Chapter 02

1919 Words
ELISSA "NATANGGAP na namin, anak," masayang balita nina nanay at tatay sa akin. Nakahinga ako nang maluwag at napangiti sa mga ito. Kausap ko lang sila sa harap ng screen ng cellphone. Nasa Maynila pa ako at kasalukuyang nag-eempake ng mga gamit pauwi sa probinsya. Hindi na ako magtatrabaho pa sa Maynila at babalik na ako sa probinsya namin sa Aklan. Ngunit pinauna ko lang ipinadala ang pera na kakailanganin pangtubos sa nakasangla naming lupa dahil malapit nang maabutan ng duedate. Kahit nakailang pakiusap na ako sa bangko na magkaroon ng extention ay hindi na ako pinagbigyan ng mga ito. Ngayong araw ang nakatakda para mabayaran namin iyon para hindi tuluyang makuha ng bangko. Nagkandabaonbaon kami sa utang nang maospital ang tatay ko noon pang nakaraang taon. Naaksidente ito sa sinasakyang motor. Wala namang ibang maiturong suspek sa nangyari dahil si Tatay lang din mismo ang may kagagawan ng aksidente. Lasing siyang nagmotor at nabangga sa isang poste. Kinailangan niyang sumailalim sa isang major operation sa may bandang ulo at kinailangan ng malaking halaga. Nakautang kami sa bangko, sa isang local bank doon sa lugar namin. Binigyan kami ng palugit na isang taon para makabayad at kung hindi ay ang lupa na lang daw namin na sakahan ang kukunin kapag hindi kami nakapagbayad sa takdang panahon. Pumayag kami para lang maisalba si tatay. Nagtungo ako ng Maynila sa pag-asang makakaipon ako ng isandaang libo para makapagbayad. Ngunit hindi ko inaasahan na hindi pala ganoon kadali kumita at makapag-ipon ng pera sa Maynila. Sobrang taas ng bilihan at hindi ka makakakilos ng hindi gumagamit ng pera. Tapos ay minimum wage earner lang ako. Nagtatrabaho ako bilang isang saleslady sa isang malaking mall. Doon ako unang natanggap kaya doon ako nagtagal. Hindi naman ako nakapagtapos ng kolehiyo kaya alam kong hindi naman ako matatanggap sa magagandang posisyon. isa pa ay bagong salta lang ako roon. Nagbo-board ako sa isang kalapit na area, halos one-fourth ng kinikita ko sa isang buwan ay doon napupunta. Kuwarto, ilaw at tubig kasi ang aking binabayaran. Hindi pa kasama ang budget ko sa pagkain. Nakakapagpadala naman ako kina tatay at nanay sa probinsya pero iyong sapat lamang para makatulong sa pang-araw-araw nila. Well hindi nga sapat dahil kulang na kulang pa. Panganay ako sa tatlong magkakapatid at nag-aaral pa ang dalawa. Hindi naman sapat ang kita ni Tatay sa paghahabal-habal, lalo na ang kinikita ni Nanay sa paglalaba. MAhirap lang din ang mga tao roon sa amin kaya kuripot magsipagbayad. Tanggap na sana naming tuluyan nang makukuha ang lupa hanggang sa isang araw, naglalakad na ako pauwi nang may isang matandang babae ang lumapit sa akin. Akala ko ay hihingi lamang ito ng limos kaya dumukot ako ng barya sa bulsa. Ngunit bigla itong nagsalita at may ibinulong sa akin. "Gusto mong kumita ng malaki, iha?" tanong nito na agad na pumukaw sa aking atensyon. Noong una ay ayaw kong maniwala dahil hindi ko ito kilala at noon ko lang nakita. Tiyak na nanloloko lang ito at uso iyon dito sa Maynila. Baka kung saan pa ako nito dalahin. Ngunit hindi ako tinantanan ng matanda. "One hundred fifty thousand ito, iha," pabulong na sabi nito. Muli akong napalingon dito. Sinenyasan ako ng matandang babae na doon kami sa isang tabi mag-usap. Nang hindi ako makahuma ay hinila na nito ang braso ko. One hundred fifty thousand, nagtutumimo sa isip ko. Sobra-sobra pa iyon sa halagang kailangan ko. Bigla akong napaisip at tumingin sa matanda. "S-Seryoso kayo?" alanganing tanong ko. Tumango ito at may inilabas sa dala-dala nitong bag. Isang brown envelop at binuksan niya sa harap ko at ipinasilip ang laman niyon. Cash. Puro lilibuhin. Napalunok ako. "Bilangin mo pa, iha. One hundred fifty na pirasong puro isang libo 'yan. Magiging iyo nang buong-buo kung gagawin mo ang ipag-uutos ko sa 'yo." Saglit akong napipilan. Ipag-uutos nito? At ano naman 'yon? Paano kung masama ang ipagagawa nito sa akin? Paano kung bugaw pala ito? Kahit ano ang mangyari ay hinding-hindi ko ibebenta ang katawan para lang magkamal ng ganoon kalaking salapi. "Hindi ho ako pokpok," tahasang sabi ko at kahit nagdadalawang-isip na parang gusto kong tanggapin kung ano man ang ipinagagawa nito. Isang linggo na lang - kulang-kulang - ay mareremata na ang lupa namin. malaking lupa iyon at kung ibebenta ay hindi lang isandaang libo ang aabutin. Kaya lang hindi namin maibenta dahil nga umaasa kami na mababayaran namin ang one hundred thousand pesos. Isa pa, may sentimental value iyon dahil pamana pa iyon ng mga nunu-nunuan ng aking tatay. Tumawa ang matanda. "Hindi naman ako bugaw, iha. Ang mga bugaw ay sa gabi lang lumalabas. At karamihan doon ay mga bakla. Iba ang ipagagawa ko sa iyo. Isang beses lang ito. Kapag nagawa mo ay hindi na tayo magkikita pang muli. Magiging iyo ang perang ito, buong-buo. Walang labis, walang kulang." Lalo akong naintriga sa sinabi ng matanda. Ano nga kasi iyon? Kung ... kung kaya kong gawin ay bakit hindi? Isandaan at limampu't libong piso ang pinag-uusapan. "H-Hindi ho ako papatay ng tao o magnanakaw, 'di ho ba?" paniniguro ko sa kung ano mang gagawin kong iyon. Umiling ang matanda. "Hindi, iha. Magpapanggap ka lang na buntis." "H-Ho?" may shock na bumalatay sa aking mukha. "Ito ang address ng simbahan. Bukas ng alas-diyes ng umaga magaganap ang kasal. Ang misyon mo ay magtungo roon at tumutol sa mag-iisang dibdib. Isisigaw mo ang pangalang ito..." May ipinakita itong litrato ng isang lalaki. Nakasulat doon ang buong pangalan nito. Jax Xavier Delaford. Napapalunok na saglit ko pang pinagmasdan ang mukha ng lalaki. Napakaguwapo nito. Maamo ang mukha, mestisuhin at awra pa lang ay halatang anak mayaman na. "B-Bakit ko ho gagawin iyon? B-Bakit ako magpapanggap na buntis at sisirain ang araw ng kasal niya?" Parang nakakatakot. Maninira ako ng buhay ng iba para sa pera. Pero kailangang-kailangan ko ang pera na 'yon... "Hindi mo na kailangan pang malaman. Ano? Gagawin mo ba o hindi? Kung ayaw mo ay sa iba na lang ako makikipagtransaksyon." Napalunok ako. Ngunit hindi maaatim ng konsensya ko ang gagawin. Isa pa, paano kung balikan ako? Tiyak na mayaman ang lalaking iyon, tiyak na matutunton ako nito kung sakali. Mapahamak pa ako. "S-Sige ho. S-Salamat na lang ho." At saka ako nagpatuloy na sa paglalakad. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ako nang bigla akong mapalingon ulit sa matanda. Hindi pa rin ito natitinag sa kinatatayuan. Pikit-mata, muli akong humakbang palapit dito. "S-Sige ho. Gagawin ko," nanginginig ang boses na sabi ko. Bahala na. Maiintindihan naman siguro ako ng Diyos sa aking gagawin. Himala na lang talaga ang makapagbibigay sa akin ng isandaang libong piso, at ang himalang iyon ay narito na sa harapan ko mismo. Sobra pa sa kailangan ko ang ibibigay sa akin. Kailangan ko lang mawalan ng konsensya. "Sigurado ka? Hindi na magbabago ang isip mo?" paniniguro nito. Umiling ako. "Hindi na po." Kinagabihan ay halos hindi ako makatulog kakaisip sa aking gagawin kinabukasan. Nagdadalawang-isip pa rin ako ngunit mas lamang ang kagustuhan ko na makuha ang one hundred fifty thousand. Nag-ipon ako ng mga pira-pirasp ng aking mga damit na isisiksik ko sa loob ng duster kong isusuot bukas. Hindi iyon karamihan para hindi naman masyadong halata. Mga tatlong buwan ang tiyan ko, iyon ang sasabihin ko. Nagpraktis na rin ako ng mga linyang sasabihin ko kung sakali. Naroon ako sa harap ng salamin, pilit sinasaulo ang magandang pangalan ng lalaki. Jax xavier Delaford ... Jax Xavier Delaford. "Kung sino ka man... patawarin mo sana ako, pero kailangan ko talagang gawin ito." Kinabukasan ay nagkita kaming muli ng matanda sa kanto kung saan kami unang nagpangita. Nakasakay na ito ng taxi at sinabing ihahatid na ako sa simbahan. Habang nasa biyahe ay hindi ko halos makayanan ang kabog sa dibdib ko. Parang gusto ko nang umurong pero ang isiping mawawala na ang tanging pinakaiingatang yaman ng pamilya namin ay lumalakas ang aking loob. "Bahala na kayo, Diyos ko. Sana'y mapatawad Ninyo ako," paulit-ulit kong dalangin sa isip. Hanggang sa makarating na kami sa may malapit sa simbahan. Alumpihit pa ako kung bababa. "Sige na, iha. Kaya mo 'yan. Hihintayin ka namin dito at kapag nagawa mo na ang misyon mo ay ibibigay ko na sa iyo ang pera." Humayo na nga ako. Nasa tapat na ako ng pinto ng simbahan nang tumigil ako at inilabas saglit ang kabog sa dibdib. Sunud-sunod akong huminga ng malalim at ipinokus ang isip ko sa gagawin. "Trabaho lang ito at walang personalan," sinabi ko pa sa isip bago tuluyang itinulak ang pinto at dere-deretsong pumasok sa loob. "Itigil ang kasal!" sigaw ko at sa isang iglap ay nakuha ko ang atensyon ng lahat. Ini-imagine ko na isang role play lang ang lahat at hindi totoong nangyayari. "I am pregnant, Jax Xavier Delaford. You cannot do this to me! Ano't iiwan mo na lang ako sa ere matapos mong magpakasasa sa akin at mabuntis ako? No way! Itigil ang kasalang ito at panagutan mo ako!" Halos tumagos ang mga mata ko sa lalaki. Napakaamo ng mukha nito sa personal, ubod nang guwapo. Ni sa panaginip ay alam kong napaka-imposible na may papatol sa aking lalaki na kagaya nito at mabubuntis pa ako. Ngunit dahil sa 'misyong' ito na kailangan kong tuparin, lahat ay magiging imposible. Nag-react agad ang bride, sinampal ang nagulantang na lalaki. Gustuhin ko mang bawiin ang mga sinabi ko ay huli na. There's no turning back o isandaan at limampu't libong piso ang mawawala sa akin. "Baka prostitute na inarkila mo sa bar!" narinig kong singhal ng babae sa lalaki. Nagpanting ang tainga ko. "Hindi ako prostitute!" gigil na sigaw ko. Ngunit ano pa nga ba ang ipinagkaiba ko sa isang babaeng bayaran? Wala! Nagpabayad ako para manira ng ibang tao. Iyon ako. "Naging karelasyon ko ang lalaking 'yan, naging kami ng ilang buwan. Maraming beses na may nangyari sa amin at heto nga ang naging bunga. I am pregnant. Tatlong buwan na." Hinimas-himas ko pa ang may umbok kong tiyan para mas maging kapani-paniwala ang mga linya ko. Wala iyon sa mga pinraktis ko kagabi. Bigla lang pumasok sa isip ko. "No!" Lalong umugong ang ingay sa buong paligid at napansin ko na ang lahat ay nakabaling na ang tingin sa akin. Ngunit saglit lang dahil muli iyong nabalik sa ipinagkakanulo kong groom. Noon ako nakaramdam ng mabigat na konsensya. Napaka-inosente ng mukha ng lalaki. Patuloy ito sa pagtanggi sa ipinaparatang ko, na tanging ako at siya lang ang nakakaalam ng totoo. "Patawad. Patawarin mo ako..." Nang akmang magwo-walk out na ang bride ay inunahan ko na ito. Nagtatakbo na akong muli palabas ng simbahan at kung paano ako nakabalik ng ganoon kabilis sa kinaroroonan ng taxi kung saan naghihintay ang matanda ay hindi ko na alam. Agad akong sumakay roon, puno ng takot at konsensya ang dibdib. Agad na inutusan ng matanda ang driver na patakbuhin ang taxi. "N-Nagawa ko po!" Hindi ko alam kung maiiyak ako o ano. Basta't nanginginig ang kalamnan ko. Parang sasabog ang dibdib ko sa labis na konsensya dahil sa ginawa. "Salamat, iha. O, heto ang pera." Iniabot nito sa akin ang brown envelope. "Bilangin mo nang matiyak mo ang halaga." Binilang ko nga at saktong isandaan at limampu't libong piso nga ang laman niyon. "Tapos na ang misyon mo, iha, kaya maghihiwalay na tayo. Maraming salamat sa ginawa mo. Kung ako sa iyo ay magpapakalayo-layo na muna ako." Iyon ang huling linya ng matanda bago kami naghiwalay ng landas. Ibinaba ako nito sa tapat ng eskinita papasok sa inuupahan kong boarding house.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD