PROLOGUE:

503 Words
PROLOGUE: "TOTOO BA? TOTOO BANG ANAK ka ng isang adik?" Ito na nga ba ang sinasabi ko. Sinubukan ko namang itago, sinubukan ko namang gawin ang lahat huwag niya lang malaman ang nakaraan ko pero. . . siguro nga at walang sikretong maitatago habambuhay. "V-veron, hindi ko naman sinasadyang itago sa 'yo. N-natatakot lang ako sa magiging reaksyon mo kung sakaling—"Hindi niya ako pinatapos sa pagsasalita. "Ilang kasinungalingan pa ba ang itatago mo sa akin? Masaya ba na ikinukwento ko sa 'yo ang buhay ko habang ikaw, tinatago mo ang pagkatao mo?" Galit ang mga mata niyang nakapukol sa akin. Iyong mga mata niyang palaging masaya sa tuwing nakatingin sa akin, ngayon ay nababalutan na ng galit. "H-hindi naman sa gano'n, t-takot lang talaga ako." Yumuko ako habang unti-unting nararamdaman ang paghilam ng mga mata ko. Unti-unti nang binabalot ng kaba at takot ang dibdib ko. Kaba na baka ito na ang huling pagkakataong makasama ko siya at takot na baka hindi niya na ako mapatawad pa. "Takot ka saan? Kung kaibigan talaga ang turing mo sa akin, hindi ka dapat nagtago. Hindi mo sana itinago ang tungkol sa 'yo!" Sinubukan kong abutin ang kamay niya pero hindi niya ako hinayaan. Nanginig ang labi ko roon hanggang sa napahagulgol na ako. "T-takot akong mawalan ng kaibigan," sagot ko. "I-ikaw na lang ang kaibigang mayroon ako. . ." "Kaibigan mo ako pero hindi mo ako p-pinagkatiwalaan?" Halos pumiyok ang boses niya sa tanong na iyon. Natigilan ko. Unti-unti akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Pulang-pula ang mukha niya nang dahil sa galit. Ang makakapal niyang kilay ay magkarugtong na. Namumula na rin ang mga mata niya, halatang ano mang oras ay iiyak na siya. Hindi ko siya kailanman nakita na ganito kagalit, ngayon lang. Ginulo niya ang buhok niya at saka nag-iwas ng tingin sa akin. "Hindi ko matanggap na tinuring kitang kaibigan. Na sinabi ko ang lahat ng tungkol sa akin at ang mga sikreto ko. Habang ikaw, hindi ka nagtiwala. . ." "V-veron, alam kong hindi naman talaga katanggap-tanggap na magkaroon ng kaibigang anak ng adik at pusher ng drugs pero sana isipin mo rin na hindi madali sa akin na aminin sa 'yo." Muli niyang ibinaling ang tingin sa akin. Igting ang mga pangang humakbang siya palapit. "Hindi ako nagagalit sa 'yo dahil anak ka ng isang drug pusher. Wala akong pakialam kahit na kaninong anak ka pa dahil hindi naman sila ang kaibigan ko, kundi ikaw!" Umawang ang labi ko sa sinabi niya. "Nagagalit ako dahil hindi ka nagtiwalang sabihin sa akin ang totoo. Hindi ka nagtiwalang tatanggapin kita kahit na ano pa ang nakaraan mo. Minaliit mo ako, Cammi! Minaliit mo ako bilang kaibigan." At tuluyan na niya akong tinalikuran. Pilit kong isiniksik sa makipot kong utak ang mga sinabi niya. At tama nga siya, hindi nga ako nagtiwala sa kaniya kahit pa ramdam kong ibinigay niya ang buong tiwala niya sa akin. Pero. . . sapat na rason ba 'yon para basta na lang akong bitiwan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD