Kabanata 9
Kiley’s Point of View
“How’s your job, Kiley?”
Iyon ang tanong ni Mr. Greg na hindi ko masagot-sagot. Dahil sa totoo lang, hindi ko alam paano ‘yon sagutin.
Kung pagiging secretary ang usapan ay kaya kong sagutin, pero alam ko kasi na hindi ‘yon ang gusto niyang malaman. Alam kong gusto niyang malaman kung ano na ang estado ng pang-aakit ko kay Artem. And I don’t have the answer for that.
Masyadong mailap ang lalaking ‘yon. Kapag ako ang naubusan ng paraan ay baka itali ko na lang siya at rektang tirahin para tapos na. Pero alam ko rin na hindi ‘yon ang gusto ng matanda. Gusto niyang ang apo niya mismo ang kumagat sa pain, sa akin.
Nakaka-stress sa totoo lang, lalo na’t ‘di ko talaga alam paano kunin ang loob ng Artem na ‘yon. Iba ang takbo ng isip niya—hindi siya kagaya sa ibang mga lalaki na ang bilis basahin. At iyon ang nakakainis.
I have to get this job done no matter what.
Huminga ako nang malalim saka ako lumabas ng CR. At pagkalabas na pagkalabas ko pa lang ay bumungad na sa akin ang nakangiting mukha ni mama habang inaasikaso siya ng caregiver niyang si Ate Vivian.
“Natagalan ka yata sa CR, ‘nak?” tanong niya sa pabirong tono.
“Medyo masakit ang tiyan, ‘ma, eh,” palusot ko at ngumiti sa kanya saka lumapit. “Nga pala, ‘ma, may lab tests daw ulit sa makalawa sabi ni doc.”
“Lab tests na naman, ‘nak? Puro na lang lab tests, wala nang love,” pabiro niyang sabi.
“Meron kaya. Sa akin pala?” nakanguso kong sagot. “Hindi mo pala ramdam ang love ko?”
“Siyempre iba ‘yong sa ‘yo. Alam mo naman, ilang dekada nang single ang mama mo,” hirit niya pa at bumungisngis.
“Mama!” saway ko at tumawa lang siya nang mahina.
May kung anong pumilipit sa dibdìb ko habang pinagmamasdan siyang ngumingiti. Dama ko ang paghapdi ng magkabilang sulok ng mga mata ko. Iiwas pa sana ako sa kanya pero agad nang tumulo ang luha ko.
“Kyla…Umiiyak ka na naman,” aniya. “Sabi ko naman sa ‘yo okay lang ako, ‘di ba?”
“A-Alam ko naman ‘yon, ‘ma,” sagot ko at pinahid ang mga luha ko. Huminga ako nang malalim saka ngumiti sa kanya. “Hindi naman ako umiyak kasi malungkot ako. Umiiyak ako kasi masaya ako na medyo sumisigla ka na; na nagbubunga na ang mga sakripisyo ko.”
“Kasi lumalaban ako, ‘nak. Nakikita ko kung paano ka nagpapakapagod para bumuti ang lagay ko. At ayokong masayang ang pagod mo,” sagot niya at matamis na ngumiti sa akin. “Gusto ko na ring gumaling para ako naman ang mag-aruga sa ‘yo. Para ako naman ang umalalay sa ‘yo. Kasi wala nang mas sasakit pa bilang isang ina na makita ang anak niyang nahihirapan dahil sa kanya.”
“Hindi naman ako nahihirapan, ‘ma. Ang tatag ko kaya,” pagtatama ko sa kanya.
“Kahit pa hindi mo sabihin, ‘nak, alam ko,” aniya saka kinuha ang kamay ko at marahang pinisil. “Kaya sobrang laki ng pasasalamat ko sa ‘yo kasi pwede mo naman akong pabayaan. Pero pinili mo akong ipagamot at—“
“Nanay kita, ‘ma. Hinding-hindi kita pababayaan at gagawin ko ang lahat para lang gumaling ka.“
“Kaya nga lumalaban ako, ‘nak. Sa totoo lang hirap na ako sa dialysis, pero sa tuwing iniisip ko ang pagod mo, mas lumalakas ang loob ko.”
Hinawakan ko pabalik ang kamay niya saka ngumiti nang matamis. “Malapit nang matapos ang dialysis mo, ‘ma. Kapag okay na ang lab results, pwede ka nang mag-kidney transplant. Kaya please, sumunod ka sa mga payo ng doktor, ha? At huwag mong papasakitin ang ulo ni Ate Vivian.”
“Oo anak. Salamat.”
Ngumiti ako sa kanya at dinala ang kamay niya sa aking pisngi. “Matatapos din ang lahat nang ‘to, ‘ma. Malapit na. Babalik na rin sa dati ang buhay natin. Kapit lang.”
——
11:00PM na nang umalis ako ng ospital. Gusto ko pa sanang manatili roon kaso may trabaho pa akong kailangang gawin. May reports pa akong ipapasa kay Artem, at kailangan ko ‘yong matapos bago ang office hours bukas.
Alam kong sinasadya niya na bigyan ako ng unrealistic tasks. Alam kong gusto niyang sumuko ako. But that will never happen. Hindi ako magpapadala sa mga pagpapahirap niya sa akin.
Isa akong strong, independent woman.
Nakasalalay ang buhay ng nanay ko rito. Walang-wala ang hirap ng trabaho ko sa benepisyong makukuha ko kapalit.
Sa totoo lang ay gusto ko na talaga siyang sabunutan dahil inis na inis na ako sa mga ginagawa niya sa akin, pero ‘di pwede. Kailangan kong mapalapit sa kanya. Kailangan kong makuha ang loob niya.
Ginagamit ko na lang na motivation ang gwapo niyang mukha para kahit papaano ay mabawasan ang inis ko.
And speaking of the devil, tumawag siya sa akin habang bumabiyahe ako pauwi sa apartment.
“Good evening, sir—“
“Where are the reports?” matigas niyang sabi pagkasagot na pagkasagot ko. “Send them before 3:00 AM!”
“P-Po?”
“3:00AM. Got it?”
“Sir, I—“ Pinutol na niya ang linya at naiwan na lang akong nakatulala.
Tarantado ba siya? Sinong matinong boss ang magpapapasa ng reports nang madaling araw?!
Napaisip tuloy ako kung natutulog pa ba siya o hindi na. Imagine, gising pa siya hanggang 3:00AM tapos nasa opisina na siya bago pa man ang official time in ng mga empleyado.
Imortal ba siya?
Napailing na lang ako at piniling simulan na lang ang reports na ipinapagawa niya kahit nasa biyahe pa ako.
Pagkarating ko ng apartment ay agad kong hinarap ang laptop ko at ipinagpatuloy ang reports na kailangan niya. Isinali ko na rin ang minutes ng mga meeting niya, pati na ang mga kailangan niyang gawin kinabukasan.
Pasado alas dos ko na natapos ang lahat nang ‘yon. Pagka-send na pagka-send ko sa kanya ng reports ay pumikit na rin nang kusa ang mga mata ko.
Pero hindi pa man ako nagsisimulang managinip ay nagising akong muli nang mag-ring ang cellphone ko.
Pagtingin ko ay si “Final Boss” ang tumawatawag—si Artem. Final Boss na may emoji ng demonyo ang inilagay kong contact name niya.
“S-Sir?”
“Still awake?”
“Nagising po kasi tumawag kayo,” medyo inis kong sagot.
“I think you have my flash drive,” aniya.
“Flash drive?”
“I reviewed the CCTV footages of the places we went to earlier and saw that you accidentally put my flash drive in your bag.”
“Po? Wait check ko.” Dali-dali kong hinalungkat ang bag ko at may flash drive nga roon na may key chain na itim na pusa. “Ito po bang may itim na pusa?”
“Yeah. That one.”
“Okay, sir. Dalhin ko po bukas.”
“No. Bring it to me now.”
“H-Ho?!”
“I’ll send you my address. Bring it ASAP or else you’re fired,” aniya at ibinaba ang tawag.
Napaawang na lang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Masasabunutan ko na yata siya nang wala sa oras!
Sa inis ko ay hindi na ako nag-abala pang magbihis. Suot-suot ang hello kitty kong pajama ay lumabas na ako ng apartment at naghanap ng taxi.
Bwisit ka, Artem! Ipapakain ko talaga sa ‘yo tong flash drive mo!
Ay, wait.
Pinapapapunta niya ako sa bahay niya kahit madaling araw pa. Does it mean may tiwala na siya sa akin?
O baka may iba pa siyang pakay—at ‘yon ay ang aking pink podai?