Chapter 13

2507 Words
Hindi sigurado si Mikael kung alin sa dalawa – dahil ba mainit o dahil halos walang kahangin-hangin? Kasi sa palengke pa lang nanghina na siya. Maging si Victoria na naturalesang madaldal ay napatahimik, nagtaob ng kahon at ginawang patungan para maibsan ang pagkahilo habang sila’y pauwi. Nakatingin siya kay Mang Rene at palihim na humanga kung papaanong balewala na lang sa kanya at sa kanyang kalabaw ang ganitong katinding init ng araw. Gusto na nga sanang sumuot ni Mikael sa dayami nang makasilong dahil maliban sa namumula nitong mata, nagbitak na rin ang kanyang labi. Bihira lang manghingi si Mikael ng pabor ano pa’t nakikisakay lang naman sila pero no’ng matumba si Victoria sa damuha’y sinabihan niya si Mang Rene na bilisan. Buong akala niya’y natutulog lang ito `yon pala nahimatay na. Malayo pa lang humingi na si Mikael ng saklolo. Si Felix ang dumungaw sa bintana. “Felix, nawalan ng malay si Victoria.” “Pati siya?” “Ano’ng pati siya? Ibig sabihin sina Mang Cardino –” Umalis si Felix sa bintana’t nagkumahog bumaba. Kinuha niya si Victoria sa karwahe’t kinarga paakyat sa sala. Sumunod si Mikael, tahimik na pinagmamasdan ang mala-Boy Scout nitong galawan. “Uh, mahal, pwede ka bang umigib? Kulang na kasi ang tubig sa banga e. Inubos ko na sa niluluto.” Tumangan si Mikael sa direksyon ng kusina. May nakasalang. “Sige, ako na bahala.” “Teka, sandali.” Iniwan ni Felix si Victoria’t idinapo ang kamay sa baba ni Mikael. “Kailangan mong uminom. Nagbitak labi mo.” “Alam ko.” Hinawi ni Mikael ang kamay ng lalaki’t sinama ang banga sa pagbaba. ‘Bakit kumabog dibdib ko sa simpleng bagay na `yon?’ Sinandal niya sa gilid ang takip sa balon at binaba ang timba habang iniisip ang biglaang pagkabog ng dibdib. Pinunan niya lang ang banga hanggang kalahati nang maayos niya itong mabuhat sa taas. Inako ni Felix ang banga’t nagsalin sa plangganitong may bimpo. Sumandig si Mikael sa aparador at pinagmasdan ang kanyang pag-aasikaso. “Ano pang maitutulong ko?” “Ayos lang ba sa `yong mautusan?” “Oo naman!” Inayos niya ang tayo. “Tayo lang naman ngayon ang nakakagalaw e.” “Kung gano’n, padagdagan na lang ng sabaw `yong arozcaldo. Bawasan mo na rin ng panggatong nang hindi masunog.” “O sige.” “At mahal?” “Mm?” “Salamat.” Napangiti si Mikael. “Ikaw dapat ang pinasasalamatan.” Dumiretso sa dulo si Mikael at sinunod ang pinag-uutos samantalang maya’t mayang pumupuslit ng sulyap sa lalaki. Nagpilas noon si Felix ng papel sa kalendaryo’t ginawa itong pamaypay. Sana pala bumili na sila ng pamaypay sa palengke. Tinanggal niya ang kaldero sa paapuya’t sumandok sa tatlong mangkok – kay Victoria’t sa mga magulang niya. Nilagay niya sa lamesa ang kay Victoria, pinasok naman niya sa kwarto ng mag-asawa ang natira. Nakasandig sila pareho sa uluhan ng kama na animo’y bagong gising. “Ano pong nangyari sa inyo?” bungad ni Mikael. Napahawak si aling Corazon sa ulo. “Heto, nahilo! Ang manong mo, binalanguyngoy. Sobrang init ba naman! Mabuti na lang at nariyan si Felix.” “Si Victoria, kumusta siya?” tanong ni Mang Cardino. “Nahimatay po siya sa biyahe pero huwag ho kayong mag-alala inaasikaso na siya ni Felix.” “Maswerte ka sa nobyo mo, Engracio. Napakamaalaga,” ani ginang. Kiming ngumiti si Mikael at matapos ng ilan pang pangungumusta’y pinagpaumanhin ang sarili. Hindi siya komportable `pag buhay-mag-nobyo ang paksa ng usapan. Ano bang malay niya gayong sa totoong buhay wala naman siya noon? Nadatnan ni Mikael si Victoria na nakaupo sa pahabang silya’t ihip ang pagkain. Kwinento niya sa babae ang kanyang takot nang makita niya itong natumba hanggang sa hanapin niya si Felix sa kanya. “Narinig ko siyang nag-iigib kanina. Ewan ko kung nariyan pa. Dungawin mo.” Ginawa nga ni Mikael ang sinabi’t nasaksihan ang pagpapainom nito sa aso. “Grabeng tindi ng init, ano? Buti kayo hindi tinablahan ng balanguyngoy.” “Ano’ng hindi? Tignan mo nga `to, nagbitak ang labi ko.” Kumuha siya ng malinis na bimpo sa aparador at pagkatapos, sinalukan ang sarili ng isang basong tubig. Nilagyan niya rin ng laman ang sisidang gawang kawayan bago bumaba’t tawagin ang pangalan ng ‘nobyo’. “Felix.” Pumihit ng tingin ang lalaki’y tumayo. “Tawag mo `ko, mahal?” Tinanggal niya ang takip ng sisidlan. “Uminom ka rin. Baka sa kakaalaga mo sa iba ikaw naman mahilo.” Kinuha ito ng lalaki’t patingalang tinungga. Nagtaas-baba ang lalagukan; ang pawis dumaloy mula sentido. Walang nag-utos pero inako na ni Mikael ang pagpupunas niya ng pawis nito – una sa mukha, sunod sa leeg, huli ang likod. Walang hiya naman tinaas ni Felix ang unahang damit at minumwestruhan ang isa na pati dibdib at tiyan niya’y punasan. Hinagisan lang siya ng bimpo sa mukha’t bumalik sa taas, saksi ni Victoria ang kanilang lambingan. Maaring sa kainan si Mikael ang nauuna, pero kung paunahan sa pagbangon, panalo na si Felix. Maliban lang sa umagang iyon kung kailan nahuli niyang nagliligpit na ng higaan ang lalaki. Hindi niya alam kung dahil ba sa bagong gising lang si Mikael na hindi niya sinuklian ang pagbati niya ng ‘Magandang umaga’. O baka dahil masyadong maligalig ang timbre ng boses niya at nairita ang kasama pero dahil maaga pa’y napili na lang manahimik. Lumabas si Mikael, si Felix nakabuntot. Kabababa pa lang noon ni Victoria dala ang gasera. Hinintay siya ng isa sa tapat ng kamalig at nanatiling tikom magpahanggang ngayon. “Kung tungkol sa pagtaas ko ng damit `yang silent treatment mo, sorry na agad!” Si Felix, hindi na nakatiis. Pumasok ang dalawa sa kamalig nang walang nakukuhang tugon sa lalaki. Sinenyasan niya si Victoria alamin kung ano’ng nasa isip ni Mikael bago magpatuloy sa nakatoka niyang gawain. Pagkaraa’y umakyat na si Mikael sa taas para maghapunan, umasang susunod na ang dalawa nang magtago sila sa gilid. “O ano, bakit daw ang sungit ni Engracio?” Si Felix. “May napanaginipan lang naman pala na `di kaaya-aya tapos sinabayan mo pa.” “Bumati lang naman ako ng ‘magandang umaga’, ah? Ano’ng kasalanan ko?” “Baka naroon ka sa panaginip niya.” Sa hapag, pinilit ni Felix ang mga magulang na huwag na munang pasamahin si Victoria sa palengke nang hindi mabinat. Wala namang tumutol sa mungkahi at kahit nanahimik si Mikael iyon ay kanya ng pagsang-ayon. Kahapon pa lang narito na ang kalabaw ni Mang Arturo, kinuha ni Felix matapos utusan ni Mang Cardino na kumustahin ang kapatid. Hindi rin pala maganda ang lagay ni Mang Arturo noon kaya iminungkahi na lang niyang siya na ang magdadala ng kalabaw nang makapagpahinga pa. “Isama niyo si Nimpa!” sambit ni Victoria sa bintana nang sila’y makababa. “Para may tiga-bantay kayo.” “Simbahan nga nababantayan ko, ito pa kaya?” ani Felix sabay turo gamit ng hinlalaki sa kanyang kaliwa. “Felix, Ikaw ang babantayan ni Nimpa hindi ako dahil batid niyang wala kang kasing rupok.” Kinuha ni Mikael ang aso pagkatapos noon at nagsuot na rin ng balanggot. Tumangan siya sa bintana nang may maalala. “Mang Cardino, ubos na ho pala ang dayami.” Dumungaw ang ginoo sa bintana. “Bumili ka ng dalawang bugkos. Kunin mo sa benta ng gatas.” “Sige po.” Pagdating sa palengke, pinarada ni Felix ang karwahe sa nakagawiang puwesto’t tinulungan si Mikael buhatin ang mga produkto kay Aling Liway. Bumalik si Felix sa likod-karwahe’t nilaro si Nimpa, huminto lang nang lapitan ni Mikael. “Bakit ka bumalik?” Inaral ni Felix ang ekspresyon sa mukha ni Mikael pero bigo niya itong mahulaan hanggang sa siya’y humilig sa kanyang tapat at ibulong ang sadya. “Hindi ko pala alam kung magkano binebenta ni Victoria ang paninda.” “Ano? Hindi mo alam kung magkano ang –” Tinakpan niya ang bibig ng lalaki. “Hinaan mo boses mo baka maghinala.” Tinanggal ni Felix ang kamay ni Mikael subalit `di binitawan. “Ang tagal-tagal mo ng kasama si Victoria, ni minsan –” “Huwag mo `kong simulan. Ayoko sa matematika!” Pabuntong-hiningang tumayo si Felix at inakbayan si Mikael pabalik kay Aling Liway. Sa halip na ikubli sa tindera ang concern, pinagbigay-alam pa ng binata bagay na kinahiya ni Mikael. Sampung barilya ang nakalatag sa kanilang tapat. Makapal ito, mabigat, at ang hitsura’y tulad sa balat ng tsokolateng tagmimiso. Sa isip ni Mikael kulang ang binigay ni aling Liway kahit na kinumpirma ni Felix na tama ito. “Ganito talaga ang halaga ng produkto dito, Engracio,” aniya. “Alam mo bang isang libo na katumbas ng isang barilya sa taong 2019?” “Totoo?” “May barilya rin ako tulad nito sa’king cabinet, pinasuri ko sa eksperto sa pera. `Yon ang kanyang analisa.” “E `di marami na pala mabibili itong bente pesos ko?” Nilabas niya sa bulsa ang perang papel; sukli pa niya ito sa bus. Bago pa magulumihanan ang ginang sa kanilang pag-uusap, hinila na ni Felix si Mikael paalis sa tapat nito’t sa daan nagpaliwanag, “Wala pang halaga ang pera natin sa panahon na `to, pero ang sa kanila sa panahon natin, meron at higit pa.” Sinilid ni Mikael ang pera sa bulsa na animo’y nalugi. Ibig sabihin hindi niya mabibili ang pamaypay na natipuhan niyang tinda ni Rosa. “O, Engracio, Felix, bakit hindi niyo kasama si Victoria?” bati ng dilag nang makarating sila sa tapat nito. “Nawalan ng malay dahil sa init.” Tinali ni Felix ang kalabaw sa gilid. “Pero huwag ka mag-alala, mabuti-buti na pakiramdam niya,” ika ni Mikael. “Siya na makakasama ko bukas hindi na `to.” “Ngayon ko lang kayo nakitang magkasama. Para nga kayong aso’t pusa!” ani Rosa. Si Felix lang natuwa sa compliment; si Mikael pinalabas lang ito sa kabilang tenga’t tinuon ang atensyon sa mga abaniko. “O, lilima na lang pamaypay mo?” “Maraming bumili kahapon dahil sa sobrang init.” “Naibenta mo na ba `yong hawak ko no’ng nakaraan? `Yong berdeng abaniko at panyo?” Pangiting umiling si Rosa sabay angat ng bilao’t hilain mula rito ang mga bagay na hinanap. “Sinadya ko talagang itabi `to dahil ramdam kong hahanapin mo.” Nagliwanag ang mukha ni Mikael pero bigla rin nawala. “Gusto ko sana `tong bilhin kaso wala pa lang halaga pera ko dito.” “Magkano ba `yan, Rosa?” tanong ni Felix sa likuran ni Mikael. “Tatlong singkong duling ang panyo’t abaniko.” Nilabas ni Felix ang pitaka’t humanap ng barilya. “Ito o. Huwag mo na `kong suklian.” “Pero Felix, sobra itong binigay mo.” Umusyuso si Mikael. “Hoy, Felix, benta ba `yan sa gatas at itlog?” “Hindi ha? Dito `yan galing o. Ito naman ang pitaka ni Victoria Nakabuhol.” “Nagsasabi siya ng totoo, Engracio.” Si Rosa. “Pero ang pinagtataka ko, bakit ka may lumang pera sa pitaka?” “`Yan `yong pinasuri ko sa eksperto. Tinamad lang akong ibalik sa kaha.” “Uhm, mawalang-galang na, Engracio, Felix, importante ata `to sa inyo, hindi ko na lang kukunin. Bibigay ko na lang nang libre ang mga `yan kay Engracio.” “Huwag! Kunin mo na `yan.” Si Felix. “Iba ang tinutukoy niyang barya, Rosa. Tanggapin mo na `yan,” tuloy ni Mikael. “Hitik nga raw ng barya cabinet niya e.” “Na siyang totoo,” ani Felix. “Pagbalik natin ipapakita ko.” “Uh, tingin ko nadala na ako nang yayain mong lumabas sa simbahan kaya salamat na lang. Baka sa ibang dimensyo ’t panahon mo pa `ko madala.” Napakamot-ulo si Felix at ganoon rin si Rosa sa kadahilang wala siyang maintindihan. “Baka may gusto ka pang bilhin – bakya, daster para kay nanay.” Si Felix. Naliyad si Mikael. “Nanay? Sinong nanay?” “Nanay mo na nanay ko na rin!” “Mananahi nanay ko.” “Kaya pala gano’n ang pagkakatahi mo sa salawal ko.” Namula si Mikael. “Hindi ibig sabihing mahusay sa larangang `yan ang nanay ko’y gano’n na rin ako. Mabuti nga tinahi ko pa e.” “Heto na nga ako o magpapasalamat na.” “Pero mang-iinsulto muna.” “E sa ang cute e. Halatang ngayon ka lang nahawak ng sinulid at karayom.” Tinanggal niya ang balangot ni Mikael para lang guluhin ang buhok nito. “Salamat, ha.” Hinablot ni Mikael ang sumbrero’t sinalpak ito sa ulo. “Sa’n ba banda `yong bakya?” “Sa looban.” Bagamat sa una’y parehong nag-alinlangan napalitan ito nang matantong maraming tao - ibang-iba noong gabing habulin sila ng mga sundalo. Dinala ni Felix si Mikael sa puwesto ng mga sandalyas, nanatili lang sa bungad kaysa makipaggitgitan pa sa loob. Sa kalagitnaan ng pagtitingin ng sukat, nahagip ni Mikael ang imahe ni Nena kausap si Felix. Base sa walang kibot nitong dala sa sarili’y hindi batid ni Nena na kasama siya. Kinuha niya ang pagkakataong maraming tao’t pasimpleng nakiulayaw. “Felix! Buti naman dinalaw mo `ko! Nangulila ako sa `yo nang husto, alam mo ba `yon?” ‘Haliparot na Nena.’ “Hindi ako pumunta dito nang mag-isa. Kasama ko si Engracio.” ‘Ganyan nga, Felix.’ “`Yong ilusyunadong pinaninindigang magnobyo raw kayo? Ha!” “Talaga? Pinanindigan niya?” Kumawala ang ngiti sa labi ni Felix, mabagal, matamis. “Oo! Aba’y nilagay ko nga sa lugar niya. `Ka ko, hibang lang ang tatanggap sa ideyang maaring maging magkasintahan ang dalawang lalaki. Iyon nanahimik!” “Sa panahon namin, Nena, maaari.” Magalang niya itong sinalungat. “ Marami-rami rin doon ang hibang; iIsa na ako ro’n.” Natawa si Nena. “Ano’ng ibig mong sabihin ‘sa panahon namin’? Ano, nanggaling kayo sa hinaharap?” “Oo, Nena, tama ka.” Sumabat si Mikael, tumabi sa lalaki. “At alam mo ba, nando’n ka rin?” “Ha? Ako, nandoon?” Mabilis ang kurap ng kanyang mga mata. “’Nena’ ang tawag namin sa mga taong pakialamera ng ibang buhay.” “Napakasalbahe mong tunay.” “At ikaw mabait?” “Hindi pa rin ako naniniwalang magkasintahan kayong dalawa. Nah-iilusyon ka lang.” “Totoo ang sinasabi niya, Nena. Magkasintahan nga kami.” Namagitan na ang lalaki, kukunin nga sana ang kamay ni Mikael para patunayan kunwari kung wala lang mga dala. “Pero Felix, lalaki siya,” ani Nena. “Pansinin mo nga kulay niya – parang dinapuan ng malaria! Atsaka meron ba siya ng meron ako? Kaya ka bang paligayahin niya’t dugtungan ang iyong lahi?” Pangiting umiling ang lalaki. “Nena, kaya ganyan ang kulay ng kutis niya ay dahil anghel siya. Sa paningin ko siya’y isa. Bagamat wala siya niyang nakikita ko sa `yo, ligaya `ko na ang makasama siya.” Walang mukhang iharap si Mikael sa kahihiyang sinambit ni Felix. Bukod ro’n, nagawa rin niyang patalbugin ang dibdib ni Mikael na isang palabag sa sariling-gawang patakaran na nagsasabing huwag magkaroon ng romantikong damdamin sa lalaki. At kung hindi pa iyon malala, hinamon sila ni Nena. “Sige, kung talaga ngang magkasintahan kayo, patunayan niyo sa`kin ora mismo. Maghalikan kayo.” “Sagrado ang halik, Nena, bagay na hindi na nangangailangan ng manonood. Kaya pakiusap, huwag mo ng hilingin.” Si Felix. “Kung totoo kayong magnobyo hindi na iyon mahirap gawin, tama ba? Wala ng alinlangan. P`wera na lang kung may lahing sinungaling ang `yong ‘nobyo’.” Bumaling si Nena kay Mikael, may sarkastikong ngiti. Pinagpawisan siya ng malamig, hindi lang dahil sa gustong mangyari ni Nena, pero dahil ito rin mismo ang panaginip niya kagabi. Kung tatanggapin ni Mikael ang hamon, magkakatotoo na ang panaginip. Pero kaya nga siya napabangon noon ay dahil ayaw niyang matuloy ang halik ngayon pa kaya sa realidad? Papayag ba siya? Alam niyang ang sagot ay ‘hindi’. Pero may isang tinig na datapwa’t maliit ay may gustong alamin – ano’ng pakiramdam ng halik sa labi? “O bakit ka nanigas?” tanong ni Nena. “Tama ako, `no? Hindi kayo magnobyo.” “Nena, hindi naman ibig sabihing tumatanggi si –” Naudlot ang pagkuda ni Felix nang matagpuan ang sariling hinalikan ni Mikael.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD