“W-w-wait!”
Mabilis akong humarang sa dinadaanan niya at sinara nang malakas ang pinto. Nangatal bigla ang labi ko sa kaba. Shet! Muntik na!
Lalo akong binunutan ng malalim na tinik nang huminto na sa pag-iyak si Jaslo. Pilit akong ngumiti kahit na binabalot pa rin ng kaba.
“Sino ‘yong bata?” nagtataka pa ring tanong ni Harlet. Kung talaga nga namang minamalas. Bakit kasi saka siya pumunta kung kailan narito na ang bata? Bakit ang wrong timing? Nakakainis naman.
“Wala ‘yon. Iniwan lang ng kapit-bahay, pinababantay sa akin.”
“Ah, akala ko kung napano na…”
Napakamot ako sa aking batok. Damang dama ko na ang butil ng pawis na namumuo roon, kasabay ng kabog na umaabot mula sa dibdib.
Paano kung nabuko talaga ako? Paano ko ipaliliwanag ito? Matalino naman sana akong tao pero wala talaga akong maisip na paraan upang malusutan ito. Para akong nabitag at ito ang lintik na kaparusahan ko.
Buti na lang at hindi na umiiyak sa loob ang bata. Subukan niya lang at baka masungalngal ko siya sa sobrang gigil.
“Bakit ka nga pala narito?”
“Ay oo nga. Pinapabigay pala ni Maam Debbie itong libro. Sagutan mo raw ‘yong ilan sa mga exercise na nandyan as part ng training niyo.”
Lihim akong napamura sa isip. Marami na nga akong pending works tapos dumagdag pa ito. Walang ‘ya.
Nang abutin niya ang bio book, taliwas sa loob ko naman itong kinuha. Kung sana lang ay hindi pa bukas ang deadline nito pero ilang beses na rin kasi akong nag-excuse sa training para lang mag-commit sa ibang gampanin.
Ngayong gampanin ko na rin ang maging tatay para lang buhayin ang pagkakulit-kulit na bata, paano ko na ito magagawa nang maayos?
“Salamat…”
“Sige. Chat mo na lang ako kung meron ka pang tanong.”
“Sige.”
Pinagmasdan ko siyang maglakad palayo habang hawak-hawak ang libro na hindi ko alam kung magagawa ko bang sagutin mamaya. Gustuhin ko mang i-atras muna ito, ginusto ko rin namang sumali sa mga contest. Sino ba naman kasing mag-aakala na may bata pa lang iiwanan dito sa bahay. Ngayon, pinoproblema ko pa.
Nang makasakay na si Harlet sa tricycle, saka ko pa lang napagdesisyunang buksan ang pinto. Bumungad si Jaslo na nakatalungko sa sahig, pilit na pinupunasan ang uhog gamit ang laylayan ng damit.
“Tsk. Ang dugyot naman. Bakit sa damit ka naglilinis ng ilong mo?”
“Eh walang tissue.”
“Sa banyo meron.”
“Saan ang banyo?”
Napahimas ako sa sentido. Para akong madrastang naiirita pero kailangan kong magtimpi. Mamaya baka iiyak na naman ‘to.
Binaba ko sa tukador ang libro saka tinungo ang CR. Nang makaputol ng tissue ay saka na ako bumalik para i-abot sa batang pasinghot-singhot pa.
“Dyan ka lang. Magluluto muna ako.”
“Okay.”
Pasinghal akong bumalik ng kusina para maghanda ng pagkain. Panay pa ang bulong ko sa hangin upang ireklamo kung ano ang pinagdadaanan pero nagmukha lang akong baliw sa ginagawa ko. Gusto kong iiyak na lang ito o ‘di kaya’y iinom para lang mawala ang bigat. Pero pa’no? Ni pambili nga ng alak wala ako.
Alas kwatro mahigit nang maluto ko na ang isda. Palihim ko namang sinilip ang sala upang tingnan si Jaslo at huli na nang makita kong natutulog na pala ito sa sofa.
Gigisingin ko pa ba ito? O hindi na? Hindi kaya sasama ang pakiramdam niya gayong nalipasan na siya ng gutom? Baka naman nagtanghalian na siya bago pa man ihatid ng nanay dito?
Liban doon, hindi naman siya nagrereklamo dahil sa gutom. Eh kung bilhan ko kaya siya ng gatas? May natitira pa naman akong isang daan.
Ang kaso, kung gagamitin ko iyon, edi ako naman itong nawalan ng baon. Siguro pupuntahan ko na lang si Pastor para makahingi. Nakakahiya pero hindi ko iyon dapat pairalin lalo’t hindi na lang sarili ang binubuhay.
Kung ako lang, kaya kong kumain na asin at tubig ang ulam. Pero ‘yang batang ‘yan? Sabihin man nating matitiis niya, mas mahirap naman kung hahayaan ko lang magkasakit.
Namalayan ko na lang ang sariling humahakbang patungo sa kinahihigaan ng bata. Yumuko ako nang makalapit na rito. Pinakatitigan ko siya na para bang unang beses ko pa lang siya nakikita.
He’s cute. Isang tipikal na batang lalaki na tingin ko ay nasa tatlo o apat na taon ang edad. Para siyang anghel kung matulog. Malayong malayo sa ugali niya kapag nagigising. Daig pa sinapian.
May naalala kaya siyang identity sa totoong magulang niya? Dahil kung sakali mang sasabihin niya, hindi ako magdadalawang isip na ihatid siya sa kahit na kaninong kamag-anak niya.
Bukas na bukas, magtatanong ako. Hindi rin naman ito magtatagal kaya kailangan kong kalmahin ang sarili.
“Uy bata, gising na.”
Niyugyog ko nang marahan ang munti niyang balikat. Sa lalong paglapit ay naamoy ko ang medyo mabantot niyang pawis. Mamaya pagkatapos kumain, saka ko na ‘to paliliguan.
“Uy. Sige ka, magkakasakit ka niyan. Mamaya mo na ituloy ang tulog mo.”
Sa unti-unting pagdilat ng kaniyang mata, nakita ko rin ang unti-unting pag-ukit ng ngiti sa kaniyang labi. May kung ano naman sa puso ko na nanlambot. Hindi ko maintindihan kung bakit.
“Salamat, Daddy…”
Napa-awang nang bahagya ang bibig ko. Seryoso? Nagpasalamat siya?
Pinigil kong ngumiti. Pinigil kong ipakita na natutuwa ako sa kaniyang pinakita dahil siya ang dahilan kung bakit nabawasan ang oras na igugugol ko sana sa paggawa ng mga school works ko. Sigurado, magpupuyat na naman ako. Worse, baka hindi pa mapagbibigyang matulog.
Pagkatayo ay saka ko hinawakan ang kaniyang kamay. Dahan-dahan ko siyang iginiya sa kusina nang walang anumang sinasabi. Tahimik lang siyang sumusunod at para yatang nagustuhan ang ginawa kong pag-imbita sa hapag.
God. Feel na feel yata niyang anak ang turing ko sa kaniya. Bukas na bukas, ihahatid ko na ‘to sa kamag-anak niya. Sana lang talaga ay matagpuan ko.
Pinag-indian seat ko na lang siya sa mismong lamesa dahil hindi niya abot ang pagkain kung nakaupo talaga sa upuan.
“Kumakain ka ba ng isda?”
Ngumuso siya. S-hit, sabi na nga ba.
“Eh anong gusto mong kainin kung ayaw mo nito?”
“Milo,” maikli niyang sagot.
“Huh? Anong milo?”
“Alam mo ‘yon Daddy. Mahirap ka rin naman.”
“Ano bang sinasabi mo?”
“Milo. Color green ang lalagyanan n’un Daddy.”
Nagsalubong bigla ang mga kilay ko. “Paano mo inuulam ang milo? Tinitimpla ‘yon ‘di ba?”
“Edi ibubuhos mong ganon.”
Nag-demonstrate pa talaga siya kung paano ibubuhos ang milo sa kanin gamit ang imaginative skills niya. Hanep.
“Hindi iyon healthy kaya sa ayaw at sa gusto mo, kakain ka ng isda.”
“Daddy naman—” Pinandilatan ko siya ng mata kaya agad na natigil. Huwag na huwag niya akong sinusubok sa kaartehan kung ayaw niyang maulit kung ano ang nakita kanina.
Sa huli, napilitan siyang kainin kung ano ang aking inihain. Ako na mismo ang naghihimay para ihiwalay ang tinik sa laman. Kumakain naman siya pero halatang pilit. Bata nga naman.
“Milo lang ba ang pinapaulam sa’yo ng Mommy mo?”
Tumango siya.
“Maliban sa milo, ano pa?”
“Asukal.”
“Ano pa?”
“Asin.”
“Meron pa?”
“Toyo, mantika.”
“What the— natitiis mo ‘yon?”
“Anong magagawa ko daddy? Iniwan mo kami. Pinabayaan mo ako. Kinalimutan mo si Mommy. Kaya bakit magiging masarap ang ulam namin?”
Natigalgal ako. Sa isang iglap, ang kaninang inis ay nabuo bilang galit. Galit na galit ako sa totoong tatay niya. Paano niya nagawang hayaan na ganoon ang inuulam ng mag-ina? Kung patuloy na mangyayari iyon, baka mawalan pa ng nutrisyon ang bata.
Alam ko sa sarili ko na hindi ako bihasa pagdating sa pag-aalaga pero nasisiguro ko na hindi iyon ang tamang pagpapalaki.
“Wala ka bang kilalang tito at tita na pwede niyong hingian ng ulam?”
Umiling siya habang ngumunguya.
“Kahit pinsan? Kahit lola?”
“W-wala.”
“Saan kayo nakatira kung gan’on?”
“Hindi ko alam. Dinala lang ako rito ni Mommy at walang sinabi kundi magpakabait sa'yo Daddy.”
Bumuntong hininga ako. Paano ko mahahanap ang totoong kamag-anak nito kung kahit magulang niya ay ayaw ilagak doon? Hindi sa nag-iinarte ako pero masyado naman kung mag-aalaga ako ng hindi ko naman kadugo.
“Ang tanong, nagpapakabait ka nga ba?” Iniba ko na ang usapan. Mula sa pagkain ay inangat niya sa akin ang tingin.
“Paano ako magpapakabait kung isa kang iresponsableng tatay na iniwan kami at tinangging anak ako?”
Patuya akong ngumiti. Hangga’t maaari ay kailangan kong pigilin ang galit na ‘to. Bata ito kaya please lang, hindi ko kailangan magpa-apekto, hindi ko kailangang patulan.
“Kumain ka na—” Hindi ko na natapos ang sinabi nang bigla na siyang umiyak.
“Alam mo ba Daddy? Araw-araw akong umiiyak dahil wala ka? Inaasar na ako ng mga kalaro ko dahil wala man lang daw akong Tatay. Tapos itataboy mo lang ako?”
Hindi ako naka-imik. Napatulala ako sa loob ng maraming segundo dahil bigla kong nakita ang sarili sa kaniya.
Ganyan din ako ilang taon na ang nakararaan. Na halos-araw-araw umiyak mula nang iwanan ako ng sarili kong magulang. Halos kaunti lang ang pinagkaiba niya sa akin. Ang pinagkaiba lang, kriminal ang mga magulang ko samantalang siya ay kumikilala ng maling tatay.
Naaawa ako pero mas kailangan kong maawa sa sarili ko. Ang dami-dami ko nang pinagdaanan. Paano na lang kung mapabayaan ko ang pag-aaral nang dahil dito?
Hindi ako galit sa bata. Galit ako sa iresponsable niyang magulang. Sabihin mang may rason kung bakit kailangan nilang ipaubaya ang anak sa ibang tao, hindi naman yata tamang iba ang mananagot sa obligasyong iniwan nila. Bakit ako na wala pang trabaho? Bakit ako na nag-aaral pa at umaasa lang sa bigay ng simbahan? Bakit ako na walang magulang? Na walang ibang inaasahan kundi sariling pagsisikap? Bakit ako?
I have a good image. Sa school man o sa kahit saan, alam kong maganda ang inukit kong imahe sa mga tao. Ang alam nila, si Jaguar Viendijo ay isang matalino, responsible, banal, mabait… maaasahan. Kinailangan kong magbalat-kayo para lang itago kung ano talaga ang totong ugali; palamura, bugnutin, walang pasensya, bwisit, bugok… lahat-lahat.
Hindi ako perpekto. Kung mayroon mang perpekto sa mundong ito, iyon ay kamalasan.
Hindi na ako nakipagtalo pa. Nang matapos kumain, pinagpahinga ko muna siya ng ilang minuto. Tumungo ako ng banyo at pinuno ng tubig ang timba. Hinanda ko rin ang pampaligo na gagamitin sa kaniya saka siya binalikan sa kusina.
“Maghubad ka na. Paliliguan kita.”
“Talaga Daddy?”
Muntik na akong matawa. Parang kanina lang na madrama siya tapos ngayon parang wala lang. Kung ibang bata siguro ‘to, baka pinagsusuntok na ako. Pero hindi eh. Talagang natutuwa pa.
“Oo, kaysa naman matutulog ka sa kama ko nang ganyan kabantot?”
Umaliwalas ang mukha niya na para bang hindi makapaniwala sa naririnig. Pairap ko naman siyang inakay papasok ng banyo saka inalis ang anumang saplot.
“Sanay ka bang maligo mag-isa o tuturuan pa kita—sh-it! Ang lamig!”
Sinong hindi sisigaw nang bigla siyang manghagis ng tubig? Buong akala ko’y sa sarili siya magbubuhos pero ngayon, basang basa na pati panloob ko.
Ang kulit pala talaga.
“Hoy! Umayos ka nga! Akin na ‘yang tabo.”
“Hindi ka pa ba maliligo Daddy? Mas mabantot ka kaya sa’kin!”
“Anong mas mabantot. Kabibihis ko lang kaya!”
Aagawin ko na sana ang tabo sa kamay niya ngunit sa bilis ng kamay niya, muli na naman siyang nakasalok at binuhos na naman sa akin.
Napapikit na lang ako. Bwisit. Sa susunod sisiguraduhin kong ako mismo ang hahawak ng tabo para lang maiwasan na ‘to.
**
Nang sumapit ang alas siyete ng gabi, saka pa lang ako nakapagsimula ng gawain. Tulog na tulog sa kama ko ang bata na suot-suot ngayon ang pinaglumaan ko noong maliit pa. Medyo malaki iyon kaya nagmukha siyang jologs pero hindi naman nagreklamo. Mas mainam na raw ‘yon kaysa sa binili kong masyadong fit at masikip.
Napahimas ako sa noo at tinakpan ang buong mukha. Kanina pa ako nagbabasa pero wala man lang pumapasok sa utak ko. Sa tuwing pumipikit ako, inaalala ko naman kung paano ko mairaraos ang susunod na araw. Sino ang magbabantay sa bata sa oras na pumasok ako?
Kung ilagak ko muna kaya sa kapit-bahay? Magpapakabait naman siguro ito. Bibilinan ko na lang ng pera ‘yong magbabantay para kahit papano’y hindi masyadong palamunin. Nakakahiya.
Muli kong binaba ang tingin sa libro. Saktong pagyuko ko, umilaw naman ang cellphone. Kumunot ang noo ko nang makita ang pangalan ni Harlet, tumatawag.
“Hello?”
“Jaguar? Tapos mo na ang narrative report? Kailangan na raw pala iyon bukas sabi ng club adviser.”
“Anong narrative report? ‘Di ba secretary ang gumagawa no’n?”
“Exactly, ‘di ba ikaw ang secretary ng Math Club? Mukha yatang nalito ka na dahil marami kang commitment.”
Napahinga ako nang malalim. Dagdag gawain pa pala ito.
“Marami ka bang ginagawa? Gusto mo tulungan na kita?”
Mahina akong tumawa nang pilit. “Nakakahiya, Harlet.”
“Ayos lang. Ako na lang sa narrative reports para makabawas-bawas sa stress mo.”
Napatingala ako at maluha-luhang nagpasalamat.
“Thanks, Harlet.”
“Okay, no problem. Galingan mo ha? Kumain ka na ba?”
“Ah oo, kumain na ako.”
“Sige, sabihin mo lang kung may iba ka pag gawain na kailangan ng tulong. Good night.”
I smiled genuinely without blinking. “Good night.”