Chapter 4

1231 Words
Ilang araw nang bumabagabag sa isip ko ang sinabi ng lalaking iyon sa akin. Hindi ko alam kung bakit gusto niyang kunin iyong atensyon ko, eh, iisang beses pa lang naman kami nagkikita. Minsan ay nadadaanan ko siyang nagmamaneho ng motor. Minsan naman ay nakikita ko rin siyang ipinapastol ang kalabaw malapit sa amin. Minsan din ay nag-aararo siya habang nakatingin sa gawi kong naglalaba ng mga damit. Harapan kasi namin ay kalsada tapos ang susunod ay malawak na taniman. Kaya malaya niya lamang akong tinitingnan dito na napapagod sa kalalaba. Minsan ay hihingi pa siya ng tubig at sinusubukang makipag-usap sa akin ngunit hindi ako kumikibo. Wala kasi akong planong makipagkaibigan sa kung sino lalo na ngayon na may mga kailangan pa akong gawin sa buhay. Iyon ay ang ipagamot ang aking kapatid at ina saka ihahon ang buhay namin nang maranasan ko namang mapunta sa tuktok. "Pasyal tayo," aya ng lalaking nasa gilid ng kalsada. Hindi ko siya nilingon at hindi ko rin siya kinausap dahil busy ako sa mga labada ko. Ilang araw na akong tumatanggap ng mga labada at ilang araw na rin akong pagod. Kaya sana, huwag na siyang dumagdag pa sa mga problema ko. "Hindi ka ba magpapahinga? Gusto mo bang tulungan na kita?" tanong niya sa akin. Bumuga ako ng hangin at napansin kong mataas na ang araw. Hindi naman ako mabilis maawa pero kanina pa kasi siya nanggugulo sa akin ngunit hindi naman siya pumapasok ng gate. Siguro ay naghihintay siyang ayain ko siyang pumasok. Wala rin si Mama ngayon dahil nagpunta siya sa mga kamag-anak niya sa ibang lungsod at matatagalan ang kaniyang uwi. Habang ang Papa naman namin ni Mia, hindi ko alam kung saan. Uuwi na lang iyon kapag wala na siyang pera. Ganoon naman kasi ang gawain niya. Lumingon ako sa kaniya at nakita kong tagaktak ang kaniyang pawis. Halatang napagod siya sa pag-aararo ng bukid na iyon at kasalukuyan lang nagpapahinga para ako ay kulitin. "Pasok ka. Mainit na. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo," aya ko sa kaniya. Mabilis naman siyang pumasok ng gate at mabilis na tinanggal ang kaniyang damit. Litaw na litaw tuloy ang kaniyang magandang katawan. Ngunit dahil hindi iyan ako mabilis maakit ng kung sino ay mabilis kong inilihis ang aking mga mata saka ipinagpatuloy ang paglalaba. May mga puno rito sa aming bakuran kaya kahit papaano ay may mga harang din. Mahilig kasi sa mga halaman si Mama kaya may kulay rin ang aming bahay. Kadalasan ay orchids o mga halamang may bulaklak. Saka mas maganda ring may mga halaman at puno sa amin dahil presko kahit papaano. Gawa sa yero na nga ang bahay namin, alangan namang wala pang mga puno at halaman, Hindi ba? Baka maging oven na kami kung sakali. "Puwede bang makiligo mamaya?" tanong sa akin ng lalaking inaya kong pumasok sa gate namin. Nag-angat naman ako ng aking tingin ngunit talagang dumadapo ang aking mga mata sa kaniyang abs. Walo kasi ito at talagang mapapalunok ka saka mamamangha. Hindi na nakakapagtaka talaga kung may mabingwit siyang babae rito sa amin dahil sa taglay niyang kaguwapuhan at kakisigan. Hindi na sila lugi sa kaniya. Mukha rin naman kasing masipag ang lalaking ito at parang walang arte sa kaniyang katawan lalo na ngayon na tutulungan pa akong maglaba pagkatapos niyang mag-araro. "Magpahinga ka muna bago maligo. Hindi ka puwedeng mabasa dahil pagod ka. Baka magkasakit ka pa," bagot na wika ko. Ipinagpatuloy ko naman ang paglalaba at hindi na siya pinansin. Kailangan ko pa kasing tapusin ang lahat ng ito para makapagpahinga na ako nang maaga mamaya. Medyo sumasakit na rin kasi ang balakang ko dahil sa pagod at ngalay pero bawal akong tumigil dahil medyo patapos na ako sa pagkuskos. "Ako na lang magluluto," presinta niya. Ngunit naalala kong nandito pala akong kapatid ko kaya umiling na lang ako sa kaniya. Hindi ko siya gaanong kakilala para hayaan siyang pumasok sa bahay. Wala namang mananakaw sa bahay namin pero gusto ko kasing safe kami lalo pa at lalaki siya tapos kami ay babae. "Huwag na. Hindi ako kakain," saad ko. Buo na kasi ang desisyon kong tapusin muna ang mga ito bago kumain. Nakapag almusal naman na ako kanina kaya ayos lang na hindi muna ako kumain. Hindi pa kasi ako gutom. Kaya wala namang kaso kung medyo mahuli akong kumain. Kaso nakakahiya kasi dahil bisita siya at halatang pagod. "Hindi ka kakain?" Hindi ko alam kung guni-guni ko lang na nahimigan ko ang galit at inis sa kaniyang boses ngunit hindi ko na pinansin dahil ang goal ko ay tapusin ang lahat ng ito. Hindi siya nagsalita at mabilis na umalis ng aming bahay. Hindi ko na inalam kung saan siya pupunta. Hindi ko na rin kasi tinanong lalo pa at wala naman ako sa posisyon para guluhin ang buhay niya. Pagkatapos kong magbanlaw at makapagsampay ng mga damit ay bumalik siya na may dala-dalang mga plastic. "Bumili ako ng tanghalian natin. Ayaw mo akong paglutuin kaya bumili na ako sa karinderya," sambit niya saka ibinigay sa akin ang plastic. Umiling naman ako at tinanggihan siya. Para sa kaniya iyon at hindi para sa akin. Siya ang bumili at saka parang kulang pa iyon sa kaniya dahil mukha naman siyang malakas kumain dahil sa lapad ng katawan niya. Ang alam ko ay ima-maintain ang ganiyang klase ng katawan at kailangan ng proper diet para maabot ang ganiyang kagandang katawan. "Sa iyo na iyan. Hindi iyan para sa akin—" "Ysa," babala niya sa akin. Napaangat naman ako ng aking ulo dahil sa kaniyang sinabi. Nakakapagtaka kasing alam niya ang pangalan ko samantalang hindi ko naman iyon binabanggit— oo pala. Nalaman niya sa tindera noon ang pangalan ko. Kakilala na kasi ako ng tindera noon at medyo malakas din ang kaniyang boses nang sabihin niya ang aking pangalan. Bakit ko ba nakalimutan? "Hindi ako gutom—" "Mag-aararo pa ako. Baka gusto mong ikaw araruhin ko?" tanong niya sa akin na ikinatigil ko. Hindi ko alam kung biro iyon o ano pero nagtaasan ang balahibo ko sa katawan lalo na nang sabihin niya iyon sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin at nagmartsa na papasok ng bahay para kumuha ng plato at kutsara. Wala nga akong balak kumain sana dahil gusto ko nang matulog dahil sa pagod ko tapos heto siya? Pipilitin akong kumain? Mabuti na lang talaga at maaga kong pinakain si Mia. Hindi naman sa itinatago ko siya pero ayaw ko kasing magtaka siya kung bakit may tao rito sa bahay na hindi naman niya kakilala. "Ate?" tawag sa akin ni Mia. Natigilan ako at lumingon sa aking likuran. Nakita ko ang kaniyang mga mata na nakatingin sa lalaking nasa harapan ko. Halata ang pagtataka sa kaniyang mga mata ngunit walang lumabas na tanong o salita sa kaniyang bibig. "Bakit—" "Boyfriend mo ba siya, ate?" tanong niya sa akin. Nanlaki naman ang aking mga mata at mabilis na umiling sa kaniya. Ang bata pa lang niya pero alam na niya ang bagay na ito? Seryoso ba siya? "Mia, saan mo natutunan iyan? Saka hindi ko siya boyfriend," saad ko at mabilis siyang dinaluhan. "Kakilala ko lang siya." Ramdam ko naman ang mga tingin ng lalaking ito sa aking likuran ngunit hindi ko na pinansin dahil kailangan kong kausapin si Mia. Inakala niya pang boyfriend ko siya kahit hindi naman talaga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD