Heaven's POV
Matapos ang araw na 'yun ay hindi ko na muna pinapunta si Sky dito sa amin dahil namaga ng tuluyan ang mga hita ko at puro iyon pasa. Ganu'n din ang pisngi ko kaya naman hindi ko siya sinasagot sa tuwing makikipag video call siya sa akin. Abogado ang Daddy ni Sky kaya natatakot ako na baka may gawin siyang hindi ko magustuhan.
From: Best friend
2 weeks na tayong hindi nagkikita. Ayos ka lang ba?
Basa ko sa text ni Sky. Sinadya kong hindi ito agad replyan para magmukhang marami akong ginagawa. Dalawang linggo na ganon ang ginagawa ko. Kung hindi busy ay sasabihin kong nakatulog ako ng maaga.
Matapos ang 30 minuto ay nagtipa na ako ng ire-reply.
To: Best friend
Siyempre naman. Sobrang busy lang sa parlor kaya hindi kita narereplyan agad. Wala ka na bang klase?
Hindi totoong busy sa parlor dahil dalawang linggo na rin akong hindi nakakapasok doon dahil hindi ako nakalakad ng maayos, pero baka bukas ay pumasok na ako ulit dahil maayos ko na itong nailalakad at nawala na rin ng bahagya ang mga pasa ko.
Ang bilis ng panahon. Summer na ngayon at malapit na rin ang birthday ko at ni Sky. Nang malaman namin ni Sky na magkasunod lang ang kaarawan namin ay sabi niya tinadhana raw kami na ikinatawa ko. Sakto sa araw ng pamamasyal ng pamilya nila Sky ang birthday namin na sabay naming dadausin kaya ngayon pa lang ay naeexcite na ako. Ang problema ko lang ay hanggang ngayon hindi ko pa naipagpaalam kay Nanay ang outing na iyon at sa tingin ko ay hindi ko na dapat pang gawin.
From: Best friend
Huling araw na namin bukas. Busy ka pa rin ba? Sasama ka sa amin sa susunod na linggo ha.
Nanatili akong nakatitig sa message na iyon ni Sky. Hindi ko alam kung paano sasabihin na hindi ako makakasama. Nahihiya ako dahil pinamilihan na rin ako ni Tita Evelyn ng mga damit na gagamitin ko, pinakita iyon sa akin ni Sky kahapon. Sa picture pa lang ay halatang mamahalin ang mga iyon at nakakalungkot kung hindi ko 'yun maisusuot.
Tatlong araw ang outing na 'yun kaya sigurado na akong hindi talaga ako papayagan, iyon ngang gabihin lang ay bugbog sarado na ang inabot ko. Kung hindi ako uuwi ng tatlong araw ay baka mapatay na ako ni Tatay.
Hindi pa ako nakaka pag reply ay may panibagong message na naman na sinend si Sky.
From: Best friend
Nakapagpaalam ka na ba?
Ilang beses akong nagpakurap kurap habang nakatingin sa mensaheng iyon.
Sasama ba 'ko?
Pero paniguradong wala na akong uuwian kung tatakas ako ng tatlong araw.
Tiningnan ko ang lumang wallet na nasa papag. Nakakatuwa dahil 12 thousand na ang laman niyon. Hindi nalaman ni Nanay at Tatay ang patungkol sa pagkapanalo ko sa pageant kung kaya hindi nila nagawang humingi sa akin. Hindi rin ako hinayaang magbayad ni Tita Evelyn noong kumain kami sa mamahaling resto kaya hindi iyon nabawasan.
To: Best friend
Oo, sasama ako.
Pikit mata ko iyong sinend.
Bahala na.
Gusto ko lang talagang makasama si Sky sa birthday ko, at kung ano man ang maging resulta ng desisyon kong 'yun ay handa akong harapin.
***
April 2, 2019
"Siguro ay binugbog ka ng walang hiya mong Tatay kaya hindi ka pumasok dito ng dalawang linggo ano?" mataray na tanong ni Ate Betty.
"Ginabi kasi ako ng uwi, Ate. Hindi ko kasi namalayan ang oras kaya normal lang na paluin niya ako," paliwanag ko.
Umismid ito. "Anong normal? Hindi normal ang pamilya mo, Ven. Kung ako lang ang masusunod ay aampunin talaga kita, hindi ka bagay sa pamilyang 'yun," inis na saad nito.
"Ayos lang ako, Te." nakangiting sagot ko. "Salamat dahil hindi mo ako pinalitan kahit dalawang linggo akong wala," dagdag ko.
"Siyempre naman. Ikaw na ata ang pinaka masipag na bata sa lugar na ito, noh."
Pumasok ako ngayon sa parlor dahil maayos na ang binti ko at wala na rin ang pasa sa magkabilang pisngi ko. Nababagot ako sa bahay kaya masaya akong makalabas ulit. Saka wala ring nadagdag sa ipon ko ng dalawang linggo kaya malaki ang panghihinayang ko.
Buong araw ay walang tigil akong naglinis ng parlor. Nang oras na ng uwi ko ay naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko sa loob ng suot kong pantalon.
Skyler is calling...
Umupo ako sa sofa bago ito sinagot.
"Hi," masayang bati ko. Ngayon ko na lang nakita ang mukha ni Sky kaya masaya ako, namiss ko ang mukha niya.
"Finally, sinagot mo rin," nakakunot ang noo nito.
Tumawa ako at nag peace sign, "Sorry na,"
Inismiran niya ako na ikinatawa ko ng malakas. Nauna nang umalis si Ate Betty kaya hindi ako nahihiyang makipag usap kay Sky. Lagi kasi akong inaasar ni Ate Betty sa kanya kaya hindi ko ito sinasagot kapag nandiyan siya.
"Hindi mo na kailangang magdala ng kahit na ano bukas, kumpleto na ang gamit mo rito," paalala nito.
"Okay, anong oras ba ninyo ako dadaanan?" hindi ko pinahalata ang pagbabago ng pakiramdam ko nang ang outing bukas ang pag-usapan.
"Alas singko ay nandiyan na kami,"
Tumango ako sa kanya at pilit na ngumiti, "Okay,"
"Nasa parlor ka pa?"
"Oo, pero pauwi na rin ako," tiningnan ko ang orasan at alas singko na ng hapon.
Nalapag ni Sky ang cellphone niya sa lamesa at nakita ko ang makapal na papel na nasa harap nito.
"May ginagawa ka pa? Akala ko ba ay bakasyon na ninyo?" takang tanong ko.
"Hindi ito para sa school," nag iwas ito ng tingin sa akin, ramdam ko ang pag-iiba ng tono ng boses nito. "Inutos lang 'to ni Dad,"
Tumango ako at hindi na muling inusisa ang papeles dahil mukhang hindi ito kumportableng pag usapan iyon. Sa tingin ko ay kilala ko na nga si Sky, dahil sa puntong ito, alam kong may tinatago siya sa akin.
***
Skyler's POV
Nang mag end ang call ay tinitigan ko ang mga papeles na nakapatong sa mesa ko. Noong isang araw pa iyon binigay ni Dad pero hanggang ngayon ay wala akong lakas ng loob na pirmahan iyon.
"Anak, hinihingi na ng Daddy mo ang papers. Napirmahan mo na ba lahat?" bigla ay saad ni Mommy. Hindi ko namalayan ang pagpasok niya sa kuwarto ko.
"Do we really need to do this, Mom?" tiningnan ko siya gamit ang malungkot kong mata.
Huminga siya malalim at hinaplos ang pisngi ko, "I'm sorry, Anak. Pero ito ang makakabuti para sa Daddy mo, alam mo naman 'yun diba?"
"But mom—"
"No buts, Sky. Alam kong si Heaven ang iniisip mo pero paniguradong maiintindihan ka niya," mariing saad nito, "Pirmahan mo na 'yan at ibigay mo na sa Daddy mo. Good night." hinalikan niya ako sa noo bago tuluyang lumabas ng kuwarto ko.
Tinitigan ko ang teddy bear na si Heaven.
Ven, I'm sorry.
Kinuha ko ang ballpen ko at isa isang pinirmahan ang mga papeles, saka ito ipanasok sa isang envelope.
Sana nga ay maintindihan mo 'ko.
Hindi ko 'to gusto pero wala akong choice.