Part 4

1912 Words
HINDI maitago ng makeup ang mugtong mga mata ni Jasmine kung kaya nagdesisyon na lang siyang hindi papasok. Katatapos lang niyang mag-share ng nakaraan nila ni Oliver kay Ruth at kapag nagtanong ito ngayon base sa hitsura niya ay hindi pa siya handa. Nag-general cleaning siya ng unit buong umaga. Nanananghalian siya nang tumunog ang phone. “Jasmine…?” Parang nagdududa ang boses ng nasa kabilang linya pero hindi maitago ang excitement na nahihimigan sa pagtawag. “Speaking…” pormal niyang sagot. Bukod sa parents niya ay si Ruth lang ang nakakaalam ng number niya. “Oh, you can’t be that stiff,” kunwari ay nadidismayang sabi ng tumawag. Halata ang kasiyahan nang matiyak na siya ang kausap. “I’m sorry but if you can’t tell your name—” Napipikon siya sa ganoong klase ng conversation. “Wait, wait…” putol ng boses. “This is Caroline.” Natahimik si Jasmine. Kung tumawag si Caroline noong hindi pa niya alam ang tungkol sa gagawin nitong pagpapakasal kay Oliver, malamang ay nagsisigaw din siya sa tuwa. Ngayon, hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. “Jasmine? This is Caroline,” ulit nito. “Oh, hi! How did you know my number?” “`Binigay ni Oliver iyong number mo sa office. A woman named Ruth told me you didn’t report for work. Nagpakilala ako, and now we’re talking to each other.” Narinig niya ang pamilyar na hagikgik nito. “Nasaan ka ngayon?” Pinapasaya niya ang boses. Kaibigan niya si Caroline at ayaw niyang idamay ito sa sama ng loob kay Oliver. Si Oliver ang hindi nakatupad sa pangako at kung anumang consequence ang nagtulak sa dalawa para magpakasal ay hindi niya alam. “Ite-text ko si Oliver. I’ll tell him to fetch you after five. Dito ka na mag-dinner para malaman mo ito. Ako ang magluluto, okay?” Hindi niya matanggihan si Caroline kahit pa ang kahulugan niyon ay magkikita na naman sila ni Oliver.   WALA silang kibuan ni Oliver nang papunta na sila sa bahay nina Caroline. Hindi na siya nagtanong kung saan ang lugar. Hinayaan ni Jasmine na ang lalaki ang magmaneho at ipinako ang paningin sa dinaraanan. Kumanan sa White Plains ang sasakyan. “Caroline knows that you already know about the wedding,” basag ni Oliver sa pressured silence sa pagitan nila. Na-take note niya ang salita ng lalaki, the wedding. Hindi ba dapat lang na our wedding? Hindi maubos-maisip kung paniniwalaan ang nakikita niya sa mukha nito na parang napipilitan lang. “She was asking me kung pumayag ka nang maging isa sa mga abay—” “How dare you?” asik niya rito. “Gusto mo pa akong maging saksi sa kasal mo?” Hindi niya tahasang masabi kay Oliver na kamatayan sa kanya ang makita itong ikinakasal sa iba. “Tell your answer to her. Siya ang may gusto na maging abay ka—” “Ayoko!” “Just-mine, will you please stop interrupting what I’m saying? Now listen, if you don’t want to be a part of the wedding, ako rin. In fact, if not only for Caroline’s request, we’ll never see each other again until last night.” May bahagyang hingal ito nang huminto sa pagsasalita. Pakiramdam ni Jasmine ay dala nito ang bigat ng mundo. “Tell your refusal to her. Kung ako ang tatanungin,  talagang ayaw ko. Malaki na ang ipinagsisisi ko mula nang madulas ako sa kanyang sabihin na nagkita tayo. Nakalimutan kong iyon ang magtutulak sa kanya na magkita kayo at kasama na rin ako roon.” Gusto niyang masaktan sa sinasabi ni Oliver. Nawala na ang lambing nito. At maaaring nalipat na lahat kay Caroline ultimo katiting na pagtingin ng lalaki na dati ay sa kanya nakaukol. “Oliver, bakit nangyari sa atin `to?” nanghihinayang niyang tanong. “Huwag mo nang balikan ang tungkol sa atin. Ang isipin mo ngayon ay kung paano mo sasabihin kay Caroline ang pagtanggi mo nang hindi siya masasaktan. And please be nice to her. Ayoko siyang masaktan, sa pisikal man o sa emosyonal na paraan.” Parang patalim na tumarak sa puso ni Jasmine ang mga binibitiwang salita ni Oliver. Gusto na niyang maniwala ngayong wala nang natitirang pag-ibig ang lalaki para sa kanya. Ang buong akala pa naman niya ay durugtungan pa nila ni Oliver ang naputol nilang nakaraan. Pero marami ang namamatay sa maling akala. At isa na siya ngayon, ang gusto na lang niya ay maglaho na sa mundo. Muling namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan. Walang gate ang bakuran na pinasok nila. Nang ihinto ni Oliver ang sasakyan sa tapat mismo ng main door ay hindi na niya hinintay itong ipagbukas pa siya ng pinto. Kusa na siyang bumaba. Naramdaman niya ang pag-alalay nito sa kanyang siko papasok sa mansiyon. Pansamantala ay nakalimutan ni Jasmine ang sariling nararamdaman. She was fascinated by every little thing that her eyes caught. From the imported chandelier that hang in the middle of the living room down to the Persian rugs na artistic na nakakalat sa marble floor. Dalawang palapag ang bahay at sa kinatatayuan ni Jasmine ay tanaw niya ang hagdanang nalalatagan ng red carpet. Eye-catching ang design ng balustre na mahogany brown. “It pleases me seeing you getting delighted with this house.” Nakangiti si Oliver. Wala na ang dilim sa mukha nitong nakita niya kaninang silang dalawa lang. “Kaninong bahay ito?” “Mine,” simpleng sabi nito. Hindi na siya nagulat. Nasa larawan ni Oliver ang tagumpay. Hindi ba’t ang kotse nitong ginamit nila noong kumain sila sa Megamall ay iba rin sa ipinangsundo nito sa kanya ngayon? At parehong latest models ng Honda Accord at Volvo. Isa lang ang nakapagpagimbal sa kanya kahit nasa modernong takbo na ng panahon. “She lives here, mag-iisang buwan na.” Nasagot ni Oliver ang hinala niya. “Nasaan nga pala siya?” Masakit sa kaalaman niya na hindi pa man kasal ang mga ito ay nagsasama na. At parang walang katapusan ang natutuklasan niya sa dalawang taong kapwa malapit sa kanyang puso. Palagay niya ay kaunting oras pa ang itatagal niya sa mansiyong iyon at marami pa siyang malalaman na siguradong lalong nagpapakirot sa sugatan niyang puso. Natuon ang pansin ni Jasmine sa tatlong pares ng mga paang pababa ng hagdanan. Ilang baba pa ng mga ito sa hagdanan ay nakita niyang si Caroline ang nasa gitna. Inaalalayan ng dalawang unipormadong katulong. At gusto niyang mabaghan sa nakikita. Hindi niya mapaniwalaang ang kausap niya kanina sa telepono at ang kaharap niya ngayon ay iisa. Ang taginting ng boses ni Caroline ay malayong-malayo sa imahe nito ngayon. Hindi maitago ang sobrang kapayatan nito sa pop-sleeved housedress. Bagaman nasa mga mata ang katuwaan sa muli nilang pagkikita ay humpak ang mukha nito. Nagpaiwan na si Caroline sa dalawang katulong nang makababa sa hagdanan. Si Oliver naman ang sumalubong dito. Itinatak ni Jasmine sa isip na lahat ng makikita niya ngayon sa dalawa ay wala na siyang karapatang masaktan. Awa para sa kaibigang parang buong lakas nito ang inuubos para sa paghakbang ang nagtulak sa kanya para siya na mismo ang lumapit dito. “Caroline!” Niyakap niya ito nang buong higpit. Wala siyang maramdamang hinanakit sa kaibigan at ngayong nasa bisig niya ang manipis nitong katawan ay gusto niyang bawiin ang mga taong nawala sa kanilang magkaibigan. Gumanti ng yakap si Caroline bagaman dama niyang kulang sa puwersa. Hindi siya aware na tumutulo na pala ang luha niya. “Caroline, I missed you!” “I missed you, too, my friend.” Gaya niya ay basag din ang boses ng kaibigan nang magsalita. Nang maghiwalay, natatawang pinalis niya ang luhang naglandas sa kanilang pisngi. “Out na ang drama,” kunwari ay saway sa kanila ni Oliver. Nakita niyang nagtaas ito ng mukha para iwasang kumislap ang butil ng luha nito. “Magpapahanda na ako ng hapunan.”   “ILANG beses akong pumunta noon sa bahay ninyo. Laging sarado. Hindi naman alam ni Oliver kung saan ka namin masusulatan at naghintay kami na ikaw ang susulat sa amin dahil ikaw ang umalis. Pero wala kaming natanggap. Nagtatampo na nga ako. Sabi ko, nakalimutan mo na kami rito. At baka wala ka na talagang balak ipaalam sa amin kung nasaan ka.” Hindi nila mapigil si Caroline sa pagsasalita. “Caroline, things of the past na iyon,” sabi ni Oliver. “Oo nga naman,” sagot ni Caroline. “Anyway, ang importante, nagkita-kita na tayo.” “Kumain ka nang kumain,” sabi ni Jasmine sa kaibigan. Ayaw niyang magkomento sa sinasabi nito at ang atensiyon ay nakatuon sa masarap na putaheng nakahain. “Busog na ako,” sabi ni Caroline na itinulak ang plato papalayo. Nang makatapos silang tatlo ay dinala sila ni Oliver sa lanai. At hindi niya maitago ang paghanga sa scenery. Sa harap ng lanai ay beer-shaped na swimming pool na sa tama ng malamlam na liwanag ay gumagawa ng mumunting kislap. May greenhouse sa isang puno na may blooming rare variety of orchids. Sa likod ng isip niya ay nabuo ang kanyang dream house. “Jasmine, may class reunion dapat tayo this December. Pangalawa na, the first was four years ago, but Oliver, since he was the class president, decided to move it next year. Nauna na kasi iyong reservation namin sa Manila Cathedral, you’ve heard about it, `di ba?” Gusto niyang magtaka sa dalawang ito. Si Oliver, kapag kasal ang pinag-uusapan ay parang gustong tumalon sa Ilog Pasig samantalang halata namang concerned kay Caroline. At ang kaibigan naman niya ngayon kung banggitin ang tungkol sa kasal ay parang nagsa-shopping lang. Ipinagpalagay niyang nawala ang excitement sa dalawang ito dahil naunahan na ang pagsasama sa iisang bubong. “Napag-isipan mo na ba kung ano ang gusto mong role sa kasal?” Si Caroline uli nang hindi siya kumibo. `Eto na kami, sa loob-loob niya. Tiningnan niya si Caroline. Nasa mga labi nito ang ngiti at hinihintay ang sagot niya. Iniiwasan ni Jasmine na tingnan si Oliver na alam niyang duda rin sa kanyang isasagot. Humugot ng malalim na paghinga si Jasmine. “I don’t want to be in either of those.” Narinig niya ang paghugot nang malalim na hininga ni Caroline at kahit hindi siya lumingon kay Oliver ay dama niya ang talim ng titig nito. “Gawin mo na lang akong bridesmaid. Hindi pa ako nakaabay maski kailan. Baka magkalat ako sa kasal ninyo.” Sabi lang niya iyon. Ang puso niya ay tumatanggi na siya pa ang magtataling-puso sa dalawang ito kahit sa candle or veil sponsor siya. Ang pagba-bridesmaid ay pagbibigay lang niya kay Caroline. “Thanks,” sabi ng kaibigan. Akala ko, ayaw mo.” “Caroline,” baling ni Oliver sa babae. “It’s getting late. Dapat magpahinga ka na. At ihahatid ko na si Jasmine. May pasok pa siya bukas.” Napasulyap si Jasmine sa wristwatch niya. Alas-otso lang, gabi na ito para kay Caroline? Lumapit si Caroline at hinalikan siya sa pisngi. “De-oras ang pagtulog ko, Jasmine. Masarap pa sanang magkuwentuhan, kaya lang… `Di bale, I’ll call you again, okay?” Tinawag ni Oliver ang dalawang kasambahay. At nang pasakay na sila sa kotse ay nakita niyang inalalayan uli si Caroline ng dalawa sa pag-akyat sa hagdanan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD