BLACK 05

1940 Words
        PINA-TAKE OUT ni Angel ang mga pagkaing hindi niya naubos. Bago siya tumayo sa kaniyang kinauupuan ay tiningnan niya ang pulubi na nakatingin pa rin sa kaniya at patawa-tawa. Itinuturo nito ang brown bag kung saan nakalagay ang mga pagkain niya.  Wala pa rin siyang ideya kung paano nalaman ni Black ang nakaraan niya. Marahil ay talagang hindi imposible ang lahat dito dahil sa marami itong pera. Lumabas na siya ng Jollibee at pinuntahan ang babaeng pulubi. Tumiim ang bagang niya dahil sa nag-uumigting na galit na nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay kaharap niya ang pulubi na naging dahilan ng kamatay ng nanay niya dati. Gusto na niya itong saktan pero hindi pwede sa lugar na ito dahil masyadong maraming tao. Panay ang turo ng pulubi sa hawak niyang brown bag. Amoy na amoy niya ang mabaho nitong amoy na maihahalintulad niya sa dumi ng tao. Nakakadiri. Nakakasuka. Halos isang dipa na ang layo niya pero naaamoy niya pa rin ang nakakasulasok nitong amoy. “Pahingi! Gutom na ako! Pahingi!” Matinis ang boses nito. Paulit-ulit nitong itinuturo ang dala niya at hinihimas ang tiyan. Nakasimangot ito na parang nagpapaawa. Sobrang kapal ng grasa sa mukha ng babaeng pulubi na halos hindi na niya makita ang mukha nito. “Gusto mo ito?” Bahagya niyang itinaas ang brown bag. “Gutom ka na, `di ba?” “Oo! Akin na!” Patakbong lumapit ito sa kaniya. Aagawin sana ng pulubi ang brown bag pero iniiwas niya iyon dito. “Oops! Masyado ka namang nagmamadali. Sumunod ka sa akin. Ibibigay ko ito sa iyo!” pang-uuto niya. Masayang tumango ang pulubi na may kasama pang pagpalakpak. “Talaga?! Saan? Saan?” Tumalon-talon pa ito. “Basta. Sumunod ka sa akin.” Nagpatiuna na si Angel sa paglalakad kahit hindi pa niya alam kung saan niya dadalhin ang pulubi. Malikot ang mata niya dahil naghahanap siya ng lugar kung saan niya maaaring gawin ang unang pagsubok ni Black. Paminsan-minsan ay lumilingon siya sa likuran niya upang makasiguro na nakasunod pa rin sa kaniya ang pulubi. Masayang-masaya ito. Wala itong kaalam-alam na hindi pagkain ang ibibigay niya dito kundi sakit ng katawan! Halos limang minuto na siyang naglalakad-lakad pero wala pa rin siyang nakikitang lugar. Tagaktak na ang pawis niya at hindi na siya makapag-isip ng maayos. Mabuti na lang at nakasunod pa rin ang pulubi sa kaniya. At maya maya nga ay may nakita siyang makipot na eskinita. Pumasok siya doon at dinala siya sa isang bakanteng lote na puro basurahan sa gilid. Sa tingin niya ay ito na ang tamang lugar. Walang tao at wala ding mga kabahayan kaya hindi nakakatakot na gawin niya ang pagbubugbog niya sa pulubi. “Dito mo na ba bigay ang pagkain ko? Pagod na ako, e!” Narinig niya ang pagrereklamo ng pulubi. Gumuhit ang galit sa mukha niya. Pagharap niya sa pulubi ay pinalitan niya iyon ng isang pekeng ngiti. “Dito na. Napagod ka ba? Halika… Kunin mo sa akin itong pagkain mo!” Umatras siya ng ilang hakbang hanggang sa makarating na siya sa gitna ng lote. Sumunod lang ang pulubi sa kaniya. “Wow! Akin na! Gutom na ako, e!” Habang papalapit ang pulubi kay Angel ay mabilis na bumalik sa kaniyang alaala ang pagkamatay ng nanay niya. Simula sa pag-agaw ng pulubi sa kaniyang pagkain hanggang sa pagbangga ng truck dito. Hindi niya namalayan na umiiyak na pala siya. “Akin na ang pagkain ko!” Parang batang inilahad nito ang dalawang kamay. Nagngalit ang mga ngipin ni Angel. Mariin niyang ikinuyom ang mga kamao at galit na tiningnan ang pulubi. Inisip niya na ito ang pulubing umagaw noon sa pagkain niya. “O, `eto! Kainin mo!” At isang malakas na suntok ang pinadapo niya sa nguso ng pulubi. Sa lakas ng suntok niya ay napaatras ito at napaupo. “Bad ka! Ayoko na sa iyo!” Iyak nito habang sapo ang dumudugong nguso. “Ikaw ang bad! Pinatay mo ang nanay ko!” gigil niyang itinapon sa mukha nito ang brown bag. Tumapon sa kung saan-saan ang mga pagkain na laman niyon. Parang hindi na dumudugo ang nguso ng pulubi nang makita nito ang mga fried chicken, fries at burger na nagkalat sa lupa. Kinuha nito ang mga fries kahit balot na iyon ng lupa at kinain. Nakatingin lang siya dito at hindi na niya alam ang susunod na gagawin. “Iyan na ba ang bugbog sa iyo, Angel?” narinig niya ang boses ni Black sa earphone sa tenga niya. “Hindi ka pa tapos. Ang gusto ko ay iyong halos mag-aagaw-buhay na siya!” Luminga si Angel. Nakakapagtaka kasi na nakikita siya nito. Pero wala siyang makitang tao na nanonood sa kaniya. “Nasaan ka?!” tanong niya. “Hindi na mahalaga kung nasaan ako. Ang gawin mo ay tapusin ang iniutos ko—bugbugin mo ang pulubing iyan. Tandaan mo, hindi ka pwedeng tumigil hangga’t hindi ko sinasabi. O baka naman hahayaan mo pa siyang makatakas? Sayang naman ang one hundred thousand. Isa pa, isipin mo na ang katulad niya ang dahilan kung bakit patay na ang nanay mo, Angel!” Medyo nahirapan siyang huminga sa mga sinabi ni Black. Kailangan niyang tapusin na ang unang pagsubok nito sa kaniya. Mas lalo niyang nilakasan ang loob. Malalaki ang hakbang na nilapitan niya ang pulubing abala sa pagkain sa maduming pagkain at walang babalang sinipa niya niya ang ulo nito. Napasubsob ito sa lupa at pag-angat nito ng mukha ay mas marami nang dugo ang bibig nito. Puno na din ng lupa ang mukha nito bukod sa grasa. “Inaano ba kita—” Isa pang malakas na sipa ang pinatama niya sa mukha ng pulubi. Hindi niya inaalis sa isip na kunwari ay ito ang pulubing umagaw noon sa pagkain niya. “Pinatay mo ang nanay ko! Hindi kita mapapatawad!” Yumukod siya at hinila ang buhok nito hanggang sa mapatayo ito. Wala na sa kaniya ang mabaho nitong amoy. Ang tanging nasa utak niya ay mabugbog niya ito para matapos na ang unang pagsubok ni Black. Muli niya itong sinuntok sa mukha. Paulit-ulit at habang tumatagal ay parang ayaw na niyang tumigil. Nang bitawan niya ang buhok ng pulubi ay napaluhod ito sa lupa. Umiiyak. Naghalo na ang dugo at luha sa mukha nito. “T-tama na… Ayoko na… Aalis na ako dito…” Pinilit ng pulubi na makatayo ngunit bago pa nito iyon magawa ay tinadyakan niya ito sa dibdib. Napahiga na ito sa lupa at may naramdaman siyang kasiyahan nang makitang mas lalong hindi na makilala ang mukha nito dahil sa mga pasa at dugo na naroon. “Hindi pa ako tapos sa iyo!” turan ni Angel. Tumingin siya sa paligid at may nakita siyang isang bakal na tubo malapit sa tambak ng basura. Kinuha niya iyon at ginamit niya iyon para hampasin nang paulit-ulit ang pulubi. Wala itong nagawa kundi ang umiyak at humingi ng tulong. Wala siyang pakialam kahit saan niya ito tamaan. “Para `yan sa Mama Angelina ko!” Umiiyak sa galit na sigaw ni Angel nang mapagod na siya sa paghampas ng tubo sa pulubi. Itinapon niya iyon sa kung saan. “Hindi ka pa ba masaya, Black?!” tanong niya pero wala siyang nakuhang sagot mula dito. Isa lang ang ibig sabihin niyon—hindi pa masaya si Black sa ginawa niya sa pulubi. Kulang pa para dito ang pambubugbog na ginawa niya. Kaya naman muli siyang nagpunta sa mga basura upang maghanap ng bagay na maaari niyang magamit para saktan ang pulubi. Hinalungkat niya ang mga basura. Wala siyang pakialam kung madumi at mabaho ang mga iyon. Hanggang sa malakas siyang napasigaw dahil sa sakit nang may humiwa sa hintuturo niya habang nagkakalkal siya sa mga basura. Binawi niya ang kamay at nang iangat niya iyon ay walang tigil ang pag-agos ng dugo sa nahiwa niyang hintuturo. Ramdam niya na medyo malalim iyon. Napapangiwi siya dahil sa hapdi. “Puta!” Mura ni Angel. Kaya naman pala. May isang basag na bote ng alak sa basurahan. Kinuha niya ang nakahiwa sa kaniya at itinapon iyon. Doon niya nakita ang iba pang bote ng alak. Mabilis na gumana ang utak niya at kumuha siya ng isang bote. Malakas niyang inihampas ang puwitan niyon sa isang bato. Kaya nagkaroon ng maraming matutulis na dulo ang bote nang mabasag iyon. “Tingnan ko lang kung hindi ka pa matuwa sa gagawin ko!” Dahil sa galit at kagustuhan niyang magkaroon ng pera ay unti-unti na niyong binabago ang pagkatao ni Angel. Mabilis niyang binalikan ang pulubi na nakahiga pa rin sa lupa. Panay ungol na lang ang nagagawa nito. Lumuhod siya sa harapan nito at hinigpitan ang pagkakahawak sa bote. “M-maawa ka n-naman sa akin… G-gutom lang ako…” At talagang nagawa pang magmakaawa ng pulubi sa kaniya. Marahan siyang umiling. “Hindi dapat kinakaawaan ang mga katuld mo! Wala kayong silbi sa mundo kaya ang dapat sa inyo ay pinapatay na lang!” At itinaas niya ang hawak na bote. Tiningnan niya ang leeg nito dahil doon niya iyon itatarak. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Angel at nang akmang isasaksak na niya ang matulis na dulo ng bote sa leeg ng pulubi ay biglang nagsalita si Black. “Enough! Tama na!” pigil nito sa kaniya. Halos isang pulgada na lang ang layo ng bote sa leeg ng pulubi. Kung hindi siya nito pinigilan ay kanina pa sana patay ang pulubing iyon. “Masaya ka na ba, Black?! O baka gusto mong ituloy ko na ito!” hamon niya. Bakas ang takot sa mukha ng pulubi nang tingnan niya ito. “Sabihin mo lang at hindi ako mangingiming patayin ang walang silbing ito. Ano? Sagot!” “Masyado na namang mainit ang ulo mo, Angel. Relax… Congratulations! Nagawa mo ang unang pagsubok ko sa iyo. Asahan mo na matatanggap mo na agad ang iyong premyo. Tatawagan na lang kita para sa susunod na pagsubok. Paalam!” Hindi na siya nito hinintay na makapagsalita at pinutol na nito ang tawag. Titig na titig pa rin siya sa pulubi. Gusto niyang ituloy ang pagsaksak sa leeg nito gamit ang bote pero parang nahimasmasan na siya nang sabihin ni Black na nagtagumpay siya sa unang pagsubok. “H-huwag… M-maawa ka sa akin…” Nahihirapang sabi ng pulubi. Umasim ang mukha ni Angel at itinapon niya ang bote. Bago siya tumayo ay dinuraan niya muna ang mukha ng pulubi at walang lingon-likod na nilisan niya ang lugar na iyon.   100, 000 PESOS HAS BEEN SUCCESSFULLY DEPOSITED ON YOUR ACCOUNT… Iyon ang text message na natanggap ni Angel sa kaniyang personal na cellphone habang sakay siya ng tricycle. Pabalik na siya sa kaniyang apartment para magpahinga. Pagod na pagod siya dahil sa ipinagawa ni Black sa kaniya. Ang tanging gusto niyang gawin sa ngayon ay maligo at pagkatapos ay matulog nang matagal. Napangiti siya dahil nang tingnan niya sa app ng banko na nasa kaniyang cellphone ay totoo nga na merong nadeposit na isandaang libong piso sa kaniyang account. Ngayon ay sigurado na siyang hindi siya niloloko ni Black. Seryoso ito sa pagbibigay nito ng pera sa kaniya kapalit ng paggawa niya sa mga pagsubok na sasabihin nito sa kaniya. Kanina, habang binubugbog niya iyong pulubi ay parang naging ibang tao siya. Para siyang sinapian at mismong siya ay nagulat sa kaya niyang gawin dahil sa pera. Pagkatapos ay samahan pa ng galit. Kaya nga kahit labag sa batas ay handa na siya sanang kitilin ang buhay ng pulubi na iyon, e. Kung hindi lang talaga siya napigilan ni Black ay nakapatay na sana niya. Alam niyang warm up pa lang ang naunang pagsubok at mas mahirap pa ang mga susunod. Kaya inihahanda na ni Angel ang kaniyang sarili. Dapat ay maging handa siya para hindi na siya magugulat sa mga susunod pang ipapagawa ni Black sa kaniya. Wala siyang ideya kung ano ba talaga ang “trip” ni Black kung bakit nito ito ginagawa at kung bakit siya ang napili nito. Wala na rin naman siyang pakialam sa ngayon basta ang goal lang niya ay makuha ang ten million pesos sa huling pagsubok! Kaya naman gagawin na niya simula ngayon ang lahat para magtagumpay sa bawat ipapagawa ni Black. Hindi na siya magdadalawang-isip. Kumbaga sa giyera, susugod na lang siya! Ten million pesos, here I come! Nakangisi niyang bulong sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD