Chapter 3

2021 Words
Sinaklob ng liwanag ang loob ng simbahan makaraang itulak ni Juan Miguel ang pinto. Kulang ang kamay na pinangharang ni Mikael sa mukha; kailangan niya rin pumikit nang hindi masilaw. Ngunit kahit pa sarado ang kanyang mga mata, nakakaaninag pa rin siya ng liwanag. Tumagal ito ng kalahating minuto hanggang sa tulad ng flashlight na said na ang baterya ito’y humina at pagkaraan nawala. Napaayos si Mikael ng tindig at minulat ang mga mata. Ginala niya ang paningin subalit sa tagal ng pagkakapikit, hindi siya makakilala ng kulay. Kumurap siya nang paulit-ulit hanggang sa umayos ang contrast, saturation, at brightness ng kanyang mga lente. Nilingon niya ang simbahan para kay Juan Miguel subalit hindi niya makita. Nagtaka siya kung bakit sa liit ng awang sa pinto ganoong katinding liwanag na ang lumukob. Alam niyang may mali, pero gayunman masaya na si Mikael - malaya na siya sa piling ng hibang na lalaking pinagdidildilang siya ay anghel. Tinulak niya ang pinto, handa ng umuwi sa bahay nang pagkaraan ng apat, limang hakbang, siya’y natigilan, napakurap. ‘Nanaginip lang ako, `di ba?’ Sinampal niya ang sarili. Paatras siyang bumalik sa harap ng simbahan subalit saradong pinto ang bumati sa likod nito. ‘Prank ba `to?’ tanong niya sa sarili. Wala kasi siyang makitang sementong daan, `yong gusali, `yong overpass. Hindi niya na kinabigla ang kawalan ng tao dahil gano’n naman ang nadatnan niya kanina pagbaba sa bus, pero dito kasi ultimo mga jeep at puv, mga streetlights at busina – lahat ng `yon nawala. Ang meron lang matatabang lupa, halaman, malinis na hangin at kakahuyan. Wala siyang nakitang makukulay na banderitas sa langit, pero may nakita siyang mga tutubi na matagal ng extinct sa siyudad. Hindi niya maintindihan paanong paglabas niya’y nagmistulang probinsya ang San Juan. Sa buong lugar, tanging simbahan lang ang halos walang pinag-iba – ganito pa rin ang disenyo at ang kawalan ng kulay nito. Hindi niya rin inaasahang makita ang akasya noong hindi pa ito umaabot sa taas ng simbahan. Noong hindi pa ito ganoon katanda. Bigla niyang naalala ang huling katagang sinambit ng baliw. ‘Bumalik nga ba kami sa nakaraan? Pero paano? At waring narinig, kumaway ang lalaki na nasa likod ng puno, umiihi. Sa kasamaang-palad, nahagip pa niya itong magpagpag. Iniling ni Mikael ang ulo nang iwaksi ito sa isipan. Nilapitan niya si Juan Miguel, inis. “Nasa’n tayo?” “San Juan.“ “Alam ko! Pero ano `to? Asan `yong mga banderitas? `Yong overpass? Bakit nag-iba hitsura ng paligid?” At sinagot siya ng lalaki na parang ordinaryong bagay lang ang nangyari. “Bumalik tayo sa nakaraan.” Nagkrus ng kamay si Mikael. “Hinihintay ako ng nanay ko, alam mo ba `yon?” “Nawala sa isip ko.” “Hindi `yan ang sagot na gusto kong marinig!” Inamba ni Mikael ang gintong plawta, aktong hahatawin kaya si Juan Miguel kagyat na tumakbo. “I-uwi mo `kong baliw ka!” “I-uwi na... itanan?” Binato ni Mikael ang plawta, pero bigo itong tumama sa inaasinta. “Hoy, huwag mong tinatapon `tong plawta mo!” Pinulot ni Juan Miguel ang bagay na iyon, dahilan upang makasampa si Mikael sa likuran at ito’y pinagsasambunutan. Tumayo si Juan Miguel samantalang nakasampa pa ang isa. “I-uwi mo `ko o kakalbuhin kita! Mamili ka! Hindi ako nagbibiro! At huwag mo `kong binibirong baliw ka!” “Oo, oo! Sige, iu-uwi na kita! Ah!” Inalo ni Juan Miguel ang anit nang makaalis sa likod ang lalaki. “I-uwi mo na `ko ngayon din!” Nakahalukipkip si Mikael. “Imposible `yang hinihiling mo,” ika ni Juan Miguel. “Makakabalik lang tayo kapag tumunog ang kampana.” “Kailan tutunog ang kampana?” “Hindi ko alam.” Inapakan siya sa paa. “Aray! Aray! Alas dose! Alas dose ng hatinggabi!” Bumalik si Mikael sa harap ng simbahan, naupo, dalawang kamay na nagpangalumbaba samantalang ang isa’y isang-paang nagpalundag-lundag. Takot man sa posibilidad ng muling pag-apak at pagsambunot, naglakas-loob pa rin si Juan Miguel lumapit at nagtanong. “Ano’ng ginagawa mo?” “Naghihintay mag-alas dose, ano pa ba?” Nang-irap ang suplado. “Pero wala akong binanggit na MAMAYANG alas dose. Sabi ko lang ‘alas dose’.” “At papa’no mo nalamang alas dose nagbubukas `to at nang hatinggabi pa talaga?” “`Di ba sinabi ko sa`yo nakarating na `ko sa nakaraan?” “Akala ko nagbibiro ka lang!” Napabuntong-hininga si Mikael. “Ano kaya kung tinanggap ko na lang `yang premise mo na isa nga akong anghel?” “Alam ko!” “Huwag mo ng sagutin.” Umakap si Mikael sa mga tuhod saka pinatong ang baba. Inimbitahan ni Juan Miguel ang sarili’t tumabi. “Huwag ka mag-alala dahil ako naman nagdala sa`yo rito, pananagutan kita.” “Dapat lang,” ani Mikael. “Bakit pumayag ba ako na dalhin mo rito? E gusto ko nga makalayo na sa kahibangan mo e.” Hindi nagsalita si Juan Miguel, binalik lang niya nang tahimik ang gintong plawta sa ‘anghel’. “Isilid mo na `to sa bag mo.” Kinuha ito ni Mikael kahit na napilitan. Kalaunan nagtanong, “Ikaw nagdedesisyon kung anong taon o saan ka mapapadpad?” “Hindi. Pero natatandaan ko noong una kong diskubre sa portal: may napanood akong segment sa t.v. tungkol sa Mactan, tinalakay sina Lapu-Lapu’t Magellan. Nang buksan ko ang pinto napadpad ako sa panahon –” “Nila Lapu-Lapu?” “Hindi pa yari ang simbahan noon,” ani Juan Miguel. “Sa halip, napadpad ako sa panahon kung saan kaapu-apuhan na ni Lapu-Lapu ang namamalakad.” “Gawa-gawa mo lang `yan.” “Pagbalik natin ipapakita ko sa`yo mga regalo nila sa`king ginto.” “At papa’no ka nakauwi?” Nakahilig na si Mikael, bahagyang nalimutan ang pagkabalisa. “Kapalit ng paninilban ko sa kanila, tinulungan nila akong makabalik sa Manila. Sakay ako ng malaking bangka. Hindi ko na nabilang kung ilang araw o buwan kaming bumiyahe. Pero masaya.” “Kaya umulit ka? Gano’n? Kasi masaya? Ibang dimensyon pala talaga `yang kabaliwan mo, ano?” “Baliw pa rin ako kahit totoo ng nakarating tayo rito?” “Oo, kasi kung matino ka hindi mo `ko dadalhin dito.” “Ayaw mo kasi maniwalang may anghel e kaya heto papatunayan ko.” “At talagang alam mo na dito siya magpapakita.” “Siya ang sasalubong sa`tin oras na tumunog ang kampana.” “Pero kanina no’ng sinabi ko sa`yong may nakita akong anghel pinagdudahan mo? Malala ka na.” Bumuntong-hininga si Mikael. “At dahil tungkol sa simbahan ang pinag-usapan natin, dito tayo napadpad, tama?” “Ang swerte mo, `di ba?” Hindi nakihati si Mikael sa tuwa ng isa. Pero kung papayagan niya ang sarili, maswerte nga silang matuturing dahil hindi na nila kailangang bumiyahe pa ng ilang araw o buwan. Ang tanging gagawin lang nila ay maghintay sa tunog ng kampana. Na dapat tumunog rin mamaya dahil isang araw lang ang palugit ng maestro para ayusin ang bumabagabag sa sarili. Nadagdagan pa pala. Tumayo si Mikael. “Basta ano’t anuman kailangan makabalik tayo agad.” “Makakabalik tayo. Pangako. ” Tumayo na rin ang lalaki. “Pero dahil hindi natin alam kung kailan tutunog ang kampana, mainam sigurong maghanap muna tayo ng matutuluyan.” “Ano, parang hotel, gano’n?” “Hindi. Bahay. Maninilbihan tayo.” Umurong ang leeg ni Mikael. “Magiging kasambahay ako, `yon ba sinasabi mo?” “Habang naghihintay tayo sa pagbubukas ng portal.” Pinaraanan niya ng tingin si Mikael saka sinambit, “Sa hitsura mo namang `yan tansya kong hindi ka nila pahihirapan.” Kahit ayaw ni Mikael sa proposal sumama na lang ito sa takot na maiwan. Pababa na rin kasi mayamaya ang araw at hindi dito uso ang streetlights. Kung ang mga bahay sa kasalukuyan mistulang siksikang sardinas, siya namang kabaliktaran pagdating dito – kanto sa kanto ang pagitan. Sinipat ni Mikael ang reaksyon ng lalaki habang sila’y naglalakad. Para na lang itong normal na senaryo sa kanya, dahil siguro mas nakamamangha pa dito ang mga napuntahan niya. “Dito. Subukan natin dito.” Tinuro ni Juan Miguel ang bahay sa kanilang harapan. Nakaangat sa lupa ang palapag ng bahay, ang hagdan nakahilig sa alas dos. Bagamat tambak ng mga kagamitan, malawak ang espasyo sa ilalim, sobrang lawak ginawa itong kwarter ng puting asong walang-humpay sa katatahol. Pang-sampung bahay na nila itong tinigilan subalit handa si Mikael lakarin ang panglabing-isa, kung kapalit naman noon ay kaligtasan niya mula sa kagat ng aso. “Lumakad na tayo, bilis.” Kinalabit niya ang isa. “Tinatahulan tayo ng aso.” “Tahol pagbati `yan, hindi kung ano.” At dahil hindi natinag sa kinatatayuan, naabutan sila ng ginoo sa bintana. Nakasuot siya ng puting kamisa, may tabako sa bunganga at itak sa baywang. “Sino kayo?” tanong nito, ang tono’y tipong `di magpapaunlak. Nagtago si Mikael sa likuran ng lalaki, lukot-damit bumulong. “May itak siya.” Subalit parang walang narinig, bumati pa ang kasama. “Magandang hapon sa inyo, ginoo!” Isa namang ginang ang lumapit sa bintana, tapik ang balikat ng ginoo aktong aakuin na ang pakikipanayam. Nakasuot siya ng bulaklaking saya at malugod na ngiti. “Ano’ng maipaglilingkod namin sa inyo, mga iho?” “Gusto ho sana namin manilbihan sa inyo kapalit ng pansamantalang pakikituloy. Maaasahan niyo ho kami sa pagluluto, paglilinis, pagpapakain sa mga alagang hayop maging sa pagsisibak ng kahoy.” Nilingon ni Juan Miguel si Mikael. “Marunong ka naman ng mga binanggit ko, `di ba?” “Hindi ang magsibak.” “Ayos na `yon.” Bahagyang umatras ang mag-asawa, nag-usap nang mayamaya saluhan sila ng anak na dalaga. Sandali itong tumangan sa kanila’t nagbigay ng ngiti bago bumalik sa mga magulang. Umalis rin siya kalaunan para kumiling sa bintana. “Magandang hapon, magandang binibini.” Si Juan Miguel, may pagyuko pa na animo’y may hawak na balangot. Humagikgik ang dalaga. “Masyado ka namang pormal. Parito kayo. Ako nga pala si Baduday.” “Victoria?” Napalingon ang tatlo sa lumapit na ginang. “Kay ganda ng pangalan mo tapos `yan ang ibibigay mo?” Umirap si Victoria bago latagan ng panibagong pangaral ng tatay. “`Yan ang dahilan kaya walang nagkakagusto sa`yo! Ginagawa mo laging katawa-tawa ang sarili sa tuwing may posibleng nobyong darating.” Tumikhim si Juan Miguel. “Ano hong desisyon niyo? Pumapayag na ho ba kayo?” Nasa likod pa rin si Mikael, sa lupa ang tingin. Maari nilang kunin si Juan Miguel at ikalulugod pa iyon ni Mikael. Pero nang bulungan siya ng lalaki na siya ang gusto ng ama para sa dalaga tila ba iyo’y masamang balita. “A-ako? P-pero -” “May naisip ako. Sabayan mo.” Hindi pa man nagbigay ng pagsang-ayon si Mikael, ginawa na ng lalaki ang naisip – pinagyakap niya ang kanilang mga kamay at hinila siya sa kanyang tabi. “Ipagpaumanhin niyo na ho sana ako, ginoo, kung ako’y magdadamot. Wala akong balak ibahagi sa iba ang kasintahan ko.” Animo’y tinamaan ng lintik ang mag-asawa higi’t lalo na si Mikael. ‘Kasintahan? Nahihibang na ba siya?’ “Siya nga ba, iho? Mag- magnobyo kayo?” tanong ng ginang, ang unang naka-recover sa pagkawindang. Tiningala ni Mikael ang katabi samantalang pasimpleng kinukuyumos ang palad ng lalaki. “O-opo. Mag-nobyo nga ho kami.” “Halata naman e! Unang kita ko pa lang sa inyo.” Si Victoria, nakapangalumbaba sa bintana’t tinapunan sila ng mapanuksong ngiti. “Ama, payagan niyo na ho sila. Pasasaan pa at magkakaroon rin ako ng sinisinta. Mas kailangan natin sila para sa ating hanap-buhay, hindi po ba?” Tinungkod ng ginoo ang mga palad sa bintana, nagdadalawang-isip. Hindi naman siguro sagabal sa pagtratrabaho nila ang kanilang relasyon, gaano man ito kakaiba. “Ano ang mga ngalan niyo?” tanong ng ginoo. “Ang pangalan ho ng nobyo ko ay Engracio.” Umakbay si Juan Miguel sa may malilisik na matang kasintahan. “At ako naman ho si-” “Felix. Felix Bakat, ho,” sagot ni Mikael para sa kanya, gumanti. “Mainam!” ani ginang na nagpakilalang Corazon. “Nais niyo bang magmeryenda ng saba?” “Tanggap na ho ba kami?” Si Felix. “Oo, iho. Parito kayo sa taas nang makilala pa namin kayo.” “Susunod ho kami sandali,” ani Mikael bago hilain ang walang hiya malayo sa bintana. “Bakit naman nobyo pakilala mo sa kanila?” “Gusto mo bang mapangasawa si Baduday – sa hirap at ginhawa, sa dusa at saya?” “Hindi!” “Gano’n din ako kaya kung magpapanggap tayo na magnobyo, hindi na nila ipipilit sa`tin ang gusto,” ika ni Felix. “Tara na sa taas.” Nalaglag ang panga ni Mikael sa kakaiba at nakakapraning na pag-iisip ng lalaki. Nagpahuli siya, bumuntong-hininga. Kunin raw ang oras, pakiramdaman saan siya balak dalhin ng mga paa, ani maestro. Ginawa naman niya. Pero hindi niya sukat akalaing ang oras ang kukuha sa kanya’t ibabalik siya sa nakaraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD