Sinubukan ko ulit siyang lapitan nang nasa production na kami pero talagang umiiwas siya. Kahit ang pagdadala ng component na iinspekin ko ay hindi na rin niya ginawa. Si Antonette ang nagdala niyon para sa akin.
"Nasaan si Nikki?" tanong ko sa kanya.
"Ayaw ka raw niyang lapitan kaya ako na lang ang inutusan niyang magdala nito." Inilapag niya ang tray sa mesa na nasa harap ko.
"Ganoon ba? Sige, salamat." Tinalikuran na niya ako at nagbalik na sa puwesto niya.
Napilitan akong kausapin si Giselle. Iniwan ko muna ang aking ginagawa at nilapitan siya.
"G, puwede mo bang kausapin si Nikki para sa akin?" pakiusap ko sa kanya.
Inayos muna niya ang salamin sa mata bago ako tiningnan. Seryoso rin ang kanyang mukha. "Sabi niya sa akin, huwag ko daw kausapin ang babaeng matigas ang ulo. Sasakit lang daw ang ulo ko kakasalita pero hindi naman daw ako papakinggan kaya sorry, busy ako." Ibinalik niya ang atensiyon sa computer. Ini-scan niya ang mga serial number upang malagyan niya ng label ang mga component na tapos ng i-test.
"Pati ba naman ikaw G? Baka naman p'wede ninyo akong bigyan ng chance para mag-explain."
Hindi niya ako pinansin at nagpatuloy lang siya sa ginagawa. Maiyak-iyak naman akong nagbalik sa aking puwesto. Ganito ba talaga ang kapalit ng ginawa kong pagsunod sa t***k ng puso ko? Sabagay, parang kinain ko ang sinabi ko kahapon na uunahin ang friendship kaysa love. Kaya lang kasi mahirap pala talagang pigilan ang pag-ibig. Tunay na hahamakin mo ang lahat masunod lamang.
Kumain tuloy akong mag-isa sa canteen nang dumating ang oras ng breaktime. Hindi sumabay sa akin sina Giselle at Nikki. Sobrang lungkot ng nararamdaman ko. Hindi ako sanay ng ganito. Hindi ako papayag na buong maghapon akong hindi papansinin ng dalawang tinuring kong kaibigan. Kaya pagkatapos kong kumain, agad kong pinuntahan ang kinaroroonan ni Nikki at Giselle. Nasa locker na sila at nagre-retouch.
"Nikki, kausapin mo naman ako o."
"May naririnig ka ba, Giselle?" tanong ni Nikki na luminga-linga pa sa paligid na akala mo ay nakarinig ng guni-guni.
"Wala naman. Bakit?" Nagkunwari din itong hindi siya narinig.
"Para kasing may nagsalita pero siguro hangin lang."
Tumulo na ang aking luha. Hindi ko na talaga kaya ang ginagawa nilang pandedeadma. Niyakap ko sa likuran si Nikki na halatang ikinagulat niya.
"Nikki, I'm so sorry. Please forgive me. Talk to me and let me explain, please." Humikbi na ako habang nakalapat ang mukha ko sa kanyang likod. Nabasa na nga ng luha ko ang kanyang uniform.
"Alam mo, kinikilabutan na ako dito Giselle. Feeling ko may nakayakap sa akin." Nag-acting pa itong nilalamig.
"Huwag mo naman akong itratong multo, Nikki. Kausapin mo na ako." Mas lumakas ang pag-iyak ko na tumawag na ng atensiyon ng ibang mga trabahador na naroon. Narinig kong nagbulong-bulungan na sila.
"War ba sila?"
"Anong nangyayari? Bakit naiyak si Allena?"
"Ewan ko. Uma-acting siguro."
Hindi ko na lang sila pinansin sa halip ay lalo ko pang hinigpitan ang pagyakap kay Nikki. Hindi na baleng mapahiya ako basta magkabati lang kami.
"Niks, please. Parang awa mo na, kausapin mo na ako."
Tinanggal niya ang pagkakayakap ko sa kanya at hinarap ako. Nag-cross arm ito at nakataas ang kilay na nakatingin sa akin.
"Okay, explain," walang ganang sabi nito.
Pinahid ko ang luha sa aking mga mata saka muling nagsalita. "Hindi ko sinasadyang magsinungaling sa'yo. Alam ko kasing magagalit ka kapag nalaman mong si Sid ang kasama ko."
"Alam mo naman pala e, bakit sumama ka pa rin sa kanya?" mataray na tanong nito.
"B-biglaan naman kasi ang yaya niya sa akin. Pumayag na lang ako kasi sabi niya titigilan na raw niya ako pagkatapos noon."
"Naniwala ka?" Nagsalubong ang mga kilay niya.
Tumango ako. "Oo kasi..."
"Paniniwalaan mo lahat ng sasabihin niya kasi mahal mo na siya, ganoon ba?"
Hindi ako agad nakatugon. Napayuko na lang ako at tumulo muli ang luha.
"Kung mas paniniwalaan mo ang mga sinasabi niya kaysa sa amin na mga kaibigan mo, then go with him. Hindi na kita aawatin. Push mo iyang kabaliwan mo 'te."
Aktong tatalikuran niya ako pero napigil ko siya sa braso. "Huwag mo namang gawin sa akin ito, Nikki."
"Choice mo iyan. Huwag mo lang sana kaming sisisihin kapag dumating ang araw na mapahamak ka dahil sa pashneang pag-ibig na iyan."
Inalis niya ang kamay ko sa braso niya saka tuluyan na akong iniwan. Napahagugol na lang ako sa kinakatayuan ko. Ngayon ko lang naranasan ang itakwil ng isang kaibigan at sobrang sakit nito.
"Take this." Napatunghay ako at napatingin sa nagsalita. May hawak itong panyo at inaabot sa akin. Kinuha ko naman iyon nang makilala ko kung sino ang nagmagandang loob.
"Thanks, Sid." Pinunasan ko ang aking luha sa pamamagitan ng panyong kanyang ibinigay.
"Huwag mong iyakan ang mga taong hindi deserving para sa mga luha mo." Inalalayan niya akong makaupo sa bench na naroon sa may locker room.
"But they are my friends."
"Friends don't ever leave you behind. True friend is always there by your side. They are not true if they trash you easily."
Muli akong naiyak sa sinabi niya. Ayaw tanggapin ng puso ko ang kanyang sinasabi pero mukhang tama naman siya sabi ng isip ko.
Inakbayan niya ako. "Kahit wala na sila sa tabi mo, andito pa rin ako para sa'yo."
Tiningnan ko siya at nginitian. Kahit paano ay gumaan ang loob ko. Nawala man ang isa sa itinuring kong kaibigan, may pumalit naman. At sigurado ako na hindi ako iiwan o sasaktan.
"Thank you." Sumandal ako sa kanyang balikat. I feel safe and sound. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito. Siguro kasi, mahal ko siya at alam kong mahal din niya ako.
Hinawakan niya ang baba ko at itinunghay ang aking mukha upang magtama ang aming mga mata. Agad na bumilis ang t***k ng puso ko. Kaunti lang ang pagitan ng aming mga labi at tumatama na sa aking mukha ang kanyang marahang paghinga.
"You're always welcome, my dear. You can always count on me. I love you."
Ngiti lang ang itinugon ko sa sinabi niya. Kahit na mahal ko na siya, hindi pa ito ang tamang panahon para sagutin ko siya. Siya na rin naman ang may sabi na papatunayan muna niya ang kanyang sarili sa akin. At kailangan ko muna siyang kilalaning mabuti bago ko ibigay ng tuluyan ang aking puso.
"Sige na, pasok ka na sa production. Baka ma-over break ka at mapagalitan ka pa ng leader mo." Inalalayan niya akong tumayo.
"Salamat ulit."
"Ilang salamat ba ang sasabihin mo bago ako sagutin?" pabirong sabi nito na ikinapula ng pisngi ko.
"Have patience." Iyon lang saka ko siya tinalikuran. Sa pagkakataong ito, hindi na maalis ang ngiti sa mga labi ko. Pinasaya talaga ni Sid ang puso ko.
"Sunduin kita ulit mamaya ha. See you."
Tanging kaway na lang ang itinugon ko sa kanya habang nagpapatuloy sa paglalakad. Sinabayan naman ako ng isa sa mga co-worker ko na si Antonette. Halatang sumasagap lang ito ng maitsi-tsismis.
"Nanliligaw ba sa'yo si Sid o boyfriend mo na?"
Nakakalokong ngiti ang itinugon ko sabay sabing, "No comment."
"Alam mo, hindi ka kagandahan para sumagot na parang artista," mataray na tugon nito.
"I know right." Lalo ko pa siyang inasar. Wala siyang masasagap na balita tungkol sa akin. At kung puwede nga lang, kung magiging kami nga ni Sid ay ililihim muna iyon sa lahat. Ayaw niyang maging center of attraction lalo na at sikat si Sid sa mga babae. Baka marami akong maging bashers. Sa halip na tahimik ang buhay at love life ko ay magugulo lang dahil sa tsismis. Ayoko ng ganoon.
"Tse! Diyan ka na nga. Wala akong mapapala sa'yo." Tila nabuwisit nga ito dahil bigla na lang niya akong iniwan.
Napailing na lang ako sa inakto nito. Ang mga tao nga naman, basta may mapag-usapan lang. Hindi na ako nagtataka kung bakit ang bilis kumalat ng tsismis. Iyon ay dahil na rin sa mga taong walang magawa kundi ang gumawa at mangalap ng istorya na puwedeng i-like at share ng sinuman, via online man o hindi.
At dahil lang doon sa narinig ni Antonette na see you mula kay Sid ay kumalat na ang balitang nanliligaw nga sa akin si Sid.
"Hoy, Allena. Ano itong naririnig ko na nanliligaw daw sa'yo si Sid?" mataray na sabi sa akin ni Fiona. Pumunta pa siya sa puwesto ko para lang komprontahin ako.
"May problema ba kung totoo nga?" nagtatakang tanong ko. Nagulat ako sa reaksyon niyang iyon. Mabait naman sa akin si Fiona pero ngayon bigla siyang nag-beastmode.
"Oo may problema nga dahil ayoko sa'yo para sa kanya," diretsahang sabi niya.
"Ha? Bakit naman?" Ano kayang karapatan ng babaeng ito para pigilan akong magpaligaw kay Sid?
"Basta. Gusto kong layuan mo siya kung ayaw mong magkagulo tayo," pagbabanta nito saka ako tinalikuran.
Kumibit balikat na lang ako at ipinagpatuloy ang aking ginagawa.
"Hi, baby," nakangiting bati sa akin ni Sid. Nakahalumbaba siya sa aking puwesto. Kinindatan pa niya ako ng lumingon ako. Kinilig naman ako at napangiti.
"Oh bakit nandito ka?"
"Just wanna check my baby if she's okay."
"Of course I'm okay kaya lang si Fiona galing dito kanina, kinompronta niya ako tungkol sa'yo."
"That b***h," pabulong na sabi niya. "Huwag mo na lang siyang intindihin, nababaliw na naman siguro ang babaeng iyon."
"Ano mo ba siya? Bakit ganoon na lang kung kausapin niya ako? Hindi naman siya ganoon noong hindi ka pa nanliligaw sa akin."
"She's my cousin. Masyado lang talaga siyang bantay sarado pagdating sa mga naging girlfriends ko. O.A lang."
"Pinsan mo pala siya." Tumango-tango ako. "Pero bakit kung umasta siya parang asawa mo."
Hindi siya agad nakasagot. Lumingon siya sa gawi ni Fiona at sinamaan ng tingin ang babae bago muling bumaling sa akin. Nakangiti na siya nang muling magsalita, "Just don't mind her okay?"
"Okay," sagot ko naman.
"I will wait for you outside later okay?"
Tinanguan ko lang siya. Nagpaalam na rin siya pabalik ng engineering office.
Uwian na. Tulad ng sabi ni Sid, naroon na siya at naghihintay sa akin sa labas ng gate. Malayo palang ako ay nakita ko na siya. Lalapit na sana ako sa kanya pero nakita ko ang paglapit ni Ma'am Sheena sa kanya. May binulong ito kay Sid. Nakita ko namang ngumiti si Sid matapos marinig ang binulong ni Ma'am Sheena. Nakita ko ring bahagyang pinalo ni Sid si Ma'am Sheena sa puwetan nito.
Nang makita kong nakalayo na si Ma'am Sheena ay saka ako tuluyang lumapit kay Sid.
"Oh, andiyan ka na pala. Kanina ka pa?" Medyo nagulat pa siya nang makita ako.
Umiling ako. "Kadarating ko lang pero nakita ko si Ma'am Sheena na may binulong sa'yo. Ano iyon?" tanong ko.
"Ah w-wala. May pinapagawa lang siya sa akin bukas. Secret daw sabi niya."
Tumango-tango lang ako. "Okay, tara na?"
Inabot na niya sa akin ang helmet. Sumakay na ako sa kanyang motor nang maisuot ko ang helmet.
Mabilis kaming nakarating sa bahay. Tulad ng dati, ibinaba niya ako sa may kanto malayo ng kaunti sa bahay namin.
"Salamat, Sid." Ibinigay ko na sa kanya ang helmet at nagpaalam na sa kanya. Kumaway pa ako bago tuluyang naglakad patungo sa bahay namin.
Nagulat ako dahil nasa labas ng pinto si Ate Alliyah at naka-cross arm. Agad akong kinabahan.
"Bakit naglakad ka na naman? May dumaraan namang sasakyan dito sa tapat natin a."
"Ah traffic kasi ate kaya bumababa na lang ako sa kanto," pagsisinungaling ko.
"Kaninang umaga, naglakad ka rin papuntang kanto? Bakit? Anong meron sa kanto?" Tumaas ang kilay niya. Halatang kinikilatis niya kung nagsasabi ako ng totoo.
"Ha? A, e kasi..." Napakamot ako sa ulo. Hindi ko alam kung anong idadahilan ko.
"Ayoko ng nagsisinungaling."
Pinagpawisan na ako ng malamig. Lalong nabablangko ang isip ko. Hindi ako makapag-isip ng tama. Ano bang idadahilan ko?
"Pumasok ka na," biglang utos niya sa akin. Nagtaka ako pero agad akong sumunod. Mabilis akong tumakbo papasok sa loob ng bahay. Nakasunod naman sa akin si Ate Alliyah. "Magbihis ka na at kakain na tayo."
Sumunod naman agad ako sa kanya. Mabilis akong nagbihis at nagpunta sa kusina. Naghihintay na roon si Ate at nakaupo na sa silyang nasa harapan ng mesa. Naroon na rin si Kuya Arman, asawa niya. Umupo ako sa tapat ni Ate Alliyah.
"Allena, gusto kong magsabi ka sa akin ng totoo. Nagpapaligaw ka na ba?" agad na tanong niya.
"S'yempre hindi ate," agad kong tanggi.
"Kasasabi ko lang na ayaw ko ng sinungaling, Allena. Kaya gusto ko, bukas na bukas rin, iharap mo sa akin ang lalaking iyon. Ayoko ng nagpapaligaw ka kung saan-saan. Ang panliligaw ay dapat ginagawa sa loob ng bahay. Naiintindihan mo ba?" mariing sabi niya.
Lalo namang lumakas ang kaba sa dibdib ko. Napakagat labi ako. Paano ko kaya ipapakilala si Sid kay Ate Alliyah?
Bago ako matulog ay tinawagan ko si Sid sa binigay niya sa aking numero.
"Sid, gusto kang makilala ng ate ko," pabulong pang sabi ko. Baka kasi marinig ako ni Ate sa kabilang kuwarto.
"Ha? Sinabi mo ba sa kanya na nanliligaw ako sa'yo?"
"Hindi. Kaya lang kasi, malakas ang radar ng ate ko. Nalaman niya agad na may nanliligaw sa akin."
"Okay, sige. I pick you up tomorrow and to see your ate too."
"Salamat." Pinindot ko na ang end button. Sa wakas, nakahinga na ako nang maluwag. Ay hindi pa pala dahil hindi ko alam kung anong kahihinatnan ng paghaharap nina Ate Alliyah at Sid.
Kinabukasan, maagang dumating si Sid sa bahay. Ala singko palang ay bumusina na ito. Lumabas kami ng bahay ni Ate Alliyah at sinalubong si Sid.
"Ate, siya si Sid. Process engineer namin. Sid, ang Ate Alliyah ko." pagpapakilala ko sa kanila.
"Hello, A--" Hindi na naituloy ni Sid ang sasabihin dahil bigla na lamang siyang kinuwelyuhan ni Ate Alliyah. Pinakatitigan siya nito. Nagulat naman si Sid sa ginawa ni Ate. Hindi agad siya nakakilos.
"Mukha kang babaero," sabi ni Ate na ikinagulat naming dalawa.
"Ho?" tanging nasabi ni Sid.
"Sa hilatsa palang ng mukha mo parang ang dami mo nang nalokong babae. Tama ba ako?" Sinuyod ng tingin ni Ate Alliyah si Sid mula ulo hanggang paa.
"Ha? O-ofcourse not," tanggi naman ni Sid. Halatang kinakabahan siya. Sino ba namang hindi kakabahan sa ginawa ni Ate Alliyah?
Binitiwan naman ni Ate Alliyah si Sid saka inayos ang jacket na suot nito. "Siguraduhin mo lang dahil ayokong niloloko ng sinuman ang kapatid ko. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Yes Ma'am, don't worry. I will never hurt Allena," seryosong sabi ni Sid. Napangiti naman ako sa kilig.
"Okay, thank you," sabi ni Ate Alliyah saka ako binalingan. "Sige na, umalis na kayo at baka ma-late kayo."
"Sige Ate, salamat." Tinanguan lang ako ni ate. Nagsuot na ako ng helmet saka sumakay sa motor ni Sid. Nang makalayo kami ng kaunti ay narinig ko ang malakas na buntong hininga ni Sid.
"She's so intimidating. You're right. She's very strict," sabi sa akin ni Sid.
"Pasensya ka na, ganoon talaga si ate."
"No, it's okay. Atleast, now you know that I'm serious with you. Hindi ako haharap sa ate mo kung niloloko lang kita."
"Salamat," sabi ko saka humilig sa kanyang likod. Mas lalo kong naamoy ang kanyang pabango na nang-aakit at parang humihingi ng yakap. I feel secured now. Alam ko nang seryoso talaga sa akin si Sid. Papatunayan ko iyon kay Nikki.
Speaking of Nikki, dapat magkasundo na kami. Gagawa ako ng paraan para magkasundo kami. Hindi pa rin ako sanay na ini-isnab lang niya. Isang araw palang kaming hindi nagpapansinan pero sobrang lungkot na ang nararamdaman ko. Mabuti na lang at nandito si Sid para pasayahin at pagaanin ang loob ko.