Heaven's POV
Matapos ang iyakang naganap sa amin ni Sky ay nagbihis na ako ng gown na dala ni Sky, fit iyon sa akin na para bang sinadya. Pinusod ni Tita Evelyn ang buhok ko at ginawa iyong bun. Tinawanan niya pa ako dahil namamaga ng kaunti ang mata ko kaya kailangan niyang i-retouch.
"Hindi ko alam na iyakin ka pala, Ven." natatawang saad ni Tita Evelyn habang inaayos ang make up ko.
Nahihiyang ngumiti ako sa kanya, "Opo, medyo ganu'n nga. Mahina po ako sa pagtatago ng emotion ko, Tita." pag-amin ko.
"Wala namang problema doon, ganiyan talaga kapag nasa ganiyang edad, " nakangiting saad niya.
Matapos niya akong ayusan ay rumampa pa muli kaming sampung candidates bago isa isang umakyat para sa question and answer portion. Noon ay hindi ako kinakabahan kapag sumasali sa mga contest dahil wala naman akong kasama, pero ngayon ay nandito na sila Sky at Tita Evelyn kaya ibang level ang kagustuhan kong manalo. Ayokong ma-disappoint sila sa akin, ayokong masayang ang effort nila na samahan at tulungan ako ngayong araw.
Nang tawagin ang numero ko ay agad akong lumakad sa unahan. Nakangiti ako pero kinakabahan ako ng todo.
"Hi, candidate number seven. Are you ready?" nakangiting tanong ng emcee.
"Opo."
"So your question is... If you had to live your life all over again, what part of your life would you change?"
Huminga ako ng malalim at tumingin kay Sky bago sumagot...
"Nakakatawa mang pakinggan, pero wala po. Mahirap kami ng pamilya ko ngayon at hindi ako nakakapag-aral pero wala akong balak na baguhin ang bagay na 'yun. Oo, naiinggit ako sa iba na maganda at maayos ang buhay, pero hindi ibig sabihin nun na gusto kong baguhin ang parteng 'yun ng buhay ko," inilibot ko ang paningin ko sa mga taong nandoon na nakikinig sa akin pero muling tumigil ang paningin ko kay Sky na may hawak na camera na nakatutok sa akin at ngumiti, "Wala po akong babaguhin, dahil kapag binago ko ang isang parte ng buhay ko, automatic na magbabago ang dahilan na humulma sa pagkatao ko. Eto ako ngayon dahil sa mga bagay na pinagdaanan ko. Ganito ako ngayon katapang dahil sa mga nararanasan ko. Itong mga pangit na parte ng buhay ko ang nagsisilbing training ng pagkatao ko patungo sa mas better na ako kaya wala po akong balak na baguhin 'yun. Salamat po."
Nakahinga ako ng maluwag ng magpalakpakan ang mga tao. Tiningnan ko si Sky at nakitang nag thumbs up siya sa akin kaya napangiti ako.
Matapos makasagot ng lahat ng contestants ay nagkaroon ng sampung minutong break para sa mga mag i-special number. Nang bumaba ako ng stage ay nakangiti na sinalubong ako ni Tita Evelyn.
"Ang ganda ng sagot mo, Ven! Congratulations na agad," pagbibiro nito.
"Maganda po ang sagot ng lahat kaya sana po ay manalo ako kahit runner up lang," kinakabahang saad ko. Totoo na magaganda ang sagot ng lahat kaya lalo akong kinabahan. Karamihan pa sa kanila ay english ang pagkakasagot kaya pinilit kong hindi manliit. Inalala ko ang sinabi ni Sky sa akin, ang nag iisa niyang rule. Kaya naman muli akong nagkaroon ng kunpiyansa sa sarili.
Matapos ang performance ay pinakaakyat na muli kami sa stage. Unang tinawag ang 2nd runner up at ang 1st runner up. Pinanghinaan ako ng loob ng hindi ako napili sa dalawang iyon. Walo pa kaming nakatayo kaya pakiramdam ko ay hindi ako ang mananalo. Tiningnan ko si Sky at binigyan siya ng ngiting alanganin. Pakiramdam ko ay nasayang ko ang oras nila ni Tita Evelyn kaya lalo akong nahiya.
"So, heto na ang pinaka iintay ng lahat. Hindi ko na patatagalin pa, ang nanalo at ang mag uuwi ng korona kasama nang sampung libong premyo ay walang iba kundi si..." tumingin sa amin ang emcee at ngumiti, "Candidate number seven, Miss Heaven Desiree Belleza. Congratulations!"
Napaawang ang bibig ko ng marinig ang pangalan ko. Parang tumigil ang pagtibok ng puso ko at sandali akong nabingi. Nakatulala lang ako sa emcee at hindi ko naiintindihan ang sinasabi niya.
Ako?
Totoo ba ang narinig ko?
Ako talaga?
"Congratulations," Natauhan ako ng sabihin iyon ng babaeng nagpatong ng korona sa akin.
Naririnig ko ang malakas palakpakan ng mga taong nanonood pero ang paningin ko ay nakatuon kay Sky. Pumapalakpak siya habang nakangiti ng malapad sa akin. Hindi ko namalayan na tumulo ang luha ko dahil sa tanawing iyon.
Masaya siya.
Napasaya ko siya.
Naging proud sa akin ang best friend ko.
Nanalo ako.
Nang tuluyang mag sink in sa akin ang pagkapanalo ko ay sinabihan nila akong rumampa ng isang beses. Ginawa ko iyon habang tumutulo ang luha ko. Ilang beses na akong nanalo. Ilang korona na ang naiuwi ko pero kakaiba ang isang 'to.
Dahil may taong sumusuporta sa akin.
May nag iisang taong nakahalo sa mga taong nanonood na nagtitiwala sa akin.
Dahil kasama ko ang best friend ko.
Kasama ko si Sky.
Pagbaba ko ng stage ay sinalubong ako ng yakap ni Sky. Kasama niya si Tita Evelyn na todo ang ngiti sa akin.
"I'm so proud of you, Ven! Walang dayaan na naganap dahil na sa 'yo ang korona," mahina itong tumawa, maging si Tita Evelyn na nasa tabi nito ay natawa rin.
Tinulak ko siya ng mahina bago pinitik ang kaniyang noo. "Thank you sa pagsuporta, Sky!"
"Sabi ko naman sa 'yo, ikaw ang mananalo, e." saad ni Tita Evelyn. Lumapit ito sa akin at binigyan din ako ng isang mahigpit na yakap.
"Thank you po, Tita. The best po kayo!"
"Bakit si Mommy ang the best? Ako ang best friend mo!" nagtatampo kunyaring saad ni Sky.
Pareho kaming natawa ni Tita Evelyn sa kaniya. "Siyempre, ikaw ang pinaka the best na best friend sa buong mundo!"
Sabay sabay kaming tumawa at bumalik sa tent na nakareserba para sa akin para kunin ang gamit namin.
"May maidadagdag ka na sa ipon mo!" masayang saad ni Sky habang tinutulungan akong iligpit ang gamit ni Tita Evelyn na ginamit ko.
"Dahil nanalo ako, ako ang manlilibre sa inyo," excited kong saad.
Kumunot ang noo niya at pinitik ako sa noo, "Huwag mo nang bawasan 'yan. Itabi mo 'yan para sa pag-aaral mo. Saka nagreserve na si Mommy doon sa kakainan natin kahapon pa,"
Nanlaki ang mata ko sa narinig, "Ibig sabihin kahit matalo ako ay kakain parin tayo sa labas?" nahihiyang tanong ko.
"Oo naman. Bakit, ang nananalo lang ba ang dapat na mag celebrate? Lahat ng sumubok at nagbigay ng best nila ay dapat na nag ce-celebrate!" naka kunot ang noong saad nito.
Nakahinga ako ng maluwag dahil nanalo ako. Kahit na iyon ang sinabi ni Sky ay nakakahiya parin kung hindi ako nanalo. 'Yung effort pa lang na binigay nila para suportahan ako ay sobra sobra na.
"Thank you sa inyo, Sky." muling pagpapasalamat ko.
Huminto siya sa ginagawa niya at nginitian ako, "Pamilya na rin ang turing namin sa 'yo, Ven. Kaya dapat ay ganu'n ka rin sa amin. Pipitikin ko talaga ng malakas ang noo mo kapag inisip mong iba ka sa amin,"
"Oo na, hindi na." nakangiting sagot ko.
"Okay na ba ang lahat? Tara na at mag celebrate!" excited na saad ni Tita Evelyn na ikinatawa namin ni Sky.
Masaya kaming naglakad palabas ng court. Hindi ko mapigilang tingnan silang dalawa habang masaya silang naglalakad.
Ang sarap sa pakiramdam na may mga taong kagaya nila. Buong buhay ko ay ngayon ko lang naranasan ang ganito. Sobrang gaan ng pakiramdam ko ngayon at masaya ang puso ko. Habang buhay akong magpapasalamat sa Panginoon dahil hinayaan niyang makilala ko sila.
Naalala ko 'yung sagot ko kanina, totoong wala akong balak baguhin ang naging takbo ng buhay ko. Kasi kung babaguhin ko iyon, wala akong Skyler ngayon.
Walang Sky na magpaparamdam sa akin ng ganitong pakiramdam.
Masaya ako. Sobra.
Parang lalabas na sa dibdib ko ang puso ko dahil sa sobrang saya.
At sana... sana palagi na lang ganito.
Sana hindi dumating 'yung araw na matigil kung ano mang meron kami ngayon ni Sky.
Itong friendship na 'to, ang pinaka ayokong mawala. Iingatan ko ang pagkakaibigan namin hanggang sa abot ng makakaya ko.
Hanggang sa gusto pa ni Sky na manatiling kaibigan ko.