TAMA si Hunter. Ang bahay ng taong tinutukoy nito ay hindi kalayuan sa rest house. Hindi niya lang iyon napansin noong una dahil nasa likurang bahagi iyon ng kubo, kung saan wala namang bintana, pero dalawang bukid lang ang pagitan ng dalawang bahay. Sa katunayan ay sa pilapil lang sila dumaan upang makarating doon. Ang inaasahan niyang bubungad sa kanila ay isang matandang babae, pero isang babaeng mahaba ang buhok na may balingkinitang pangangatawan ang nagbukas ng tarangkahang kahoy sa kanila. Nagulat ito nang makita si Mang Ben at agad na umagapay. Pinatuloy sila sa loob ng bahay at pinaupo roon. Hinihintay ni Alpha na tawagin ng babae si Aling Rosa, o kaya naman ay banggitin iyon ng sino man kina Hunter at Mang Ben pero nag-usap lang ang mga ito. Panay ang tanong ng babae at panay d

