Chapter 2

1821 Words
Nanayo ang kanyang maninipis na balahibo sa natuklasan. Takbong-takbo na si Mikael. Katunayan, disidido na siya na sa oras na siya’y makalabas ni anino niya sa pasko at bagong taon hinding-hindi na masisilayan sa Sto.Cristo. Subalit tulad ng nangyari sa teatro, hindi niya maigalaw ang mga paa o gumalaw man wala itong ibang ibig puntahan liban sa direksyon ng aranya. Tulad ngayon, ngayong may bumabagsak na namang mumo ng bato sa pagitan ng mga kamay ng rebulto. ‘Mahuhulog ang plawta.’ Pero bago ito magkatotoo, ginawa niyang dagat ang sahig at sumisid. Umalingawngaw sa simbahan ang kanyang pagbagsak, iniwan lang nang buksan niya ang mga mata at mahumaling sa ganda ng sinalbang plawta. Tumihaya siya, inangat ito sa tapat ng mukha. Pinadaanan niya ng daliri ang mga nakaukit na baybayin. Hinanap niya ang palatandaan kung saang bansa ito gawa. Tatlong beses niya itong sinuri bago siya sumuko. Isa lang ang nais ipahiwatig nito - na out-of-this-world ang plawta. Hindi niya na kwinestyon ang awtenstisidad ng pagkaginto dahil sa bigat pa lang nito kumbinsido na si Mikael na tunay ito at hindi isang replika. ‘Pero sa’n nga ba galing ang rebultong iyon? At bakit ito nalaglag? Nalaglag nga ba o sinadya? May buhay ba ang batong `yon?’ Ilan sa mga katanungan niya sa isip nang sipatin muli ang marmol na iskultura. Ngunit isang tanong lang ang sa kanya’y nagpabangon – ‘Ano kayang klaseng tunog ang magagawa nito?’ Marami na siyang nasubukang plawta. Bagamat pare-parehas lang sa mata ng karaniwang tao, walang plawta ang magkakatulad para sa kanya. May kanya-kanya silang personalidad. At sa unang himas pa lang niya sa gintong plawta batid niya ng pang-maharlika ito at animo’y ginagamit lang ng matataas na ranggo. Lumagok si Mikael. Unti-unti niyang inangat ang plawta sa kanyang bibig, pumikit – “Sino’ng nariyan?” Galing sa pinasukang pinto ang tinig. Dilat-mata niyang pinulot ang sarili’t bumaluktot sa gilid ng lamesa ng pari. Nang maramdaman niyang papalapit ang mga yabag, mabilis siyang pumasok sa ilalim ng pinagtataguan, kasabay ng mental na paghingi sa Diyos ng tawad. Huminto ang paghakbang. Maginhawa siyang humaging. “Lumabas ka riyan! Ipakita mo ang `yong sarili!” Itinungkod ni Juan Miguel ang mahabang walis nang usigin ang lalaking lumabas sa pinagtataguan. Napahawak si Mikael sa labi. Bakit ba kasi sa halip na sumuko napili niyang magtago? Wala namang dapat ikatakot. Dapat pa nga pasalamatan siya dahil sinalba niya sa pagkahulog ang gintong plawta. Pero ito nga mismo ang dahilan kung bakit siya nagtago – ginto ang plawta at marahil tiga-simbahan ang sumita at pinaghihinalaan siyang magnanakaw, ano pa’t pinataguan niya. “`Pag ‘di ka lumabas diyan, makikita mo! Isa... dalawa... tat-” “Eto na! Eto na! Lalabas na!” Gumapang si Mikael, taas-kamay sumuko, nagpaliwanag. “Pinadaan lang talaga ako ng nanay ko rito, please, hindi ako magnanakaw! Sinundan ko lang `yong pusang itim tapos –” “Anghel!” Nabitawan ni Juan Miguel ang walis. “Hindi ako makapaniwalaang magpapakita ka rito!” Aktong lalapit si Juan Miguel kaya umikot si Mikael nang mapagitnaan sila ng lamesa. Inamba niya na rin ang plawta kung saka-sakali. Pagbanggit pa lang niya ng ‘anghel’ at ‘pagpapakita’ tansya na ni Mikael na sinusubok ang lalaki sa aspetong mental. “Nakaputi lang ako pero hindi ako anghel,”aniya. Ang mali lang ni Mikael, sa halip na umikot sa direksyon ng bukas na lagusan, pumihit siya sa direksyon ng una niyang pinagtaguan. Pwede pa rin sana siyang sumibat pakanan kung gagalaw lang ang lalaki pakaliwa, pero heto nanatili na lang sa kinatatayuan, tulad ng panga niyang nanatili sa pagkalaglag. “Kung hindi ka anghel bakit iba kulay ng buhok mo?” Nakaturong sabi ng lalaki. Inakyat ni Mikael ang tingin sa maalon niyang bangs. “Anghel na ba agad `pag nagpakulay ng blonde?” May kalakip na insulto ang kanyang sagot. “Oo!” At anong liyad ni Mikael nang marinig iyon. Sa katunayan, iniwan na siya ng sindak lalo pa ng idugtong ng lalaki, “Atsaka bakit may hawak ka niyan? Instrumento ng mga anghel `yan e.” Alam ni Mikael hindi lang mga ‘anghel’ ang maaaring gumamit ng ganitong instrumento, pati na rin ang mga normal na taong tulad niya. Pero baka kasi ang pinupunto ng lalaki ay itong gintong plawta mismo. “Eto ba? Nakita ko lang `tong mahuhulog kaya sinalo ko.” “Mahuhulog?” “Kasasabi ko lang.” “Saan?” “Doon!” Tinuro ni Mikael ang aranya nang nanatiling nakaharap sa lalaki, dahilan para makita niya ang pagkunot ng noo nito. “Ano ba tinuturo mo? Wala naman akong makitang iba liban sa aranya.” Siya na ngayon tuloy ang naging hibang sa kanilang dalawa, dahil nang lingunin niya nga ito nawala na ang rebulto. “Imposible! Andiyan `yon kanina e!” sabi niya. Kinuhanan niya na sana `to ng video kung alam niya lang mawawala ito bigla. “Ano ba ang nandiyan kanina?” “Ang anghel!” Hindi sinasadyang matawa ni Juan Miguel. “Taga-bantay ako rito. Sinisigurado ko sa`yo, walang anghel diyan sa itaas. Dahil ikaw, ikaw ang anghel na tinutukoy mo.” “Pasensya ka na sa itatanong ko, ha, pero... nakagamit ka ba?” ani Mikael. “Hindi nga sabi ako anghel! Tao ako! Tao!” Sa labing-siyam na taong pamamalagi niya sa mundo ngayon lang pinagdudahan ang kanyang pagkatao. Literal na pagkatao. Oo nga’t nilalarawan siya madalas na anghel, pero hindi tulad ng pinaglalaban nitong kaharap niya. Ano rin bang malay niya? Baka nagbabalatkayo lang itong taga-bantay pero ang totoo, isa talaga siyang sindikato. Balak na sana niyang tumuloy ng labas nang iharang ng lalaki ang mga braso. “Ano bang kailangan mo? Sino ka ba?” Inis na si Mikael. “Siguro interesado ka rito, ano?” “Ipinaparating mo bang gusto kong nakawin iyang plawta?” “Bakit, hindi ba?” Pailing na nagpameywang si Juan Miguel. “`Di ko alam na matalas rin pala ang dila ng mga anghel. Pasensya na kung hamak lang akong taga-bantay dito sa Sanctuario. Pero para sa kaalaman mo `di lahat ng mahihirap kaya ang binibintang mo.” Binalot si Mikael ng pagsisisi. Totoo pala talaga siyang taga-bantay. “Pasensya na sa pamimintang. At pasensya na rin kung pumasok ako rito gayong wala pa namang misa.” Bumalik ang aliwalas sa mukha ng lalaki. “Pasensya na rin kung tinawag kitang anghel.” Akala ni Mikael sa wakas nahimasmasan na ang lalaki hanggang sa dugtungan niya `yon ng, “Hindi mo pa pala nilalabas ang pakpak mo.” “Wala akong pakpak!” “Tinatago mo lang.” Diniin ni Mikael ang palad sa noo. ‘Nasobrahan siguro `to ng langhap sa insenso.’ “Uhm, eto, sige na. Kunin mo na `to.” Hinablot ni Mikael ang kamay ng lalaki’t pinatong rito ang plawta. “Bakit mo binibigay?” “`Ka mo ikaw ay taga-bantay? O e `di babalik ko. Pagmamay-ari `to ng simbahan.” Inilingan siya ni Juan Miguel, hinawakan ang pulso’t binalik sa palad ang plawta. “Hindi sa simbahan ‘yan. Walang anghel na nakasabit sa aranya.” “Hindi mo `ko pinapaniwalaan, ano?” “Tulad ng hindi mo `ko pinapaniwalaan.” “Heto ang pruweba ko, o! E ikaw, ano’ng pruweba mo na anghel nga ako? Dahil sa buhok ko? Nahihibang ka na. Atsaka walang anghel. Gawa-gawa lang `yan ng mga tao noon.” “Marahil?” Humawak ang lalaki sa baba, animo’y pinag-iisipan ang posibilidad. “Tumutugtog ka ba ng plawta?” “Ano’ng kinalaman no’n?” “Simpleng tanong lang `yon.” “Hindi. Hindi ako marunong.” Inikot ni Mikael ang satchel pagkasabi niya nito. Makapal naman ang leather ng bag, hindi na siguro mahahalatang may plawta ito sa loob. Hindi tamang magsinungaling, pero baka kasi `pag sinabi niya ang totoo, kung anu-ano pang kahibangan ang kanyang mabanggit. Isa pa, hindi `yon tatanungin ng lalaki nang wala lang. May gusto siyang patunayan. At walang balak si Mikael magpaunlak. “Gano’n ba?” Napatingin si Juan Miguel sa sahig, nakangiti, may naiisip: Parang gusto kong pumunta doon nang may kasama. Para maalis na rin ang pagdududa niyang hindi totoo ang mga anghel. “Uhm, hello, ayos ka lang? Ngumingiti ka mag-isa.” Kisap-mata siyang bumalik sa kausap. “Pasensya na kung panay kong tawag sa`yo nang ‘Anghel’, ha?” “Bakit mo nga pala nasasabi `yan?” “Alam mo, mas magandang pag-usapan `to habang naglalakad. Juan Miguel nga pala.” Inabot niya ang kamay sa blonde. Wala naman talaga siyang balak makipagkilala sa lalaki pero dahil aminadong nakapagbitaw ng mga salita at panghuhusga sa isip, tinanggap niya ang kamay at alok nitong paglalakad. Dito naman din siya balak dalhin ng mga paa niya, tama? Tama. “Ako naman si Mikael,” tugon niya. Nagkomento si Juan Miguel tungkol sa pangalan niya – para raw pang-anghel; tumango na lang ang isa nang hindi na gumulo. Katunayan, hinanda na ni Mikael ang sariling makarinig ng patungkol sa mga anghel at demonyo, sa halip tinalakay niya ang tungkol sa Sanctuario -kung kailan ito unang tinatag, at kung paano ito naging takbuhan ng mga sugatang Katipunero noong panahon ng Himagsikan - mga impormasyong hindi naitala sa mga librong Kasaysayan o kung naitala man siguro’y hindi niya matandaan o wala lang talaga siyang hilig noon sa pagbabasa kaya `di niya `to nalaman. “Papa’no mo nalaman ang mga bagay na `yan?” Si Mikael, sa likuran ang mga kamay, mangha. “Nakarating na ako roon,” ani Juan Miguel. “Ibig mong sabihin, nakarating ka na roon DAHIL sa pagbabasa ng libro, tama ba?” “Hindi, nakarating na talaga ako roon.” Humagikgik si Mikael. “Alam mo, parehas kayo ng dormmate ko - `pag nagpapatawa parang totoo!” Nakitawa na lang rin si Juan Miguel at hinayaan na ang lalaking isiping palabiro siya. Mayamaya, naalala ni Mikael ang dahilan kung bakit siya pumayag makipag-usap. “Bakit nga uli pinagpipilitan mo na isa akong anghel?” “May mga anghel talaga kasi dito sa mundo at `yong iba nag-aanyong tao.” Pumihit si Mikael sa harapan ng lalaki. “Okay, sige. Kungwari naniniwala ako, pero hindi ba dapat ako ang unang makakaalam kung anghel ako o normal lang na tao?” “Ikaw ba unang nakakaalam kung may muta ka, hindi ba ibang tao?” ‘Hm, may punto siya roon, ha?’ sa isip ni Mikael. “Ilang taon ka na ba at naniniwala ka pa sa mga ganyan?” “Bente-kwatro na ako at hindi ko kinahihiya paniniwala ko.” Nagpatuloy si Juan Miguel; si Mikael sa kanyang tabi. “Tinagurian na nga akong ‘baliw’ ng ibang mga taga-bantay e. Sanay na ako.” Sinimulan nila noon ang paglalakad mula sa hilera ng bukas na pinto palibot hanggang sa makabalik sila sa altar kung saan sila unang nagkita. Mula ditto, tinahak naman nila ang gitna papunta sa malaking pinto. “Dito ka `ka mo dinala ng mga paa mo?” tanong ni Juan Miguel. Hindi naman niya sana balak ikuwento ito, pero bago niya malaman natulad na siya noong sunggaban niya ng yakap ang maestro. “Actually, kanina pa `kong umaga hindi mapakali. Pero simula noong makaapak ako rito nawala iyon. Para akong nakalutang na ewan. Para akong -” “Hini-hele ng anghel?” Kumurap ang kausap. “Gano’n nga.” Sa ganitong gamit lang niya ng ‘anghel’ napasang-ayon si Mikael. Nasa hilera sila ng dulong upuan nang ipihit ni Juan Miguel ang malaking tabla na nakaharang sa pinto. Humarap siya sa kasama, may halong kaba subalit natabunan iyon ng saya. “Handa ka na ba?” “Lumabas?” “Bumalik sa nakaraan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD