Sa panaginip si Felix ang humalik, pero sa realidad si Mikael ang gumawa. Oo, napagtagumpayan niya ang hamon ni Nena. Subalit hamon pa bang maituturing kung tumagal iyon nang higit sa inaasahan? Saka bakit ayaw niyang ihinto?
“Hindi ako makapaniwala,” sambit ni Nena, takip ang bibig na animo’y nakasaksi ng horror.
Pinakawalan ni Mikael ang labi ni Felix at humarap sa dalaga. “Ano, nagdududa ka pa?”
Umatras ang dalaga, ang mukha’y nanggalaiti. Humalo siya sa dagat ng mga tao hanggang sa hindi na nila ito makita. Binalikan ni Mikael ang lalaki. Para itong kagigising lang sa isang magandang panaginip na waring bawat segundo’y sinusulit, nilalasap bago tuluyang malimutan. Pero makakalimutan pa kaya niya? Tingin niya, hindi na.
“Huy, Felix. Kilos na.” Nagpatunog si Mikael ng daliri sa mukha ng binata. “Bayaran na natin `tong bakya’t bibili pa tayong dayami.”
Kinurap ni Felix ang mga mata’t sinunod ang humalik sa kanyang labi. Para mapadali, nagtanong siya sa mga tindero kung sa’n ang bilihan ng mga dayami. Pagkaraan, may karga na siyang dalawang bugkos sa isang balikat na gagaan sana kung hindi lang hihinto-hinto’t titingin-tingin ng mga paninda ang kasama.
“Uy, Felix, tignan mo `to o!” Nakatingkayad si Mikael sa harap ng tindang pulot-pukyutan. “Ganito pala hitsura ng bahay nila. Sing-laki ng sangkalan.”
Napabalikwas ang lalaki nang may lumabas ditong bubuyog, bagay na nagpahalakhak sa kasama’t tindero. Kung ang kapalit naman ng pagkatumba sa lupa’y hindi pagkatusok, mas gugustuhin niya `yon. Sa purong pulot niya na lang tinuon ang atensyon.
“Felix bumili tayo nito!” Inabot niya ang bote sa lalaki.
“Gustuhin ko man pero huling pera ko na `yong pinangbili natin ng bakya.” Binalik ni Felix ang bote, nanghinayang. “Sa susunod na lang.”
Tumayo si Mikael, pagpag ang puwetang naglakad. “Dapat kasi kinuha mo `yong sukli kay Rosa e. Siguro may gusto ka roon, ano? Ha! Makakarating `to kay Victoria.”
Hinabol niya si Mikael. “Gagawa ka lang ng gulo, mahal. Oo, maganda si Rosa, lalo na si Nena, pero huwag mo na `kong ibalato sa kanila. Wala akong balak umibig sa iba.”
Hininto nga ni Mikael ang panunukso pero hindi ang paglalakad nito. Katunayan, mas binilisan niya pa nang hindi mahagip ni Felix ang pamumula. Si Nena na kanina pa nagtatago ay huminto na rin sa pagsunod nang may mabuong ideya.
Pagdating sa bungad, katatapos lang mag-alsa balutan ni Rosa.
“Bakit ka nagligpit?” tanong ni Felix.
“Ano pang maititinda ko eh nang bumili kayo’y nagsibilihan na rin ang iba!” Nakangiting bigkas nito. “May hatid na swerte ang iyong nobyo.”
‘Swerte? Napatay nga ang Tinyente dahil sa`kin. Papaano niya nasabing may dala akong swerte?’ sa isip ni Mikael.
Kinalas ni Felix ang pagkakatali sa karwahe. “Sumabay ka na sa `min, Rosa.”
“Naku, baka nakakaabala sa inyo. Limang kanto pa naman ang bahay namin mula rito.”
“Walang problema,” ani Felix. “Ihahatid ka muna namin saka kami babalik. Pangatlong kanto lang naman kami e.”
“Ayos lang ba sa`yo, Engracio?” “Kung walang namamagitan sa inyo.” “Naku, wala akong gusto sa nobyo mo ano pa’t may minamahal na ako.”
Lumapit si Mikael sa tapat ni Rosa. “Kilala ba namin `to?”
“Kilala niyo.” “Alam ba niya ang nararamdaman mo?” “Siguro... ewan ko.” “Sumakay ka rito.”
Sa kahabaan ng biyahe, pinaulanan niya ang babae ng mga katanungan. Ang kinainis lang niya, hindi kinumpirma ni Rosa kung si Victoria ba ito. Ngiting kimi parati ang kanyang ganti. Buti sana kung laging tama ang basa niya sa mga galaw ng katawan.
“Siya nga pala, bago ko muling makalimutan, may sarili rin kaming bersyon ng pagtitipon. Sana makadalo kayo.”
“May pinatayo rin kayong paaralan?” biro ni Mikael.
“Wala, pero kapistahan iyon ng pagtatayo sa aming komunidad. Dalawang araw mula ngayon. Hindi ako tatanggap ng ‘hindi’.”
“Maisasayaw ko ba si Engracio sa kasiyahan na `yon?” Bumaling sa likod ang nagmamaneho ng kalabaw.
“Kahit hanggang kailan niyo gusto.” Si Rosa.
“Kung gusto ko,” balang ni Mikael. “Gusto kong sumama pero kung pipilitin niyo `ko sumayaw bahala kayo diyan.”
Tinawanan lang nila ang pahayag nito na tila ba sumayaw man siya o hindi, hindi na siya maaaring tumanggi. Sa bungad ng ikalimang kanto nagpababa si Rosa, nagpasalamat at humiling ng payapang paglalakbay.
Niliko ni Felix ang karwahe sa Kamanggahan. Ginawang unan ni Mikael ang bugkos ng dayami; ang balangot sa mukha’y pinangtakip.
“Mahal?” “Mm?” “Gusto mo na bang umuwi?”
Bahagya niyang tinuon ang ulo sa unahan.“Sa panahon natin? Tinatanong pa ba `yan?”
“Ibig kong sabihin, ngayon... sa bahay nila Victoria.” “Bakit?” “Ang kati kasi sa balat ng dayami. Balak ko sanang maligo sa ilog.”
“Sa ilog?” Napaupo siya nang tuwid.
“Oo, sa ilog. Pero kung gusto mo ng umuwi –” “Ilog. Dalhin mo `ko sa ilog!”
Siya’y nangisi. “Masusunod!”
Sa halip na diretsuhin ang daan, niliko ni Felix ang karwahe sa direksyon ng ilog. Naantala ang pagtulog ni Nimpa sa sobrang kaligaligan ni Mikael. Bagamat pangalawang beses niya ng marinig ang ragasa ng tubig at ang huni ng mga ibon, tulad pa rin, kung hindi higit, ang kanyang nadamang kasiyahan. Ang bigo lang niyang marinig ay ang hampas ng palu-palo at tawanan ng mga bata, na wala naman sa kanyang kaso.
Tinali ni Felix ang kalabaw sa eksaktong puwestong iniwan ng Mang Arturo. Kaagad naman lumundag mula sa karwahe ang isa, pero si Nimpa sa halip na sumama’y itinuloy ang naabalang pagtulog.
“Mas maganda pala ang ilog `pag walang gaanong tao.” Inilibot ni Mikael ang mata samantalang pababa. “Tingin mo may engkanto sa lugar na `to?”
“Engkanto, wala. Anghel meron.”
“Hanggang ngayon, Felix? Hanggang ngayon?” Umikot ang mata ni Mikael at nauna na sa pagbaba.
Dagling tumingkayad si Mikael para iwasiwas ang kamay sa mala-pondang anyong tubig hanggang sa nahagip niya si Felix sa likod, naghubad. Hindi niya maintindihan kung bakit gano’n ang kanyang naging reaksyon. Wala naman sa kanya ang minsanang paghuhubo ng dormmates, pero pagdating kay Felix may kakaiba. Siguro kasi nakakaintimida ang laki ng kanyang katawan, ang maninipis na buhok sa kanyang dibdib, pusod, pababa.
“Ba’t kailangan mong maghubad?” Tumayo si Mikael at pumuwesto sa likod nang maramdaman ang paglapit ng binata.
“Wala akong ibang damit na dala. Ikaw, meron ba?”
Nakapatong sa isa sa mga kataas niyang tipak na bato ang damit ng lalaki. Alam niyang kompleto itong hubo nang makita sa bato ang boxers.
Tinapik siya ni Felix. “Tara, ligo tayo.”
Napalundag si Mikael sa kinatatayuan. “Gusto ko solohin ang ilog. Kaya kung puwede maligo ka na’t huwag ng tatapik-tapik pa.”
“Okay!” Tumapik pa rin siya.
Kahit na parang pinaiinggit siya ng lalaki sa pinaririnig na tilamsik ng tubig mula sa paglangoy, hindi lumingon si Mikael. At nakatulong ang pagpapatong-patong niya sa mga makikinis na bato na hindi pa niya napatatayo nang maayos. Ngunit itong malapit na saka naman siya gugulatin ng walang hiya.
“Tapos na `ko!”
Gumuho ang pinaghirapan ni Mikael. “Malapit na ako e!”
Dalawa – ito ang bilang ng pagkakataong nasaksihan niya ang hubong katawan ng lalaki at ng ganito kalapit. At walang ibang maisip si Mikael kung bakit niya dinaranas ang ganitong mga pasakit maliban na lang sa `di niya pagsisimba.
“Alam mo, bwisit ka. Nagbihis ka muna sana bago ka dumiretso sa puwesto ko.” Kagyat tumalikod si Mikael.
“Malay ko bang haharap ka!” Katwiran pa ng lalaki, ang hagikgik tuloy pa rin. “Saka kaya nga ako dumiretso rito para makapagbihis. Ayan po o, nasa bato mga saplot ko. Hay! Kung ahas lang `yan, natuklaw ka na. Maari mo bang iabot?”
“E kung ahas rin pala iyan, ba’t ko iaabot? Ikaw ang kumuha.”
“Kung `yan ang gusto mo.”
Muling naramdaman ni Mikael ang kamay sa balikat ni Felix, basa, malamig subalit sa kanya’y nagpainit. Ginamit niya ang isang kamay upang abutin ang damit at sa kanyang pagkiling naramdaman niya ang matigas nitong dibdib. Tingin niya isang parte pa ang madikit baka mahapo na siya nang tuluyan.
“Magpapaalam nga pala ako,” ani Felix samantalang nagsusuot ng pambaba. “May pupuntahan lang ako sandali.”
“Saan?” Lumingon si Mikael pagkaraan itong makasuot na ng damit.
“Dito lang din malapit sa ilog. Liban na lang kung gusto mong titigan kita habang naliligo.” “Gawan mo `ko ng pabor at lisanin mo ang lugar na `to ikaw na demonyo! Huwag mong tatangkaing manilip.” “Hindi ko `yan maipapangako.”
Hinintay ni Mikael makalayo ang loko-loko bago maghubad. Ipinatong niya rin ang saplot sa parehong tipak na bato at dahan-dahang sumuong sa tubig. Marahan niyang hinagod ang malinaw na kumot at inaliw ang sarili sa pagsisid. May puntong ginawa niyang kama ang tubig at ito’y hinigaan samantalang pinagmamasdan ang langit. Saka lang siya bumangon nang ilabas ng ulap ang araw.
Dumako siya sa tipak na bato sa unahan, hindi gaanong mataas para makita ang kanyang ibaba, ngunit hindi rin ganoon kababa para hindi makaupo na parang mongha. Sinariwa niya ang paghalik sa lalaki na sa una’y ginawa lang naman niya para hindi pagdudahan ni Nena. Ngayon, siya naman ang may agam-agam.
‘Nakakahawa ba ang kahibangang tinutukoy ni Nena?’ Masyado pang maaga pero pakiwari niya’y may simtomas na siya ng mga ito. Doon pa lang sa bahay, nang makita niya ang pag-aaruga sa mga kasama, lumabas ang kanyang paghanga na higit pa sa kanyang inaasahan. At noong magyakap ang kanilang mga labi, tila may iba pa siyang naramdaman bigo man niyang mapangalanan. Kailangan niya ng kokonsulta. Doktor. Reseta. May lunas ba sa karamdamang ito? Kung meron, mainam. Kung wala, paano na? Kailan tatagal ang kanyang resistensya? Malulupig niya ba ito o ito ang lulupig sa kanya?
‘Ano’ng iniisip niya?’ tanong ni Felix sa sarili nang makabalik. Nakatago siya sa tipak na bato. ‘Tungkol ba iyon sa halik?’
Sumandal siya sa pinagtataguan, inabot ang labi’t nangiti. Ang totoo, hindi na siya umaasang tatanggapin ni Engracio ang hamon. Ano ba naman ang tsansang mauuto `yon ni Nena eh, halos lahat ng bagay pinag-iisipan. May nasira bang wire sa utak niya noon at siya’y kanyang hinalikan? At kalabisan ba kung hilingin niyang huwag na itong maayos?
Sinilip muli ni Felix ang lalaki at nasaktuhan ang kanyang pagtayo bagamat nakatalikod. Kumislap ang basang katawan ng anghel sa sinag ng araw. Alam ng Diyos na sinubukan niyang pumikit at burahin sa isip ang nakikita. Pero kay Engracio na mismo galing – marupok siyang talaga. Parang bagong masang harina sa tambok ang puwet ng binata - mamula-mula sa tagal na pagkaka-upo. Subalit natigil lang ang kanyang libreng panonood nang mahuli.
“Felix!!!” Pareho silang napaupo. “Kanina ka pa riyan?”
“Lagpas tatlong minuto.”
“Ba’t hindi ka nagsasalitang hayop ka!” Pumulot si Mikael ng bato’t pinalipad ito sa direksyon ng nangingising mamboboso. Hindi niya sana tatantanan kung `di lang nakarinig ng tawanan. Mga bata. “Kailangan ko na makaahon.”
“Mali.” Lumabas si Felix. “Ang kailangan mo magdamit.”
Nalaglag ang panga ni Mikael nang i-angat ng lalaki ang kanyang saplot, nagbabadyang hindi niya ibibigay.
“Walang hiya ka! Akin na `yan!” “Punta ka rito. Kunin mo.” “Felix, huwag kang mag-umpisa. Ibaba mo damit ko’t tumalikod nang pumunta ako riyan. ”
“Ayoko. Gusto ko lapitan mo `ko nang nakaharap.” “Gusto mo bang mapalapit na sa dakilang lumikha?” “Mas gugustuhin mo bang mga inosenteng bata ang makakita niyan o ako lang? Mamili ka.” “Wala sa pagpipilian. Tumalikod ka na. Tigilan mo ang pamboboso.” “Nabosohan mo rin naman ako kanina, ha?” “Ang kapal!” “O tignan mo. Nailarawan mo.” “Hindi `yong ano mo ang tinutukoy ko! `Yong mukha mo! Hayop!” “Hay naku, akala mo madadamitan ka ng pagbubunganga mong `yan? Hindi.”
Palakas na ang tawanan, senyales na palapit na ang mga bata. Narinig pa nga niya ang isa – karerahan daw papunta sa baba. Maitatala ito sa kasaysayan bilang isa sa pinakanakahihiyang pangyayari sa kanyang buhay. Pero kaya niya pa itong mabago.
‘Malay mo, sinusubukan lang ako ng hayop na `to. Na pag-umahon ako’y bigla rin siyang tatalikod.’ kumbinsi ni Mikael sa sarili. ‘Nang-aasar `to dahil alam niyang naaasar ako. Pero kung ipapakita ko na hindi ako naapektuhan, baka tumiklop siya nang tuluyan.’
Mali siya ng akala.
Hindi tumiklop ang lalaki, bagkus ay lalo pa ngang tumutok, napalunok, at napaharang ng kamay, tulad ng paraan ni Mikael sa paglapit, nang may tumindig sa kanyang salawal.
Dumating si Mikael sa tapat, inis. “Ilaylay mo sa balikat ko damit ko.”
Ang damit ang gamit ni Felix pangtakip. Pero dahil sa takot, sinunod niya ito kaya nakita ng isa ang kinatatagong bukol.
“Tumalikod ka at huwag kang magkakamaling lumingon. Sasaktan kita.”
Tinuran ni Felix ang utos hanggang sa mabalutan na ang kanyang katawan.
“Ahh!” Napahawak si Felix sa tenga. “`Kala ko ba `di mo `ko sasaktan? Hindi naman ako lumingon, ha?”
“Kagagawa mo nga lang.” Nagsimula ng maglakad pabalik si Mikael nang mahagip ang hindi pa rin humuhupang bukol ng kasama. “Bagay lang pala sa`yo pinalayaw ko, ano? Felix Bakat.”
“Ikaw may gawa nito.” Tumalikod si Felix para ito’y ayusin. “Binabati kita.”
Hinabol niya ang lalaki para makakurot muli sa tenga.