LAKING gulat ni Clara nang bigyan siya ni Ethan ng isang malaking box na pahaba nang pumasok ito sa kwarto nila. Naroon siya at nanonood sa telebisyon ng hapon na iyon. Naglilinis kasi ang mga kasambahay nila sa ibaba kaya dito siya nanonood. Baka kasi makasama sa kaniya at sa kaniyang dinadala ang dumi at alikabok.
“Ano ito?” Nakakunot ang noong tanong niya sa asawa. Nakapatong sa ibabaw ng kama ang malaking kahon.
Umupo si Ethan sa upuan na malapit sa kama. “Open ito. Sa iyo `yan,” anito.
Mas lalo tuloy siyang na-curious kung ano ang laman niyon dahil hindi nito diretsong sinagot ang kaniyang tanong. Kaya upang masagot na ang tanong ni Clara ay inalis na niya ang takip ng naturang kahon at tumambad sa kaniya ang isang black gown na kumikinang dahil sa maliliit na tila diyamante na nakadikit doon. Meron ding isang itim na mask para pantakip sa mata.
Anong meron at binigyan siya ng kaniyang asawa ng gown?
“Nagustuhan mo ba? Kung hindi, pwede kong papalitan iyan.”
“Para saan ito? May okasyon ba?” tanong ni Clara.
“Big Event. Sa restaurant ni Antonia. Nakalimutan mo na ba? Mamayang gabi na iyon.”
“Nawala sa isip ko. Pasensiya na…” Muli niyang tinapunan ng tingin ang gown. “Kailangan ba ay ganiyan talaga ang susuotin sa Big Event?”
Tumango si Ethan. “Ganiyan dapat. Mayayamang tao ang pupunta mamaya. Piling tao lang at maswerte tayo na isa tayo sa naimbitahan niya ngayong taon. Kaya magbihis ka na mamaya. Aalis tayo dito ng ala-siyete ng gabi. Huwag ka na ring kumain ng dinner dahil doon na tayo kakain.” Tumayo na si Ethan at lumabas ng kwarto.
Nang wala na ito ay napakawalan na ni Clara ang malaking ngiti sa kaniyang labi. Ilang araw na kasi ang nakakalipas simula nang huling beses siyang nakapunta sa restaurant ni Antonia. Sa loob ng mga araw na iyon ay wala siyang ganang kumain dahil ang panlasa niya sa lahat ng pagkain ay parang matabang simula nang makakain siya ng meat balls soup ni Clara. Lahat ng pagkain ay naikukumpara niya doon kaya nawawalan siya ng gana. Talagang binago nang tuluyan ng luto ni Antonia ang pagpili niya sa kaniyang kinakain.
Naalala niya tuloy noong nasa lansangan pa siya. Kahit ano na lang ay kinakain niya para lang may mailaman sa kumakalam na sikmura. Panis man iyan, nilalangaw, nasa basurahan o tira ng ibang tao ay kinakain niya. Pero ngayon, masyado na siyang mapili. Kung hindi man malapit sa sarap ng meat balls soup ni Antonia ay wala siyang ganang kainin.
Muling tiningnan ni Clara ang black gown at maingat iyong inilabas mula sa kahon. Napanganga siya dahil ubod iyon nang ganda nang mailadlad niya. May mahaba iyong slit sa gilid na sa hula niya ay aabot sa kaniyang hita. Malalim din ang sa may dibdib niyon kaya sigurado siyang lalabas ang cleavage niya kapag isinuot niya iyon. Hindi naman siya natatakot na magsuot ng ganoong damit kahit buntis na siya. Kaya pa rin niyang maging maganda sa mga ganoong kasuotan.
“Siguro ay dapat na akong maghanda ngayon para hindi ako nagmamadali,” ani Antonia sa sarili.
Kumuha siya ng hanger at isinabit doon ang black gown. Pumasok na siya sa banyo upang maligo. Iyon ang una niyang gagawin. Isa pa, gusto niyang magbabad sa bath tub para ma-relax siya nang husto.
“ANG ganda…” Mahinang bulalas ni Clara nang tingnan niya ang kaniyang sarili sa malaking salamin sa kwarto nila ni Ethan.
Pagkatapos niyang maligo ay nag-ayos na siya ng kaniyang sarili. Naglagay siya ng kaunting make-up at pagkatapos ay isinuot na niya ang black gown na ibinigay sa kaniya ni Ethan. Inilabas din niya sa kaniyang taguan ang hikaw at kuwintas niya na yari sa black pearls. Sa tingin niya kasi ay iyon ang bagay sa gown na suot niya. Pati ang high-heeled shoes niya ay kulay itim din. Imi-nessy bun na lang niya ang buhok at hinayaan niyang may mangilan-ngilang hibla ng buhok na nakalaglag sa gilid.
Tapos na si Ethan na magbihis. Naglalagay siya ng make-up kanina ay nagbibihis na ito. Nasa ibaba na ang asawa niya at hinihintay siya. Na-e-excite tuloy siya sa magiging reaksiyon nito kapag nakita siya. Magagandahan kaya ito sa kaniya?
Siguro naman ay oo. Si Ethan ang bumili ng gown at kilala niya ang kaniyang asawa. Alam nito kung anong kasuotan ang babagay sa kaniya. Hindi ito bumibili ng pangit lalo na at siya ang gagamit.
Huminga nang malalim si Clara at naglagay na siya ng pabango sa gilid ng leeg pati na sa pulso malapit sa mga kamay. Isang itim na handbag ang dala niya nang bumaba siya sa salas.
Pagbaba niya ay nakangangang napatayo si Ethan mula sa pagkakaupo. Napakagwapo nito sa black tuxedo na suot nito. Parang ayaw na niya tuloy pumunta sa Big Event. Mas maganda yata na magkulong na lang sila magdamag sa kanilang kwarto at magtalik habang suot ang kanilang mga kasuotan ngayon. Ngunit nang maisip niya ang mga pagkain sa restaurant ni Antonia ay agad niyang binawi ang ideyang iyon. Pwede naman nilang gawin iyon sa ibang pagkakataon. Samantala ang Big Event ay isang beses sa isang taon lamang.
“You’re beautiful!” puri ni Ethan. Bihira itong magsabi ng papuri sa kaniya kaya labis niyang na-appreciate ang sinabi nito.
“Salamat. Mahusay ka lang pumili ng gown na babagay sa akin.” Matamis siyang ngumiti.
“Iyong mask… nasaan?”
Inilabas niya ang mask mula sa handbag. “Dala ko. Susuotin ko na ba?”
“Kahit mamaya na lang pagbaba natin ng kotse.”
“Bakit ba kasi kailangan pang magsuot ng ganito?” tukoy ni Clara sa mask.
“Upang maprotektahan ang identity ng bawat isa. Ilegal ang ginagawa ni Antonia. Kapag may isa sa mga customer niya ang nagsalita sa mga pulis ay madadamay ang lahat. Kaya huwag na huwag mong ipapakita sa ibang naroon ang mukha mo. Naiintindihan mo ba?”
“Okay. Sige,” sagot niya.
Ngayon ay nakuha na niya ang punto ni Ethan kung bakit kailangan nilang magsuot ng mask sa Big Event sa restaurant ni Antonia.
Umalis na rin silang dalawa pagkatapos niyon. Si Ethan ang nagda-drive at nasa tabi siya nito. Habang umaandar ang sasakyan at lumiliit na ang distansiya niya sa restaurant ni Antonia ay mas lumalaki ang pagkasabik niya. Alam niya na sinabihan na siya ni Ethan na malabong makuha nila ang espesyal na putaheng lulutuin ni Antonia ngayong gabi pero na-e-excite pa rin siya. Kahit man lang sana ang masilayan niya ang pagkain na iyon ay ayos na sa kaniya. Gusto rin niyang malaman kung bakit ba pinag-aagawan ng mga customer ni Antonia ang putahe sa Big Event. Kung sobrang sarap na ng meat balls soup ay ano pa kaya ang putaheng iyon, `di ba?
Hindi na siya makapaghintay na masaksihan ang Big Event!
SAMPUNG bar stool table na pabilog ang inilagay ni Antonia sa kaniyang restaurant. Maliit lamang ang mga iyon at mataas. Nakatayo kasi ang lahat ng pupunta sa Big Event. Ganoon talaga ang set up para sa gabing ito. Ang sampung lamesa ay para sa labing-tatlong tao na inimbitahan niya para sa Big Event. Tatlo ang couple at pito ang solo.
Nasasabik na siyang mag-umpisa ang Big Event dahil bukod sa kikita siya ngayong gabi ng malaking halaga ng pera ay maipapakita at maipapakain pa niya ang kaniyang espesyal na putahe. Kumbaga, mas gusto niyang makita ang reaksiyon sa mukha ng taong kakain niyon. Bonus na lang talaga ang perang makukuha niya.
Mamaya pang alas-otso ng gabi ang umpisa ng Big Event. Isang oras pa ang hihintayin niya pero may ilan nang dumating. Limang table na lang ang bakante. Binigyan niya ng red wine ang mga dumating.
Maya maya ay nakita niyang dumating na si Ethan dela Merced at ang asawa nitong si Clara. Kahit na nakasuot ng mask ang mga ito ay kilala niya pa rin ang mga ito. Isa si Clara sa pinakabago niyang customer. Inimbitahan niya ito upang makita nito kung ano ba ang nangyayari sa Big Event ng kaniyang restaurant.
“Mabuti naman at nakarating kayo,” ani Antonia nang lumapit siya sa mag-asawa. Ipinatong niya sa table ng mga ito ang dalawang kopita at nilagyan iyon ng red wine.
“Alam mo naman na hindi ko pinapalampas ang Big Event, Antonia. Iba na nga lang ngayon dahil kasama ko na ang aking asawa.” Hinapit pa ni Ethan sa beywang si Clara.
Matipid siyang ngumiti. “Ano ang pakiramdam mo, Clara? Unang beses mong masasaksihan ang Big Event. Sana ay walang sinabi si Ethan sa iyo para naman magulat ka mamaya sa mga magaganap,” aniya sa asawa ni Ethan.
“Kahit anong pangungulit ko ay walang sinabi si Ethan tungkol sa Big Event. Kaya talagang na-e-excite ako sa mga mangyayari mamaya.”
“Mabuti kung ganoon. Sige na, enjoy-in ninyo ang inyong red wine. Malapit na tayong magsimula. Hinihintay ko na lang ang iba.” Nagpaalam na siya kina Ethan at nagpunta na sa kusina.
Agad niyang isinarado at ini-lock ang pinto. Walang dapat makapasok doon bukod sa kaniya.
Pinuntahan niya ang isang malaking kaldero kung saan nakalagay ang kaniyang niluluto para sa Big Event. Kaninang umaga pa niya iyon pinapakuluan sa mahinang apoy. Marahan niyang binuksan ang takip at kumawala ang usok at aroma ng pinapakuluan niya.
Halos mabaliw siya nang malanghap ang aroma ng niluluto niya. Kahit siya ay handang magbayad ng milyon para lang sa aroma ng pagkain na iyon. Hindi pa nga iyon tapos lutuin at ano pa kaya kapag tapos na? Baka mawala sa sarili ang kakain niyon dahil sa labis na sarap!
Muli niyang tinakpan ang kaldero. Malapit na iyong maluto. Kailangan na niyang gawin ang iba pang sangkap niyon…
ALAS-OTSO na ng gabi. Sa wakas ay natapos na ni Antonia ang espesyal na putahe na kaniyang ihahain ngayong Big Event. Naka-plate na sa gintong pinggan ang niluto niya. Kung hindi lang iyon para sa mga customer niya ay siya na lang ang kakain niyon dahil isandaang porsiyentong sigurado siyang masarap iyon.
Pero bago iyon ay inilagay muna niya sa isang serving cart ang mga paboritong pagkain ng mga dumadalo ngayong gabi. Libre ang mga iyon at paraan niya iyon ng pagpapasalamat sa mga ito. Itinulak na niya ang serving cart palabas ng kusina at dinala niya iyon sa harapan ng mga customer niya.
Nakasuot din siya ng kulay itim na gown ngunit disente ang tabas. Sa lahat ng naroon ay siya lang ang walang suot na mask.
Habang iginagala niya ang tingin sa lahat ay alam niyang nakatingin ang mga ito sa kaniya. Isang lamesa na nasa sulok ang bakante pa. Sa pagkakatanda niya ay nakalaan iyon para doon sa lalaking kumain ng steak. Iyong nakasuot ng puro itim. Inimbitahan niya iyon dahil may naramdaman siyang kakaiba sa taong iyon. Ngunit tila hindi ito dadalo dahil alas-otso na ng gabi ay wala na ito.
“May isa pang kulang pero kailangan na nating magsimula,” ani Antonia. “Matagal kayong naghintay para sa gabin ito at ayokong paghintayin pa kayo ng ilang minuto para sa isang tao na hindi tayo sigurado kung darating ba o hindi.”
Nagpalakpakan ang lahat sa sinabi niya.
Pinuntahan na niya ang pinto sa entrance para isara iyon. Ngunit hindi pa man niya iyon naipipinid ay isang kamay ang pumigil doon para maisara niya. Bahagya siyang nagulat pero napangiti nang buksan niya ay nakita niya ang lalaking nakasuot ng puro itim.
“Isasarado mo na ang pinto nang wala ako?” Nakasuot ito ng itim na maskara.
“Ang akala ko ay hindi ka na darating. Pumasok ka sa loob. May lamesang naka-reserve para sa iyo,” ani Antonia. Hindi naman niya kasi akalain na makakahabol pa ito.
Hinintay muna niyang makapasok ang lalaki bago niya isinara ang pinto. Hindi niya kinalimutan na ikandado iyon. Mahirap na. Dapat ay sigurado siyang walang ibang makakapasok doon bukod sa mga taong inimbitahan niya.
Maya maya pa ay isa-isa na niyang si-nerve sa mga naroon ang mga pagkain na palaging ino-order ng mga ito sa kaniyang restaurant. Lahat ay tuwang-tuwa dahil libre ang mga pagkain na iyon.
“Pasasalamat ko iyan dahil sa walang sawang pagsuporta ninyo sa aking restaurant. Kayo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa rin ito.” Taos-pusong pasasalamat ni Antonia. “Sige na. Tapusin niyo muna ang inyong pagkain habang ako ay babalik sa kusina upang ihanda na ang espesyal na putahe. Magandang gabi sa inyong lahat!”
HINDI makapaniwala si Clara nang libreng ibigay ni Antonia sa kanila ang mga putaheng ino-order nila dito sa tuwing nagpupunta sila sa restaurant nito. Malaking bagay iyon para sa kaniya dahil hindi na niya kailangang magbayad pa. Halos maiyak pa nga siya nang ilagay nito ang isang mangkok ng umuusok na meat balls soup sa kaniyang harapan.
Sandaling nagpaalam si Antonia upang bumalik sa kusina.
“Ang sarap talaga nito! Hindi nakakasawa!” pakli niya habang ninanamnam ang meat balls soup. “Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang sangkap nito.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Ethan. “Marahil ay magkakaroon ka ng ideya oras na malaman mo kung ano ang espesyal na putahe ni Antonia mamaya. Iyon ay kung tayo ang makakakuha niyon. Umasa na lang tayo na hindi magkakaroon ng interes ang iba para makuha natin iyon.” Napatingin na lang siya kay Ethan.
Bakit kasi hindi pa nito sabihin sa kaniya ang nalalaman nito? Ganoon ba talaga ka-confidential ang mga putahe ni Antonia at pati ang sangkap niyon ay hindi pa niya pwedeng malaman?
Tumahimik na lang siya at tinapos ang kaniyang kinakain.
Mas lalo tuloy tumataas ang kuryusidad niya sa kung bakit masasarap ang lahat ng niluluto ni Antonia. Napatingin siya sa pasilyo papunta sa kusina. Naririnig niya ang pagbulong ng isang bahagi ng utak niya na pumunta doon at silipin ang kusina ni Antonia. Baka kapag ginawa niya iyon ay malaman na niya ang sagot sa matagal nang tanong niya tungkol sa sikreto ng mga putahe ni Antonia.
Pupunta ba siya doon? Pero paano kapag nahuli siya ni Antonia? Baka magalit ito sa kaniya at hindi na siya kailanman papuntahin sa restaurant nito. Ano kaya kung bilisan lang niya? Sisilip lang siya sa pinto at pagkatapos ay babalik na siya dito. Tama. Ganoon nga ang gagawin niya. Hahanap at maghihintay lang siya ng tiyempo. Hindi siya makakapayag na matatapos ang gabing ito nang hindi niya nalalaman ang sikreto ni Antonia!