“GUSTO NI Ate na paalisin kita sa poder ko,” sabi sa kanya ni Uncle Kevin nang paakyatin siya sa opisina nito. “Obviously, hindi pa rin kayo nagkasundo.”
Lumabi siya. “Paano kami magkakasundo? Ayaw niya akong intindihin.”
“Hindi ko rin siya maintindihan. Tinutulak ka niya na magipit para sumunod ka sa kanya.”
“Ayokong magpakasal sa Lance na iyon.”
“Alam ko na rin iyan. Ayoko ring pumayag sa gusto ni Ate. She’s getting unreasonable. And she’s bugging me.”
“Uncle, don’t tell me paalisin mo nga ako?”
“No. Hindi ko magagawa iyon. Pababayaan ba naman kita?”
“Thank, Uncle.”
“But for the meantime, kailangang huwag ka munang mag-stay mismo sa bubong ko. Hindi niya ako titigilan habang nakikita niya na normal pa rin ang buhay mo.”
“I really don’t understand her,” masama ang loob na sabi niya.
“Aalamin ko rin kung bakit siya ganyan. There must be a reason.” Inilapag nito sa mesa ang isang susi. “Diyan ka na muna umuwi mula mamaya. At huwag ka na ring pumasok dito.”
“Uncle Kevin!”
“Penthouse unit iyan ng Platinum Tower. Kabibili ko pa lang niyan sa isang kaibigan. Actually bayad-utang. You can stay there. Kumpleto naman iyon sa lahat ng gamit.”
“Hindi ko alam na may unit kang iba.”
“Iilan lang ang nakakaalam pa noon. Saka hindi ko naman kailangang ipaalam kahit kanino. Paminsa-minsan lang kung silipin ko iyon. Ako din ang personal na naglilinis. Doon ka na muna, Grace. Hindi pa alam ni Ate Malou ang lugar na iyon.”
“Pero magre-resign ako dito?”
“Palalabasin ko sa mommy na naglayas ka sa akin. Tingnan ko kung hindi siya naman ang maturete kapag hindi na niya alam kung nasaan ka.” Nginitian siya nito. “Siya naman ang bigyan natin ng sakit ng ulo.”
“Pero paano ang trabaho ko dito?”
“Kalimutan mo na muna. Mabubuhay ka naman doon.”
“Hindi ako puwedeng lumabas?”
“Huwag na muna siguro. Di ba, naglayas ka?”
“Pero ayokong mag-resign. Nag-e-enjoy na ako sa trabaho ko dito.”
Napahalakhak si Kevin. “Noong isang araw lang, nagrereklamo kang bored to death ka na dito?”
Lumabi siya dito na parang batang nagmamaktol. “Ayokong mag-resign.”
“Who’s the boss here? Just do what I say.”
Nalaglag ang mga balikat niya. “Hanggang kailan magiging ganyan ang buhay ko, Uncle? Hanggang kailan ako magtatago? Kung papaalisin mo ako sa La Vista at ililipat mo lang ako sa penthouse tapos nandoon lang ako maghapon, ano ang kuwenta ng buhay ko doon?”
“For the meantime lang naman. Basta sundin mo ako. Kung mga ilang araw ka lang naman na magpipirmi doon hindi mo naman siguro ikamamatay ang inip.” Naglapag ito ng pera sa mesa. “Take the day off. Bumili ka ng damit mo at ibang personal na gamit. Huwag mo nang balikan iyong mga gamit mo sa La Vista.”
“Bakit naman gagastos pa? Puwede ko naman sigurong kunin ang mga gamit ko doon.”
“Huwag na. Sasabihin ko sa kanya na nagkausap tayo at masama ang loob mong umalis. At pagkatapos ay hindi ko na alam kung saan ka na nagpunta.”
“Uncle, are you sure this is the right thing to do?”
“Sa ngayon, oo. Aalamin ko rin kung ano talaga problema ni Ate Malou para ipagtulakan ka sa lalaking hindi mo gusto.”
Kinuha na rin niya ang pera at umalis na.
Sakay siya ng taxi nang maramdaman niyang may mali sa ginagawa niya. Ni hindi niya ginawang magpaalaam kay Luis. Basta kinuha lang niya ang bag niya doon. Wala din si Vina sa mesa nito kaya nagawa niyang umalis na di rin nagpaalam dito.
Have your self a merry little Christmas
Let your heart be light…
Natigilan siya sa pumailanlang na tugtog sa taxi. Pasko na ba?
“Pasko na, ma’am,” nakangiting sabi sa kanya ng driver nang makatinginan niya ito sa pamamagitan ng rearview mirror.
“Hindi ako masyadong aware,” sabi niya dito.
Pagtuntong niya sa mall kung saan siya nagpahatid, binati siya ng mga dekorasyong pamasko. Nalungkot siya. Magpapasko na pala nang hindi niya masyadong napapansin. Masaya naman ang mga nagdaang Pasko sa buhay niya. Masaya sila ng mommy niya at ni Christine. Sa totoo lang, masaya din naman siya na sa ganoong okasyon kahit na nga ba dikit na dikit sila sa pamilya ni Lance. Bakit nga ba hindi ay ninang niya aag mama nito. Kay Lance lang naman talaga mabigat ang dugo niya.
Nauwi tuloy sa ganito ang buhay niya ngayon. Malamang ay malungkot ang magiging pasko niya. Baka dumating na ang Pasko at mongha pa rin siya sa penthouse ni Uncle Kevin.
For the first time in her life, nagsa-shopping siya na wala siyang kagana-gana. Dati rati ay para siyang kiti-kiti sa excitement kapag shopping ang pag-uusapan. Pero paano naman siya mae-excite kung ikukulong lang naman niya ang sarili sa maghapon. Record-breaker din ang isang oras na itinagal niya doon at bitbit ang pinamili na sakay na siya uli ng taxi at nagpahatid sa penthouse ni Uncle Kevin.
“Yes, Uncle. Papunta na ako doon.”
“Magpapa-deliver ako ng pagkain mo para di ka na magluto diyan mamaya.”
“No need, Uncle. May pera pa naman ako. Hindi ko rin naubos iyong pang-shopping na binigay mo.”
“Himala!”
“Yeah, you can say that, too. Himala nga. I really feel bad, Uncle.”
“Grace, relax. Aayusin ko ang problema mo. Basta diyan ka muna. Bumili ka pala ng ibang SIM card. Para hindi ka rin makontak ng mommy mo.”
“Okay.”
“WHAT?” Hindi itinago ni Luis ang pagkagulat nang marinig iyon.
“You heard me right, Luis. Si Vina muna ang sekretarya mo sa lahat, at least diyan sa office. Binunot ko muna si Grace.”
“Binunot?”
“Ako ang nagdala sa kanya sa office mo, hindi ba?”
“Pero, KS---”
“Meron akong pinapagawa sa kanya kaya obviously, wala muna siya diyan sa iyo. We can hire another personal assistant for you kung hindi pa sapat si Vina sa iyo.”
Parang sasakit ang ulo niya. “KS, Vina is enough for me. Pero hindi ko maintindihan na ipinilit mong nilagay sa office ko si Grace at pagkatapos ngayon, basta mo na lang din kukunin?”
Tumikhim ito. “I guess, that’s one of the things I can easily do as the president.”
Hindi siya nakaimik agad.
“Huwag mo nang hanapin si Grace. I told her to leave the office and not to return.”
Napatiim siya ng bagang. “I rest my case. Sabi mo nga, magagawa mo naman iyan bilang ikaw ang presidente.” Hindi niya naiwasang langkapan ng sarkasmo ang tinig.
Gusto niyang ibagsak ang telepono matapos silang mag-usap. Pero ipinaalala niya sa sarili na boss pa rin niya iyon. Nagmamadali ang mga hakbang niya na lumabas ng kanyang opisina. At ganoon na lang ang pagsasalubong ng kilay niya nang makitang bakante ang mesa ni Grace.
“Sir,” lapit sa kanya ni Vina. “May natanggap akong tawag sa HR. Emergency leave daw si Grace.”
Emergency leave! gusto niyang isigaw. “Oo nga daw. Kaya ikaw na ang bahala sa lahat ng trabaho.”
“Yes, sir. I’ll do my best.”
“Salamat.” Pabalik na siya sa office niya nang may mapansin sa mesa ni Grace. Lalo nang nagkukot ang loob niya nang makumpirma nga iyon. Iniwan lang nito doon ang mga bulaklak na binigay niya. Ngani niyang ibalibag ang pinto nang kabigin niya iyon. “Wow, Luis! Just wow!” ngitngit na ngitngit na sabi niya sa sarili.
Kung kelan excited na siya sa maghapong iyon. Kung kelan magaan na ang pakiramdam niya. Anong nangyari sa good vibes na akala niya ay hawak na niya kanina pa? Sa isang kumpas ng presidente, naglaho iyon na parang bula.
At wala siyang magagawa. Galing sa presidente ang utos. At close na close ito sa presidente.
“s**t!” usal niya uli.
Sirang-sira ang araw niya. Bago matapos ang araw na iyon ay saka lang din niya inamin sa sarili kung bakit siya nagkakaganoon. He was attracted to Grace.
“Congrats sa Day One ng moving on mo, Luis. Nagtagumpay kang ma-attract na nga sa iba. At nabigo ka rin,” tuya niya sa sarili.
Tumunog ang cell phone niya. “Luis, Nanganak na si Rachelle,” balita sa kanya ng inay niya.
“Talaga? Kumusta siya?” Maski paano ay nakalimutan niya ang iritasyon sa nabalitaan.
“Nagpapalakas na lang. Kani-kanina lang naman nakaraos. Naku, ang tagal mag-labor. Si Jake na nga ang hindi makatiss at gusto na siyang ipabiyak pero mapilit si Rachelle na magtiis ng labor pains. Ang guwapo ng baby, mas kamukha ni Jake kaya tuwang-tuwa ang mga lolo’t lola. Parehong pogi ang mag-ama.”
“Dadalaw ako mamaya pagkagaling ko sa opisina. Ninong yata ako niyan.” This time, totoo ang ngiting gumuhit sa mga labi niya.
It was good vibes, after all.