"Tahan na Ferm, alam kong hindi mo sinasadyang mabasag ang mga platong ‘yon. Alam ko kung gaano ka kaingat sa mga gamit dito sa mansion. Alam na alam ko ‘yon, kung anuman ang mangyari, aasahan mong nandito lang kami ng Tiyo Bor mo," pang-aalo ni Tiya Lupe sa pamangkin habang patuloy itong umiiyak na nakaupo sa isang sulok na nakayuko't tinatakpan ang mukha ng dalawang braso.
"Pasensiya na po kayo, Tiya, ako po ang may kasalanan. Pagbabayaran ko po hanggang mapatid po ang hininga ko, babayaran ko po iyon lahat," saad ni Fermie habang patuloy sa pag-iyak.
"Fermie, tumayo ka na riyan, bumalik ka na sa trabaho mo at baka makita ka pa ni Ginang Mildred sa ayos mo at lalong magalit iyon. Huwag mo nang intindihin ang nangyari, balang araw, mababayaran natin ang mga nabasag mo. Ayusin mo na ang sarili mo, materyal lang ang mga nabasag at mapapalitan pa. O siya, Lupe, babalik na ako sa hardin, baka ako naman ang pagbalingan ng galit ni Ginang Mildred, lumabas na naman kasi ang pagka-Espanyola niya. Ikaw na ang bahala sa pamangkin mo at bumalik ka na rin sa trabaho," turan ni Tiyo Bor kay Fermie at Tiya Lupe.
Tumango na lamang si Tiya Lupe sa kaniyang asawa at muling nilapitan si Fermie para damayan at aluin. Naawa siya sa pamangkin na alam niyang maingat ito sa mga gamit sa mansion at ‘di rin siya makapaniwala na sa isang iglap ay mabitawan nito ang mga mamahaling bagay na pagmamay-ari ni Ginang Mildred.
"Oo nga Ferm, huwag mo nang intindihin si Ma'am Mildred, minsan masungit minsan mabait naman. Nabigla lang iyon sa mga sinabi niya kanina dahil hindi niya akalaing makabasag ka. Halika na, bumalik na tayo sa ating puwesto. Magliligpit pa tayo ng mesa mamaya, siguradong tapos na silang kumain," sabad naman ni Aling Mina habang hinahaplos-haplos ang likuran ng dalaga.
Kung gaano kasarap ang kain ni Gabbie kahapon nang dumating sila, at kahit masarap pa rin ang kanilang almusal sa ngayon, tila wala ng lasa para sa kaniya ang mga ito. Hindi mawala sa isip niya ang nangyari kanina. Naisip niya rin ang dalagang nakabasag ng plato dahil sa pagtulak niya ng pintuan nang hindi sinasadya. Hindi niya alam kung naaawa lang ba siya o nabato't balani siya ng mga inosenteng mapupungay nitong mga mata. Naalala niya nang tumama ang mga mata nila nang inangat ng dalaga ang kaniyang mukha.
"Ah…Fermie pala ang pangalan niya...napakainosente ng kaniyang mukha, kaygandang pagmasdan ng kaniyang namimintog na mga mata, oh my goodness, what is happening to me...oh no...naawa lang ako sa kaniya kaya ako nagkaganito..." mga sambit ni Gabbie sa kaniyang isipan.
"Iho, are you okay? Oh, anyway, I am very sorry what had happened earlier. Actually, maingat naman sa mga gamit dito sa mansion iyang si Fermie. Matagal na siya ritong tumutulong sa kaniyang tiyahin lalo na kapag ganitong may mga bisita o okasyon. Napakabait pang batang iyan at napakasipag. I'm sure hindi niya sinasadyang mabasag ang mga platong iyon," agad na nasabi ni Ginoong Victor at napansin niyang tila hindi masyadong nagalaw ni Gabbie ang kaniyang pagkain.
"Uhm…y-yeah, Tito Ninong I am okay. Nabusog lang yata ako nang mabilis dahil sa sobrang sarap ng mga pagkain," agad namang sagot ni Gabbie at tila napansin siya ni Ginoong Victor sa kaniyang kinikilos.
"Kumpadre, still she has no right to break those expensive plates, and wow galing pa pala ng Paris ang mga iyon. Antique na nga eh, meaning, so expensive and valuable para basagin lamang ng isang katulong kagaya ng Fermieng iyon!" nanlilisik ang mga matang nasambit ni Ginang Dolor.
"You are too exaggerated, Mommy for saying those words. Hindi natin kilala ang batang iyan. Baka hindi nga niya sinasadya, siyempre alam niyang very expensive nga at bakit niya babasagin in her own sense? Ow come on My, it's too personal para manghimasok ka sa ganitong bagay," paalala naman ni Ginoong Jaime sa kaniyang asawa.
"Yeah, Dad is right Mommy, but whether sinadya niya o hindi dapat niya pa ring bayaran, ‘di ba, Tita?" may pagkamalditang suhestiyon naman ni Mariz na bumaling kay Ginang Mildred.
"Okay, I am so stressed of what had happened earlier. Naisip ko lang kasing pamana pa ni Mama sa akin iyong ibang mga gamit dito, and I thought na puwede ko pang maipamana ang mga kagamitang inihabilin ni Mama sa mga anak ko in the future, kay Conrad at Cathy. Nasayangan lang ako kasi, isa ang mga iyon sa mga tinatangi ni Mama at iniingatan. Hindi ko lang maisip na sa isang iglap, they will turned into pieces," taas-kilay pang saad ni Ginang Mildred.
"Okay, let us stop that issue. O, ano ba ang plano? It is already past nine o’clock in the morning. Mag-a-island hopping pa ba tayo o mag-focus tayo sa mga plato?" nakangiting sabad naman ni Ginoong Victor na nakaharap sa kaniyang asawa.
Mabait at maunawain naman talaga si Ginoong Victor kahit alam niyang may pagka-istrikta ang mahal niyang asawa ay nagagawa pa niya itong biruin at aluin para maibsan ang galit. Kaya kahit sa ganitong edad na sila, nagkakaunawaan pa rin at nagmamahalan nang lubusan.
"Kumpadre it's up to Kumare Mildred kung okay na ba siya. Maybe may marami pa namang time para mag-island hopping, at nang ma-e-enjoy din niya ang lakad natin," suhestiyon naman ni Ginoong Jaime na nakatawa pa.
"I am okay and yes we will go. I will not allow our plan to smash just because of what happened earlier. Honey, please tell na lang Tony na e-prepare ang van para sa mga dadalhin nating gamit. I already contacted Derio para sa malaking pump boat na sasakyan natin for touring in the island. I am sure, naghihintay na sila doon," agad namang sagot ni Ginang Mildred na nakangiti na.
Handa na ang mga gamit nila for island hopping. ‘Di na sila nagdala ng mga pagkain dahil abundant naman ang mga iyon sa pupuntahan nilang isla. May maraming nga preskang seafoods doon na puwede nilang ipagluto. Ika nga, very convenient ang lugar na ‘yon kahit pa mag-overnight sila.
Agad na pumanhik sina Gabbie at Mariz para magligpit ng mga dala nila. Nang makapasok si Gabbie ay agad itong humiga sa malambot na kama. Ang excitement niya mula pa kahapon na maglibot sa mga island ay napalitan ng bigat ng loob. Hindi pa rin siya mapakali sa nangyaring naganap. Gusto niyang puntahan ulit ang dalaga, para makausap at sabihin sa Tita Ninang niya na siya ang dahilan kung bakit nakabasag ang dalaga, si Fermie. Naunahan lang siya ng kaba lalo na at nanlilisik ang mata ng Mommy niya kanina. Alam na alam niya kasing sophisticated ang Mommy niya at hindi makapigil minsan kapag galit kahit may marami pang mga tao sa paligid nito. Bumangon siya at muling binuksan ang bintana.
"Fermie, okay ka na ba?" muling pag-alo ni Tiya Lupe sa pamangkin.
"Hindi po Tiya Lupe, pero pipilitin ko pong maging okay para maumpisahan ko na pong bayaran ang mga nabasag kong pinggan," mahinahon at malungkot na tugon ni Fermie.
"Naiintindihan kita, ahm…siya nga pala, pakidalhan mo naman ng malamig na juice ang Tiyo Bor mo at saka itong pares ng tinapay. Siguradong nagugutom na iyon sa paglilinis at pagsasaayos ng hardin."
"O sige po," agad namang sagot ni Fermie at tumalima na ito.
Nang binuksan muli ni Gabbie ang bintana para makalanghap ng hangin ay namataan niya ang dalaga na may bitbit ito papuntang garden. Naaninag niya mula sa itaas ang pigura ni Fermie. Naisip niya, matangkad pala ito at kahit hindi okay kung manamit pero may hubog ang katawan subalit parang napakabata pa nito, at natantiya niya na baka high school pa lamang ang dalaga. Naisip din niya na sa ganoong edad ay kailangang magtrabaho para makatulong. Nakaramdam siya ng awa sa dalaga. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Marami naman siyang nakitang ganitong eksena sa Maynila pero iba ang nararamdaman niya ngayon.
"Baka guilty lang ako sa nagawa ko kanina, at nang dahil sa akin kung bakit napahiya siya at napagalitan ni Tita Ninang," ang naglalaro sa isipan niya.
Malakas na katok mula sa kaniyang pintuan ang nagpalingon kay Gabbie. Muli niyang isinara ang bintana, alam niyang si Mariz na ang kumakatok.
"Nandiyan na, para ka namang collector ng five six kapag kumatok ah," agad na sabi ni Gabbie nang pagbuksan ang kapatid.
"So, are you going or not? Kanina pa kami naghihintay sa baba, Kuya. For your information hindi ka dalaga para magbihis nang ganoon katagal, right?" pairap na sabi kaagad ni Mariz sabay pang namaywang.
Napailing na lamang si Gabbie sa reaction ng kapatid at dali-daling kinuha ang knapsack at ini-lock ang pintuan ng kuwarto.
Masayang ibinibida ni Ginang Mildred sa kaniyang Kumareng Dolor at Mariz ang mga bukid na nadadaanan ng kanilang sinasakyang malaking pump boat. Makikita sa mga mata nito ang excitement. Samantala sina Ginoong Victor, Ginoong Jaime at Gabbie ay nasa likurang bahagi at abala naman silang nagkukuwentuhan at minsan nagsisigaw pa para magkarinigan dahil sa ingay ng makina ng pump boat. Subalit si Gabbie, nilalanghap lang niya ang malamig at preskang hangin. Enjoy siya sa pakikipag-ride dahil kahit sa barko ay may mga eksenang naliligo sila sa pool ng mga kasamahan pero tubig-dagat at parang mga batang nagsisigawan at nagtatalsikan ng tubig.
Namangha sila nang makarating na sila sa Whitysand Island Resort. Napakalawak nito at makikita ang mapuputing pinong mga buhangin, hindi naman lalayo sa puting buhangin ng Boracay Island.
"Another paradise Tita, ow, I do not want to end this vacation, it's so superb!" masayang sambit ni Mariz habang nakadipa ang mga kamay at nilalanghap nang masyado ang preskang hangin.
"Wow, Kumare, I am not regretting my decision in spending our vacation for this beautiful paradise. You are too blessed dahil may ganito kayong lugar, Kumare. Makapag-bathing suite na ako rito!" humalakhak na wika naman ni Ginang Dolor at bagay na bagay sa kaniya ang suot nitong malapad na sombrero. Kamukha niya ang artistang si Nova Villa at kawangis nito ang beterenaryang artista mabuti na lang at matangkad siya. Kahit may edad na si Ginang Dolor, makikita pa rin ang makinis nitong kutis.
Kumuha sila ng malaking cottage para sa kanilang mga gamit at pagsasaluhan. Agad na silang nagpahid ng sun block para proteksiyon sa init.
"So, what's your drama Kuya, you're not moving there, ayaw mo bang maligo? Don't tell me na takot ka sa tubig or are you afraid na mangitim?" simula na namang pang-aasar ni Mariz kay Gabbie.
"Dami mong satsat, Mariz. Maligo ka na roon at don't bother me," dagling sagot naman ni Gabbie.
"Whatever...!" Kapag ganiyan ang tono ng pananalita ng kaniyang Kuya ay agad itong magkibit-balikat. Patakbo siyang pumunta sa malinaw at malamig na tubig.
Kahit sa lugar na ito, ay muling bumalik sa isipan ni Gabbie si Fermie. Parang hindi siya lalaki na hinayaan niya lamang na pagalitan si Fermie na siya naman talaga ang may kasalanan.
"But wait...bakit ba mukha niya ang nakikinita ko? Ang morenang babaeng iyon, maamong mukha, mga matang...ahhhh...ano ba Gabbie...What is happening to myself?" Nasampal ni Gabbie ang kaniyang noo sa isiping iyon.