Pagpasok ko pa lang sa buhay ng mag-asawang Rojas ay paniwalang-paniwala na agad sila na ako talaga si Leona Himari, their long lost precious daughter. Lalo na nung mag-positive ang results ng paternity test. Ang hindi nila alam, sinabotahe ni Ishmael ang paternity results para lumabas na isa nga akong Rojas at ako nga ang nawawalang anak ng mga ito.
Dinala agad nila ako sa malapalasyo nilang tahanan, nagpahanda nang bongga upang ipaalam sa lahat ng mga kaibigan at kakilala, na ako, si Leona Himari, ang nawawala nilang anak ay natagpuan na.
They're so proud of me, dahil maliban sa maganda raw ako ay dean lister pa.
Punung-puno ako ng pagmamahal ng mag-asawa, lalo na ng mga lolo at lola ni Leona, tiyahin, at mga pinsan niya. Lahat ay ibinibigay nila sa akin—mula sa luho, atensyon, proteksyon at pati na sa pagmamahal ng isang ina na matagal-tagal ko na ring hindi nararanasan.
Sa loob ng dalawang buwan ay naging maayos ang pagpapanggap ko... Hanggang sa bumalik sa Pilipinas ang nag-iisang kapatid ni Leona, ang panganay na anak na si Lander Knight Rojas.
Galing akong eskwelahan noon na sinundo pa talaga ng aking personal driver. Bukod sa driver ay may dalawang bodyguard ding nakabantay sa akin. Para talaga akong prinsesa kung ituring ng mga ito.
Pagpasok ko sa malaking bahay ay naabutan ko sa sala ang isang matangkad na lalaki. Wala akong ka-ide-ideya kung sino ito dahil maliban sa nakatalikod mula sa pintuan ay wala ring binanggit ang mag-asawa na may darating kaming bisita. Siguro ay isa sa mga pinsan ni Leona na hindi ko pa nakikilala.
Nakatalikod ang lalaki habang abala sa phone kaya malaya kong napagmamasdan ang kabuuan niya. Malapad ang mga balikat, matangkad, sobrang tangkad at ang hahaba ng mga biyas. Makintab ang brown nitong buhok, makinis at maputi naman ang medyo mabalbon na batok.
Nakasuot siya ng itim na button-down long sleeves polo na naka-rolyo ang mga sleeves hanggang siko. Naka itim na pants at makintab na sapatos habang kumikinang naman ang gold nitong relo.
Tindig pa lang, kagalang-galang na, at kahit na may distansya ang pagitan naming dalawa, naaamoy ko pa rin ang mamahaling pabango niya... pabangong pamilyar sa akin. Parang naaamoy ko na somewhere pero hindi ko maalala.
Hinintay ko siyang humarap. Gusto ko nang makita ang kaniyang mukha—
"Anak!" Ang nakangiting si Mrs. Lanie Rojas ang umagaw ng pansin ko. Nilingon ko ito na nakahanda nang salubungin ako ng yakap.
"Mommy." Kahit naiilang ay pinilit kong maging sabik sa ginang. Hindi rin naman ito mahirap sakyan dahil likas itong masayahin at palabiro. Mabilis lang ding nakakapalagayan ng loob.
"Kumusta ang araw mo, ha?" magiliw nitong tanong sabay hawi sa ilang hibla ng buhok kong nakaharang sa aking mukha.
"Ok lang po, mom," ngiti ko.
"Siya nga pala, may surprise ako sa iyo..."
Excited na ngumisi ang ginang. Kahit na mukhang aso ito sa malawak na ngiti ay maganda pa rin naman ito. Morena, maliit ang mukha at may masiglang mga mata. Muntik ko na nga itong napagkamalan na si Miss World 2013. Kahawig kasi.
"Nandito na ang kuya Knight mo, baby!" masaya niyang saad sabay nguso sa lalaking nasa gilid na namin.
Dahil sa mainit na presensya ng ginang ay nakalimutan ko saglit ang tungkol sa matangkad na lalaki.
Dahan-dahan akong lumingon. At nang tuluyan akong humarap sa lalaki ay para akong biglang natuod sa kinatatayuan. Kumabog ang dibdib ko nang magpang-abot ang mga mata namin. Kinabahan ako sa hindi malamang dahilan.
Oo, gwapo siya, lalaking-lalaki. Malinis, makinis pero bukod sa nakakamanghang panlabas na anyo, nakaka-intimidate din ang kaniyang dating. Lalo na ang klase ng kaniyang mga tingin na para bang nanunukat ng kaluluwa. Tipong hahakbang ka pa lang, alam na agad niya ang lalandingan mo.
Para siyang si Mr. Rojas, ang ama ni Leona. Bukod sa magkamukha, palagay ko ay magkaugali rin sila. Parehong matikas, parehong misteryuso at may magagandang mga mata na kasingtingkad ng luntiang dahon.
Hindi ko kayang tagalan ang titig niya, nakakatunaw, pero hindi ko rin kayang mag-iwas.
"Hoy! Ba't tulala kayo diyan?" pukaw sa amin ni Mrs. Lanie.
Napalunok ako at pilit na napangiti. Pinilit ko ring itago ang pagkailang. "Ahm, h-hi k-kuya..."
Mula sa banayad na mukha ay unti-unting nagdilim ang mukha ni Knight.
"Kuya?" tanong niya, bakas sa mukha ang pagkadisgusto. Kinabahan naman ako.
"Siya si Leona, anak! Ang kapatid mo! Natagpuan na namin siya after 15 years!" puno ng sayang sambit ng ginang. "Bakit kasi ngayon ka lang umuwi! Nahuli ka tuloy sa balita."
Hindi umimik si Knight. Nanatili siyang nakatitig sa akin. Mas mariin na para bang may hinuhukay sa loob ko.
Naputol lang iyon nang bigla itong batukan ng ina. "Hoy, tarantado! Ganyan mo ba babatiin ang kapatid mo?"
"Mom!"
"Kung makatitig ka kasi sa kapatid mo para mo nang kakainin nang buhay. Tinatakot mo siya, Lander! Umayos ka nga! Hindi mo ba yayakapin nang mahigpit ang kapatid mo? Hindi ka ba masaya na sa wakas ay nakasama na rin natin si Leona?"
Seryosong tiningnan ni Knight ang ina. Nang bumaling siya sa akin ay naging blanko na ang mga tingin niya.
"She's not my sister."
Kumabog nang malala ang dibdib ko. Mabubuko na ba ako?
"But I would still give her a hug that she deserves," pagkasabi noon ay inisang hakbang niya ang pagitan namin. He swiftly pulled me into a hug and whispered roughly, "Welcome to my playground... baby."