Nakatulala lamang si Daniel sa harap ng typewriter na nakapatong sa mesa. Ang bulaklak ng sunflower sa flower vase ay nalalaglagan na ng mga talulot. Nababagsakan nito ang bulto ng papel na pawang may mga tinta na at nasusulatan ng kanyang nobela. Muli niyang iniisip ang inaasta kanina ni mang Jojo. Sunod na pumapasok sa kanyang isipan ang mga tao na tanging siya lamang ang tinitingnan at tila ibinubunton sa kanya ang masamang signos sa dumalaw sa kanilang lugar. Napapikit na lamang si Daniel, pilit na iwinawaksi ang hindi magandang pakiramdam. Tila lumiliit ang kanyang mundo sa lugar na iyon. Sa kanyang isipan at imahinasyon ay tila gumagalaw ang mga pader sa kanyang likuran, sumisikip, tila siya ay iniipit. Muli niyang ibinukas ang kanyang mga mata nang makita niyang muli ang babaeng nagsusuklay sa kanyang pangitain na nakatitig sa kanya.
Nakarinig siya ng ingay mula sa labas. Ang tricycle ni mang Jojo ay bumukas at tila ba siya’y may kausap. Dumungaw naman si Daniel at patago pang sumilip sa bintana habang nakatayo. May mga dalang bayong si mang Jojo. Alam niya sa pagkakataong iyon ay pupunta siya sa bayan upang mamili. Hinintay niyang makaalis ang kanyang tricycle at nang makatyempo ay kinuha ni Daniel ang kalahati sa bulto ng mga papel sa mesa at dahan-dahang lumabas ng kanyang kwarto. Dahan-dahan siyang bumaba, nakakarinig rin siya ng ingay sa kusina. Alam niyang si Susan ay naroon. Tinahak niya ang pinto palabas ng sala bahay, isinara niya rin iyon nang dahan-dahan nang siya ay makalabas.
Tumingin muna siya sa paligid habang nakayuko at tila may pinagtataguan. Nanlalaki ang mga mata ni Daniel habang tinititigan ang kanyang daraanan. Napapangiti siya saglit, marahil ay dahil sa kaba at pananabik. Sa ganitong pagkakataon ay nararamdaman niyang Malaya siya…malaya sa mga ng mga tao at maging sa pagbabantay nila mang Jojo. Una niyang nakita sa di kalayuan ang kumikinang na dalampasigan. Nakaramdam siya ng kakaibang saya habang papalapit ngunit pasaglit-saglit, ito ay nagbabago. Muling nakatitig sa kanya ang ilang mga mangingisda sa malayo. Maiibsan lamang iyon sa tuwing sila ay lumalayo. Napapako ang kanilang mga tingin sa binata at iiwas na lamang.
Bitbit pa rin ni Daniel ang ilang mga papel mula sa kanyang nobela na isinusulat. Naglakad-lakad siya sa dalampasigan habang binabasa ang mga iyon. Tila kumukuha siya ng inspirasyon sa lugar kung saan kasalukuyang namamalagi ang kanyang bidang karakter. Bawat titik at paglalarawan ng lugar na iyon ay hindi niya sinasadyang mailagay sa kanyang nobela.
“Magandang hapon po,” bati niya nang makasalubong ang isang lalaki na may dalang mga salungo o sea urchin na nasa timba.
“Gandang…hapon din,” pag-aalangang bati ng mangingisda. Pinagmamasdan pa niya ang mga dalang papel ng binata bago tuluyang makalayo.
Tila naningkit naman ang mga mata ni Daniel nang may makita sya sa di kalayuan. Isang babaeng nakaputi na nagsasayaw sa may batuhan. Hindi niya mawari kung isa lamang bang ilusyon ng tubig na humahampas sa mga batuhan ang nakikita o kung ito ay totoo na. Muli niyang naalala ang scenario na kanyang sinulat sa kanyang nobela. Hinalungkat niya pa mula sa kanyang hawak ang pahinang iyon habang naglalakad. Muli niyang tiningnan ang mga batuhan sa di kalayuan, wala na roon ang babae.
“Ikaw na ang nais ko habang buhay…Christine,” bulong ko. Kinapa niya naman sa batuhan ang isang shell at iniabot iyon sa aking kamay.
“Gusto kong iukit mo dito ang pangako nating dalawa. Tayo lamang, Danilo. Ikaw lang at ako,” wika niya.
Binabasa niya ang mga linyang iyon hanggang siya ay makarating sa mga batuhan. Napatitig lamang siya sa mga batuhang iyon. Tago ito at tila ito nga mismo ang kanyang inilalarawan sa kanyang nobela. May lupa paitaas at batuhan naman ang nasa ibaba kung saan humahampas nang bahagya ang alon ng dagat.
Kinuha ko ang kanyang hawak at sa kanyang likuran ay inukit ko ang letra ng aking pangalan. Nilagyan ko ito ng markang x at sunod naman ay ang kanyang pangalan. Idiniin ko iyon upang hindi mabura.
Basa niyang muli. Kumabog naman ang kanyang dibdib at hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. Napalunok pa siya nang kaunting laway habang unti-unting itinuturo ang kanyang daliri sa batuhan. Nanginginig siyang lumapit upang hawiin ng kanyang hintuturo ang mga buhangin na nakatakip sa mga marka. Nakita niya ang isang marka ng puso kung saan nakasulat ang mga katagang: Daniel at Christine.
Sa labis na kabog ng dibdib ay tila matinis na tunog na lamang ang kanyang naririnig. Nanghihina siya at muling nakaramdam ng sakit ng ulo. Napaatras siya mula sa mga batuhan, naglakad pabalik ngunit nanlalaki ang kanyang mga mata at hindi maintindihan ang sarili. Muling nagbalik ang mga imahe sa kanyang isipan. Ang babaeng nagsusuklay sa bintana, ang babae na nakakapit sa bisig ni mang Jojo, ang babae sa kanyang panaginip. Tila nanginig ang kanyang tuhod dahil sa pagkahilo. Nababasa naman ng tubig dagat ang kanyang mga isinulat mula sa kanyang mga kamay. Maya-maya pa ay tuluyan nang nagdilim ang kanyang paningin. Sumambulat ang kanyang mga dalang papel at lumipad sa paligid, siya ay napahiga na lamang sa buhangin habang nakadilat ang mga mata.