Halos gumuho ang mundo ni Gabbie sa natuklasan. Ito ang kauna-unahang sakit na naranasan niya sa buong buhay niya. "Bakit nagawa mo ito sa akin Fermie? Pinaglaanan kita ng aking buhay. Tinikis ko ang aking sarili. Mula nang makilala kita binago ko ang buhay ko. Minahal kita nang buong-buo noon kahit patago at hinintay na mabuo ang mga pangarap mo. Ilang taon akong naghintay para makasama ka. Bakit ito ang iginanti mo sa akin? Bakkkitt?" Naiiyak na siya sa sobrang galit. Bumangon siya at inihagis ang lahat ng makita niya sa ibabaw ng kaniyang mesa. Umupo siya sa gilid ng kaniyang kama na tila batang naagawan ng laruan. Sapo niya ang kaniyang ulo. Ang sakit-sakit ng kaniyang nararamdaman. Noon, siya ang iniiyakan ng mga babaeng pinaglalaruan niya at iniiwanan pagkatapos niyang pagsawaan.

