Lumabas na kami ng funeral chapel para bumalik ng school. Habang naglalakad kami, napansin ni Milette na lumobo ang tiyan ni Lara.
"Hoy Lara anong nangyari sa'yo? Pumasok lang tayo ng punerarya nabuntis ka na kaagad?" Sabi ni Milette.
"Loka, hindi ako buntis, mga pagkain 'to galing sa loob." Sabi ni Lara at inilabas ang supot na may mga biscuits mula sa kanyang tiyan.
"Hoy Lara, ano 'yan? Hala ka, bastos ka!" Sabi ni Jorji.
"Oo nga... ikaw talaga, hindi ka na nahiya." Dagdag ni Milette.
"Ang u-OA niyo naman, pumayag nga 'yung babae na magbalot sa loob, konti nalang kasi 'yung allowance ko, wala na akong pambiling foods, buti sana kung mabubuti kayong mga kaibigan na nanlilibre." Drama ni Lara.
"Ikaw kath, ano 'yang nasa tiyan mo? Pati ikaw may binalot rin?" Napansin din ni Milette ang nakatago sa tiyan ko. Kaagad ko namang pinakita ang diary na binitbit ko.
"HAYYYYY! Diary 'yan nung lalaking patay sa loob, ba't dala-dala mo 'yan?" Tanong sa'kin ni Jorji.
"Nai-stress ako sa inyo, anong nangyayari? Bakit ang dami niyong ninakaw sa loob?"
"Hihiramin ko lang naman, babasahin ko lang tapos isusuli ko rin kaagad."
"Anong akala mo sa punerarya, library? Naku,Ibalik mo 'yan, baka mamaya pinamamahayan 'yan ng sumpa! Amin na 'yan ibalik mo 'yan, kung gusto mong magbasa, mag-w*****d ka nalang, ibalik mo 'yan." Agrisibong sabi ni Milette habang kinukuha mula sa'kin ang libro.
"Ibabalik ko nga lang, ako na magsusuli." Hinawakan ko ng mahigpit ang libro. Gustong-gusto ko munang basahin kaya tumakbo ako papalayo sa kanila para 'di makuha ni Milette. Naghabulan kami sa kalsada.
Hindi ko alam pero, gustong-gusto ko talagang makilala si James, kahit sa mga ala-ala niya lang, feeling ko kasi sobrang buti niyang tao, at konti nalang ang mga taong ganon. Hindi ko man siya nakilala ng personal, gusto kong makilala siya sa kanyang diary lalong-lalo na't nabanggit niya ako sa first page ng diary niya, ibig sabihin, may koneksyon kaming dalawa na hindi ko maipaliwanag.
'Pag dating namin sa classroom, iniiwasan ako nila Milette, at naririnig ko si Milette na sinusulsulan si Jorji at Lara.
"'Wag muna kayong lalapit kay Kath, sigurado akong pinalilibutan na siya ng kamalasan."
Sabi ng praning na si Milette.
"Oo nga, baka sunod-sunod tayong ha-huntingin ng mga kaluluwa. Ikaw Lara, masasagasaan ng truck, ikaw Milette, mahuhulog sa 4th floor, at ako, diyos ko, 'wag naman sana akong ma-salvage." Sabi ng isa pang praning na si Jorji.
"Ang OAYYY, kung ayaw niyo akong kasama edi 'wag, basta, 'wag kayong gagaya sa exam sa stat ah." Sabi ko sa kanila.
"'Pag nabagsak ako sa stat, siguradong ipapasaga lang naman ako ng nanay ko sa truck, kaya kath, join nalang ako sa'yo." Sabi ni Lara.
Kaya dalawa lang kami ni Lara na nagpunta ng library para mag-aral, si Millete at Lara, hindi ko alam kung saan nagpunta. Bahala sila, basta magbabasa ako ng diary ni James.
Ang cute ni James, kahit lalaki siya, nagawa niyang magsulat sa diary, may lalaki pa pala na ganon? Baka si James nalang, kaso... oo nga pala, patay na si James, kaya sino pa kaya ang ibang lalaking nagda-diary? Hayy... aliw na aliw akong basahin ang diary niya na nagsimula noong summer. Regalo raw sa kanya ang diary na 'to ng isang taong mahalaga sa kanya. Ang dami niya pang kwento everyday, nakakatuwa na naging masaya siya sa mga huling sandali ng buhay niya.
"Lara, tingnan mo oh, ang cute nitong si James, alam mo ba na may napulot siyang aso sa highway, tapos pinangalanan niyang Dogie... ano ba naman 'to si James ba't naman dogie lang? Pwede namang Clarissa o kaya Samantha. Feeling ko hindi siya masyadong creative." Kwento ko kay Lara.
"'Swerte nga ng dogie na 'yan, yung aso namin walang pangalan, basta lang naming tinatawag, 'pag almusal, tuyyyyy... pagtanghalian, tuyyyyy... .tuyyyyy... sa gabi, tutuytutuytutuy."
"Kumusta na kaya si Dogie? Kawawa naman patay na ang amo niya, tsaka uy, alam mo ba... ang favorite band niya, Backstreet Boys? Tapos gustong-gusto niyang kanta nila 'yung 'Drowning'. Alam mo ba 'yung kantang 'yun?"
"Zombie lang ang alam ko eh, 'yung In your head... in your heaheahead... zohhhmbe... zohhhmbe...zohhhmbe... eh eh."
At 'yun pinagtinginan kami ng mga tao nung kumanta si Lara."
"Pssssst..." Pagsaway sa kanya ng isang student assistant.
"Huuuuuyyy... 'wag ka nga kasing kumanta. Mapapalayas tayo." 'Pagsaway ko sa kanya.
"Sorry, na miss ko magbidyoke.... minsan mag-KTV tayo."
Nakita ko sa may hindi kalayuan na mesa ang highschool friend kong si Adonis. Tamang-tama, gumagamit ito ng laptop, sinama ko si Lara papunta sa kanya para ipahanap ang kantang 'Drowning'.
"Sige na naman Adonis, isi-search mo lang namang saglit, hindi mo naman 'yan ikababagsak sa exam mo bukas." Pakiusap ko kay Adonis.
"Nag-aaral nga ako dito, kung gusto niyo, dun kayo sa computershop." Masungit na sabi ni Adonis.
"Ang damot naman nito, parang 'di mo ko niligawan nung highschool ah."
"Oo nga naman, kalimutan mo na 'yung binalik sa'yo ni Kath 'yung flowers na bigay mo nung Valentines, ahahahha." Tawang-tawa sabi ni Lara.
"Ohhh nung high school pa 'yun, busted mo nga ako diba?"
"Pano kita hindi ba-busted-din eh ang baduy-baduy mo, 'yang salamin mo ang laki-laki, tigta-tatlong mata ata kasya diyan, ang porma mo parang nung panahon pa ng mga dinosaurs, hanggang ngayon wala ka pa ring sense of style."
"Kath-kath, tumigil ka na nga, alam mo naka-moved on na 'ko sa'yo, may nililigawan na 'ko, mas makinis, mas maputi at mas maganda sa'yo."
"Kung naka-moved on kana, ba't tinatawag mo pa rin akong Kath-kath?" Natahimik si Adonis ng sabihin ko 'to sa kanya, dami kasing arte.
"Sige na nga, saglit lang ah, ano na 'yung pinapahanap mo?"
"'Drowning' nga ng backstreetboys." Sabi ko.
"Alam ko 'yun eh, every time I breathe I take you in...."
"Ohh 'wag mo nang kantahin, i-search mo na nga lang, tingnan mo galit na 'yung S.A mapalayas pa tayo rito." Pagsaway ko kay Adonis.
Sawakas, gamit ang headphone ni Adonis, napakinggan ko rin 'yung kanta. Bakit kaya ito ang paboritong kanta ni James? In love ba siya? May girlfriend na kaya siya?
"Ano ba meron sa kantang 'yan, project niyo ba 'yan?" Tanong ni Adonis habang patuloy pa rin ako sa pakikinig sa kanta.
"Yung patay kasi na nadaanan namin, ang gwapo, crush ata ni Kath kaya pati 'yung diary ninakaw niya sa punerarya." Etchoserang Sabi ni Lara.
"May gusto ka sa patay?" Tanong ni Adonis.
Binaba ko ang headphone, naririndi ako sa dalawang 'to.
"Hoy wala, gusto ko lang talagang basahin 'yung diary, gusto ko lang malaman kung anong nangyari sa buhay niya, bakit naman ako magkakagusto sa patay?" Natahimik ang lahat ng ilang segundo.
"Adonis, pa-download naman nung music tapos pa-bluetooth ako sa cellphone." Pakiusap ko kay Adonis.
"Wala raw gusto... pati favorite song ng patay pinagkaka-interesan." Mahinang sabi ni Adonis.
Ang OA, nagustuhan ko lang 'yung song eh, pero oo nga naman, ano bang nangyayari sa'kin? Bakit ba ako interesado sa favorite song ni James?
Pag-uwi ko sa'min habang sakay ng bus, pinakikinggan ko ang 'Drowning' ng Backstreet Boys. Ang sabi ni James sa diary niya mahilig din daw siya mag-soundtrip, at halos ng nasa 'play list' niya kantang ng 'Backstreet Boys', sa'kin naman kanta ni Taylor Swift. Kinuha ko ang diary ni James at sinulat ko sa page 4, "Hi James, sana masabi ko sa'yo na ang paborito kong kanta, 'Back to December ni Taylor Swift.' Binalik ko sa backpack ko ang diary, sumandal ako sa bintana ng bus at pinagmasdan ang maliliit na patak ng ulan sa bintana, tamang-tama ang paglipat ng kanta sa 'Back to December' nakaka-emo ang ulan at lamig ng hangin, hanggang sa nakatulog na pala ako.
Hindi ko na namalayan ang oras, pag gising ko, kulay orange ang langit, eh umuulan lang kanina, tsaka pagabi na dapat, ba't parang alas kwatro palang?
HUHHH!!! Ako na lang mag-isa sa bus? Walang katao-tao? Lumampas na ba ako? Nasaan ako? Hindi ako makakilos, nagugulat ako, pero bakit naman walang tao? Hindi ko alam kung anong dapat kung gawin. Hanggang sa may pumasok na naka school uniform na lalaki, naka backpack rin siya, at may suot-suot na headphones, mukhang nakikinig ng music at papalapit siya sa kinakaupuan ko.
Ang gwapo ng lalaking 'to, pamilyar sa'kin ang mukha niya, kamukha niya 'yung... sino ba 'yun? Si James, oo si James, 'yung patay na lalaki kanina, HUHHH?? Si James? 'Yung PATAY!!! Tumingin siya sa'kin, hindi ako makagalaw, oh my gosh, naupo siya sa tabi ko, hindi ko alam ang gagawin ko, may third eye na ba ako? Nakakakita ba ako ng multo? Hina-hunting na ba ako ni James dahil ninakaw ko ang diary niya? Hindi ko nga ninakaw, ibabalik ko lang naman...
"May gusto ka bang sabihin sa'kin?"
Nagsalita siya, maganda at malumanay ang boses niya, mukha naman siyang normal na tao, mukhang hindi pa siya patay, ano bang sasabihin ko.
"Ahhhhh... James... 'Back to December' ni Taylor Swift ang favorite song ko." At dahil napapakinggan ko pa rin ang kanta ni Taylor, 'yun yung tanging nasabi ko sa kanya. Ngumiti lang siya at tumingin sa unahan. Hindi ako makakilos, pinagmamasdan ko lang ang anghel na katabi ko ngayon.
To be continued.