“ALAS SAIS na.”
Nag-angat siya ng tingin nang mamalayan si Luis na nasa tapat ng mesa niya. Dumiretso siya ng upo at iginalaw-galaw ang medyo nangawit na leeg. “Pauwi ka na?” sabi niya dito.
“Pauwi na tayo.”
Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ito. “Marami pa akong babasahin.”
“Hindi ko naman sinabi sa iyong basahin mo iyan sa isang upuan lang. Ikaw na lang mag-isa ang maiiwan dito. Tara na.”
“Okay, uuwi na rin ako. Sige na, susunod na ako.” She shut down her lap top. Napasulyap siya dito nang maupo ito sa gilid ng mesa niya. His one leg lazily rested on the edge of her desk.
“Sabay na tayong lumabas.”
Nagkibit siya ng balikat. Mabilis niyang inimis ang mesa niya at kinuha na ang bag niya. “I’m ready.”
“May nakakalimutan ka yata?” wika nito na umunat na ng tayo.
Umiling siya. “Wala na.”
“How about those flowers?”
Sinundan niya ang tingin nito. Napabuntong-hininga siya. Balewala sa kanya ang mga bulaklak na iyon pero naisip niyang baka nga may pakinabang iyon sa iba. Kinuha na rin niya. “Let’s go.”
Dalawa lang silang sakay ng elevator. Wala silang imikan habang bumababa iyon. Tinitigan niya ang mga bulaklak. Ano nga ba ang gagawin niya doon?
“Are those you favorite flowers? Gerberas, stargazers, hyacinth and roses?”
Nilinga niya ito. “Magaganda sila, ‘no? Magaganda naman ang kahit anong bulaklak. Mas gumaganda pag gusto mo ang nagbigay. Unfortunately, walang dating sa akin ang sinumang nagbigay nito.”
“Sino ba ang nagbigay?”
“Kung sinu-sino lang diyan.”
“Kawawa naman iyong nagbigay kung hindi mo naa-appreciate iyan.”
“Sorry not sorry. Hindi naman niya kailangang gawin ito. Nag-aaksaya lang siya ng pera.” Nang bumukas ang pinto sa lobby, humakbang na siya palabas. Nilingon niya si Luis nang hindi ito tuminag.
“Basement level ako.”
“Ah,” nasabi na lang niya. Naisip niyang doon nga pala ang parking level. “Mauna na ako sa iyo.”
Lumabas siya ng elevator na medyo mabigat ang kalooban. Kung sabagay ay hindi na bago iyon. Palagi namang ganoon ang feeling niya tuwing oras na ng pag-uwi. Masama talaga ang loob niya na mag-commute.
Mabilis siyang nagkuwenta ng susuwelduhin niya. Ilang buwan pa ang bubunuin niya para maka-raise siya ng pambilis ng sarili niyang kotse. Ayaw naman niyang galawin ang ipon niya. At ayaw din niyang manghiram kay Uncle Kevin. Puwede siyang manghiram dito ng pambili ng sasakyan o ng sasakyan mismo. Pero tiyak na aawayin ito ng mommy niya kapag nabalitaan iyon. At alam niya, lahat naman ng galaw niya ay nakakarating din sa mommy niya.
Kung sana ay papayag siya sa gusto ng mommy niya. Tuloy-tuloy lang ang mala-prinsesa niyang buhay. She glanced at the flowers. Heto na naman si Lance, nagpaparamdam na naman. Hindi naman malalaman ni Lance ang office niya kundi rin itinuro ng mommy niya.
Pero pipiliin pa rin niya ang buhay niya ngayon kesa pilitin siya nitong magpakasal sa lalaking iyon. Hindi bale nang magtiis siyang mag-commute sa pagpasok sa trabaho. Maliit na bagay lang iyon kumpara sa habang-buhay na miserableng buhay kapag nagpakasal siya dito. Hindi niya talaga maintindihan ang mommy niya para ipilit ang ganoon. Arranged marriage, may gas abelgas! Panahon pa ng lolo ng lolo niya ang style na iyon.
Huminto siya sa reception counter sa lobby. “Excuse me, kuya. Puwedeng magtanong nang medyo personal?” Hindi na rin niya ito hinintay na sumagot. “Meron ka bang significant other? Misis, girlfriend, o kahit nililigawan pa lang?”
Pinamulahan ito ng mukha pero mas umagaw ng pansin niya ang tunog ng isang pekeng pag-ubo sa likuran niya.
“Luis,” gulat na wika niya nang malingunan ito.
He just smiled at isinenyas ang receptionist na nasa harap niya.
“Ano, kuya? Meron?”
“Wala, ma’am. Single po ako. Nanay ko lang po ang babae sa buhay ko,” parang hiyang-hiya na sabi nito.
“Perfect!” Ipinatong niya sa counter ang bulaklak. “Give this to your mom. I’m sure matutuwa siya.”
“Ma’am, nagbibiro po ba kayo?” gulat na reaksyon nito.
“Hindi.”
Hindi maikakaila ang katuwaang lumarawan sa mukha nito. “Maraming salamat po, Ma’am.”
“Welcome!” At saka siya bumaling kay Luis. “You’re here.”
“Oo. Nakasunod nga ako sa iyo kanina pa.”
Tumaas ang kilay niya. “May I ask why?”
“Saan ka ba sasakay?”
“Diyan. Mag-aabang ng taxi.” Binati sila pareho ng mahabang pila sa taxi bay.
“Aabutin ka ng siyam-siyam diyan. Ihahatid na lang kita.”
Namilog ang mga mata niya. Pero madali ding naglaho ang tuwa niya. “Your offer is good but I cannot accept. Hindi ako puwedeng magpahatid sa iyo.”
“Dahil ba doon sa nagpadala ng bulaklak?” Halata ang dismaya sa boses nito.
“I told you, hindi importante sa akin iyon. You see, ipinamigay ko lang ang flowers niya.”
“I get it. Si KS ang dahilan kung bakit ayaw mong magpahatid?”
She made face. “Paano nadamay si Mr. President dito?”
He cleared his throat. “Hindi ba’t ikaw ang may sabi na close na close kayo? Parang ganito?”
Kung pwede lang na humalakhak siya doon ay gagawin niya nang makitang pati daliri nito ay pinagdikit nito. Gayang-gaya nito kung ano ang ginawa niya noong tinitirya niya ito. “Close nga kami. Pero hindi niya ako hinahatid,” sabi na lang niya. “Hindi ako nagpapahatid kahit kanino. Saka kung pumayag man ako baka mapalayo ka lang.”
“Saan ka ba umuuwi?”
“Sa Katipunan area.” Alam niyang malayo iyon buhat dito sa Makati na opisina nila. Araw-araw nga na dusa niya ang pagbibiyahe lalo at ubod nang traffic.
Tila natuwa ito sa narinig. “Ah, perfect. Puwedeng-puwede kitang ihatid.”
“Huh?” shocked na sabi niya. “Pero hindi nga ako nagpapahatid. Hindi puwede.”
“Mas gugustuhin mo pa ba iyang maghintay ka sa parang IUD na pila diyan sa taxi bay? Look, kung ayaw mong magpahatid, hindi ko na ipipilit, but at least I can drop you somewhere. Doon sa madali kang makakakuha ng taxi.”
Nagliwanag ang mukha niya. “That’s a good idea! Sige payag na ako.”
Pareho silang nakangiti na tinungo ang basement ang parking.