“SALAMAT sa pag-angkas sa akin. Diyan na lang ako pag nag-red light na,” sabi sa kanya ni Grace.
“Are you sure, hindi ka talaga magpapahatid? Baka malapit ka na lang dito?”
“Okay nang hindi ako nag-commute hanggang dito. Malaking bagay na. Saka mukhang bakante yung taxi sa likuran natin. Malamang makasakay na ako agad.”
He unlocked the car door hesitantly when the light signaled stop.
“Salamat uli,” sabi nito at bumaba na.
Laban talaga sa loob ni Luis na ibaba na lang doon si Grace pero iyon ang usapang nila at ayaw naman niyang pilitin pa ito. Blessing in disguise na hindi pa agad nag-go signal kaya maski paano ay naihatid pa niya ito ng tanaw. Nakita niya itong nakasakay ng taxi.
Masama pa rin ang loob niya nang umusad na ang trapiko. Nakamasid siya sa sinasakyan nito na dalawang kotse lang ang pagitan sa kanya. Nang makabuwelo iyon ay nag-cut pa sa kanya. Napailing siya. Kaskasero pa ang driver na nakuha nito. Awtomatiko na tinandaan niya ang plaka ng sinasakyan nito. Natutukso siyang sundan ito. Pero alam niya, imposibleng hindi mapansin ni Grace ang pick-up niya.
Mabilis nang nagpasingit-singit ang sinasakyan nito hanggang sa nawala na sa paningin niya. Napabuga siya ng hangin at nagdesisyon diretsuhin na ang daang iyon. Malapit na lang iyon sa La Vista kaya nga mas gusto niyang ihatid ito. Napakadali lang na ihatid niya ito at saka naman siya dadalaw sa mansiyon.
Ngayon pa lang siya uli tutuntong doon pagkatapos na mailibing si Lara. Hindi niya maide-deny ang lungkot na agad na gumapang sa puso niya. Tanggap naman niyang hindi agad na mawawala iyon. At hindi rin naman niya gustong mawala agad. Hindi niya minahal nang ganoon katindi si Lara para lang sa isang kumpas ay mabubura ang pagmamahal niya dito.
She would always have a special palce in his heart.
Papasok na siya sa subdivision nang mapansin niya ang papalabas namang taxi doon. Natuon ang pansin niya dahil pamilyar ang Toyota Vios na iyon. He looked at the plate number. Kumunot ang noo niya nang matiyak na iyon ang taxi na sinakyan ni Grace.
Doon din ito nagpahatid? He was puzzled. Paanong doon magpapahatid si Grace? Pero ilang minute pa lang ang lumipas. Hindi niya maisip na may ibang uuwian si Grace. At sigurado siya, walang laman ang taxi nang masalubong niya. Ibig sabihin ay may hinatid ito sa loob.
“Luis, anak!” sabik na bati sa kanya ni Lito nang makita siya nitong gumagarahe sa mansion.
Nagmano siya dito matapos siyang bumaba. “Itay. Kumusta kayo dito.”
“Maayos naman. Matutuwa ang inay mo na nadalaw ka.”
“Kayo ang hindi dumadalaw sa condo ko,” banayad na sumbat niya dito.
“Alam mo namang nasanay na kami dito. Habang-panahon, iyong quarter natin sa likod ang bahay namin ng inay mo.”
“Alam ko din naman ho iyon. Pero masarap pa rin na madalaw ninyo.”
“Sabi ng inay mo, baka mas kailangan mong mapag-isa muna kaya hinayaan ka na lang namin.” Tinapik nito ang balikat niya. “Kumusta ka na?”
“Siguro puwede ko ring sabihing okay ako.”
“Luis!” natutuwang tawag ni Celing sa kanya nang matanaw siya.
“Inay!” Nilakihan niya ang hakbang at niyakap ito. Natatawa siya nang ma-realize na parang katumbas ng limang taon silang hindi nagkita ng ina kung paano sila magyakap. May luha pa sa mga mata nito nang magbitiw sila.
“Okay ka ba, anak? Nag-aalala din kami sa iyo.”
“Huwag kang umiyak, Inay. Itong laki ko na ito, hindi ka dapat nag-aalala sa akin.”
“Wala sa laki iyan. Ina mo ako, nararamdaman ko ang nararamdaman mo.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan nito. “Nakabangon ka na ba?”
Sumulyap siya sa ama. “I’m moving on, Inay. Kailangan nating tanggapin ang realidad kahit masakit.”
“Mabuti naman kung ganoon, anak. Baka may natitipuhan kang ligawan?”
Napaubo siya. “Inay, hindi naman ganoon kabilis.”
“Walang namang masama doon, anak. Wala na si Lara. Nasaan man siya ngayon, alam kong ikatutuwa niya na magmamahal ka ng iba.”
Napalinga siya sa mansyon. “Kumusta nga pala sina Tita Loi?”
“Wala sila ngayon diyan. Siguro nandoon kina Rachelle. Kabuwanan na niya ngayon. Gusto nilang nakatabi kay Rachelle para daw kasama din silang maghahatid sa ospital. Mabuti nga maski paano ay may baby na darating. Nakakabawi sila sa kalungkutan.”
Napatango na lang siya.
“Magpapasko na. Kung hindi sa baby na darating tiyak na malungkot ang Pasko.”
“At least, dito tiyak nga na masaya ang Pako, Inay.”
Tinapik nito ang pisngi niya. “Puwede rin namang hindi maging malungkot ang Pasko mo, anak. Nasa iyo naman iyan.”
Nagpaalam siya sa mga ito na babalik na rin sa condo. Nakakaunawa naman ang mga magulang niya at hindi na rin siya pinigil pa.
“HOW ARE you, Mary Grace?”
Bahagya lang siyang nagulat na makita si Malou sa marangyang sala ng mansion ng Uncle Kevin niya. Para itong reyna sa poised na poised sa pagkakaupo sa eleganteng sofa.
“Mommy, lumuwas pala kayo,” wika niya dito at lumapit para halikan ito.
“Of course. Gusto kong makita ang anak ko.” Hinagod siya nito ng tingin. Hindi nito itinago ang disgusto sa mukha. “Mas gusto mo na ganyan ka?” sabi na agad nito.
“What’s wrong with me, mommy?” Nagsimulang magrebelde ang loob niya.
“Everything. Hindi ganyan ang magiging buhay mo kung susunod ka lang sa akin.”
She rolled her eyes. “Here we go again.”
“I heard Lance brought you flowers.”
Natawa siya nang mapkla. “Of course, hindi puwedeng hindi nyo malalaman iyan. Hindi rin naman niya malalaman kung saan niya ipapadala iyon kundi dahil sa inyo, di ba?”
“He’s doing his best to win you.”
“Huwag na siyang magpagod. Alam naman niyang sa simula pa lang ay wala na siyang maaasahan sa akin.”
“Mary Grace!”
Parang nanlalambot na naupo siya sa sofa. “Mommy, please. Hindi na ba tayo matatapos sa usapang ito? Paulit-ulit na lang, eh. Why don’t you understand me? Ayoko kay Lance.”
“Anong iniaayaw mo doon sa tao? He’s perfect for you, Mary Grace. Mula sa mabuting pamilya, mabait na bata, may pinag-aralan, may kabuhayan---”
“He’s too perfect! Just like what you say.”
“Para kang tumama sa jackpot kay Lance, anak.”
“Matagal na akong tumama sa jackpot, Mommy. Buhat nang maging anak ninyo ako.”
Bumagsik ang anyo ni Malou. “Inaayos ko ang kinabukasan mo, Mary Grace. Huwag kang pilosopo.”
“I’m leaving a privileged life, mommy. Bakit kailangang pati mapapangasawa ko ay piliin ninyo pa? Wala ba kayong tiwala sa akin?”
“Madaming oportunista sa mundo. Kay Lance sigurado tayong hindi ang pera mo ang gugustuhin niya.”
“And it goes both ways, hindi ba? Si Tita Maricel, sigurado din siya na hindi ko hahabulin ang pera ni Lance, ganoon ba?”
“Magkaibigan kami ni Maricel. Hindi pa man kami nag-aasawa ay matalik na kaming magkaibigan. Mas magiging matibay ang pagkakaibigan namin kung magkakatuluyan kayong dalawa. Magkakaroon kami ng apo na dugo naming dalawa.”
“I beg to disagree. Hindi nakasalalay sa pagpapakasal namin ni Lance ang friendship ninyo. Sa tagal ninyo ba naman na magkaibigan, duda pa kayo sa tibay niyan?”
“Just marry Lance, Grace. Nakakapagod nang makipagdiskusyon sa iyo.”
“Oh, so true, mommy. Nakakapagod na ngang pag-usapan ito. Kaya please naman, huwag ninyo nang ipilit. Ayoko si Lance. Wala akong gusto sa kanya. Hindi ko masisikmurang magpakasal sa lalaking hindi ko gusto.”
“Napakatigas talaga ng ulo mong bata ka.” Kumuyom ang kamay nito. Hinintay na lang niya na tamaan siya nito pero hindi iyon nangyari. “Sasabihin ko kay Kevin na palayasin ka na rin dito. Kaya malakas ang loob mo, palibhasa’y masarap pa rin ang buhay mo dito. Tingnan ko lang kung di mabali iyang pagmamatigas mo kapag hirap na hirap ka na.” Nagdadabog itong tumayo.
“Mommy.”
“Ano?” singhal nito sa kanya.
“Ikumusta mo ako kay Christine.”
Umismid ito. “Mabuti pa ang kapatid mong iyon at hindi gaya sa iyo. Kung hindi lang siya masyadong bata ay siya na ang ipinagkasundo ko kay Lance.”
Nakaalis na si Malou ay hindi pa rin niya magawang tuminag doon. Nanlalambot siya sa usapang iyon. At bigla ay nakadama din siya ng pag-aalala sa kapatid. Graduating na si Christine sa high school. Parang ganoon din ang edad niya noon nang unti-unti ay iprograma ng ina ang utak niya para kay Lance.
Hindi niya alam kung sino nga sa kanila ng ina at talagang matigas. Noon pa man ay sinasabi na niya ditong wala siyang interes kay Lance pero hanggang ngayon ay ipinipilit pa rin nito sa kanya ang taong iyon.