PROLOGUE
May dalawang klase ng pagkalunod. Una, iyong tahimik.
Iyong kahit ngumiti ka, kahit normal kang naglalakad, kahit parang okay ka sa paningin ng iba, pero sa loob mo, unti-unti ka nang hinihila pababa.
Walang sumisigaw. Walang nakakapansin. Hanggang sa mapagod ka na lang lumaban.
Pangalawa, iyong marahas. Iyong kahit anong pilit mong umahon, may mas malakas na puwersang humihila sa iyo pababa. Iyong ramdam mong mawawala ka na… at wala kang magawa.
Si Zynia ay parehong naranasan ang gayon. Pero hindi niya alam kung alin ang mas masakit.
Ang unti-unting malunod… o ang iligtas ka muna, bago ka tuluyang ilubog.
Hindi niya plano ang kahit ano sa mga nangyari. Hindi niya plano na mapansin Hindi niya plano na malapit sa kahit sino. Hindi niya plano na magtiwala.
Ang plano niya ay simple lang… mag-aral, magtapos at tulungan ang mga magulang niya upang makaahon sa kahirapan.
At ang nais lang niya ay tahimik na buhay, malayo sa gulo. Malayo sa mga taong hindi niya ka-level. Malayo sa mundong hindi naman talaga para sa kaniya.
“Scholar ka lang naman.”
Sanay na siya sa ganoong tingin. Sa mga bulungan. Sa mga tingin na parang wala siyang karapatan na naroon.
Huminga nang malalim si Zynia habang naglalakad sa malawak na hallway ng Westbridge University. Kumikinang ang sahig. Malinis. Perpekto.
Hindi katulad niya. Simpleng bag lang ang dala niya. Walang brand. Walang pangalan.
Wala siyang kahit anong maipagmamalaki, maliban sa talino niya at sa kakayahan niyang lumangoy.
At sa totoo lang, sapat na iyon. Kailangan sapat na iyon. Dahil iyon lang ang mayroon siya.
Hindi niya kailangan ng kaibigan. Hindi niya kailangan ng atensyon. Lalong hindi niya kailangan ng problema.
Pero minsan, kahit anong pilit niyang umiwas, siya ang hinahanap ng gulo.
“Uy.”
Napahinto siya. Tatlong lalaki ang humarang sa kaniya. Hindi niya kailangang kilalanin ang mga ito para malaman kung anong klaseng tao sila.
Confident. Arrogant. Sanay makuha ang mga gusto nila.
“Dalian mo naman,” sabi ng isa habang nakangisi. “Akala mo kung sino ka.”
Iiwas sana siya, pero gumalaw ang isa para harangan siyang muli.
“Relax ka lang,” dagdag pa ng isa. “Hindi ka naman namin kakainin.” Sinundan nila iyon ng nakapanghihilakbot na tawanan.
“Kakainin? Gago ka talaga!” sabi ng isa sa mga kasama ng lalaki.
Natahimik lang si Zynia. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Ang alam lang niya, mali ito.
“Excuse me,” mahinang sabi niya. “May klase pa ako. Tumabi na kayo, please.”
“Grabe, ang sipag talaga ng scholar,” pang-aasar ng isa.
Nagtawanan sila. Naramdaman niya ang pagbilis ng t***k ng puso niya. At nang may humawak sa braso niya, nanlamig ang buong katawan niya.
“Bitiwan mo ako.”
Pero hindi siya pinakawalan. Sa halip, mas lumapit pa ang lalaki.
“Magpasalamat ka na lang, pinapansin ka namin.”
“Bitiwan niyo siya.”
Isang boses ang pumutol sa eksena. Malalim ang boses na iyon pero mabigat. Parang may biglang nagbago sa hangin.
Unti-unting napalingon si Zynia. At doon niya nakita ang lalaking hindi niya malilimutan kailanman.
Nakatayo ito sa di kalayuan… relaxed ang tindig, isang kamay nasa bulsa, parang wala lang sa kanya ang nangyayari.
Pero ramdam agad ang presensya niya.
Si Bryan Regalado.
Isang pangalan na kilala ng lahat. Mayaman. Makapangyarihan. At sanay na sinusunod ng lahat.
“May problema ba?” tanong niya. Nagkatinginan ang tatlong lalaki.
“Wala, bro. Nagbibiro lang.”
Bahagyang ngumiti si Bryan. Pero walang tuwa sa ngiting iyon.
“Does she look like she’s joking?”
Biglang tumahimik ang paligid. At parang sa isang iglap, binitawan nila si Zynia.
Umatras ang mga ito, saka mabilis na umalis. Walang lingon. Parang walang karapatan tumayo sa harap ng lalaking iyon.
Naiwan si Zynia na tulala. Nanginginig pa rin ang mga kamay niya. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman.
Lumapit si Bryan. “Okay ka lang?”
Tumango siya kahit hindi pa siya nakakabawi.
“Thank you…”
Ngumiti ito nang bahagya. “Anytime.”
At sa simpleng salitang iyon, may nagbago. Hindi pa niya alam kung ano. Pero iyon ang unang pagkakataon na may tumayo para sa kanya.
At minsan, iyon lang ang kailangan para magsimula ang lahat.
Hindi niya napansin kung kailan siya nasanay. Nasanay na laging may sumusunod sa kaniya sa cafeteria. Nasanay na may naghihintay pagkatapos ng training.
Nasanay na may nagdadala ng pagkain kapag hindi siya nakakakain. Nasanay na may nag-aalaga sa kaniya.
Bryan was always there. Consistent. Patient. Attentive. At para sa isang taong buong buhay sanay mag-isa, nakakahumaling pala ang pakiramdam na may nagmamalasakit.
Unti-unti, gumuho ang mga pader na matagal na itinayo ni Zynia para protektahan ang sarili.
Unti-unti, nagtiwala siya. Unti-unti, nahulog siya. Hindi niya napansin kung kailan niya ibinigay ang sarili niya.
Hindi niya napansin kung kailan siya naging bahagi ng mundo nito. Hindi niya napansin… kung kailan siya nagsimulang mawala.
May mga bagay na hindi agad mapapansin.
Hindi agad sumisigaw ang panganib. Hindi agad nananakit ang mga salitang hindi pa binibitawan.
Hindi agad lumalabas ang totoong ugali ng isang tao.
Minsan, dahan-dahan. Minsan, halos hindi rin maramdaman. Hanggang sa isang araw, gigising ka na lang, at hindi mo na kilala ang sarili mo.
Sa malayo, may sumisigaw. May nagtatakbuhan. May ingay. May gulo. Pero parang hindi iyon ang mahalaga.
Dahil sa gitna ng lahat, nakatayo si Zynia. Tahimik at matatag na nagmamasid. Nakatingin sa sarili niyang repleksyon sa salamin ng isang sasakyan.
Hindi na siya ang dating babaeng iyon. Wala na ang takot na madaling makita sa mga mata niya. Wala na ang pag-aalinlangan. Wala na ang inosenteng naniwala na sapat na ang pagmamahal para maging ligtas.
Ang natira na lamang ay isang babaeng natutong lumaban. Isang babaeng hindi na madaling sirain. Isang babaeng hindi na basta-basta malulunod.
Pero kahit gaano ka na kalakas… may mga alaala talagang hindi mo matatakasan. At may mga taong babalik at babalik, para paalalahanan ka kung sino ka dati.
At kung ano ang kaya nilang gawin sa iyo.
Hindi pa alam ni Zynia kung ano ang mangyayari. Hindi pa niya alam kung hanggang saan siya dadalhin ng mga desisyon niya.
Hindi pa niya alam kung sino ang dapat niyang pagkatiwalaan, at kung sino ang dapat niyang katakutan.
Pero isang bagay ang sigurado… may tunay na naghihintay sa kaniya. Tunay na nagmamahal.
“Ah!” dumaing siya nang magdilat ng mga mata. Isang mukha ang bumungad sa kaniya.
“Did you have that dream again?” tanong ng lalaki sa kaniya. Napabalikwas siya at tumingin sa paligid. Pagkatapos ay malakas na napasinghap.
Sino nga ba talaga siya?