Walang kakurap-kurap ang mga mata ni Sylvia habang nakatitig sa kisame. Kasalukuyan pa rin siyang nakahiga sa kama, balot na balot ng kumot.
Nang tumunog ang alarm clock ay wala pa rin sa sariling kinapa niya iyon sa side table.
Nang mahawakan ay pinagmasdan niya ang bilog na alarm clock, patuloy ito sa pagtunog. Kumilos siya, at inilagay iyon sa ilalim ng unan. Bago muling ipinagpatuloy ang pagtulala sa kisame.
Nagdadalawang-isip na siyang pumasok sa trabaho. Lalo na't sa tuwing sumasagi sa isip ang nagpag-usapan nila ng hipag na si Jellie.
"Ate!" Malakas at may bahid na inis ang boses ni Spike sa pagkatok ng pinto ni Sylvia.
Isang masamang tingin ang ipinukol niya roon. Wala sana siyang balak sumagot, napilitan siya nang halos masira ang pinto ng kwarto niya dahil sa lakas ng kalampag doon ng bunsong kapatid.
"Bakit ba?!" asik niya.
"Hindi ka raw ba papasok, sabi ni Mama!" balik-sigaw nito.
Napairap si Slyvia, at muli na namang nag-isip tungkol sa trabahong naghihintay sa kaniya.
Papasok ba siya o hindi?
Itutuloy niya pa ba ang trabaho?
Trabahong paglingkuran ang boss niya na ubod, nuknukan ng yabang, at feeling gwapo?
Ipagpapalit niya ba talaga ang lovelife niya para lang sa katulad ni Troye Matthew Ledesma?
Is he worth it?
"Ano na?!" untag ni Spike.
Bumangon paupo si Sylvia, at padabog na hinawi ang bulaklalaking kumot. Matapang niyang itinitig ang mga mata sa isang pwesto.
Matanda na siya para gumawa ng tamang desisyon, at kailangan niya iyon ngayon!
"O, akala ko hindi ka na papasok dahil tanghali na," sambit ni Sonia sa anak na babae nang bumaba ito ng hagdan.
Isang ngiting pilit ang ibinagay niya sa ina. Wala talaga siyang ganang magsalita o sumagot.
Maraming laman ang isip, ganoon na rin ang puso niya.
"Naku, Sly, nauna na si Spike. Sabi niya maaga raw ang klase niya kaya hindi ka na hinintay ng batang 'yon," saad ni Jeliie habang karga-karga si Sophia, at pinapainitan sa labas ng kanilang bahay.
"Hindi bale mag-je-jeep na lang ako," walang gana niyang tugon habang matamlay na naglakad.
"Sige, ingat ka!"
"Nga pala!" dagdag ni Jellie na nakapagpahinto kay Sylvia, luminga siya rito.
"Iyong nagpag-usapan natin, ano na?"
Napakurap siya, at nakipagsukatan ng titigan sa asawa ng kapatid hanggang sa siya na ang unang umiwas. Napabuntong-hininga siya nang ilipad ang mga malulungkot na mata sa daan.
"Sige na, pumasok ka na."
Muli niyang binalikan ng tingin si Jellie. Ngumiti ito, tumango lang siya nang bahagya, at itinaas ang kamay para kumaway.
Habang nakatayo, at nakakapit sa siksikang bus ay malalim pa rin ang pag-iisip ni Sylvia. Saglit pa niyang sinulyapan ang relo na regalo pa ni Trevor sa kaniya noong nakaraang taon.
Nang huminto ang bus ay may mga sumakay pa dahilan para mas magkabanggaan pa ang mga pasahero, ganoon na rin siya. Umismid pa siya, at inayos ang pagkakalagay ng bag sa braso.
Nang hindi sinasadyang mapatingin sa labas ng bintana ay naaninag niya ang isang pamilyar na kotse.
"Oh, s**t," mahinang mura niya nang mapagtanto kung kanino ang magara, at takaw atensyong sasakyan na iyon.
Awtomatikong tumalikod si Sylvia para magkubli. Isang daang porsiyento siyang sigurado na si Troye ang nagmamaneho no'n.
"Bwisit," naiinis niyang usal.
Hindi pwedeng mauna ito sa kaniya. Tumingkayad siya para tanawin kung malapit na ba ang bus na sinasakyan niya sa Ledesma Company.
Napatingin kay Sylvia ang mga empleyadong kaswal na naglalakad papasok ng kumpanya. Kung ang mga ito ay parang naglalakad na para bang namamasyal lang sa park, siya ay hindi!
Bigay todo siya sa pagtakbo, hanggang sa hagdan. Hindi na rin siya nabati ng gwardiya dahil para siyang ipo-ipo sa bilis.
Huminto ang lahat sa loob, at walang mga reaksyong pinanood si Sylvia. Hinahabol nito ang matuling paghinga, halos hilahod na siyang nakakapit sa pinto.
"Si Sir, nandiyan na ba siya?" tanong niya sa pagitan ng paghinga.
Sabay-sabay na umiling ang mga kasamahan niya habang seryosong-seryoso pa rin ang mga anyo.
"Good," Lumalaki, at lumiliit ang butas ng ilong ni Sylvia habang tumatango.
Wala na siyang lakas habang naglalakad nang marahan patungo sa sariling lamesa. Napakapit siya nang mariin sa desk bago umupo sa silya.
Napapikit si Sylvia nang maramdaman ang pwet sa malambot na upuan. Napatingala pa siya dahil sa sarap ng pakiramdam na makaupo matapos ang isang mahabang takbuhan.
"Ano'ng mayroon, ale?" biro ni Gabe.
Hindi man niya nakikita ang mukha ng kaibigan ay siguradong sayang-saya ito sa hitsura niya. Rinig na rinig niya iyon sa boses nito.
"Tigilan mo ako, galing pa ako sa impyerno," pormal niyang awat, at minulat nang maliit ang mga mata.
Nakita niyang nakatayo sa tapat ng kaniyang lamesa ang mga ka-trabaho na si Gabe, at Lorie. Natatawa ang mga ito habang nakatunghay sa kaniya.
Itinaas ni Sylvia ang mga kamay, at nabangga no'n ang kung ano dahilan para tuluyang buksan ang mga mata. Laglag ang eyeball niya nang madatnan ang patong-patong, at kasing-taas ng bundok na folder.
"Ano 'tong mga letseng ito?" Nakamulagat na usisa niya, at tinapunan na ng tingin ang dalawa sa harap niya.
"Trabaho," sabay na sagot ng mga ito.
"Ano?"
Nalakad si Lorie, at nagtungo sa mesa niya. Hinawakan ang ilang folder, binuksan, at kunyaring binasa.
"Mukhang namiss ka ng mga folder na 'to," asar nito sa kaniya.
"Sylvia. Narinig mo gir, tinatawag ka niya?" sundot naman ni Gabe, hinilig ang tenga, at umaarteng nakikinig sa mga folder.
Ang mga matang nanlalaki ay muli niyang idinako roon. Napakadami ng trabaho iyon, kahit simulan niya ang mga folder na 'yon ay baka sa isang taon niya pa iyon matapos.
"Ba-bakit ganito karami?" takang-tanong ni Sylvia.
"Lahat yata ng trabaho sa ibang department, kinuha ni Sir Troye at ibinigay sa iyo," makahulugang wika ni Gabe.
Parang hindi niya narinig ang sinabi ng kaibigan kung paano niya ito lingunin. Nagkibit-balikat ito, at bumalik sa sariling lamesa.
"Linawin mo nga 'yang sinabi mo," naiirita niyang saad sa kaibigan.
"Iyan, itanong mo kay Lorie!" pagtuturo ni Gabe sa isa pang kaibigan.
Si Lorie naman ang tiningan ni Sylvia habang abang na abang sa sasabihin nito. Hindi naman alam ng kaibigan ang gagawin, at agad siyang tinalikuran.