Part 15

1011 Words
EMPTINESS. Iyon ang bumati kay Luis nang pumasok siya sa condo unit niya. Hindi na rin siya nagtaka. Ganoon din naman ang nasa loob niya. Binuksan niya ang ref. Walang laman iyon. Napailing na lang siya. Bagay na bagay sa sitwasyon niya. Tumuloy na lang siya sa kuwarto niya at saka nahiga doon. He made an exasperated sigh. Hindi niya gusto ang ganitong pakiramdam pero hindi niya maiwasan. “Paano ba talaga mag-move on, Lara?” bulong niya na nakatitig sa kisame. At siyempre pa, wala naman siyang nakuhang sagot sa pakikipagtitigan niya doon. Seconds later he was crying again. In silence. Tinangay na rin siya ng antok. Nagising siya ng alanganing oras. Kumakalam ang sikmura niya. At napailing siya sa nakitang itsura niya. Miserable. He called for a twenty-four hour delivery at habang hinihintay iyon ay mabilisan siyang nag-shower. Naginhawahan siya pagkatapos. Kabibihis lang niya nang dumating ang pagkain niya. Madali niyang naubos iyon dahil gutom siya. Pero nang makatapos siya ay gumapang na naman ang panibagong lungkot. He felt really frustrated. Namintana siya at tinanaw ang skyline. Parang ang payapa na panoorin ang paligid. Maging ang kalsada na abot-tanaw niya ay halos bakante. Kung sana ay ganoon din ang kalooban niya. “Ang hirap ng ganito,” daing niya. Nahagip ng tingin niya ang treadmill. Nang bumaba ang kinain niya ay sumampa siya doon. Doon niya ibinuhos ang frustration niya hanggang sa halos hindi na siya makagulapay sa pagod. Habol niya ang paghinga habang nakasalampak na lang siya doon. “Gusto ko nang mag-move on,” malakas na sabi niya. Halos kalahating oras pa yata siyang naroroon nang tumunog ang alarm clock niya. Alas singko na nang umaga. Oras na ng gayak niya para sa pagpasok sa opisina. Maaga pa ay nasa kalsada na siya. Magaan ang pakiramdam niya. Gusto niyang maging positibo sa araw na iyon. At sa mga susunod na araw pa. Nakahinto siya sa isang intersection nang kumatok sa kanya ang isang flower vendor. “Buena-mano lang, sir.” Nagbaba siya ng windshield. “Bigyan mo ako ng isa.” “Tatlo na po, sir. Para I love you.” Natawa siya. “Iyan nga lang isa, hindi ko pa alam kung kanino ko ibibigay, eh.” “Kaya nga po tatluhin ninyo na, sir. Mainam na iyong sobra. Pakiramdam ko ay galante kayong buena-mano. Tiyak makakaubos ako agad.” “Magaling ka sa sales talk. Bolero ka, eh. Magkano iyang tatlo?” “One-twenty na lang, sir. Singkuwenta talaga isa niyan, eh.” Inabutan niya ito ng dalawang-daang piso. “Sa iyo na ang sukli. Pang-almusal mo.” “Sabi ko na nga ba’t suwerte ako ngayong araw na ito, eh. Thank you, sir. Good luck sa araw ninyo. Good vibes!” “Good vibes!” malakas na sabi niya habang patuloy na nagmamaneho. At gusto niyang paniwalaan iyon. He glanced at the three long-stemmed roses. Sobrang mura ng halaga kumpara sa nakasanayan niyang binibili. Good vibes din siguro iyon. Pero kanino naman niya ibibigay ang mga iyon? Kay Grace. Napangiti siya nang maluwang. “GOOD MORNING, selfie girl!” Muntik nang mabitawan ni Grace ang iPhone niya nang batiin siya ni Luis. Oo nga at huling-huli siya nito na nagse-selfie pero hindi naman siya guilty doon. Ang mas ikinagulat niya ay ang matamis na ngiti nito at maaliwalas na awra. Aleluya! Nag-evaporate na yata ang persona ng masungit na boss niya. “Good morning, Luis.” Mas maluwang pa ang ngiting ibibinigay nito sa kanya. “Huhulaan ko kung ilan angs selfie mo ngayon. Hmmm… twenty plus?” Sinulyapan niya ang thumbnails sa gallery niya. “Paano mo nalaman?” “Palagi naman.” “Pinapakialaman mo ang cellphone ko?” “Hindi ko gawain iyon. Natatanaw ko lang. I can easily count them.” Kinindatan siya nito. Oh, my! Bakit gusto niyang kiligin sa kindat na iyon? “Ang husay mo naman sa numbers.” “Forte ko iyan.” Ipinatong nito sa mesa niya ang bulaklak na kanina pa niya natatanaw na hawak nito. “For you.” Umawang ang mga labi niya. “Bakit?” “Wala pa daw buena-mano iyong vendor kanina. Nadaan ako sa sales talk. Sa iyo na lang. May kapalit iyan, ha?” “What?” Bahagya siyang kinabahan. “Coffee, as usual,” pakli nito at tumuloy na sa office nito. Natatawa siya habang gumagawa ng kape nito. Hindi niya maintindihan kung bakit kinikilig siya na hindi maipaliwanag. Ilang sandali pa na kinalma niya ang sarili bago ipinasok ang kape nito. “Nag-breakfast ka na, Grace?” tanong nito sa kanya nang matanaw siya. “Oo naman. Ikaw? Gusto mong mag-order ako?” “Maaga akong kumain kanina. Okay na ako dito sa kape. Early lunch na lang siguro mamaya. Sabay na tayo kung gusto mo.” “Ini-invite mo ako?” “Yeah. Puwede naman, hindi ba?” “Of course. Salamat sa invitation. Babalik na ako doon. Iyong mga files na binigay mo, babasahin ko pa iyong iba.” Tumalikod na siya. “Grace.” She stopped. “Naka-uniform ka na pala.” She looked at her corporate blouse and pants. “Ah, this? Oo, nakita ko kanina sa mesa ko. Sinuot ko na agad. Para ma-very good naman ako sa iyo. Palagi mo na lang napapansin ang casual dress ko, eh.” May naglarong ngiti sa mga labi nito. “Bagay sa iyo iyan. Pero mukhang mami-miss ko ang casual dress mo.” “Ang gulo mo, Luis.” Inilapat nito ang likod sa silya nito at saka relaxed ang ekspresyon na hinagod siya ng tingin. Gusto niyang mapakislot. He looked like a gorgeous mafia boss! “I’m a changed man now,” he said casually. Their eyes connected. Hinihintay niyang magsalita ito. Pero nanatiling magkahinang lang ang kanilang mga mata. They stared at each other for a long while. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Hindi rin niya kayang ipaliwanag ang nararamdaman. Pinili niyang unang bumitaw ang tingin. Bumalik siya sa mesa niya na parang nakalutang sa alapaap ang pakiramdam niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD