Mall

1817 Words
Jamie's POV ISANG liwanag ang sumilay sa aking mata daan upang muli akong pumikit. Nang muli akong nag-mulat ng mata iniwas ko na ang aking tingin sa bintana na pinanggagalingan ng liwanag. Iniunat ko ang aking mga kamay kasabay ng paghikab ko. Weekend ngayon kaya hindi ko kailangang gumising ng maaga at suungin ang mahabang trapiko. Tumayo ako at tinungo ang tapat ng bintana. Hinawi ko ang kurtina at pinagmasdan ang maaliwalas na umaga. Pumikit ako at ngumiti ng malanghap ko ang simoy ng sariwang hangin. Ang sarap sa pakiramdam. Ilang segundo rin akong nasa ganoong posisyon bago nagmulat ng mata at pinagmamasdan ang paligid. Naagaw ang atensyon ko ng makita ko ang isang lalaking tila nakatingin sa kinaroroonan ko. Nakasuot ito ng bonnet. Napakunot-noo na lang ako at hindi na pinansin ang aking nakita. Nagpasya na akong lumabas ng kwarto at tinungo ang banyo. "Anak gising ka na pala," bungad ni Mommy ng makita akong papalapit sa kaniya. Umupo ako sa bakanteng bangko na nakapaligid sa lamesa kung saan nakahain ang almusal na hinanda ni Mommy. Mayroon na ring tasa ng kape roon. "Kumusta ang tulog mo anak?" tanong naman ni Daddy na nakapwesto sa kabilang kanto ng lamesa. "Mahimbing naman po, saka sapat naman po 'yong tulog ko." Nagsimula na akong kumuha ng pagkain na nasa lamesa. Kumuha lang ako ng kaunting kanin at itlog. Sumubo ako at tumingin kay Daddy. "Dad, aalis ka?" Bihis na bihis kasi siya na halatang may pupuntahan nga. "Oo anak, pupunta ako ng opisina para mag-report," sagot ni Daddy at nagsubo ng pagkain. Nagtatrabaho kasi si Daddy sa isang maliit na kompanya. Kung saan isang simpleng tagagawa lang siya roon. Hindi ganoon kalaki ang income niya. Maigi nga at mayroon kaming maliit na business na kahit pa paano ay malaki ang kinikita. "Ikaw ba anak, hindi ka ba lalabas?" balik na tanong ni Daddy sa'kin. "Hindi po, tinatamad ako Dad e." Wala naman kasi akong pupuntahan. Mas maigi pang magmukmok sa bahay kaysa gumala. Hindi ko talaga hilig ang mga gimick o ano mang klase ng mga gawaing kailangan pang umalis ng bahay. Okay na ako sa loob ng bahay. "Mag-shopping? Wala ka bang bibilhin?" sabat naman ni Mommy na agad kong tiningnan. Hindi naman ako mahilig mag-shopping. Naboboring lang ako kalalakad sa mall at katitingin ng iba't ibang item. "Wala naman po akong bibilhin, Mommy!" sagot ko at nagpatuloy sa pagkain. "Sige, ikaw bahala," patango-tanging saad ni Mommy. Katahimikan na ang namayani sa amin. Nauna nang matapos si Daddy at nagpaalam na para umalis. Maya-maya si Mommy naman ang natapos at ilang saglit ay natapos na rin akong kumain. Lumabas ako ng bahay at naisipang magdilig ng mga halaman. Kinuha ko ang hose ng tubig at isa-isa kong dinilig ang mga halaman na ngayon ay namumulaklak na. Maalaga kasi si Mommy sa mga halamang tanim niya dito sa bakuran kaya naman napakaganda niyon. Napatingin ako sa grupo ng mga lalaking naglalaro ng basketball. Malapit kasi sa bahay namin ang isang basketball court, half court lang iyon na sadyang ginawa para paglibangan lamang. Napapitlag ako ng marinig ko ang pag-vibrate ng cellphone na nasa aking bulsa. Tumambad sa akin ang pangalan ni Maggie na nakarehistro sa screen ng cellphone ko. Pinindot ko ang answer button at tinapat iyon sa aking tainga. "Bakit?" umpisa ko. Pinagpatuloy ko pa rin ang aking pagdidilig. "Jam, samahan mo akong mag-mall," tila nagmamakaawang sabi nito mula sa kabilang linya. Napakunot ang noo ko dahil wala akong balak mag-mall. Tumanggi nga ako kila Mommy e! "Tinatamad ako, Maggie!" reklamo ko habang nakasimangot. Parang nakita ko naman ang mukha ni Maggie na kunot ang noo dahil sa pagtanggi ko. Nagpatuloy ito sa pagmamakaawa at sa huli napilitan akong pumayag na sumama sa kaniya. Natapos ang pag-uusap namin ni Maggie at ayon nga napapayag niya ako. Hindi ko naman kasi siya matitiis e. Pumasok na ako sa loob ng bahay para maligo. Nakakahiya naman sa kaniya kapag hindi ako naligo. Maggie's POV "NASAAN na ba 'yong mga 'yon?" bulong ko habang palinga-linga sa paligid, umaasang makikita ko sila. Kunot na rin ang noo ko dahil sa sikat ng araw. Tumingin ako sa wrist watch ko at pasado alas-nuwebe na ng umaga. May isang-oras na akong nag-hihintay dito sa labas ng mall. Nakakapagod ring maghintay 'no! Makakasapak ako mamaya kapag dumating ang mga iyon. Ako ba naman ang pag-hintayin? Sa ganda kong 'to! "Kanina ka pa?" Napalingon ako sa nagsalita at nakita kong nakatayo doon si Chester. Tinext ko kasi siya na samahan ako sa pagpuntang mall. Hindi ko naman nasabi sa kaniyang kasama ko rin si Jam. "Hindi! Hindi ba obvious? Look, haggard na agad ako." May pagkainis sa mga katagang sinabi ko. Ako ba naman pag-hintayin! "Sorry naman, may ginawa lang akong mahalagang importante," natatawang saad nito at napakamot pa sa sariling noo. "Let's go," aya nito at akmang lalakad na sana ng magsalita ako. "Wait, wait," pigil ko. Humarap ito sa akin na kunot ang noo. "Kanina galit ka dahil pinaghintay ka tapos ngayon ayaw mo pang umalis? Ang gulo mo Maggie," anito. "Kasama kasi si Jamie at on the way na raw," sabi ko at lumingon muli sa paligid para tingnan kong nandiyan na si Jamie. "Okay." Kasabay ng pagkibit-balikat nito. "Kahit kailan talaga 'yang Jam na 'yan, lagi na lang late!" reklamo ko habang palinga-linga. Kaunti na lang talaga at mababali na 'tong leeg ko. "Hindi ka na nasanay. Dapat kasi sinabi mo alas-sais ng umaga para alas-otso nandito na siya," ani Chester na ngayon ay nakahalukipkip na. Sa palinga-linga ko, nahagip ng aking paningin ang naglalakad na si Jam. "Hay salamat, nandiyan na rin ang bruha." Napahinga na lang ako ng malalim dahil tapos na ang paghihintay ko. Nakita kong palinga-linga rin ito na tila hinahanap kami. Nang malapit na ito sa kinaroroonan namin, kumaway ako para makita niya. Pasalamat naman ako at agad akong napansin ng bruha. Jusko, makakakurot ako nito! "Sorry I'm late!" pagpapaumanhin nito ng makalapit sa amin. "Sorry ka diyan, e kung kurutin kaya kita diyan?" pananakot ko sa kaniya. Inumbahan ko pa siya ng kurot. "Sorry na nga e, kilala mo naman ako, 'di ba? Ako ang reyna ng mga late," nakangiting turan niya at napalingon sa likod ko kung saan nakatayo si Chester. Nagtataka marahil si Jam kong bakit nandito si Chester. Ang alam kasi ni nito ako lang at siya ang mag-sa-shopping. "Kasama ka pala?" baling nito kay Chester na tango lang ang naging sagot. "Ano, tara na?" ani ko at tiningnan silang dalawa. Sabay-sabay na kaming naglakad papasok sa loob ng mall. Tumambad sa amin ang maingay at maraming tao na karaniwan na sa ganoong lugar. "Ano ba kasing bibilhin mo at kailangan kasama kami?" Lukot ang mukha na tanong ni Jam habang nakatingin sa akin. "Kahit ano," pakli ko. Inungusan na lang ako ni Jam bilang tugon. "Gwapo ata natin ngayon a?" Baling naman ni Jam kay Chester na ikinangiti naman nito. "Ngayon lang ba? Lagi naman akong gwapo a," mayabang na sagot nito. "Gwapo ka nga badoy ka naman," pang-aasar ko kay Chester. "Ako badoy? Maggie, ikaw kaya 'tong badoy. Tingnan mo nga 'yang suot mo parang pang-90's," balik nito sa akin na bahagyang nakangisi. Nakita ko ang pagtawa ni Jam na siya namang pagsimangot ko. Pinagkakaisahan ata ako ng mga ito a. Hindi ba nila alam na uso 'tong suot ko ngayon. "Chester, kapal mo! Pang-artista kaya ang porma ko, ikaw lang 'tong walang taste pagdating sa pormahan." Nilakihan ko pa ito ng mata tsaka pinasadahan ng matalim na tingin. "Alam n'yo kayong dalawa tumigil na kayo dahil alam niyo? Pareho naman kasi kayong badoy," saad ni Jam at napatawa pa. Ang nagawa ko na lang ay ang tiningnan siya ng masama. "Uwian na may nanalo na," banat naman ni Chester na nagpapawi sa tawa ni Jam at napaltan ng pagsimangot. Kami naman ngayon ang napatawa dahil sa reaksiyon nito. "Ewan sa inyo!" aniya at pilit na tumawa. Ganito talaga kami sa tuwing magkakasama kami, nag-aasaran. Jamie's POV "BAGAY ito sa 'yo Chester." Dinampot ko ang isang pink na bra at itinapat sa dibdib niya. Napatawa naman kami ni Maggie dahil sa epic na itsura ni Chester. "Ito ba 'yong pang-takip sa mata kapag matutulog?" pa-inosenteng tanong nito. Kinuha niya ang bra at tinakip sa sariling mga mata. Lalo tuloy kaming natawa ni Maggie. "'Yan na lang gamitin mo pag-matutulog ka, bagay naman sa iyo," pang-aasar ni Maggie. Agad tinapon ni Chester ang bra. "Eww!" Kunyari pa siyang nandidiri. Ilang sandali at naging seryoso na rin kami sa pamimili ng mga damit. Ang dami kasing hinahanap ni Maggie, tulungan daw namin siya. Nagpaalam ako sa kanila na titingan lang ng mabibili. Lumayo ako para tingnan ang mga key chain na nakita ko sa 'di kalayuan. Napangiti ako ng makita ko ito ng malapitan. Maganda ito, may palawit itong maliit na minion na kulay dilaw. Paborito ko kasi ang minions kaya agad ko iyong binili. Naglakad-lakad pa ako habang palinga-linga sa paligid ng mall. Baka kasi may magustuhan pa akong bilhin. Habang tumitingin ako sa paligid, nahagip ng mga mata ko ang isang lalaki. Naka-hood ito na tila nakatingin sa kinaroroonan ko. Napatitig ako dito at umiwas rin habang nagtataka. Nang tingnan ko ulit ang kinaroroonan ng lalaki, wala na ito roon. Napakibit-balikat na lang ako at bumalik na sa kinaroroonan nila Maggie. "Tapos na kayong mamili?" tanong ko sa kanila. Napatingin naman ako sa hawak nilang paper bag. "Yup!" Tinaas pa ni Maggie ang hawak nitong mga paper bag "Maigi naman kung ganoon dahil gutom na ako." Hinimas ko pa ang tiyan ko na kumakalam na. "Ako rin gutom na e." Makahulugang pang tumingin si Chester kay Maggie. "Tara let's go," aya pa nito at nakangiting nagpatiuna sa paglalakad. Sumunod na kami kay Chester. Bitbit ko ang dalawang paper bag na may lamang damit. Wala kasi akong nagustuhang bilhin kaya iyon lang ang nabili ko, habang silang Maggie at Chester ang daming dala, ang lalaki pa ng paper bag. "Nakakagutom ba mag-shopping?" tanong ko kay Maggie. Ang dami kasi nitong in-order na pagkain. Tumango lamang ito at muling nilantakan ang pagkaing nasa harap nito. "May binili ka ba sa mall Chester?" baling ko naman ko sa kaniya na nagsisimula nang kumain. "Ako? Actually wala," nag-aalangang tugon nito. "Kung ganoon ginawa ka lang pa lang alalay niyang si Maggie?" Nginuso ko pa si Maggie na tila hindi na kayang awatin sa pagkain. "Hindi naman, para lang," nag-aalangan ding wika ni Maggie. "Okay lang, ililibre naman ako n'yang si Maggie," wika ni chester at makahulugang sinulyapan ang katabi. Tumingin si Maggie sa pagkaing nasa harap ni Chester. Nakita ko ang paglunok nito ng laway. "C-chester, talagang 'yan ang mga in-order mo?" Puro mamahalin kasi ang in-order nitong si Chester. "Oo, may problema?" seryosong wika nito. "W-wala," nag-aalangang sagot ni Maggie, ngumiti pa ito na halatang napipilitan. Lihim na lang akong napatawa dahil doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD