“PASKO na talaga, sir,” sabi sa kanya ni Vina. Dinatnan niya ito na busy mag-decorate sa opisina nila.
“Ber months pa lang naman,” sabi niya dito. Naninibago siya na di makita si Grace sa mesa nito. Bakante pa rin iyon gaya ng nagdaang ilang araw. Pero sa tuwing pumapasok siya, parang nag-e-expect pa rin siya na madatnan doon si Grace. Nami-miss niya ang mga sandali na pinanonood niya itong mag-selfie.
“Negde-decorate na sa ibang office, sir. Kaya nag-decorate na rin ako. Ito din iyong gamit natin last year tapos meron ako sa bahay, dinala ko na rin dito.” Bigla ay natigilan ito. “Sir, I’m sorry.”
“For what?”
“Nawala sa loob ko na baka nagluluksa pa kayo. Hindi ko man lang kayo naitanong muna kung puwede tayong mag-decorate dito. Babaklasin ko na lang iyong naikabit ko na kung ayaw ninyo.”
“No need, Vina. Ituloy mo lang iyang ginagawa mo. Hindi naman mapo-postpone ang Pasko dahil lang sa kung ano ang nararamdaman ko. Tuloy pa rin ang Pasko sa ating lahat.”
“Sorry talaga, sir.”
“Accepted. Buti pa’y igawa mo na lang ako ng kape.”
“Right away, sir.”
Lonely Christmas. Iyon ang natatanaw niya sa Paskong darating. Kagaya ng ibang araw ay hindi naman niya mapipigil ang pagdating noon. Pero hindi rin naman niya nakikitang magdidiwang siya. What’s there to celebrate anyway? Wala na si Lara. And just when he was trying to move on, nawala din ang babaeng pag-uukulan niya ng pansin.
Inisip niyang hanapin si Grace. Pero nang sandaling mabigo siya na kontakin ito ay napaisip na rin siya. Si KS ang susi para mahanap niya ito. Pero kung hindi ito mismo nakokontak, malamang ay si KS din ang dahilan.
Maybe she was off-limits. Hanggang ngayon, hindi niya maunawaan kung ano ang eksaktong ibig sabihin ng close na close ang mga ito.
Tahimik na hinatid ni Vina ang kape niya. Nang lumabas ito ay saka niya dinampot iyon. Naglaro ang dila niya sa loob ng bibig niya. Masarap ang timpla nito pero nami-miss pa rin niya ang kapeng gawa ni Grace.
Napailing siya. Hindi pa rin mawala sa isip niya si Grace. Maybe it was time to do something. Tinawagan niya si KS.
“I’m calling as a friend and not as your subordinate,” sabi na niya agad.
“Yes, Luis? Anong atin?”
Atin? He grimaced. Ayaw niya ang ideya na nabuo sa isip niya. Hindi siya papaya na salo sila kay Grace. Iyon ang mismong ideyang nabubuo sa utak niya na palagi na ay nire-reject niya bago pa man ganap na mabuo.
“I would like to ask something about Grace.”
“What about her?”
“Kailan mo siya ibabalik sa akin?”
Tawa ang isinagot sa kanya ni Kevin. “Gusto mong umakyat dito sa office ko? Let’s have some coffee.”
Hindi siya interesado sa kape. Pero dahil kay Grace heto at papunta na siya sa office nito. May nakahanda na ngang kape doon.
“Pass na ako sa kape. Kauubos ko lang ng tinimpla sa akin ni Vina,” sabi niya dito.
Iminwestra nito ang sofa sa tapat niya. Naupo siya doon. “Interesado ka kay Grace?” prangkang tanong nito.
“Yes.”
“Do you really want her to be back in here?”
“Kahit hindi siya bumalik dito, gusto kong malaman kung nasaan siya.”
“Why?”
“Why not?” sagot din niya. “Lalaki ako. Binata.”
Tumikhim ito.
“Ano mo si Grace?” prangka ding tanong niya. Naikuyom niya ang palad. Iyon ang isang bagay na natatakot siyang itanong at natatakot din siya sa maririnig na sagot.
“Do you really want to know?” kaswal na tanong din nito sa kanya.
“Of course. I’m interested in her.”
Kevin made a small nod. “Nagbabakasyon siya ngayon. May mga personal na dahilan.”
“Gusto ko siyang makontak. Hindi makontak ang number niya. At kesa magtanong ako sa HR, dito na ako sa iyo nagtatanong. Alam kong alam mo kung saan siya makokontak.”
“Liligawan mo ba si Grace?”
“Haharangin mo ba?”
Umiling ito. “Hindi ko gawaing pakialaman ang puso ng iba.” At saka seryoso siyang tinitigan nito. “Desidido kang ligawan si Grace?”
“Yes,” walang gatol na sagot niya.
Hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Seryoso pa rin. “Kumusta ka na ngayon, Luis? Ibig kong sabihin, ngayong wala na si Lara?”
“I’m okay. I know that life must go on. Iyan ang ginagawa ko ngayon.”
“I see.” Lumagok ito ng kape. “Do you still remember my unit at Platinum Tower?”
Tumango siya. Natural na alam niya iyon. Siya ang nag-ayos ng bentahan niyon. Isang kliyente nila ang nag-settle ng malaking halaga sa personal na pagkakautang kay KS. Ang unit na iyon ang kasama sa ipinambayad.
“May problema ba doon?”
Ngumiti si Kevin. “Sa tingin ko, nandoon ang sagot sa problema mo. Nandoon si Grace. Doon siya nakatira ngayon.”
Gusto niyang matuwa sa narinig pero nagtaka din siya. “Anong ibig mong sabihing ngayon?”
“Present. Mula nang mag-leave siya actually.”
“She’s leaving under your roof?” Hindi niya nakontrol ang pagtaas ng boses niya.
“Technically, no. But before, yes. Sa La Vista.”
Kumunot ang noo niya. Mabilis niyang naalala ang taxi na nasalubong niya noong papasok siya doon. Si Grace nga ang sakay noon! Nakatira ito sa mismong mansyon ni Kevin? Bakit lumipat ito sa penthouse?
“KS---”
“I won’t answer questions anymore. Nasabi ko na sa iyo kung nasaan siya. She’s just there.” Sinulyapan nito ang wristwatch nito. “Now, can we use our office time for work?”
Bahagya siyang nakadama ng pagkapahiya. “Okay. Salamat sa impormasyon.”
Pabalik siya sa opisina ay puzzled pa rin siya. Hindi niya maintindihan iyong punto na nakatira mismo kay Kevin si Grace. Bakit nga ba hindi niya agad naalala na sa La Vista din nakatira si Kevin? Hindi pa siya natuntong sa bahay nito doo pero alam niyang taga-roon lang din ito.
At single si Kevin. Single and available--- sa pagkakaalam niya. Unless...
Pero bakit ituturo pa nito sa kanya kung nasaan si Grace kung itong dalawa ang may relasyon sa isa’t isa?
Anhin na lang niya ay matapos ang oras sa maghapong iyon para mapuntahan na niya si Grace.