Ubod ng ganda. Yan ang madalas na ilarawan ng mga tao kay Jean at hindi niya ipinagmamayabang ang tungkol sa bagay na iyon dahil may kasunod pa ang perpektong paglalarawan ng mga tao sa kaniya.
Ubod ng ganda pero wala namang poise. Masakit man pero matagal na niyang tinanggap na kailanman ay hindi pang miss universe ang mga kilos niya. Hindi siya mahinhin. Hindi siya mahiyain at higit sa lahat ay may pagkaboyish din siya minsan.
Kapag galit siya ay mas lalong nakakalimutan niya ang salitang poise. Lumalabas ang pagkaprangka niya na kagaya ngayon. Galit na galit siya habang tinatanaw niya si Leo na palabas ng ospital. May kaakbay itong matangkad na babae at ang higit na nakakagulat ay ang sanggol na nasa mga bisig ng babae kasama ng nobyo niya.
Sinundan niya ang mga ito sa parking lot kahit parang mas gusto na lang niyang umuwi dahil natatakot siya na marinig ang mga paliwanag ni Leo.
“Honey, ano ang ibibigay nating palayaw kay Junior?” narinig niyang tanong ng babae.
“Pwede bang Leon para mas magandang pakinggan tutal naman magkamukha kami?” nakangiting sagot ng tinamaan ng magaling.
Hindi na siya nakapagpigil. Lumabas siya sa pinagtataguan niya at sinugod ang mga ito.
“Walanghiya ka! manloloko! Ang kapal ng mukha mo!” umiiyak na dinuro niya si Leo.
Wala siyang pakialam kahit na may ibang naroon at nakikita ang pagwawala niya. Basta ang alam lamang niya ay naloko na naman siya sa ikatlong pagkakataon. Kutang kuta na siya sa sakit.
“Baby girl—”
“Anong baby girl, punyeta ka! huwag mo akong mababy-baby girl diyan at baka maihagis kita sa loob ng ospital.”kumukulo ang dugo na singhal niya dito.
“Teka lang! magpapaliwanag ako. Matagal ko ng girlfriend si Mayet, nag away kami at nakipaghiwalay siya sa akin noon. Tinawagan niya ako ngayon para ipaalam ang tungkol sa panganganak niya. Hindi niya magawang ipaalam sa akin noon ang tungkol sa pagbubuntis niya dahil nawalan ako ng trabaho. Ngayon na regular na ako sa pagiging ahente ay makakaya ko na silang buhayin ng baby namin. Plano na sana kitang kausapin at puntahan sa flower shop mamaya para ipaalam ko sa'yo ang lahat at—”
“At makikipaghiwalay ka na sa akin?” taas baba ang dibdib na tanong niya. .
“O-oo,” anito at nag iwas ng tingin sa kaniya. Sinulyapan niya ang babaeng kasama ni Leo. Nakita niya ang matinding takot at pag aalala sa mga mata nito. Ilan beses siyang napalunok.
Parang pinupunit ang puso niya habang nakikita niya kung papaano hawakan ni Leo ang kamay ng dating kasintahan nito na animo ay prinoprotektahan nito ang huli sa maaaring gawin niya.
Hindi siya gaanong nakaramdam ng pagseselos dahil hindi pa naman ganoon kalalim ang nararamdaman niya kay Leo.
Ang tanging naramdaman niya ay inggit dahil minsan na rin niyang hinangad na hawakan ni Edison ang kamay niya pero hindi naman nito ginawa. Sa una pa lang ay bumitiw na ito at siya ngayon ay biguan na naghahanap ng paraan kung papaano madidispatsa ang damdamin niya para dito.
Sa galit ay malakas na sinuntok niya sa mukha si Leo at tinalikuran ang mga ito. Panay ang iyak niya habang naglalakad at walang direksiyon ang mga paa. Sa tuwing malalaman niya na niloloko siya ng nobyo niya ay hindi niya magawang masaktan kahit alam niya na sa paghihiwalay mauuwi ang relasyon nila.
Higit na mas masakit isipin na nabigo na naman siyang subukan na magmahal ng iba. Na kahit anong gawin niya ay iisang tao pa rin ang nilalaman ng puso niya hanggang ngayon.
Nakita niya ang isang kotse na nakaparada sa may hindi kalayuan. Tinted ang salamin niyon kaya hindi niya makita kung sino ang nasa loob. Sa mga ganoong pagkakataon na nabubuhay ang sugat sa puso niya ay nakakaisip siya ng mga bagay na alam niyang ikagugulat ng iba.
Pero ano nga ba ang magagawa niya? Si Xenia Jean Tan, ubod ng ganda at kahit walang poise ay magandang maganda pa rin. Humilata man siya sa gitna ng kalsada dahil brokenhearted siya ay hindi magbabago ang katotohanan na ng magsabog ng kagandahan ang diyos ay nakalaklak siya ng sangkaterbang energy drink. May bitbit siyang napakaraming drum at sinalo niya ang lahat ng kagandang pinasabog ng langit.
Basta na lamang niya nilapitan ang kulay itim na sasakyan at kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag nang mabuksan niya ang pinto sa passenger seat.
“Mga manloloko kayo! ang kapal ng mukha mo para alukin ng kabaong ang daddy ko. Hayop ka! dapat ikaw ang gumamit ng kabaong na ibinebenta ng kompanya ninyo isama mo na rin ang babae mo na mas makati pa sa fungi!”umiiyak na basta na lang siya naupo sa passenger seat at hindi na nag abala pa na tingnan ang driver.
Kinapa niya ang panyo sa loob ng bag pero hindi niya iyon makita kaya mas lalo siyang napahagulhol
“Kapag minamalakas ka nga naman—” natigilan siya ng iabot sa kaniya ng driver ang sarili nitong panyo. Natigilan siya.
Kahit hindi niya ito lingunin ay batid niyang lalaki ito dahil sa malaking kamay at braso nito. Sa huli ay napilitan siyang kunin ang panyo para punasan ang mga luha sa pisngi niya.
Amoy gwapo..
Naisaloob niya nang manuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng panyong hawak niya. Hindi lang ito amoy gwapo dahil amoy baby din ito.
Pinagsamang amoy ng baby cologne at baby powder ang naamoy niya sa panyo niya at dito na rin mismo. At nang makita niya ang matangos na ilong nito at malalantik na pilik mata nito ng pasimpleng sulyapan niya ito kanina ay nasiguro nga niya na gwapo ang lalaki. Isa lang ang masasabi niya, hindi talaga siya mag aabalang tingnan ulit ang lalaki dahil sa isang dahilan. Allergic siya sa mga gwapo.
------------
“Loka-loka ka naman kasi malay mo siya na ang destiny mo.” basag ng kuya Brandy niya sa pananahimik niya.
“Posible ba iyon? nahanap ko ang destiny ko sa parehong araw na natuklasan ko na may anak na pala ang boyfriend ko?” kunot noong tanong niya dito.
“Oh, well that’s life, my dear pretty but bobita sister. Ang malas at swerte ay pwedeng mangyari sa parehong oras lang. Halimbawa, si Aling Pasing, nanalo siya sa lotto ng malaking pera pero sa parehong araw din na iyon ay nalaman niya na may cancer pala siya. So, ang perang makukuha niyang premyo ay magagamit lang niya sa pagpapachemotheraphy.”
“Sino si aling Pasing?”
“Ang bagal naman ng memory mo, hija, halimbawa nga lang eh.”
Naitirik niya ang mga mata.
“Bakit kasi magpapasok ka pa ng ibang character kung pwede mo namang gamitin ang sarili mong pangalan?”
“Gaga! eh, kung ikaw kaya ang tamaan ng cancer?”
Inirapan lang niya ito bilang tugon.
“Pero alam mo kung ano ang totoong swerte?” excited na tanong nito.
“Ano?”
“Iyon kunwari makikita mo ulit si mr. amoy gwapong driver at magiging kayo.”
“Ah ewan! basta ako pupunta ako sa club mamayang gabi kaya huwag ka na mag abalang sunduin ako sa flower shop dahil kasama ko sila Janice.”
“Anong gagawin mo sa club?”
“Natural, sasayaw!”
“Ayan! tama yan para maalog naman ang utak mo at para matauhan ka na nga na hindi mo dapat hanapin sa mga nagiging jowa mo ang mga katangahan ng first love mo.”
Hindi na siya nagsalita pa at ibinaling na lang ang pansin sa labas ng bintana.
Kainis!
Sino ba kasi ang nagsabi na new love ang sagot sa past love? Sino ang nagpauso ng salitang ‘panakip butas’?
Ah! hindi niya alam. Basta isa lang ang masasabi niya. Dapat ulit niyang hanapin si Mr. Right dahil unti unti na namang bumabalik ang sakit ng nakaraan.
Pero...... Saan? Papaano?
Saan siya liliko para mahanap si Mr. Right?