Samantala, habang nililigpit ni Fermie ang mga gamit, ingat na ingat niya itong inaayos dahil ayaw na niyang maulit pang muli ang nagawa niya. Bigla niyang naalala ang lalaking nagtulak ng pintuan. Nababanaag niya ang mukha nito, napakagwapo. Ngayon lang siya humanga sa isang lalaki sa unang kita. Hinimas niya ang kaniyang balikat na kung saan hinawakan ito ni Gabbie kanina.
"Gabbie...iyon ang pangalan na itinawag sa kaniya kanina. Hindi...hindi ako dapat humanga sa taong iyon. Oo, gwapo nga siya subalit siya ang dahilan kung bakit ko nabitawan ang mga plato ni Ginang Mildred. Nahihiya naman akong sabihin na siya ang tumulak ng pintuan baka kung mapahiya siya. Habang buhay, hindi ko makalilimutan ang ginawa niya dahil ito ang magiging dahilan ng dagdag kong problema," sambit ni Fermie sa kaniyang isipan at muli na namang lumaglag ang mga luha sa kaniyang mga mata dahil naalala niya ang mga salitang binitawan sa kaniya ni Ginang Mildred kamakailan lang.
Inaamin niya, kahit gumapang pa siya sa pagtatrabaho hindi niya mababayaran ang mga mamahaling platong iyon.
Magtatakipsilim na at nagliligpit na rin sina Tiya Lupe, Tiyo Bor at Fermie para makauwi. Bago sila umuwi, nakahanda na rin ang hapunan nina Ginang Mildred at ng kaniyang mga bisita.
"Inay, Itay, may ulam ba kayong dala?" agad na salubong ni Marie sa kaniyang mga magulang nang makauwi na ang mga ito kasama si Fermie.
"Naku, ang anak ko, siyempre naman, sobra kasi ang mga niluto sa mansion kaya laging may pabaon si Aling Lety, kaya heto may hapunan na naman tayong masarap na ulam," masayang sagot ni Tiya Lupe sa anak at agad namang kinarga ang bunsong anak na si Benny. "Naku ang dungis-dungis mo anak, at ummhh ang panghi. Hindi ka ba napaliguan ng Ate Marie?"
"Naku, Inay nagmistulang nanay na nga po ako rito sa bahay sa pag-aalaga sa kanila. Itong si Rosy naman kalat nang kalat at ako pa po ang nagluto ng ulam namin kaninang tanghalian. Ayaw pa nga nilang kumain dahil nasunog ang itlog na niluto ko," daldal na ni Marie sa kaniyang ina.
"At bakit ikaw ang nagluto, nasaan ba ang Kuya Harry mo?" nagtatakang tanong naman ni Tiyo Bor.
“Kanina pa pong umaga umalis si Kuya, Itay. Ewan ko po kung nakakain na nga ‘yon. At saka hindi naman siya nagpaalam kung saan siya pupunta," dagdag pa ni Marie.
"Aba, Lupe, hindi naman dating ganiyan iyang anak mo ah. May sinabi ba siya sa iyo kanina kung saan siya nanggaling kagabi? Hindi ko na namalayan ang pag-uwi niya!" medyo malakas na ang boses ni Tiyo Bor.
"Wala naman, pag-alis natin kaninang umaga sinabihan kong aalagaan ang mga kapatid niya, nakatalukbong pa ng kumot nang umalis tayo. Ano na ba ang pinagagawa ng batang iyon? Hindi man lang naisip na nagpapakuba tayo sa trabaho para sa kanila. Kahit pagbabantay at pag-aalaga sa mga kapatid hindi pa niya nagawa," tugon naman ni Tiya Lupe na may halong galit na rin..
Gaya ng dati, dahil sa buong maghapong trabaho at nakaramdam ng sobrang pagod ay madaling dinalaw ng antok sina Tiyo Bor, Tiya Lupe at Fermie. Kailangan din nilang gumising nang maaga bukas para sa panibagong gawain.
Alas onse na ng gabi, dahan-dahang pumanhik si Harry, nanlilisik ang mga mata, tila nahihilo at nasusuka. Dumiretso siya sa kuwarto kung saan naroon si Fermie, hinawi niya ang kurtinang nagsilbing pintuan ng maliit nitong kuwarto. Dahan-dahan siyang lumapit sa dalaga, himbing na himbing ang tulog nito. Akma niyang hahawakan ang mukha ng dalaga at amoy na amoy ang hininga nito nang biglang gumalaw si Fermie. Huminto nang bahagya si Harry. Hinawakan niya ang kaniyang ulo at para siyang matutumba, kaya dali-dali siyang lumabas ng kuwarto ni Fermie at tuluyan na siyang bumagsak sa sofang kawayan at nakatulog.
Malalim na ang gabi, tulog na ang mga tao sa mansion. Marahil napagod na rin ang mga tao lalo na sa paglilibot nila sa ilang isla, takipsilim na nang makauwi sila sa mansion. Masyadong nag-enjoy sina Ginang Dolor at Mariz sa paliligo kasama si Ginang Mildred. Sina Ginoong Victor naman, Ginoong Jaime at Gabbie ay nakikipag inuman. May dalang tatlong boteng imported si Gabbie at naubos nila iyon habang nagkukuwentuhan. Nakainom si Gabbie pero ayaw siyang dalawin ng antok. Hindi si Mae o ibang babaeng nagdaan sa buhay niya ang laman ng kaniyang isipan.
"Ang ganda ng kaniyang mga mata...napakaamo ng mukha at napakainosente," nausal pa rin ni Gabbie. Gusto nang tumiklop ng mga talukap ng mata niya kaya dahan-dahan niya ring ipinikit ang mga ito.
"Gabbie...Gabbie, hawakan mo ang mga kamay ko," tinig ng isang babae, mahinahon, malambot, malungkot.
Nilapitan niya ang babae, hindi niya maaninag ang mukha dahil may takip itong puting tela.
"Please...huwag mo akong pabayaan...nakikiusap ako...hawakan mo ang mga kamay ko..." muling sabi ng babae ngunit papalayo na ang boses nito.
Lumapit pa siya nang bahagya sa babaeng inilahad ang mga kamay para hawakan siya, nangingislap ang namimintog nitong mga mata. Namukhaan niya ang mga matang iyon.
"Fermie?" bigla niyang nabulalas dahil pamilyar ang mga matang iyon. "Fermie halika, huwag kang lumayo, akin na ang mga kamay mo!"
Nagsisigaw din si Gabbie dahil habang papalapit siya ay nilalamon ng dilim ang namukhaan niyang babae.
"Gabbie….Gabbie...tulungan mo akoooo!"
Papalayo na ang tinig ng babae at tuluyan na itong nilamon ng dilim.
"Wait, wait! Fermieee!"
Hinabol ito ni Gabbie ang papalayong babae at nagsisigaw na ito.
Nagising na lamang si Gabbie sa malakas na katok sa pintuan ng kaniyang kuwarto. Hindi siya makabangon kaagad dahil sumakit ang kaniyang ulo. Kinusot-kusot niya muna ang kaniyang mga mata.
"Fermie?" naitanong niya bigla at hinahanap ang babae. Kinusot niya muli ang kaniyang mga mata. "Ahhhh, it's a bad dream.”
Muling kumatok nang malakas sa pintuan at alam niyang si Mariz na naman iyon. Agad niyang isinuot ang roba at pinagbuksan ang kapatid.
"Hey! What's screaming you, Kuya? Ba't ka nagsisigaw? Dumalaw ba ang mga multong babaeng lagi mong pinaglalaruan?" nakangiting taas-kilay na salubong agad ni Mariz sa kaniya.
"Here we are again, Mariz, kahit kailan panira ka ng moment. Hmnn…bakit nanggigising ka hindi ka ba natulog?" agad namang turan ni Gabbie.
"Oh my goodness! Kuya it's already late in the morning mag-aalas-otso na, tanghali na mamaya no? And besides we have already ate our breakfast. So meaning to say you are certified late. Kaya kumain kang mag-isa sa komidor," pairap pang sagot ni Mariz.
"What? Ba't hindi mo ako ginising?" tanong naman ni Gabbie.
"Huh? For your information it's three times already na kumatok ako sa door mo but still no response. Kaya hindi na kita ginambala, kasi baka panira na naman ako ng moment mo to reminisce your exes, am I right?" panuyang sagot naman ni Mariz.
"Luka-luka!" agad namang wika ni Gabbie sa kapatid sabay hampas sa noo nito.
"Ouch! You're crazy, Kuya makaalis na nga…whatever!" Pumanaog na siya at naiwang napailing si Gabbie habang napakamot sa ulo.
Muling pumasok siyang pumasok sa kaniyang kuwarto na nangingiti sa pang-aasar ng kapatid. Alam Kasi nitong marami na siyang naging nobya pero walang seryosong relasyon.
Pagkalipas ng isang linggo, ganoon pa rin ang eksena sa mansion. At tuwing uuwi sina Tiya Lupe, Tiyo Bor at Fermie ay laging wala si Harry. Hindi naman nila ito makausap nang masinsinan kinaumagahan dahil nga sa tulog pa ito at maaga silang umalis papuntang mansion.
Sa susunod na araw ay pasko na. Abalang-abala na ang lahat sa paghahanda. Unang pumanaog sina Ginoong Victor at Ginoong Jaime, guwapong-guwapo ang mga ito sa suot nilang puting polo na tenernuhan ng maong at rubber shoes. Hindi pa mababakas na matanda na ang mga ito dahil sa makinis din ang mga kutis dahil nga sa mayaman. Sumunod na pumanaog sina Ginang Mildred at Ginang Dolor, sumunod naman si Mariz. Napakasimple ng outfit ni Mariz puting loose shirt na laylay ang isang balikat na napalooban ng itim na sando. Maikling shorts na maong at pinarisan ng black rubber shoes. Bagay na bagay sa kaniya at sa taas nitong five feet and three inches. Maganda rin ang hubog ng katawan nito at masasabi mong lumaking mayaman talaga dahil nangingintab ang kutis.
"Goring, Mina!" tawag ni Ginang Mildred.
Agad namang tumalima ang dalawa.
"Bakit po Ma'am, nandito po kami,"agad namang sagot ni Aling Mina na tila tumakbo pa papunta sa kinaroroonan ni Ginang Mildred.
"Pupunta kami ng siyudad. Ipapasyal ko ang aking mga bisita at baka gabihin kami kaya kayo na Mina ang bahala sa mansion, inchindis?" pahayag ni Ginang Mildred.
"Ay opo, Ma’am, opo! Mag-ingat po kayo Ma'am, at saka enjoy po sa pamamasyal," ang sabi naman ni Aling Mina.
"Pakitawag muna sina Lupe, Lety at Fermie, dali!”
Si Aling Goring na ang tumalima at agad na tinawag sa mga ito.
"Ma'am bakit po?" tanong naman ni Tiya Lupe kasama nito sina Aling Lety at Fermie.
"Aalis muna kami. Pag-uwi namin kasama na namin sina Ma'am ninyo Cathy at ang pamilya niya. Kaya dala na sila mamaya sa hapunan. Sa susunod na araw ay magpapasko na. Kaya alam naman ninyo na abala na rito sa mansion. Ikaw Fermie, dahil may utang ka dumito ka muna ng ilang gabi. Huwag ka munang umuwi sa inyo nang matulungan mo naman sina Goring at Lety sa loob ng bahay. Nagkakaintindihan ba tayo?" taas-kilay na saad ni Ginang Mildred.
Hindi nakaimik si Fermie, tumingin lamang ito sa kaniyang Tiya Lupe. Kahit ayaw niya wala naman siyang magawa sa gusto ni Ginang Mildred.
Ilang saglit lang ay sumakay na ang mga ito sa van na si Mang Tony ang nagmamaneho.
"Bakit hindi nakasama si Sir Gabbie sa lakad nila?" usisa ni Aling Mina na napansin niyang hindi nakababa si Gabbie.
"Oo nga no? Baka may sakit si Sir Gabbie," agad namang nasabi ni Aling Goring nasa fifties na rin ito.
"Baka napagod sa paglilibot. Ilang araw din ang pamamasyal nila sa beach. Kahit bumilad ito sa init, ang guwapo pa rin ni Sir Gabbie," tila kinikilig ding sambit ni Aling Lety.
"Ay oo nga, Aling Lety, sarap kurutin ang pisngi nito at naku kapag ngumiti, ang biloy sa pisngi ang lalim…naku kung wala lang akong asawa magpapaligaw ako kay Sir Gabbie," wika ni Aling Mina na tumitili pa ito.
"Ummm!" Hampas ni Tiya Lupe sa batok ni Aling Mina.
"Aray! Masakit ‘yon, Tiya Lupe ha," agad namang sambit ni Aling Mina.
"Ayan ka naman, Mina marinig ka ni Berto, pipilitin niya ang leeg mo, napakaseloso pa naman nu’n na tila akala ba si Ara Mina ang kawangis mo at kunting kilos ay pinagseselosan," agad namang sabi ni Tiya Lupe sabay tawa.
Sumabay din sila sa pagtawa sa tinuran ni Tiya Lupe. Samantala hindi na kumibo si Fermie. Kahit siya ay nagtataka na rin kung bakit hindi nakasama si Gabbie sa pamamasyal sa siyudad. Nagkibi- balikat na lamang siya.
“Wala naman akong pakialam kung ano ang gagawin nito,” aniya sa sarili.