Chapter 1

1763 Words
May isang linggo na lang ang Colatura Orchestra para linisin ang piyesa. Sila ang napili ng Kagawarang ng Sining at Musika na kumatawan sa Pilipinas para sa Festival of Talents sa Australia. Sa edad na disi-nuebe, si Mikael ang pinakabata sa dalawampu’t limang miyembro ng Colatura. Kaya niyang tugtugin ang instrumento ng iba niyang mga ka-miyembro at mga instrumentong hindi nila ginagamit sa orchestra, pero sa lahat ng iyon ang pinkagamay niyang gamitin ay ang plawta. Walong taon pa lang kinakitaan na siya ng talento sa pagtugtog. Nang matutunan ito ng mga tao (at sa pang-uusig na rin ng kanyang ina), laman na siya ng pagtatanghal sa paaralan at family reunion. Kinukuha rin siyang tumugtog sa kasalan at walang bride ang hindi lumuha nang lapatan niya ang kanilang paglalakad sa altar. Ganito rin ang nangyayari kapag violin ang kanyang gamit, subalit sa plawta niya talaga higit nai-ekspress ang sarili. Hindi nga lang iyon makita ng maestro ngayong huling linggo ng ensayo. “Mikael, focus!” Tinapik ng palobong ginoo ang patpat sa roster. Yamot ito at nararapat lang. “From the top! Ready... go!” Maganda ang reputasyon ni Mikael. Magiging scholar ba siya kung hindi? Kaya naman ang matawag sa kalagitnaan ng pag-eensayo ay isa na sa kanyang kahihiyan. ‘Bakit ba hindi ako mapalagay?’ tanong niya sa sarili, pikit ang mga matang tumutugtog, ang mga kilay magkasalubong. “Mikael...” May tumatawag sa kanya ngunit kung sino, hindi niya kilala. “Mikael...” May gustong lakaran ang mga paa niya maliban sa teatro, pero `di niya tukoy kung saan. Hanggang sa napabukas siya ng mga mata sa malakulog na boses ng maestro. Iisa ang direksyon ng tingin ng mga kasama – sa kanya. “Water break muna, limang minuto!” Sinilid ng maestro ang patpat sa bulsa ng polo, ihininga palabas ang dismaya sabay, “Mikael, maiwan ka.” Tila ba may kung ano’ng humahatak sa paanan niya para `di makawala. Lumagok siya nang lapitan ng maestro. Mabuti na lang pinag-break ang mga kasama para sakali mang bigkasan siya ng litanya, walang ibang makakarinig; masasaktan pero hindi gaano mapapahiya. “Ano’ng bumabagabag sa`yo, Mikael?” Himas nito ang bigoteng itim at puti, ang noo nakakunot, senyales ng pag-aalala. Nawala ang mga humawak sa kanyang paa’t malaya ng nakagalaw. Dahil siguro hindi tono ng pang-iinsulto ang kanyang narinig kung `di tulad ng pangangamusta ng ina. “Patawad po kung wala ako sa sarili.” Ginalugad niya ang kalawakan ng BICC theatre, ang pinagmumulan ng dilaw na spotlight, ang mga bakanteng upuan. Noon din nagtanong siya. “Naranasan niyo na po ba `yong hindi kayo mapakali? `Yong parang may gusto kayong puntahan pero hindi niyo alam kung saan?” Tinuran ng maestro ang ginawang pag-oobserba ni Mikael saka sumagot. “Minsan. Oo, naranasan ko `yan.” Binigay ni Mikael ang atensyon sa maestro na animo’y batang excited makarinig ng kwento. “Ano hong ginawa niyo?” “Pinakiramdaman ko kung sa’n ako dadalhin ng mga paa ko,” sabi ng maestro. Hindi niya sigurado kung nadismaya ba pero bumaba ang lebel ng excitement ng binata, bumalik lang nang ipaalam sa kanya ang balitang, “Gusto kitang pagsolohin sa ikalawang yugto ng pagtatanghal.” “Sa Festival po?” Tumango ang maestro. “Gusto ko ang mag-perform doon ay `yong nasa ‘in the zone’ na Mikael, hindi tulad ng kanina na parang wala ka sa sarili. At sana makatulong itong pag-excuse ko sa `yo ngayong rehearsal. Kunin mo ang oras na `to para pakiramdaman kung saan ka dadalhin ng mga paa mo. Pero dapat bukas pagbalik mo maayos ka na. Puwede ba `yon?” “Salamat po, Maestro!” Napayakap si Mikael hindi lang dahil sa balitang pagso-solo-hin siya sa Festival kung `di para rin sa pagpayag nito na makaalis na sa teatro. Pinulot ni Mikael ang satchel sa sahig, nagbigay-galang saka lumukso palabas ng gusali. Sinakyan niya ang unang bus na huminto, umupo sa tabi ng bintana bandang dulo at pangalumbabang tinanong ang sarili, ‘Saan kaya ako balak dalhin ng mga paa ko?’ Ito rin ang gustong malaman ng konduktor nang dumating sa tapat ng binata. “Sa’n bababa?” “Uhm, s-sa...” Tuloy-tuloy ang vibrate ng cellphone niya sa bag, at para makabili ng oras pinaumanhin niya muna ang sarili at sinagot ang tawag. “`Ma, napatawag ka?” Dumako muna sa iba ang konduktor. “ `Nak, pista ngayon ng Sto. Cristo baka gusto mong bumawi? Makakauwi ka mamayang gabi, tama?” Bakasyon ngayon, pero dahil sa nalalapit nilang pagtatanghal sa Australia, kailangan ng Colatura mag-ensayo apat na beses sa isang linggo. Malayo ang BICC sa San Juan, gano’n din ang iskwelahang pinapasukan, kaya para maiwasan ang problema sa pamasahe’t trapiko, nanatili ito sa tinutuluyang dormitoryo. Tuwing pasko’t Bagong Taon lang kasi umuuwi si Mikael, pero ang pinakahuli niya talagang punta sa bahay ay noong mabalitaang nahimatay ang kanyang ina. Kung aanalisahin niya ang mga pangyayari – ang biglaan niyang pagkabalisa noong practice, ang suhestyon ng maestrong pakiramdaman kung saan siya dadalhin ng mga paa, ang pista – isa lang ang pinapahiwatig ng kalawakan. “Sige, ‘Ma, uwi akong San Juan.” “San Juan...P25.” Inabot ng konduktor ang ticket; siya ang singkwenta pesos. “O sige, sige, hintayin kita, ‘Nak!” May timbre ng galak sa boses ng ina. “Dumaan ka munang simbahan, ha? Para mabasbasan rin ang bahay pag-uwi mo.” May dalawa pang simbahan na malapit sa San Juan, pero mula pa man ng bata, sa Sanctuario del Sto. Cristo na siya parating kinakaladkad ng ina. “Nilalakad mo pa rin ba papuntang simbahan?” “Minsan `pag –” “`Ma, `di ba sabi ko sa `yo magpedicab ka? At magbaon ng tubig. Mas mabuti ng maglabas ka ng bente o trenta pesos sa pedicab kesa gumastos sa doctor’s fee. Kung nandito lang si papa, naku, sinasabi ko sa `yo!” “Salamat sa pag-aalala, anak. Siya nga pala muntik ko ng kaligtaan. Diyan ka tutugtog mamaya.” “Ha?” Napalingon sa lakas ng kanyang boses ang mga kalapit na pasahero. Sa hiya, nagtalukbong siya’t tumagilid nang upo. “Parang wala akong natatandaang nag- commit ako, `Ma.” “Isipin mo na lang paraan mo `yon ng pasasalamat sa nagbigay ng ganyang talento. O siya, sige na, paalam. Love you.” Binaba na ito ng ginang. Napakamot-batok si Mikael. ‘Si mama talaga, kahit kailan kung saan-saan na lang ako sinasali!’ Pero kung hindi dahil sa pagiging staged mom niya, hindi siya magiging iskolar ng Colatura. Ang totoo, kaya naman siyang mapag-aral ng ina - may paupahan silang mga bahay sa Cavite, katas ng paghihirap ng yumao niyang ama. Pero iba pa rin ang maging iskolar dahil sa talento. Kung simpleng okasyon lang naman ang tutugtugan walang problema, pero kung ganitong pista inagahan sana ang pag-abiso. Hindi kasi siya sanay ng ginugulat, `yong tipong mapapadpad na lang sa isang lugar nang `di niya namamalayan. Nakatapak siya sa San Juan alas kuwatro ng hapon, at anong windang niya dahil sa pagkakatanda niya, naturalesang maingay ang lugar, ano pa’t narito ang mga pangunahing kalsada at establisyamento. Ngayon lang niya naranasang salubungin ng ganitong katahimikan, na tanging pagaspas ng banderitas at sariling paglalakad lang ang naririnig. ‘Ngayon lang ba `to dahil pista o matagal na?’ tanong niya sa sarili. Ito kasi ang unang pagkakataong umuwi siya at natapat pa sa kapistahan. Sa kasamaang palad, wala siyang ideya tungkol sa sagradong oras. At wala ring nabanggit ang kanyang ina dahil inaasahan niyang gabi pa ito uuwi. Gayunman, nagpatuloy si Mikael sa paglalakad at tulad ng bilin ng ina, tinungo niya ang simbahan. Tanaw niya ang bandana at tuktok ng Akasya mula sa pinaglalakaran. `Di katagalan, nabuo na sa kanya ang imahe ng tanyag na Sanctuario del Sto. Cristo. Kung saan ito tanyag, hindi niya alam maliban sa matagal na itong itinayo. Lumapit siya sa kulay abong istraktura, dineretso ang mataas na pinto sa harapan sa pag-aasang bubukas ito. Pero noong hindi ito umawang, pinaabot niya na lang ang respeto sa pamamagitan ng pagyuko. Dumaan lang naman daw ang sabi eh, hindi pumasok. Itong tatalikod na para umuwi, napahawak si Mikael sa dibdib nang tumambad sa kanya ang itim na pusa na maalong winawasiwas ang buntot. Base sa karanasan, bihira lang magbigay ng atensyon ang mga pusang-lansangan pero ang isang `to nakipagtitigan pa. Tumingkayad siya para ito’y amuhin, pero sa halip na lumapit, mahinahong naglakad ang pusa pakaliwa ng simbahan, lingon si Mikael na waring pinasusunod. At dahil hindi naman nagmamadali, sinundan niya ito. Nilagpasan nila ang apat na saradong pinto bago matuklasang bukas ang pinto sa bungad. Nangiti si Mikael. Para kasing nabasa ng pusa ang balak nitong pagpasok sa simbahan. Sumilip siya sa loob. “Tao po?” Hinanap niya ang pusa subalit mabilis itong nawala. Gayunman, inimbitahan niya sa loob ang sarili’t paikot tumangan sa paligid. Parang life-sized Kit Kat ang mga hanay ng pahabang upuan, ang mga nakasabit na aranya parang nagmula pa sa sinaunang Europa. Pumapasok ang liwanag sa bintana kahit hindi makita ang kalangitan. Kumbaga sa kotse, tinted ang mga ito. Basag ang unang bintana sa kanang kisame. Sing-laki ng basketball ang basag. Dito’y may mga kulay-kapeng ibon na naka-tambay animo’y nag-uusap. At tulad ng nakahilig na sinag mula roon, sumilay ang ngiti sa kanyang labi, nabalot ng `di maipaliwanag na tuwa dahil, ‘Dito. Dito nga ako gustong dalhin ng mga paa ko.’ Pikit-mata niyang ninamnam ang sensasyon hanggang mapadilat na lang siya sa narinig na animo’y pagdapo ng malaking ibong kagyat rin kung itiklop ang pakpak. ‘Imposible naman sa inyo manggaling `yon e ang liliit niyo,’ kausap ni Mikael sa mga ibon sa bintana. Maingat siyang humakbang sa direksyon ng altar dahil dito niya narinig ang pagaspas. Umikot siya nang may panibagong marinig – tunog ng malaking batong tinulak. Gusto niyang isiping ang pusang itim lang ang may gawa nito, subalit tiwala siyang hindi kayang tumulak ng ganoon kabigat ang mga pusa. Huminto siya sa paglinga, at ipinokus ang atensyon sa altar bandang kanan - may bumabagsak ritong animo’y napulbos na bato o semento. Kasabay ng mabagal niyang pagtingala ay ang unti-unti niyang pag-urong sa nakitang iskultura ng babaeng anghel na nakahawak sa pisi sa ibabaw ng aranya. Gawa siya sa puting marmol na may mala-lamat na disenyo. Sa pagitan ng kanyang kamay ay may gintong plawta na alanganin ang pagkakahawak. Ginusot niya ang mga mata, iniisip na pinaglalaruan lang siya ng kanyang imahinasyon. Binalik niyang muli ang tingin sa taas sa pag-asang mawawala na ito. Nilabas niya ang cellphone. Hinanap niya sa web ang pangalan ng simbahan at dumiretso sa mga imahe. Binuksan niya sa isang tab ang imahe na kuha sa gitna. Naglo-load. Mabagal ang internet. Nang mabuo ang larawan agad niya itong zinoom sa aranya. Sa taas. Sa pisi. Walang anghel dito na makikita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD