa niyugan sa kaliwa ng bahay, malayo sa pandinig ng mga magulang. “Ano’ng problema, Victoria?” tanong ni Mikael sa nakatalikod na babae. “Usap-usapan sa merkado patay na raw ang Tinyente, at ikaw raw ay tinangay ng rebelde.” Humarap si Victoria at nahuli ang muling pagbaba ng kanilang lalagukan. “Pero nakauwi ka rito. Patunay na hindi totoo ang kwento.” Kinagat ni Mikael ang labi’t tiningala si Felix. “Sinabi mo ba sa kanilang narito lang ako?” “Muntik na. Pero naisip kong kailangan ko munang marinig ang panig mo. Kaya para sa ikapapayapa ng utak ko, ano ba talaga ang nangyari?” Tinanguan ni Felix si Mikael, nagpahiwatig na sabihin na ang totoo. “Nakalabas na ako noon, Victoria. Handa na akong umuwi kaso naabutan ako ng Tinyente, pinipilit na sa kaniya na lang tumuloy. Magalang akong tumanggi subalit nang halikan niya ako sa leeg, sa tenga, nang wala kong permiso, nasuntok ko siya. Kinaladkad niya `ko sa isang sulok at...” Nahiya siyang ituloy pero nakuha agad ni Victoria ang karugtong. “Ginahasa ka?” Umiling si Mikael. “Pero mangyayari na sana iyon kung hindi...” Bumaling siya kay Felix. “Kung hindi ano?” “Kung hindi ko sinaksak ang Tinyente,” sagot ni Felix. Iniwan si Victoria ng kulay at nagitla. Hindi niya naisip na ang matulungi’t maasahang lalaki ay gagawa ng ganoong karumaldumal na bagay. “Pero Victoria, ginawa lang naman `yon ni Felix para -” “Hindi ko siya gustong paslangin.” Dinepensahan niya ang sarili. “Ang gusto ko lang mailigtas ko si Engracio mula sa pambababoy.” “Pero bakit hindi ka humingi ng saklolo?” tanong ni Victoria nang makaahon sa gulat. “Sino ba tinutukoy mo’ng hihingi niyan, si Engracio? E halos ikapigtas na nga niya ng litid ang paghingi ng tulong sa mga nasa itaas wala man lang nakarinig. Ako lang ang sumaklolo sa kanya sa mga oras na `yon. At sa mga oras na `yon, `yon lang ang sa tingin kong solusyon. “At dahil una pa lang napagkamalan na `kong rebelde, tinangay ko na si Engracio para pagtibayin ang kanilang hinala. Ayokong iligtas ang sarili samantalang siya’y maiiwan.” Tulad ni Victoria, ngayon lang din narinig ni Mikael ang rason ni Felix kung bakit niya iyon nagawa. Napangiti siya. “Nakakahindik ngang tunay ang ginawa mo, Felix.” Si Victoria. “At hindi kita masisisi dahil kung ako nasa kalagayan mo, hindi ko rin hahayaang magahasa ang mahal ko ano pa’t may magagawa ako.” “Subalit hindi ko na maibabalik ang buhay ng Tinyente.” Nag-iwas si Felix ng tingin. Nilapatan niya ng kamay ang lalaki. “Hindi ka naman pumatay dahil gusto mo. Mayroon kang pinaglaban.” “Pero inilagay ko pa rin ang sarili sa posisyon ng Diyos, Victoria. Ako ang humukom sa buhay niya.” “Tulad ng paglagay niya sa sarili sa posisyon ng demonyo nang halayin niya ang iyong nobyo.” Saglit na katahimikan sabay, “Patuloy itong babagabag sa`kin `pag hindi ako nangumpisal.” Ngayon lang nakuha ni Mikael sumabat. “Uhm, Felix, kung ang ibig sabihin mo’y pupunta ka sa simbahan para mangumpisal, tingin ko hindi magandang ideya `yan. No’ng magawi akong Sanctuario, Kastilang pari ang nangasiwa sa binyag. Kung ikukumpisal mo `yan baka sa halip na absweltuhan ay ituro ka pa.” “Hindi nagbubunyag ng mga kasalanan ang kumpisor,” sabi niya. “Kasama ito sa kanilang bokasyon.” “Pero hindi mo matatanggal ang posibilidad, Felix, dahil ang kinalaban mo’y sundalo ng Espanya, kalahi nila,” sabi ni Victoria. “Kung ikaw ang Prayle at ipagpalagay nating ikinumpisal sa`yo ng Tinyente ang ginawa nitong panghahalay. Oo, sa ngalan ng sakramento marahil patatawarin mo kasi kailangan at kasama sa bokasyon, pero sa puso mo alam mong hindi maiibsan ng isang Ama Namin at tatlong Aba Ginoo ang nararamdaman mo. Magnanasa ka ng hustisya. Gano’n rin sila.” Hindi na muling umimik si Felix bagkus ay tahimik na pinagnilayan ang kanilang suhestyon at rason. Bago sila bumalik sa bahay, humingi ng pabor si Mikael. “Victoria, pakiusap, huwag mo muna itong ipagsabi kanino, kahit sa mga magulang mo.” “Hindi ko mawari ang kahihinatnan natin pare-pareho kung ginawa ko iyon kanina sa merkado,” sabi niya. “Tayo lang makakaalam nito.” Bumalik sila sa bahay at pagkatapos mananghalian, ang dalawa’y pumasok sa kwarter na wala ng ilangan. Dito’y binigay na ni Mikael ang pasasalamat sa pagligtas ni Felix sa kanya. “Mabuti na lang nainip ka noo’t pumunta sa pinangyarihan.” “Ang totoo...” Umupo si Felix sa silya. “Kaya ako nagpunta roon ay dahil may narinig akong pagtugtog ng plawta. Gusto kong alamin kung ikaw ba `yon pero patapos na ito nang ako’y makarating.” “Hindi ako ang tumugtog, kung `di `yong isa sa apat na musikero.” Pinabulaanan ni Mikael ang hinala. “Bakit, iyon ba ang piyesa na naririnig mo sa anghel?” Sumandal si Felix sa upuan, bigo. “Hindi. Ang kanya’y hindi makamundo. Ang kanya’y `pag narinig mo, para kang hinehele, para kang nakatapak sa alapaap.” Lumuwag ang paghinga ni Mikael. Malayo iyon sa deskripsyon ng piyesang kanyang tinugtog. Katunayan, iyon ang piyesa ng Colatura na gagamitin sana sa Festival. Wala pa talaga siyang naaaral na piyesa para sa solo pero hindi na ngayon iyon mahalaga; nakabalik na marahil ng Colatura galing Australia. Maliban na lang kung mabalitaan niyang ito’y inatras sa ibang ‘date’. At alam ni Mikael na ‘okay’ na muli si Felix nang ito’y mangulit. “Subukan mo ngang tumugtog, please? Pangako, `pag pinarinig mo sa`kin pagtugtog mo, hindi na kita aalaskahin.” “Mas gusto ko kung ang kapalit ng pagtugtog ko’y pagbukas ng portal.” “E sinabi ko naman sa`yo `di ba? Tuwing hatinggabi lang nabukas at sa pagtunog lang ng kampana.” Inabot ni Mikael ang satchel at kinuha ang gintong plawta. “Ano kaya kung ikaw ang magpatugtog. Malay mo, ikaw pala ang anghel na tinutukoy mo.” Napalagok si Felix nang iitsa ni Mikael sa kanya ang plawta. “Talaga? Ipapagamit mo `to sa`kin?” “Puwede mong isangla kung gusto mo,” biro pa niya. Ngunit nang subukan ito ng lalaki, walang lumabas na tunog kahit anong pilit. Lumapit si Mikael at inusisa kung may nakalas ban a parte o ano kaya hindi ito tumutunog. Pero maliban sa disenyo, halos parehas lang naman ang istraktura ng gintong plawta sa ginagamit niya. At imposible ring peke-in ni Felix ang pagpapatunog gayong halos lumabas na ang litid nito kaiihip. “Siguro’y hindi `yan gumagana sa mga mortal na kagaya ko,” ani Felix. “Ikaw naman ang sumubok.” “Felix, kaya ko nga binigay sa`yo ay para alamin baka ikaw talaga ang anghel.” Sinilid ni Mikael ang plawta’t bumalik sa kama. “Sinubukan ko na ito noong araw na samahan mo si Victoria sa merkado. At tulad mo, wala rin nangyari. Hindi ko siya napatunog. ” “Ibig sabihin, hindi ka anghel?” “Tulad ng sabi ko sa’yo, normal na tao lang ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD