Kabanata 9

1394 Words
Heaven's POV Dinala nila ako sa isang magarbong restaurant na may kalayuan sa amin, halos 20 minutes din ang naging biyahe namin bago nakarating sa restaurant kung saan nag pareserve si Tita Evelyn. Sa labas palang ay sumisigaw na ang kamahalan ng restaurant. Dim ang light ng kabuuang lugar at halos puro kulay ginto ang matatanaw mo sa loob. Saktong alas siyete ng gabi kami nakarating doon at alam kong gagabihin ako ng todo dahil ba-byahe pa kami pauwi. Pilit kong inaalis sa isip ko ang kahahantungan ko mamaya 'pag uwi ko ng bahay. Tiningnan ko si Tita Evelyn at Sky na abala sa pakikipag usap sa waiter, nanatili lang akong nakasunod sa kanila ng umakyat kami sa second floor ng restaurant at pumasok sa isang kuwarto. Napaawang ang bibig ko ng makita ang magandang view sa puwestong iyon, mayroon iyong sliding door kung saan tanaw ang magandang tanawin ng syudad. Kitang kita ang mga ilaw na nagliliwanag sa labas. May isang pabilog na lamesa roon na may tatlong plato, ilang uri ng kutsilyo, kutsara at tindor at ang wine glass sa gilid niyon. Ang ilaw sa kuwartong iyon ay isang malaking chandelier na kulay ginto. Nahihiyang umupo ako sa isa sa mga upuan, at halos lumubog ang puwet ko dahil sa lambot ng upuang iyon. "Ahm, Tita, parang sobrang mahal po ata rito," mahinang saad ko ng makaalis ang waiter na naghatid sa amin. Pakiramdam ko ay higit pa sa premyong napanalunan ko ang magiging bill namin. Tinaasan ako ng kilay ni Skyler pero hindi ko siya pinansin. "Ano ka ba, hija. Celebration mo ito kaya 'wag mo nang isipin ang gastos," nakangiting sagot ni Tita Evelyn. Magsasalita pa sana ako ng muling bumukas ang pinto at pumasok ang dalawang waiter na may hilang cart na naglalaman ng pagkain. Nang tingnan ko ang mga pagkaing inilapag ay agad na kumulo ang tiyan ko. Hindi ko alam ang tawag sa uri ng karne na nakahain sa mesa pero sa itsura nito ay parang sobrang lambot niyon. Mayroon din silang dalang maliit na chocolate cake at tatlong klase ng pansit na iba iba ang kulay at itsura. Napalunok ako lalo ng maglapag ang waiter ng lechon na maayos na nakahiwa at nakahelera sa isang malaking pinggan sa lamesa at isa pang uri ng ulam na sa tingin ko ay baka. Hindi ako pamilyar sa mga putaheng nasa harapan ko pero ramdam ko ang pagwawala ng tiyan ko dahil sa itsura ng mga iyon. "Masarap iyang steak nila rito, paniguradong magugustuhan mo," nakangiting saad ni Tita Evelyn sa akin at itinuro ang malaking karne na nakahain sa bawat isa sa amin. Napakamot ako ng ulo dahil wala akong nakikitang kanin sa lamesa. "Mom, don't tell me nakalimutan niyong umorder ng rice?" tiningnan ako ni Sky na parang nabasa ang iniisip ko. Nanlaki ang mata ni Tita Evelyn at agad na lumingon sa akin, "Oh no, mahilig ka nga pala sa kanin." Agad nitong pinindot ang maliit na button sa gilid ng lamesa at maya maya lang ay dumating ang isang waiter. Umorder si Tita Evelyn ng tatlong rice at nahihiyang ngumiti sa akin, "Pasensya na, Ven," Agad akong umiling rito, "Naku, ayos lang po Tita. Ako nga po ang dapat mahiya," Nang dumating ang kanin ay nagsimula na silang kumain. Pinanood kong kumain si Tita Evelyn at namamangha ako sa dahan dahan nitong paghiwa ng tinawag niyang steak kanina. Tinaasan ako ng kilay ni Sky at alam kong naiirita na siya sa kilos ko kaya pilit akong ngumiti sa kanya. Gutom man ay pinili kong kumain ng dahan dahan. Ilang beses ko nang nakasamang kumain si Tita Evelyn sa mga restaurant sa Mall pero naiilang parin akong kumain ng normal sa harap nito. Hindi kagaya ng kapag si Sky lang ang kaharap kong kumain na sobrang kumportable ako. Maya maya ay lumabas sandali si Tita Evelyn para mag CR. "Hindi ba nag-usap na tayo patungkol sa ganitong bagay, Ven?" seryosong saad ni Skyler habang nakatingin sa akin. "Oo, nahihiya lang ako sa Mommy mo. At saka naeenjoy ko ang pagkain, maniwala ka." nakangiting saad ko. Mariin niya akong tinitigan bago umiling at pinagpatuloy ang pagkain. Nang makabalik si Tita Evelyn ay masaya kaming nag-kwentuhan habang kumakain. At habang tumatagal ay nagiging kumportable na akong kaharap si Tita Evelyn kaya napaparami na ang kain ko na halos ikaputok ng tiyan ko. Nang matapos kami sa pagkain ay saglit kaming nagpahinga bago tuluyang lumabas. Halos hindi ako makalakad ng maayos dahil sa kabusagan na ikinatawa ni Sky. Hinatid nila ako sa kanto ng bahay namin, ang sabi ko nga ay sa prisinto na lang pero dahil gabi na ay nagpumilit si Sky na sa mas malapit ako ibaba. "Thank you po talaga sa pagsama at sa pagkain, Tita." saad ko ng makarating kami sa kanto ng iskinita namin. "Naku, wala 'yun. Nag enjoy ako ngayon!" niyakap ako nito bilang pamamaalam. "Text mo ko kapag nakauwi ka na," saad ni Sky. Tumango ako at ngumiti, "Salamat, Sky. Ingat kayo pauwi." Inantay ko munang mawala sa paningin ko ang sasakyan nila bago ako nagsimulang maglakad. Habang papalapit sa bahay ay lumalakas ang kabog ng dibdib ko at lihim na nananalangin na sana ay tulog na sila Tatay. Huminga muna ako ng malalim bago tuluyang binuksan ang pinto. At nagulat ako ng bigla ay may humablot ng buhok ko. "Hayop kang bata ka. Sinong nagsabi sa'yong puwede kang magpagabi, ha!" sigaw ni Tatay habang marahas na hinihila ang buhok ko na pilit kong inaagaw. Amoy na amoy ko ang alak sa kanya kaya lalo akong kinabahan. "Pasensya na po, Tay. Hindi na po mauulit," naiiyak na saad ko. Nararamdaman ko na ang hapdi ng anit ko dahil sa lakas ng pagkakahila niya sa buhok ko. "Hindi ka na talaga makakaulit dahil lulumpuhin na kita!" binitiwan nito ang buhok ko at agad na kinuha ang kahoy na nasa gilid. Mariin akong napapikit ng ihampas niya iyon sa hita ko na nagdulot ng pagkawala ko ng balanse. "Hindi kita titigilan hangga't hindi ka nagtatanda!" ilang ulit pa ako nitong hinampas ng kahoy sa magkabilang hita at wala akong nagawa kundi ang piliting umilag kahit ramdam ko na ang pamamanhid ng mga binti ko. "Tama na po, Tay," pagmamakaawa ko. Itinigil niya ang paghampas sa akin at malakas akong sinampal. "Kailan ka pa natutong gumala, ha? Ang kapal ng mukha mong malandi ka!" muli ako nitong sinampal sa kabilang bahagi ng pisngi ko at pilit akong itinayo gamit ang aking buhok. "Sa susunod na ulitin mo pa 'to ay sa sementeryo na ang deretso mo. Naiintindihan mo ba?!" "Opo," humihikbing sagot ko. Sinikmuraan pa ako nito bago ako itinulak sa sahig at pagewang gewang na pumasok sa kuwarto nito. Pilit akong tumayo pero dahil sa namamaga kong hita ay patuloy akong bumabagsak kaya wala akong nagawa kundi ang gumapang papasok sa kuwarto ko habang umiiyak. "Hoy, 'wag ka ngang maingay diyan!" rinig kong sigaw ni Kuya Erik kaya tinakpan ko ang bibig ko gamit ang palad ko at tahimik na humikbi hanggang sa makapasok ako sa kuwarto ko. Dahan dahan akong gumapang paakyat sa papag at humiga. Walang tigil sa pagdaloy ang luha ko pero dahil sa nararamdaman kong hapdi sa pisngi ko ay pilit kong pinapatahan ang sarili. Ilang minuto pa akong humikbi bago tuluyang tumahan. Ramdam ko ang pamamaga ng dalawang hita ko maging ang aking pisngi. Masakit rin ang ulo ko dahil sa lakas ng pagkakasabunot ni Tatay sa akin kanina, maging ang tiyan ko. Balak ko na sanang matulog pero naalala kong kailangan ko pa lang mag text kay Sky kaya muli kong idinilat ang mata ko at kinuha ang cellphone sa bulsa ng pantalon ko. Laking pasasalamat ko at hindi iyon nahulog kanina, malaking tulong ang pagiging fitted ng suot kong pantalon. Nang buksan ko ang cellphone ko ay mayroon nang mensahe si Sky doon. From: Best friend Nakauwi ka na? Congratulations ulit, Ven. Sobrang nag enjoy akong kasama ka ngayon. Good night. Masakit man ang magkabilang pisngi ay hindi ko napigilang mapangiti. Wala akong nararamdaman ni katiting na pagsisisi sa araw na 'to. Isa ito sa pinaka masayang araw ng buhay ko at hindi 'yun masisira ni Tatay. Nagreply ako ng "Goodnight" kay Sky at isiniksik sa ilalim ng unan ang cellphone bago muling ipinikit ang mga mata na may maliit na ngiti sa aking labi. Masaya ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD