Chapter 19: Ang Mapagmatyag na mga Mata

1245 Words
Isang panaginip. Sa kanyang panaginip siya’y naglalakad lamang sa dalampasigan. Kung ano ang gaan ng pagiging maaliwalas ng paligid ay siya namang bigat ng kanyang dibdib sa kasalukuyan. Hinawi niyaang kanyang buhok upang damahin ang init ng araw. Pinaglaruan niya ang buhangin at tubig ng dagat sa kanyang mga paa. Maya-maya pa ay isang babae ang humawak ng kanyang mga kamay. Nagngitian na lamang silang dalawa at nagbigay ng isang halik mula sa labi ng isa’t-isa. Bumitaw naman ang babaeng iyon at nagtampisaw sa dagat na tila ba nagsasayaw. Gamit naman ang paa ni Daniel ay hinawi niya ang tubig upang siya ay basain. “Daniel…ano ba?” natatawang sambit ng babae. Tinakpan niya ang kanyang mukha upang sanggain ang tubig. Yumuko naman siya upang sumalok ng tubig sa kanyang mga kamay. Binasa naman niya ang binata, dahilan kung bakit tumakbo si Daniel. Ang lahat ay tila bumabagal at bumibilis. Unti-unting bumibigat ang pakiramdam ni Daniel ngunit hindi niya kontrolado ang sarili. Wala siyang magawa kundi panoorin lamang ang munting palabas na iyon sa isipan na animo’y hango sa kanyang isinusulat na nobela. Sila ay nagtakbuhan, naghabulan, magyayakap at halos buhatin na ni Daniel ang babaeng iyon sa kanyang mgabisig habang siya ay iniikot. Isang halik sa labi ang muli nilang ibinigay sa isa’t-isa. Tila bumilis naman ang lahat at sa isang iglap ay sa may mabatong parte na sila inabot ng kanilang paghahabulan. Kumuha si Daniel ngisang maliit na bato at nagsimulang mag-ukit sa batuhan kung saan hindi iyon maaabot ng mga alon. Nakayakap lamang ang babaeng iyon sa kanya at pinapanood ang kanyang ginagawa. Inuukit naman ni Daniel ang kanyang pangalan. Isusulat niya na sana ang pangalan ng babae sa ibaba ngunit nang tingnan niya ang babaeng iyon na nakayakap sa kanya ay isang nakakatakot na imahe lamang ang kanyang nakita. Nalalagas na ang buhok ng babaeng iyon at dumadaloy ang dugo mula sa kanyang bibig, mata at ilong. “DANIEEEEL!” sigaw ng babaeng iyon sa kakaibang boses habang sinasabayan ng matinis na tunog. “HAAAAAA!” hiyaw ng binata. Sa takot ay napabitaw si Daniel at naglulupasay na lumayo sa halimaw na nasa kanyang harapan ngunit muli siyang kinapitan ng halimaw at tila kinagat ang kanyang bibig. ______________________________      Napabalikwas sa kama si Daniel nang umagang iyon. Agad siyang napaupo sa kama habang hinahabol ang hininga. Basang-basa naman ng sariling pawis ang kanyang higaan at unan. Maging ang kanyang sando ay basa na rin. Halos ipagpag niya pa ang pawis na tila naging tubig na sa kanyang katawan. Hindi niya mawari kung pawis pa nga ba iyon. Hinawakan niya ang kanyang ulo, napapikit at napapailing. Maging ang sarili niyang nobela marahil ay minumulto na siya. Napatingin na lamang siya sa typewriter sa harap ng bintana ng kwartong iyon. Nakita niya rin ang kape at ang kanyang agahan na nakapatong sa mesa. Muli siyang huminga nang malalim at hinawakan ang kanyang ulo. Masayang nagluluto si Susan sa kusina nang abutan siya ni Daniel. Nagtago na lamang sa gilid ang binata, hindi niya nan ais gambalain pa ang kanyang ginagawa. Naririnig naman aniya ang pagwawalis ni mang Jojo sa labas ng bahay kaya’t minabuti niyang lumabas upang makalimot sa isa na namang masamang panaginip. Bago siya tuluyang lumabas ay napansin niya namang muli ang ilang mga marka sa pader ng sala. Mga marka ng palamuti na tila nakadikit na doon nang matagal ngunit tinanggal at nagmarka. Napayuko na lamang siya at lumabas ng pinto. “Lodi…gising ka na pala. Ganda ng umaga ano?” bati ni mang Jojo. Napatango na lamang si Daniel at umupo sa upuan sa gilid. “Maaliwalas nga ngayon mang Jo. Maaraw na agad,” sambit ng binata. “Nakapag-almusal na po ba kayo?” tanong naman ni mang Jojo. “Opo…tapos na po,” sagot ng binata. Nagpatuloy naman sa pagwawalis si mang Jojo hamit ang tingting. Winawalis niya ang mga tuyong dahoon at ilalagay iyon sa tabi ng puno. “Magandang umaga ho, mang Jo,” bati naman ng isang ginang na daraan lamang. Dala niya ang kanyang basket na naglalaman ng mga gulay. “Magandang araw din,” simpleng bati ni mang Jojo. “Kita mo itong mga tayong ito. Akala mo walang nangyari, eh,” natatawang sambit ng katiwala. “Oo nga po pala…ano na ang nangyari sa patay na balyena?” tanong ng binata. “Dinala ng coast guard sa Infanta. Doon daw pinag-aralan, eh,” wika ni mang Jojo. Natahimik na lamang si Daniel at dahil kakagising pa lamang ay tila nakatulala lamang siya at sinisilayan ang dagat mula sa malayo. “Ang sabi-sabi, eh…basta na lang daw ibinangga ang ulo nang paulit-ulit sa batuhan. Hindi naman nila alam kung may nakain kaya nagkagano’n. Baka nalason,” kuwento naman niya. Napakunot na lamang ng noo si Daniel at napatingin sa kanyang kausap. “Weird…” sambit ni Daniel. Sa kanyang isipan naman ay biglang lumilitaw ang kanyang sarili na nakaputi at paulit-ulit na iniuuntog ang kanyang nagdurugo nang ulo sa pader. Napapikit na lamang siya at hinaplos ang kanyang ulo. “Weird nga talaga. Ang mahalaga, eh, balik sa dati. Maayos na ulit ang lahat,” sagot ni Mang Jojo. “Bakit nga ba ako ang lagi napag-iinitan ng mga tagarito, mang Jo?” tanong ni Daniel. Nakakunot ang kanyang noo at siya ay nakatulala sa kawalan. “Hayaan mo na yung mga ‘yon sir. Masyado silang makaluma mag-isip,” paliwanag ng katiwala. “Nga pala, sir. Ano bang gusto mong kainin mamaya sa tanghalian?” Ilang segundo ring hindi sumagot si Daniel. Nakatulala pa rin siya sa malayong dagat. “Noong isang araw pa ako nagke-crave sa pizza, eh. May mga ganoon ba dito, mang Jo?” “Mayro’n naman sir. Sa bayan. Kung gusto mo tatakbo ako sa bayan, ibibili kita,” sagot ni mang Jo. “Para kasing ang tagal ko nang hindi nakakatikim ng pizza…o kaya ice cream, burger…mga gano’n,” wika ni Daniel habang nakatingin sa kawalan. “Mag-iisang buwan ka pa lang dito sir. Haha. Pero sa bagay. Hindi rin kasi ako nakapag-i-stock ng mga ganyan. Hayaan mo bibili ako.” “Hindi na, mang Jojo. Kahit ako na lang, mag-iisang buwan na nga ako dito halos di ko pa rin nalilibot ang paligid, eh.” Papasok na sana ng bahay si mang Jojo ngunit natigilan siya nang sabihin iyon ng binata. “Nako, sir. Mas maigi sigurong ako na lang. Mahirap na…alam mo naman ang mga tao dito,” may pag-aalala niyang sambit. “Okay lang ‘yon, mang Jo. Kapag ginalaw nila ako…sila naman ang magkakaproblema, eh. Minsan susubukan kong maglakad-lakad diyan. Baka kahit mga fish ball o mga fries makahanap ako ng nagbebenta,” nakangiting sambit ni Daniel. “Sir!” wika ni mang Jojo. Napalunok naman nang kaunting laway si Daniel nang makita ang reaksyon ng kanyang kausap. Nakakunot ang noo ni mang Jojo, tila pinagpapawisan nang malamig at hindi mapakali. “Ayos lang ho ba kayo?” tanong ng binata. “E-eh…sir, mas maigi talaga na ako na lang ang bibili. Kung lalabas kayo siguro po mas mainam na kasama niyo ako. Puwede naman po tayong maglakad-lakad at bumili…basta po ‘wag lang kayong lalayo,” paliwanag ng katiwala. Tumango na lamang nang dahan-dahan si Daniel habang nakakunot ang noo. Matapos noon ay muli siyang tumingin sa malayong dagat. Nang makapasok naman ng bahay si mang Jojo ay napatingin siya rito. Tila hindi maganda ang kanyang nararamdaman dahil sa inaasta ng katiwala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD