Chapter 12

1997 Words
“Kumusta pakiramdam niyo?” tanong ni Aling Corazon bago pa man humila ng upuan ang dalawa sa hapagkainan. Tinanong niya `to datapwat kita naman ang pagkaaliwalas sa kanilang mga mukha. Ang alam kasi ng ginang masama ang sikmura ng dalawa pagkatapos kumain ng marami noong gabi ng pagtitipon, na siya kaagad nilang kinagat. Wala silang alam tungkol sa totoong nangyari. “Salamat ho sa pag-aalala. Mabuti na po ang pakiramdam ko,” ani Mikael. “Kaya ko na hong sumama kay Victoria ngayong umaga.” Tumikhim si Felix. “Uh, mahal, tingin ko makabubuti kung pumirmi ka na muna rito; baka mabinat ka.” Pinalabas ni Mikael sa kabilang tenga ang suhestyon ng lalaki. Dalawang beses niya ng naranasang maiwan sa kwarter at natanto niyang mas gusto niya ang pagsama sa palengke. Kaya pagkatapos na pagkatapos, dumiretso siya sa baba at pumuwesto na sa likod-karwahe sakaling tangkaing unahan siya ni Felix. Sumunod ang dalawa kalaunan at pinangaralan si Mikael kung bakit hindi pa siya puwedeng magpakita. “Engracio, si Felix na lang muna ang sasama,” ani Victoria. “Pagkakaalam kasi ng mga naroroon tinugis ka. `Pag nakita ka nila, na ganyan pa kaligalig, baka putaktihin ka ng mga katanungan.” Pinag-isipan niyang mabuti kung may punto ba ang argumento ni Victoria. Masyado pa ngang delikado para sa kanya at hindi pa siya nakapaghahanda sa mga posibleng itanong kung saka-sakali. Kaya labag man sa loob niya’y bumaba si Mikael sa karwahe, humalukipkip sabay talikod. “O e `di sige, kayo na. Kayo na magsama.” Nahagip pa niya ang labas sa ilong na tawa ni Felix at ang paggulo ng huli sa kanyang buhok. “Huwag ka na magmaktol, mahal. Dadalhan na lang kita ng pasalubong.” “Bahala ka.” Bumalik si Mikael sa kwarter, nagkunwaring walang paki pero sa likod may `di maalis-alis na ngiti. Gusto niya ang paraan ng paghingi niya ng tawad. Sa mga awang ng dingding, sinilip niya ang dalawa na magkatapat sa likod-karwahe, waring nagbibigay si Victoria ng panuntunan. Hanggang sa kawayan na niya ang mga magulang sa itaas. Si Felix man ay kumaway pero may kung anong pumipigil sa kanyang gumanti ng kaway – siguro dahil sa hiya. Nang makahayo na ang karwahe, lumabas siya sa lungga’t inako kay aling Corazon ang pagwawalis sa harap-bahay. Humiram siya ng posporo’t nagsiga ng tuyong dahon tulad ng kanilang mga kapitbahay. Bumalik siya sa kwarter nang matapos at naisipang magligpit. Naglilinis siya sa paligid ng silyang tulugan ni Felix nang malaglag mula rito ang pinagkakaabalahan nitong wood craft. Pinulot niya `to’t napalagok dahil higit itong naging detalyado kung ihahambing sa nakaraan. ‘Imposibleng hinango niya `to sa sariling ari,’ sa isip ni Mikael, ikot ang kahoy sabay hagod sa mauugat na paligid. Pero kung totoo man parang nakita niya na rin talaga ang galit nitong alaga. Binitiwan niya ito nang humupa ang paninikip sa sariling salawal. Bukod sa nilililok, nahagip niya rin ang boxer ni Felix. Ang parehong boxer na hinagis niya sa ere na binantaan niyang huwag hubarin pero ginawa pa rin. Nakonsensya siyang sinira niya ito dahil lang sa inis kaya para makabawi, umakyat siya sa taas at nagpaturo kay Aling Corazon na kasulukuyang may tinatahi. Nakita niya sa ginang ang sariling ina at kung gaano ito katiyaga’t natutuwa sa ginagawa. Alam niyang kalabisan kung ipasusuyo niya ang boxer ni Felix. Baka litanyahan siya ng ginang na kesyo responsibilidad niya ang manahi o magsulsi ng damit ng kanyang ‘kasintahan’ kaya para iyon ay maagapan, siya na ang nagkusa. Pagkaraang pakitaan ni Aling Corazon, bumaba siya sa kwarter para doon ipagpatuloy ang pananahi, tahimik at malapit na sanang malibang nang walang anu-ano’y bumangon si Nimpa sa tuluga’t inamoy ang higaan ni Mikael na animo’y naghahanap ng droga o bomba. “Nimpa, bakit?” Tumupi ang tenga ng aso’t nagwasiwas ng buntot. Patuloy niyang binundol ang ilong sa ilalim ng unan hanggang sa mapalitaw niya ang satchel. Kinuha ni Mikael ang satchel, umupo sa kama’t nilabas ang mga laman nito - dalawang plawta, cellphone, at dalawang nangulubot na mansanas na nakalimutan niyang ialok kay Felix noon. Tinapik niya ang magaling na alaga sa pag-aakalang iyon ang dahilan kung bakit siya nang-aamoy. Hanggang sa igiya ni Nimpa ang gintong plawta kay Mikael, aktong humihiling na siya’y tugtugan. Kinausap niya ang aso. “Huwag mo sabihing naniniwala kang anghel nga ako?” Tumahol si Nimpa’t umikot. Hindi siya marunong bumasa ng lengwahe ng aso pero tingin niya, ‘oo’ ang ibig nitong sabihin. “Sige, tutugtugan kita.” Inamo niya ang aso. “Pero hayaan mo muna `ko matapos sa tinatahi ko, okay?” Natapos si Mikael sa pananahi’t binalik sa taas ang karayom. Pero kulang na lang talunin niya ang hagdan nang makitang nakababa na sa karwahe ang dalawa’t magkatabing nagtatawanan. Kumaripas si Mikael sa kwarter, sinilid ang mga plawta sa satchel saka lumabas para balikan ang dalawa’t tugunan ang pagbati. “Ano `yon? Bakit dali-dali kang pumasok sa loob?” tanong ni Victoria, nagkaraoon ng tatlong linya ang noo. “Si Nimpa kasi baka kainin `yong bulok na mansanas. Tinapon ko na muna.” Aniya sabay latag ng palad sa tapat ni Felix. “Nasa’n pasalubong ko? `Kala mo nakalimutan ko?” Nangisi si Felix. “Hindi sapat ang isang kamay sa laki ng pasalubong mo.” “Ano ba pasalubong mo?” “Ako!” Binaba ni Mikael ang palad para kunin ang nakasandig na tingting sa balon. Hinabol niya ang lalaki gamit nito hanggang sa gawin ni Felix pananggalang si Victoria kaya binitiwan niya na nang hingalin rin. “Ano nga pa lang balita sa palengke?” Tumigil si Felix sa pagtago’t bumalik sa tabi ni Victoria. “Nananalangin sila sa kaligtasan mo.” “`Di rin nila maiwasang isipin na baka pinahihirapan ka kuno ng dumakip sa`yo.” Si Victoria. “E ikaw Felix, napagkamalan ka ba?” “Napagkamalang binata, oo!” Umapir ang lalaki kay Victoria. At sa kung anong kadahilanan, hindi siya natuwa. “May dilag kasi roon na nahumaling sa tindig at kisig ni Felix.” kwento ni Victoria. “Baka kasi may iba pang nakatindig sa mga sandaling iyon.” Nakahalukipkip si Mikael, ang mata nag-igting. “Saka bakit mukhang tuwang-tuwa pa kayo?” “Mahal, hindi naman sa –” “Huling punta mo na ro’n.” Umikot si Mikael, pabalik na ng kwarter nang mahinto sa pahayag ng ‘nobyo’. “Teka, nagseselos ka ba?” “Nagseselos?” Humarap siya’t tumuro sa sarili. “Ako? Ako na may `di mabilang na tagahanga – mapababae’t lalaki? Puwede ba! Ibaling mo na lang ang ilusyon sa nilililok mong kahoy. Liitan mo dahil hindi makatotohanan.” “Hindi makatotohanan? Kailangan mo ng patunay?” Nagpameywang si Felix, nahamon. “Sige, mamaya.” “Wala akong sinabing –” “Mamaya. Makikita mo mamaya.” “Sinabi ng… Aah!” Napalagay siya ng kamay sa ere. “Hibang ka talaga!” Pumasok sa kwarter si Mikael at iniwan ang dalawa, tulad ng maiwan si Victoria sa pagtatanong ng, “Ano’ng nilililok mo?” “Kami lang nakakaalam.” Iniwan na rin siya ni Felix. Kinabukasan matapos mag-agahan, nagbihis si Mikael ng kamisang may mahabang manggas at nagsuot ng balangot kung hindi pa iyon patunay na gayak na gayak na ang binata. Sumunod si Felix upang tulungan ang isa sa pagkakarga pero kung aaminin niya, bumaba siya para baguhin ang isip ni Mikael. “Hindi mo na `ko mapipigil, Felix. Ako naman ngayon ang sasama,” ani Mikael sabay sampa sa karwahe. “Delikado pa sa`yo sa pamilihan. Pa’no kung tanungin ka ng mga kinauukulan?” “Nagplano na ako ng idadahilan kahapon kaya huwag kang mag-alala. Ang ipag-alala mo ay huwag kong makita iyang babae mo.” “Sadyang `di na ba talaga kita mapipilit?” Nagpatong si Felix ng braso sa sandalan ng karwahe’t tinitigan ang isa tulad ng paraan ng mga aso `pag nagpapaawa. Bumuntong-hininga si Felix saka ginulo ang buhok ni Mikael kapalit ng `di pakikinig. “Bueno, mag-ingat ka na lang. At huwag na huwag mong huhubarin ang sumbrero.” “At bakit?” “Dahil seloso ako. Ayokong may mahumaling sa`yo bukod sa`kin.” Nasaksihan iyon ni Victoria sa bintana’t sila’y pinaratangan. “Ang lalandi niyo!” Ilang sandali lang, tumuloy na ang karwahe sa merkado. Bagamat hindi ito ang intensyon, mistulang Rabbi ang dating ni Mikael sa dami ng disipulong nagkumpulan nang sila’y bumaba sa harap ng tindahan ni Aling Liway. Pero sa halip na Mabuting Balita, ang ipinunta nila’y ang marinig ang testamento ng lalaking nabihag subalit nakalaya. “Ano’ng alaala mo sa nangyari, Engracio?” agad na tanong ni Aling Liway nang matapos ang lalaki sa pagbubuhat. “Hindi ko ho masyadong madetalye gawa ng nasa impluwensya ako ng alak. Pero kung hindi ako nagkakamali, lumabas ako sa pagtitipon para umuwi nang si Tinyente Elgario’y, sumalangit nawa ang kaluluwa, pinigilan ako’t imunungkahing sa kaniya na lang magpalipas. Aniya’y malalim na ang gabi at baka may umaaligid na rebelde. Sa kasamaang-palad, meron nga.” “Ang sabi-sabi, bukas raw ang salawal ng tinyente. Totoo ba `yon?” tanong ng isa. “Hm. Kumpara kasi sa`kin mas maraming nainom na alak ang Tinyente. Puno ang pantog niya’t binalak munang umihi. Sinamantala ng rebelde ang pagtalikod ng Tinyente at doon umatake.” Hindi siya makapaniwalang pinagtakpan niya ang panghahalay ng Tinyente. “Wala akong ibang ibig sabihin nito, Engracio,” ani Aling Liway. “Pero bakit hindi ka pinatay?” “Ang totoo, balak na akong isunod kung hindi lang siguro narinig ang pagmamakaawa ko sa wikang Ingles, patunay na hindi ako Kastila. Gayunman, ginamit pa rin akong bihag ng walanghiya makaalis lang sa pinangyarihan ng krimen.” “Mailalarawan mo ba ang dumukot sa`yo?” tanong ng isa. “Masaydong madilim. Saka nakakubli rin ang kanyang pagmumukha.” “Dinala ka ba sa kanilang kuta?” “Palagay ko, oo, kuta nga nila iyon. Subalit bigo ko rin iyong mailarawan gawa ng ako’y piniringan. Kahit na noong sabihin nilang pakakawalan na nila ako’y hindi nila ito sa`kin pinatanggal hangga’t hindi sila nakalalayo.” Inusisa ni Mikael ang balisang ekspresyon ng mga ‘disipulo’. Mukha naman silang nakumbinsi sa kwento’t kanya-kanya ng alis nang makuntento na sa kanyang naratibo. Pagkatapos ng transaksyon kay Aling Liway, pinaumanhin ni Victoria ang kasama’t hinila na sa kabilang kalsada. Tulad nila’y nangamusta rin ang dalaga sa kalagayan ni Mikael subalit hindi na ito nagtanong pa ng pagkarami-rami dahil ayaw niyang ipaalala sa kanya ang sinapit. Liban do’n, ayaw rin niyang isturbuhin ang pagkahumaling ng binata sa mga bagong habing panyo’t abaniko. Pero ito mismo ang ginawa ni Victoria nang sikuhin niya ang isa. “`Yong babae. Andito. Palapit sa`tin.” Binitawan ni Mikael ang hawak para lingunin ang palapit na dalagang may bitbit na ulam. Nakatali ang mahabang buhok sa pulang laso’t may pulang gumamela sa tenga. Kung hindi papansinin ang sakang niyang paglalakad wala na siyang maipipintas pa - marikit siyang talaga. “Magandang umaga, Victoria.” Huminto ang dilag sa kanilang tapat. “Ganoon rin sa `yo, Nena. A-ano `yang dala mo?” Bahagyang humilig si Victoria’t lumanghap, walang malay na nakakunot ang noo ni Rosa sa likod. “Mukhang masarap iyan, ha?” “Pochero `to. Ako mismo ang nagluto. Binudburan ko ng pagmamahal na tanging si Felix lang ang laman.” Nagliwanag ang kanyang mga mata. “Maari ko bang malaman kung nasaan siya?” Pinundi ni Mikael ang kislap sa mga mata ng dalaga. “Nasa bahay siya. Pinaglilinis ko.” Pinaraanan ng tingin ni Nena si Mikael mula ulo hanggang paa. “At sino ka?” “Engracio. Nobyo niya.” Inusli niya ang kamay para pormal na bumati. “Nobyo?” Matagal din bago huminto si Nena sa pagtawa. “Pinasaya mo naman ako roon. Binibiro mo lang ako, hindi ba?” Binaba ni Mikael ang kamay. “Mukha ba akong nagbibiro?” Iniwan na si Nena ng ngiti. “Papaano mo `ko makukumbinsing puwedeng maging mag-nobyo ang dalawang lalaki?” “Hindi naghahangad ng pangungumbinsi ang katotohanan,” ani Mikael, maging siya’y nagulat sa katagang nasabi. “Hibang lang ang tatanggap sa konseptong iyan!” sabi ni Nena. Kung magkatawang-tao man ang salitang ‘Hibang’ pusta ni Mikael ito’y sa katauhan ni Felix. Pang-insulto niya ang kataga sa lalaki subalit ngayon, tila ba nagkaroon iyon ng ibang pakahulugan. Kasi kung tutuunan niya ng pansin ang pahayag ni Nena, ibig sabihin tanggap ni Felix ang konsepto ng pagsasama ng dalawang lalaki? Pero ang gusto talaga niyang malaman ay noong magpakakilala ba sila bilang magnobyo sa harap nina Mang Cardino, Victoria’t Aling Corazon sa ngalan lang ba talaga `yon ng pagkakaroon ng matutuluyan o higit pa? Nagulo ni Nena ang pag-iisip niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD