Part 2

1394 Words
“May I sit here?” tanong niya nang makaapit kay Rachelle. “Oo naman, Luis. Upo ka.” Itinuro pa nito ang katapat na bakanteng silya sa garden set. Ilang sandali na wala silang kibuan ng babae. Hindi niya alam kung paano magsisimula. Napayuko na lang siya at inihilamos ang sariling mga palad sa mukha . Idiniin niya ang mga daliri sa pagitan ng mga mata. Nang mag-angat siya ng mukha ay napailing si rachelle. “Pulang-pula iyang mga mata mo.” “Ang sakit-sakit,” sabi niya na parang bata na nagsusumbong dito. “Mahal mo talaga si Ate Lara?” Tumango siya. “Noon pa. Matagal na.” “Bakit kasi ang bagal mo?” “Ito na iyong pinakamabilis ko. Lahat ng pagsisikap, ginawa ko para yumaman ako.” “Inuna mo kasi iyong pagyaman.” may bahagyang biro sa tono ni Rachelle. “Sana inuna mo iyong panliligaw sa kanya.” “Paano ako manliligaw kung sarili ko lang ang ipiprisinta ko? Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga magulang ninyo? Anak lang ako ng mga kawaksi. Napaka-oportunista ko naman para manligaw sa anak ng mga amo namin.” Mariing umiling si Rachelle. “Hindi ganoon ang pagtingin ng mga tao dito sa iyo, alam mo naman iyan.” “Kahit na. Mula’t sapul, alam ko naman kung saan ako dapat lumagay. Hindi ko pa rin kayang pantayan ang yaman ninyo ngayon. Pero tiwala ako sa sarili ko na kaya kong bigyan ng maginhawang buhay si Lara.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan nito. “Hindi ko akalain na magkakasakit siya. At malubha pa.” “Wala namang may gusto na mangyari sa kanya ang ganoon.” “Lalo na ako,” seryosong sabi niya. “Mas lalo na ako,” mas seryosong sagot ni Rachelle. Nagkatinginan sila nito. She sighed. “Ang pag-ibig mo sa kanya ay parang kanta. Mahal kita, mahal mo siya, mahal niya ay iba.” “Rachelle?” Lumalim ang pagtataka niya sa pangungusap nito. “Huwag mo akong tingnan na parang in love ako sa iyo,” matabang na sabi nito. “Ang tinutukoy ko ay ikaw, si Ate at si Jake.” “Paano nasali si Jake?” Gumuhit sa mukha niya ang selos. “Si Jake mo?” Pigil ang panggagalaiti na tanong pa niya. Bahagya lang gumuhit sa mga labi niya ang ngiti. “Yeah, you can say that. Si Jake ko.” Ibang level ang possissiveness ni Rachelle sa tono nito. “Si Jake ang gusto ni Lara?” hindi-makapaniwalang sabi niya. Hindi niya maitatanggi ang sakit nagumuhit sa dibdib niya. “Para ngang kanta. Mahal mo si Ate, mahal ni ate si Jake, at si Jake naman---” “Ay ikaw ang mahal,” pagtatapos niya sa pangungusap nito. Nagkaroon ng mahabang patlang sa pagitan nila. “Hindi ko alam kung paano nangyari iyon. All the while we are all happy, ikaw, alam kong matagal nang may pagtingin kay Ate. Excited ako para sa inyo. Gusto kita para sa kanya. I like the idea that someday, we will go out foursome. Mga bata pa tayo, tayo na ang magkakasamang lumaki. Jake is a family friend. Na-develop kami ni Jake sa isa’t isa.” “Ang masaklap, si Lara man ay na-develop din kay Jake. At ako ang naiwan.” Ayaw niyang magmukhang talunan pero sa tononiya, parang lumalabas na ganoon na nga. “Hindi madali sa akin na malamang si Jake din ang mahal ni Ate,” may simpatya na sabi nito. “Pero magpasalamat ka. Kahit may ibang nagmamahal kay Jake, sigurado kang ikaw ang mahal niya. Eh, ako, wala, hanggang ganito na lang.” Yumuko siya para hindi nito makitang pinaglalabanan niyang huwag malaglag ang luha. “Okay lang, Luis. Huwag kang mahiya sa akin. Para na rin tayong magkapatid. Naiintindihan kong nasasaktan ka.” “Napakasakit sa akin nito. Kung anu-anong bagay ang iniisip kong dahilan kung bakit maaaring hindi ako magustuhan ni Lara. Akala ko lang iyong agwat ng katayuan namin sa buhay. Ni hindi sumagi sa isip ko ang ganito. She never had a boyfriend. Akala ko dahil lang sa ubod siya ng pihikan. And at some point, nag-ilusyon din ako na baka kami talaga ang tadhana. Na ako ang lalaking nakalaan para sa kanya.” “Hindi ko rin akalain na ganito ang mangyayari. Una, hindi ko iniisip na puwede siyang magkasakit, at pangalawa, hindi ko rin inaasahan na in love din siya kay Jake.” “Napakasakit sa akin ng terminong ginamit mo.” Kumislap ang luha sa mga mata ni Rachelle. “Masakit din sa akin. Baka nga mas masakit pa sa nararamdaman mo ngayon.” “But how? Ikaw nga ang walang dapat ipag-alala. Ikaw ang mahal ni Jake.” “Kung alam mo lang, Luis,” mahinang sabi nito. “Huwag mong sabihing may ibang mahal si Jake bukod sa iyo?” “Hindi sa ganoon. Naniniwala akong ako lang ang mahal ni Jake.” “Iyon naman pala, eh. Di, wala kang problema.” “Meron. Napakalaki.” “Hindi kita maintindihan.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan nito. “Si Ate Lara, hinihiram niya si Jake sa akin. Gusto daw niyang maranasang mahalin ni Jake.” Daig pa ni Luis ang natuka ng ahas sa narinig. Hindi siya makapiyok man lang. “You heard me right,” untag sa kaya nito. “Ang dali lang sabihin, ‘no? Pero siyempre, napakahirap gawin.” “Pagbibigyan mo ba si Lara?” tila tumutulay sa alambre na tanong niya. Parang gusto niyang bawiin ang tanong na iyon. “Ano ba ang mararamdaman mo kung sasabihin ko sa iyo na ayaw ko?” Blangko ang ekspresyon niya kahit sa loob ay parang gusto niyang ikatuwa iyon. “Hindi ko alam,” sa halip ay sagot niya maya-maya. “Alam mo bang parang ang sama-sama kong kapatid? Na parang napaka-selfish ko kung hindi ko siya pagbibigyan?” Tuluyan nang tumulo ang luha ni Rachelle. “Hindi lang si Ate Lara ang kumausap sa akin kundi pati sina papa at mommy. At first, yes, naisip ko siyang pagbigyan. I talked to Jake about it. Nagalit si Jake. And I realized tama din naman si Jake sa katwiran niya. Lumayo ako. Matagal din akong hindi nagpakita. Pero hindi ako nakatiis. Kinumusta ko sila, lalo na si Ate. It’s sad to know she’s getting worse. And it’s even sadder that they are pressing it on me. Again. Ngayon hindi ko na alam kung talagang nakikiusap lang sila o ginagamitan na ako ng emotional blackmail. Alam mo namang anak ako ni papa sa labas. Tinanggap ako ni mommy nang mamatay ang tunay kong mama at inuwi ako ni papa sa mansyon. Pero, Luis, kahit utang na loob ko kay mommy na inari din niya akong anak, mahal ko si Jake. Kasakiman ba kung ayaw ko siyang ipahiram? That idea is so absurd. Siguro sasabihin mong insensitive ako na kahit sa kalagayan ni Ate Lara ngayon, ang tigas-tigas ko pa rin,” mahabang sabi niya. Hindi siya agad nakasagot. “Narito naman ako,” pabuntung-hiningang sabi niya makaraan ang ilang sandali. “Mahal na mahal ko siya. Gagawin ko ang lahat para maiparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Bakit kay Jake pa niya hinahanap ang pagmamahal na kayang-kaya ko namang ibigay?” Napahagulgol ito ng iyak. “Luis, ang hirap-hirap ng kalagayan ko.” Lumapit siya dito at marahang dinampian ng panyo ang basang pisngi. “Naiintindihan kita, Rachelle. Magkaiba siguro iyong sakit na nararamdaman natin pero iisa pa rin ang punto. Pareho tayong nasasaktan.” Nabasag ang tinig niya. Kahit pigilin niya ang sarili ay napaluha na din siya. Kitang-kita niya sa mga mata ni Rachelle na nasasaktan nga ito. Kung gaano at kung sino ang mas nasasaktan sa kanilang dalawa ay hindi niya tiyak. “Sabi nila, masakit daw kung minsan ang magmahal. Pero hindi ko alam na ganito pala kasakit,” mapait na sabi niya. “Ang sakit-sakit na nagmamahal ka, pero kailangan mo siyang ipagparaya sa iba. Ang hirap tanggapin ng ideyang iyon, Luis. Kahit na sabihing “hiram” lang. Ayoko. Ayoko,” parang bata na sabi nito na kulang na lang ay magpapadyak. Bugso ng emosyon ay niyakap siya ni Rachelle. Tinapik niya ang balikat nito maya-maya. Para na ring kapatid ang turing niya dito. -itutuloy-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD