"MISS, okay ka lang?”
“Uh?” isang mahinang ungol lamang ang namutawi sa mga labi ng babae. Naiinis na napabuntong hininga si Zac ng wala siyang makuhang sagot mula dito. Dahil kanina pa niya ito hindi magawang gisingin ay napilitan siyang dalhin ito sa mismong apartment niya.
Nahilot niya ang sentido ng wala sa oras. Ipinarada na niya ang sasakyan sa labas ng apartment. Pagkababa niya ng kotse ay lumipat siya sa kabila at binuksan ang pinto. Tumambad sa kaniya ang babae habang kontento pa rin ito sa pagtulog.
“Great,” naiiling na turan niya.
Sa kagustuhan niyang umiwas na muna sa pamilya niya para hindi masyadong mailang ang mga ito dahil sa nalalapit na pagpapakasal ng kakambal niyang si Kurt ay nagdesisyon siya na umupa na lang ng apartment. Hindi sumang ayon ang kaniyang ina noong una. Kung hindi pa siya pumayag na ibigay dito ang duplicate key ng apartment niya at sa kondisyon na bibisitahin siya nito madalas ay hindi niya pa mababago ang isip ng ina.
“Miss, kaya mo bang maglakad? kailangan na nating pumasok sa loob ng apartment ko dahil masyado ng malamig dito sa labas.” marahang tinapik niya ang pisngi ng babae pero tanging ungol lang ulit ang naging tugon nito.
Muli ay napabuntong hininga siya. Kahit nagdadalawang isip ay wala na siyang nagawa kundi ang pasanin ito sa likuran niya. Sa gate pa lamang ng apartment niya ay halos pangapusan na siya ng hininga.
Hindi siya mahilig sa kahit anong sports kaya ang katawan niya ay hindi batak sa kahit anong trabaho. Para sa kagaya niya na isang freelance computer programmer ay mahirap ang ganoong gawain dahil para na rin siyang may pasan na isang sakong bigas sa likuran niya.
“Miss?” hinihingal na sambit niya matapos niyang marinig ang mahinang pag ungol ng babae.
“Edison?” ungol nito.
“Sinong Edison?”
Basta na lamang ito pumalahaw ng iyak. Itinago nito ang mukha sa likod niya habang humihikbi.
“S-sabi mo ako lang… bakit mo ako iniwan?”
“Ha?”
“B-bakit mo ako ipinagpalit sa iba?”
“Miss?”
“I hate you… pero.....pero mahal na mahal pa rin kita. K-kung babalik ka ulit tatanggapin naman kita eh. Wala akong pakialam kahit magalit pa sa akin sila daddy. Basta bumalik ka na please?”
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng awa sa babae habang umiiyak ito. Bawat salitang binibitiwan nito ay tumatagos sa puso niya.
Nasaktan din siya. Pareho kaming nasasaktan kaya dapat lang ay intindihin ko siya..
Pumasok na sila sa loob ng apartment niya at kahit hinihingal ay pinilit niyang akyatin ang mataas na hagdan at dinala ito sa nag iisang silid sa itaas.
“Edi—son!” malakas na ungol nito matapos niya itong ihiga sa malaking kama. Mabilis na tinakpan niya ng kumot ang makinis na mga hita nito.
Kinakapos ng paghinga na kinuha niya sa drawer ang gamot niya at uminom ng ilang pirasong tabletas. Mahinang hinampas niya ng isang palad ang kaliwang dibdib dahil napakabilis na ng t***k ng puso niya.
Hindi sinasadyang sinulyapan niya ang babae nang muli itong umungol. Napansin niya na basang basa na ng pawis ang katawan nito. Kung hahayaan niya ito ay baka matuyuan ito ng pawis at magkasakit.
Nagtungo siya sa cabinet at naghanap ng t-shirt na maaari niyang maipasuot sa babae. Pumili siya ng malaking tshirt at agad na nilapitan ito.
“Miss?” naupo siya sa gilid ng kama at niyugyog ito sa balikat.
Iminulat naman nito ang mga mata at tumingin sa kaniya.
“Hmmm?”
Pinigilan niya ang sarili na mapangiti dahil sa hitsura nito. Magulo ang ayos ng buhok nito at ang ilang hibla niyon ay halos tumabing na sa mukha nito.
“Magpalit ka na muna ng damit, baka magkasakit ka,”
Itinaas nito ang isang kamay kaya napilitan siyang alalayan ito na bumangon. Ibinigay niya dito ang tshirt na hawak niya. Akma sana siyang tatayo ng pigilan siya nito sa isang braso.
“Pwedeng ikaw na lang ang magpalit ng damit ko?”
Hindi kaagad rumehistro sa utak niya ang sinabi nito at tulalang pinagmasdan niya lamang ang maamong mukha nito. Nagulat na lamang siya nang mapansin na binubuksan na pala nito ang apat na butones ng suot nitong dress.
“Ha?” gimbal na bulalas niya.
“Sige na please? hindi ko kasi kayang hubarin itong damit ko. Medyo masikip eh..”
Shit!
Tumalikod ito sa kaniya at itinuro ang zipper sa bandang likuran ng dress na suot nito.
“Paki naman, please?”
Ilan beses marahil siyang napamura dahil sa nais ipagawa ng babae sa kaniya.
“K-kaya mo na siguro—”
“Aish! kung kaya ko ba sa palagay mo ipapagawa ko sa'yo?” medyo mataray na sabi nito.
May point ito pero…. no choice!
Kusang gumalaw ang mga daliri niya at dahan dahan ngang ibinaba ang zipper ng damit nito. Dinig na dinig niya ang nakakabinging pintig ng puso niya. Nang matapos siya sa ginagawa ay mabilis na nag iwas na siya ng tingin sa babae. Humarap naman ito sa kaniya. Inayos nito ang magulong buhok na inipon nito sa gilid ng kaliwang tenga nito.
Nagulat siya ng itaas nito ang magkabilang kamay.
“Pakihubad naman, please?”
“Ha?”
“Please?”
Seriously?
“Please?” anas nito habang nakapikit ang mga mata.
“T-teka hindi na tama ang ipinapagawa mo sa akin, Miss.”
“Bakit? sa hindi ko nga kayang hubarin ito mag isa eh.” nakalabing wika nito.
“Pero kasi… kaya mo naman siguro?”
“Hindi ko nga kaya.” pinupungay nito ang mga mata.
Cute! pinunasan niya ang butil ng pawis na namumuo sa gilid ng noo niya at nagsalita.
“S-sige.. pero pipikit ako ha para hindi mo naman sabihin na may nakita ako.”
“Para namang hindi mo nakita ang likod ng bra ko,” anito at humagikhik.
Jesus!
Wala na siyang nagawa kundi ang sundin nga ang pakiusap nito. Kahit marahil ang napakaimposibleng bagay ay gagawin ng kahit na sinong nasa kalagayan niya kung kasing ganda naman nito ang makikiusap.
Nahubad na niya at lahat ang suot nitong dress ay nakataas pa rin ang mga kamay nito. Sa tingin niya ay isa lang ang ibig sabihin ng babae. Siya na rin ang magsusuot dito ng tshirt para hindi na ito mahirapan pa.
“There,” nagmistula siyang robot sa lahat ng gusto nitong mangyari dahil natagpuan niya ang sarili na binibihisan ito. Nagulat siya nang humarap muli sa kaniya ang babae.
Oh man!
Mas lalo itong naging kaakit akit sa paningin niya ngayon na suot nito ang paboritong t-shirt niya. Kahit medyo namamaga ang mga mata nito dahil sa labis na pag iyak ay hindi iyon naging kabawasan sa ganda nito. Para itong isang modelo na kinukunan ng picture kahit bagong gising lang.
“Thank you!” ngumiti ito at mahinang tinapik ang mga pisngi niya.
Ngunit bago pa siya makapagreact ay nahiga na ito sa kama. Ilan saglit lang ay bumalik na naman ito sa mahimbing na pagtulog.
Awang ang mga labi na pinagmasdan niya ito. Kung hindi pa niya narinig ang mahinang paghilik nito ay hindi pa siya matatauhan. Naiiling na inayos niya ang nagulong kumot at ibinalot iyon sa katawan nito. Natigilan siya nang hulihin ng babae ang isang palad niya. Mabilis na pinisil nito ang palad niya at dinala sa ibabaw ng mga labi nito.
“Edison..”
Tinangka niyang bawiin ang palad mula dito pero umungol ito. “Don’t leave me please?” anas nito na animo ay nagbabadya na naman ang muling pag iyak.
Parang yelo na natunaw naman agad ang puso niya. Now what? Papaano niya iiwan ngayong gabi ang isang iyakin at napakagandang babae na kagaya nito?