Heaven's POV
Halos hindi ko malunok ang kinakain ko dahil sa sinabi ni Sky. Hindi ko alam na ganu'n na pala ang naipapakita ko sa kanya.
“Sorry,” saad ko habang nakayuko.
“Ayos lang, ayoko lang na maliitin mo ang sarili mo. Kaibigan kita kaya ayokong nakikita kang ganyan,” naka-ngiti ito ng tingnan ko kaya naman malapad na ngiti rin ang isinukli ko.
Habang kumakain kami ay ang gaan ng pakiramdam ko. Ewan ko ba, masaya lang siguro ako kasi hindi man ako kagaya ng iba na kayang bilhin ang lahat ng kailangan nila, meron naman akong kaibigan na kagaya ni Sky. Hindi lahat ng tao ay mayroong kaibigan na katulad niya kaya ang swerte ko parin.
“Grabe, ang sarap nun!” hinimas himas ko pa ang tiyan ko dahil naparami ang kain ko.
Natawa si Sky at pinitik ako sa noo, “Sabi ko naman sa 'yo masarap dito. Ikaw lang naman ang tanggi ng tanggi,”
“Masarap nga, mahal naman!” nakabusangot na saad ko sa kanya. Nu'ng nakita ko ang bill namin kanina ay parang gusto ko na lang himatayin. Kung hindi pa ako tinawanan ni Sky ay baka napasukan na ng langaw ang bibig ko sa laki ng pagkaka nga-nga ko kanina.
“Kung ako lang ang masusunod ay dito kita dadalhin palagi, ang kaso ay masyado kang kuripot sa sarili mo,” inismiran niya pa ako na ikinatawa ko.
Minsan talaga ay parang babae itong si Sky, lalo na kapag nagtataray.
Lumapit ako sa kanya at siya naman ang pinitik sa noo, “Kahit sa karinderya lang ay sapat na, lahat ng ulam ay sumasarap dahil ikaw ang kasabay kong kumain.” kinindatan ko pa siya.
Tumawa siya at inakbayan ako, “Alam ko naman 'yan,” pagyayabang nito, kaya kinurot ko siya sa tagiliran at sabay kaming tumawa.
Buong araw ay nagpaikot-ikot kami sa Mall. Naglaro kami ng mga games na nakita namin doon na hindi ko alam ang tawag. Ang cute nga dahil 'yung mga ticket na naipon ni Sky sa paglalaro ay nagkasya para sa couple na teddy bear na kulay puti. Sakto lang ang laki nun at ang design ay simple lang din. Parehong may bulsa ito sa gitnang bahagi ng katawan na may nakasulat na, “Together, forever.”
Iyon talaga ang pinili ni Sky dahil forever din daw kaming magkakasama. Ang corny niya pero hiniling ko na sana nga ay hanggang sa pagtanda ko ay kasama ko siya.
“Akin na muna silang dalawa,” bigla ay sabi ni Sky at kinuha sa akin ang isang teddy bear.
Kumunot ang noo ko, “Bakit?”
“May gagawin muna ako sa kanila, ibibigay ko sa 'yo sa susunod na punta ko sa inyo,” Wala na akong nagawa kundi ang tumango.
“Ready ka na ba sa pageant?” tanong nito. Nanlaki ang mata ko dahil Thursday na nga pala ngayon at bukas na ng hapon ang pageant.
“Ay, oo nga pala. Nawala sa isip ko!” nahihiyang saad ko. Kapag kasama ko talaga ang lalaking ito ay nagiging ulyanin ako.
Muli niya akong pinitik sa noo, “Ayan, ulyanin ka na talaga,”
Kinamot ko ang noo kong pinitik niya, “Wala naman akong dapat paghandaan pa roon, ang mga pageant sa barangay namin ay simple lang. Tanging ang question and answer portion lang ang mahirap,”
“Dadalhin ko ang gown ni Mommy, ha. Anong oras ba 'yun?”
“Alas singko ang simula, kung ipapasuot mo sa akin ang gown ng Mommy mo ay dapat agahan mo ng kaunti,”
“Okay, mag ti-text ako sa 'yo,”
Saktong alas sais ng gabi ay nakauwi na ako ng bahay. Nagulat ako ng makita ang tatay ko na lumabas galing sa kuwarto ko.
“Saan ka galing? Pahinging pera!” sigaw nito. Halatang nakainom ng alak.
“Isang daan lang po ang pera ko rito, Tay.” mahinang saad ko. Ipangbibili ko sana iyon ng meryenda ni Sky bukas kapag pumunta siya sa pageant.
“Akin na!” hinablot niya ako sa damit at pilit na isiniksik ang kamay sa bulsa ng suot kong pantalon.
Nang makuha ang isang daan ay tinulak ako nito at nagtuloy palabas ng bahay.
Huminga ako ng malalim at pilit na pinipigilan ang pag-iyak. Wala na naman akong maidadagdag sa ipon ko ngayong araw.
“Hoy, bakit wala pang kanin?” binatukan ako ni Kuya Erik mula sa likuran.
“Kakauwi ko lang, Kuya. Magsasaing pa lang ako,” mahinang saad ko at nagderetso sa kusina para magsaing.
“Bwisit naman, tatamad tamad ka na naman diyan kaya wala pang kanin. Ang dapat sa 'yo ay hindi pinapalamon!” sigaw nito at hinila ng kaunti ang buhok ko.
“M... Masakit po, Kuya.” naiiyak kong saad. Madiin ang pagkakahila niya kaya feeling ko ay may nalalagas na buhok sa akin.
Binitiwan nito ang buhok ko, “Masasaktan ka talaga kapag tatamad-tamad ka!” inismiran pa ako nito bago tuluyang lumabas ng kusina.
Nang matapos magsaing ay pumasok ako sa kuwarto ko at inayos ang sarili bago nahiga sa kama. Tiningnan ko pa ang buong katawan ko sa salamin kung may bagong sugat o pasa dahil makikita iyon bukas kapag nagsuot ako ng dress. Mabuti na lang ang naghilom na ang mga pasa't sugat ko kaya nakahinga ako ng maluwag.
***
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil papasok pa ako sa shop. Saktong alas siyete ay natapos na ako sa kailangan kong gawin sa bahay kaya ako na rin ang nagbukas ng shop at naglinis din.
“Ang aga mo, dapat ay nagpahinga ka pa ng kaunti para naman blooming kang tingnan mamaya,” saad ni Ate Betty ng makapasok sa loob ng shop.
“May tiwala po ako sa galing ng mag-aayos sa akin kaya hindi na po kailangan ng pahinga,” biro ko.
“Oo nga, balita ko magaling na make up artist ang mag aayos sa 'yo,” pagsakay nito sa biro ko kaya sabay kaming natawa.
“Ate, baka po pala hindi ko masuot ang gown ninyo mamaya,” saad ko ng maalala na magdadala ng gown si Sky, “Iyong kaibigan ko kasi ay magdadala raw ng gown at gusto niyang 'yun ang suotin ko.”
Sandali itong tumingin sa akin bago makahulugang ngumiti, “Lalaki ba 'yang kaibigan mo na 'yan?”
“Opo, ang gown ng Mommy niya ang dadalhin niya,” paliwanag ko.
Tinusok tusok niya ako sa tagiliran, “Ayie, ikaw ha, luma-love life ka!”
Bigla ay nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya, “Kaibigan ko lang po 'yun, Ate.”
“Naku, diyan naman nagsisimula ang lahat, sa kaibigan kaibigan na 'yan.” tukso nito. Ngiti lang ang isinagot ko sa pang aalaska nito.
Matapos mananghalian ay sinabihan ako ni Ate Betty na magpahinga muna kaya nakatulog ako sa kuwarto nito sa parlor. Ginising niya ako ng saktong alas tres upang maligo at mag-ayos. Matapos kong maligo ay saktong nag text si Sky na on the way na raw siya at kasama niya ang Mommy niya. Bigla ay nahiya ako, hindi ako sanay na may kasama sa contest at mas lalong nakakahiya dahil si Sky at ang Mommy niya pa.
“Heaven, may emergency sa bahay namin kaya baka hindi na ako makasama sa 'yo sa Court,” malungkot na sabi ni Ate Betty.
“Ganun po ba? Ayos lang po ate,” nakangiting tugon ko. “Darating naman po ang kaibigan ko at ang Mommy niya kaya may makakasama po ako,”
Tumango ito. “Halika, aayusan na kita para mag re-retouch ka na lang pagdating mo roon,”
Saktong alas kuwatro ay natapos ang pag make up sa akin ni Ate Betty, kinuhanan niya rin ako ng tricycle. Libre niya raw bilang pagbawi dahil hindi siya makakapanood.
“Galingan mo ha, pasensya ka na at hindi ako makakasama,” muling paghingi ng paumanhin nito.
“Ayos lang po, salamat po ate,” saad ko bago umandar ng tuluyan ang tricycle.
Pagkarating ko sa court ay nakita ko agad ang kotse nila Sky kaya kumatok ako roon.
“Wow, ang ganda mo naman, hija!” naka-ngiting bungad sa akin ni Tita Evelyn, ang Mommy ni Sky, pagkababa nito ng sasakyan.
Bumaba rin si Sky at tiningnan ang ayos ko. “Ganda naman ng best friend ko,” kinurot pa ako nito sa pisngi.
“Kanina pa po kayo? Pasensya na po at na-late ako,”
“Hindi naman, kakarating lang din namin. Pumasok ka na sa loob para makapag bihis ka na,” saad ni Tita Evelyn. Lumingon siya sa paligid na parang may hinahanap.
“Wala po akong kasama, Tita.” nahihiyang saad ko.
Napaawang ang bibig nito, “Ay, ganun ba.”
Pumasok si Sky sa sasakyan at may kinuhang paper bag bago lumapit sa akin at inakbayan ako.
“Halika na sa loob para makapag bihis ka na,” nakangiting saad nito.
“Sakto, dala ko ang make up ko. Ako na ang mag re-retouch sa 'yo,” excited na saad ni Tita Evelyn.
Sa likod ng court ay may mga tent na itinayo para sa mga contestants. Nakita ko ang pangalan ko sa isa sa mga tent kaya pumasok kami roon.
“Heto ang dress at gown mo,” inabot sa akin ni Sky ang paper bag at agad na lumabas ng tent para makapag bihis ako. Naiwan naman si Tita Evelyn para tulungan ako.
“Grabe, bagay na bagay sa 'yo. Lalo kang pumuti!” pumapalakpak na saad ni Tita Evelyn ng matapos akong magbihis.
Kulay puti ang dress na nasa loob ng paper bag at kulay pula rin ang gown. Pero hindi kagaya ng gown ni Ate Betty, ay mas magarbo ang pulang tube gown ni Tita Evelyn. May hiwa iyon sa gilid ng hita at korteng puso ang design sa dibdib.
Ang puting dress naman ay umaabot sa tuhod ko ang haba, may manipis itong strap at pa-ekis ang design niyon sa likod. Malambot ang dress na napapalibutan ng balahibo, na kapag inilakad ay sumasayaw sa alon ng katawan. Mayroon ding sandals sa loob ng paper bag, kulay silver at kulay itim. Parehong may manipis na strap sa unahan na hindi halos makikita.
Ang unang susuotin namin ay ang dress, at sa dulo ang gown para sa question and answer.
“Ano nga pala ang talent na gagawin mo, hija?” tanong ni Tita Evelyn habang inaayos ang buhok ko. Nakakulot ang buhok ko kaya may ini-spray siyang kung ano roon.
“Kakanta po ako, Tita.” nahihiyang tugon ko. Iyon lagi ang ginagawa ko sa mga contest na sinasalihan ko. Ang sabi kasi ng karamihan ay maganda raw ang boses ko kaya iyon na ang ginagawa ko tuwing talent portion.
“Wow, excited akong marinig ka.” nakangiting saad nito.
“Tita, salamat po sa pagpunta,” nahihiyang sabi ko habang nakatingin sa kanya sa salamin.
“Naku, ako nga ang dapat mag thank you dahil finally na-experience ko ang ganito. Hindi mahilig si Skyler sa mga pageant at wala naman akong anak na babae na pwedeng ayusan,”
Mahina akong natawa. “Parang wala po talaga sa personalidad ni Sky ang pageant,”
“Oo, sinabi mo pa. Napaka sungit ng anak kong iyon. Sa 'yo lang naman iyon ngumingiti.” natatawang saad nito.
“Magsisimula na tayo.” bigla ay saad ng baklang pumasok sa loob ng tent.
Binilisan ni Tita Evelyn ang pag-retouch sa make up ko at tiningnan muna ako mula ulo hanggang paa bago ako tuluyang pinalabas. Si Sky ay nakita kong nakaupo sa labas ng tent habang nag i-scroll sa cellphone nito.
“Sky, pwede ka nang umupo roon, ako nang bahala kay Heaven dito.” saad ni Tita Evelyn.
Tiningnan ako ni Sky at nginitian bago ako pinitik ng mahina sa noo, “Goodluck, kapag natalo ka ay ibig sabihin may pandarayang nangyari.”
Narinig ko ang mahinang tawa ni Tita Evelyn kaya nahiya ako ng kaunti.
“Ewan ko sa 'yo, Sky. Umupo ka na nga roon!” pagtataboy ko sa kanya.
Nagulat ako ng yakapin niya ako sandali bago umalis. Ni hindi ako makatingin kay Tita Evelyn dahil nakangiti ito sa akin at pakiramdam ko ay aasarin niya ako.
“Ibang klase talaga ang batang 'yun,” naiiling na saad nito. “Tara na, Heaven.”
Tumango ako at pumunta na sa waiting area. Si Tita Evelyn ay doon din umupo. Nang tawagin na ang candidates ay isa isa kaming rumampa sa stage. Pang pito ako sa sampung contestants.
“Heaven Desiree Belleza, 15 years old. At naniniwala ako na ang kagandahan ay hindi ninyo makikita kung saan-saan, hindi naman kasi ako mahilig gumala! Thank you,”
Nagpalakpakan ang mga tao pero ang paningin ko ay na kay Sky, nakita ko siyang tumawa kaya napangiti ako ng todo.
Pagkatapos ng pagpapakilala ay ang talent portion na, hindi na kami nagbihis dahil ang dress na suot namin ay iyon din ang gagamitin para sa talent portion maliban na lang sa mga contestants na kailangang magpalit.
Habang hinihintay ang part ko ay inaayusan ako ni Tita Evelyn, panay ang punas niya sa noo at leeg ko dahil wala kaming electric fan.
“Tita, pasensya na po kung mainit dito. Akala ko po ay maglalagay sila ng electric fan. Pawis na po kayo,” nahihiyang saad ko at kumuha rin ng panyo para punasan ang pawis niya.
“Ano ka ba, ayos lang ako. Ikaw ang importante, baka mabura ang make up mo. Sandali, may kukunin lang ako sa sasakyan.” nagmamadali itong umalis at hindi na ako nakasagot.
Nang makabalik ay may dala itong maliit na electric fan na kulay pink. Iyon 'yung electric fan na may sipit. Binuksan niya iyon at itinutok sa akin. Gusto kong maiyak dahil sa effort ni Tita Evelyn, para siyang nanay ko kung umasta kaya hindi ko mapigilang maging emotional.
“Oh, bakit? May masakit ba sa 'yo?” nag aalalang tanong nito ng makita ang tumulo kong luha. Agad niya iyong pinunasan ng panyo.
“Wala po. First time ko pong ma-experience na parang may kasamang nanay. Hindi po kasi mahilig sa mga ganito ang nanay ko kaya sobrang naaappreciate ko po kayo. Salamat po sainyo ni Sky,” Nagulat ako ng yakapin ako ni Tita Evelyn, pakiramdam ko tuloy ay lalo akong maiiyak.
“We love you, Heaven. Puwede mo rin akong tawaging Mommy,” saad nito na lalong nagpaluha sa akin.
Niyakap ko rin siya at lihim na nagpasalamat sa Panginoon dahil binigyan niya ako ng taong kagaya nila.