Sa kanilang pag-akyat, nasalubong nila ang mga batang paliguan rin ang sadya. Tanda ng ilan ang dalawa – si Felix bilang ‘mangangain ng puso’, si Mikael bilang enkantada. Nakipag-usap sa mga bata si Felix samantalang si Mikael ay nauna na sa karwahe para salubungin si Nimpa na wasi-wasiwas ang buntot at may abot-tengang ngiti. Naupo siya sa tabi ng alaga’t hinintay ang paglapit ni Felix.
Ito ang unang beses na pinagtuunan niya ng pansin ang lakad ng lalaki. Meron itong paraan ng paggayak na kahit sino’y mapapalingon. ‘Ito siguro nakapagpahumaling kay Nena.’ O baka may iba pa ayaw niya lang ilathala.
Baka dahil ito sa tsokolate niyang mga mata na sinsero kung tumitig o marahil sa makakapal niyang kilay na pinagmumukha siyang mabait kahit sa loob ay walang kasing hilig. Maaaring sa labi rin niyang anong nipis na sa tuwing bibigkas ng ‘mahal’ nabubuo sa kanyang pag-iisip na baka (at sana) totoo.
“Ano, alis na tayo?” Si Felix.
Kung hindi pa siguro siya nahampas ng buntot ni Nimpa, hindi niya namalayang nasa harap na ang lalaking kanyang nilarawan. Masaydo siyang nadala ng kanyang diwa. Iniling ni Mikael ang ulo’t sumagot, “Dapat lang!”
Pumunta si Felix sa unahan para tanggalin ang pagkakatali sa kalabaw nang kalauna’y mapa-aray. Sinilip ito ni Mikael mula sa karwahe.
“Ano’ng nangyari sa`yo?”
Bahagyang lumingon si Felix.“Masyado kong nahigpitan ang tali. Hindi ko matanggal.”
Agad niyang pinuntahan ang puwesto ng lalaki’t sinubukan itong kalasin. “Hindi kaya masikip. O.A. ka lang.” Pero no’ng mahagip niya ang gasgas na palad ng kasama binawi niya ang kanyang paratang. “Napa’no `yan?”
“Ah, wala. Nadulas lang ako do’n sa…” Nabitawan ni Felix ang lubid nang subukan niyang i-rolyo ito gamit ang gasgas na palad.
“Huwag mo ng hawakan!” Pinagalitan niya ang lalaki’t siya na ang nagligpit sa bagay.
“Natungkod ko kasi palad ko do’n sa pinuntahan ko. E `di ko naman alam na magaspang pala ang bato kaya heto nakaskas –” “Huwag mo na ngang ituloy nanghihina ako!”
“Sorry.” Itatapak na sana ni Felix ang paa para akyatin ang kalabaw nang siya’y kwelyuhan.
“Ano’ng gagawin mo?” “Iuuwi ka na?”
“E lubid nga `di mo mahawakan ang palakarin pa kaya `to?” Tinuro ni Mikael ang likod-karwahe. “Do’n ka. Ako magpapalakad dito.”
“Alam mo kung pa’no?”
Kumurap si Mikael. “Oo… siguro.”
“E hindi rin kita hahayaang magmaneho. Mamaya saang lugar mo pa `ko dalhin e. Hindi pa `ko handa.” “Siraulo.”Sumampa na lang tayo pareho nang maturuan kita.”
Sinilip ni Mikael ang langit, inisip ang mga kahihinatnan ng pagpayag. Oo, maaaring mag-enjoy ang lalaki pero hindi rin naman niya kayang hayaang pagmanehuin ito nang may ganoong kalaking sugat kaya sa huli pumayag na lamang ito.
Unang sumakay si Felix; inalalayan niya si Mikael hanggang sa makasampa sa unahan. Humiling siya kay Felix na magpaka-propesyonal sa pagtuturo na siya niyang nagawa. Pero may pagkakataong sinuway rin, tulad ngayong nakapatong ang baba niya sa balikat ng isa, waring naglalambing.
“Mahal –” “Alam mo bang nawawala ang kahulugan ng salita `pag paulit-ulit itong sinasambit?” “Totoo?” “Hm. Kaya kung ayaw mong mawala ang kahulugan ng salitang ‘mahal’ tigilan mo na ang pagbanggit, okay? Nagpapanggap lang naman tayo, hindi ba?”
“Okay. Pasensya na.” Hinila ni Felix ang sarili, halata ang pagbaba ng tono. “Gusto ko lang sanang magtanong.”
“Tungkol saan?” “`Yong kanina sa looban.”
Napalagok si Mikael. Kutob niya ng hindi niya palalagpasin ang pangyayari. “Oh `di ba, natameme si Nena?
“Oo nga e!” Sinabayan ni Felix ang pagtawa ng lalaki hanggang sa humanap siya ng tiyempo’t idugtong, “Totoong halik `yon, tama?”
Nawala ang ngiti sa mukha ni Mikael, nainsulto sa pagkwestyon sa awtentisidad ng kanyang unang halik (sa lalaki). Pero hindi niya ito ipapakita. Siya ang taong mahirap paaminin. “Bakit mukha bang makatotohanan? Ha! Siyempre, akting lang `yon!”
“Gano’n ba?” Lumungkot muli ang kanyang tono.
Namagitan sa dalawa ang katahimikan pero mayamaya rin ay nabasag nang may masamyo si Mikael.
“Felix, naaamoy mo ba `yon?”
Nilanghap ni Felix ang buhok ni Mikael. “Oo.”
“Hindi ang buhok ko. Basta, amoy bulaklak.” Alam niya kung anong hitsura nito, ang baryasyon ng kulay. Kayang-kaya niyang ilarawan subalit hindi ang mapangalanan.
“Kalachuchi. Kalachuchi ang tawag do’n, mahal.”
Napabuntong-hininga si Mikael. Akala niya tagumpay na siya sa pagpapahinto kay Felix sa pagtawag ng ‘mahal’. Mali siya ng kalkula. “E wala naman akong makitang puno ng kalachuchi sa paligid, ha! Huwag mong sabihing amoy kalachuchi `yang mga puno ng saging?”
Natawa si Felix, mukhang nakabawi na magmula kanina. “Pero kung sakali may magbigay sa`yo nito, tatanggapin mo?”
Napaliyad si Mikael, gustong tignan sa mukha ng lalaki kung seryoso ba siya. “Ang totoo, bago ko malamang inuugnay ang kachuchi sa patay, naging paborito ko ito. Magpahanggang ngayon pa rin naman. Pero sa takot na ma-label na weirdo, gaya mo, hindi ko na pinaaalam. Pero mas gusto ko ang amoy no’n kaysa sa rosas o kahit sa ano pang bulaklak.”
“Talaga?”
“Mm! Naaalala ko nga no’ng elementary, binigyan ko crush ko no’n; naiyak. Para ko raw siyang pinatay.” Napapalo si Mikael sa hita. “Teka, kaya mo ba natanong `yan kasi may pinag-alayan ka ng bulaklak?”
“Oo!”
Pareho silang natawa.
Hindi pa man nakalalapit, nakabalandra na ang abot-tengang ngiti ni Victoria nang masaksihan ang dalawa sa ganoong posisyon. Inunahan na ni Mikael ang dalaga bago pa makapagsalita.
“May sugat kamay ni Felix kaya ako nandito. Hindi dahil gusto ko.” Inutusan niya ang nasa likod na ipakita ang palad nang hindi sila pagdudahan.
Binaba sila ni Victoria at minungkahing langgasan na ang sugat nang hindi maimpeksyon. Siya na ang nagpasok sa kamalig ng mga dayami. Humiram si Mikael ng plangganitong may maligamgam na tubig at asin. Minuwestruhan niya si Felix sa kwarter para do’n linisin.
Kaya naman ni Felix gawin ito sa sarili subalit hindi inako ni Mikael ang responsibilidad, dala na rin ng nasabi niya kanina. Dalawang kahon ang kanyang tinaob – isa para upuan niya, ang isa patungan ng batya; si Felix sa usual na silya. Pumasok si Victoria kalaunan dala ang apat na pirasong dahon ng tuba-tuba.
Nahinto si Mikael. “Para sa’n `yan?”
“Sa sugat nang mabilis maghilom saka nang `di dumikit sa benda ang laman.” Nilagay niya ito sa tabi ng plangganito.
Mayamaya, naalala ni Felix ang imbitasyon. “Hinanap ka pala sa`min ni Rosa. Mayroon daw silang kasiyahan dalawang araw mula ngayon. Imbitado tayo.”
“Ang Pista ng Santa Rosa!” Niyugyog ni Victoria ang nagbalita sa sobrang kasiyahan. “Kailangan ko ng halungkatin ang isusuot.”
“Masaya ba `yon?” Si Mikael.
“Di hamak na mas masaya kaysa sa nadaluhan mo,” aniya. “Puwede mong suotin `yong puti mo tapos ikaw, Felix, subukan mong pumunta kay Tiyo baka may mas maayos-ayos pa siyang damit na maipapahiram. O siya, maiwan ko muna kayo.” Tumakbo si Victoria’t umakyat, halata sa yabag ang pagka-excite.
Nang sa tingin ni Mikael ay nalinisan na nang husto, pinagpag niya ang bimpo’t dinampi ito sa palad ng lalaki. Pagkaraa’y dinilig niya sa tanim ang tubig at inakyat sa kusina ang basin. Napasinghot siya pagbalik sa kwarter.
“Naamoy ko na naman ang kalachuchi.” “Ako rin.” “Hindi kaya minumulto tayo ng Tinyente?”
“Hindi naman siguro,” sabi ni Felix. “Bakit may dala kang gasera? Maliwanag pa, ha?”
Bumalik ng upo si Mikael sa nakabaliktad na kahon. “Payo ni Mang Cardino, initin raw muna ang tuba-tuba bago bendahan. Kakaiba first aid nila rito, ano?”
Ininit niya ang dahon at walang anu-ano’y nilapat sa kamay ng kasama, bagay na kinahiyaw niya.
“Ah!Hindi ba puwedeng bumilang ka muna ng sampung segundo? Ang sakit kaya!” “Tiisin mo. Lampa ka e.”
Napakamot ng ulo si Felix sabay hila ng kamay nang aktong ilalapat na agad ng isa ang pangalawang tuba-tuba. Pinalagpas niya muna ng sampung segundo bago niya ibigay ang kamay sa ‘nobyo’.
“Ah! Hindi nga mainit, diniin mo naman!”
“Para bumilis ang paghilom.” Katwiran ni Mikael, sabay galugad. “Benda. Wala tayong pangbenda. Ah, eto na lang.”
Nilabas ni Mikael ang biniling panyo, tinupi nang pa-dayagonal at binenda sa kamay ng lalaki. Nangiwi ang huli sa huling pagbuhol. Inulit ni Mikael ang proseso at nilabas ang sariling panyo para gamiting pangbenda sa isang kamay.
“Hintayin mong gumaling tapos igasgas mo uli.”
Napakamot ng ulo si Felix. “Salamat, mahal. Kahit sinamahan mo pa ng insulto.”
Suminghot muli si Mikael. “Alam mo, parang nandito lang sa puwesto mo `yong amoy.”
“Tama ka. Andito nga.” Pumihit si Felix sa likod at nilabas ang bugkos ng kalachuchi. “Kung kaya ko lang bunutin ang puno ng kalachuchi iyon ang ibibigay ko. Pero sa ngayon, eto muna. Para sa `yo.”
Hindi matigil si Mikael sa kakakurap. “B-binibigyan mo `ko – Akin? Para sa`kin?”
Tumango ang lalaki.
“Ito `yong kinagasgas ng kamay mo?” “Sana tanggapin mo para may mapala kalampahan ko.”
Nanatili niyang tinitigan ang bulaklak. “Felix, hindi ba sumagi sa isip mong napupulot lang ang bulaklak sa lupa?”
“Maatim ko bang iyon ang ibigay sa`yo?” “Pero naatim mo `kong alayan ng bulaklak pampatay.” “Iyan o sadyang ako ang patay na patay sa`yo.”
Napalagok si Mikael. “Felix, nagpapanggap lang tayo.”
“`Yon din ang akala ko,” aniya. “Hindi ko hinihiling na mahulog ka na ngayon sa`kin. Pero `yon ang misyon ko. Sana kahit pampalubag-loob lang tanggapin mo.”
Pailing niyang kinuha ang bulaklak. “Hay, Felix. Ikaw na ata ang pinakahibang na lalaking nakilala ko sa buong buhay ko.”
“Salamat!”
“Hindi `yon pagpuri!” aniya saka nilanghap ang bulaklak. “Pero salamat rito.”
Sumapit ang gabi at lahat sila sa kauna-unahang pagkataon ay nakasaksi ng ‘blue moon’. Kung katulad lang ba ito ng bulalakaw na puwedeng hilingan, hindi sigurado ni Mikael. Gayunman, humiling pa rin ito na sana makabalik na sila sa lalo’t madaling panahon.
Habang nakahiga’t nakatitig sa buwan, humingi siya ng pabor. “Felix, alam mo `yong kantang ‘Blue Moon’?”
“Gusto mong sumayaw?” “Hindi.” “Pangmabagal na sayaw ang kantang `yan e. Praktisin na natin para sa pagtitipon.”
Natawa si Mikael. “Para namang uso ang music player sa panahon na `to.”
“E `di habang kumakanta ako sumasayaw tayo.” “Kumanta ka na lang.” “Pero pangako mo sa pagtitipon, magsasayaw tayo.” “Nakakita ka na ba ng dalawang lalaking nagsasayaw nang mabagal sa panahon na `to?” “Puwede natin simulan.” “Mawiwindang ang mga tao.”
“Tingin mo may tao na mula rito ang buhay pa sa panahon natin at sasabihing, ‘Uy, `di ba kayo `yong sumayaw noong nakaraang isang siglo? Oo kayo `yon!’, meron ba?”
Humagalpak si Mikael. “May punto. Pero para hindi na talaga mangyari `yon, sige, ngayon na tayo magsayaw.”
Tumayo si Mikael at plinantsa ng kamay ang damit. Gano’n rin si Felix puwera lang sa pagplantsa sa damit dahil sa sugat. Nilagay ni Mikael ang kamay sa bewang ng lalaki, pero itinaas ito ng huli’t pinahawak sa kanyang balikat samantalang siya ang humawak sa bewang ng isa.
“First time mo ba sumayaw?” Si Felix.
“Sa posisyon ng babae, oo.” Natawa si Mikael.
Sinimulan ni Felix ang pag-awit hanggang sa katagalan hindi na namalayan ni Mikael na nakasandig siya sa dibdib ng lalaki, haplos ang braso’t puso.