ELISSA
NAKAPAG-EMPAKE na ako ng mga gamit . Nakapagpaalam na rin ako kinagabihan pa sa landlady. Sa trabaho ko ay nakapagpasa na rin ako ng resignation letter. Ngayong umaga na ako aalis pauwi sa probinsya. Nakakuha na ako ng ticket noong isang araw pa para sa sasakyang barko.
Nabayaran ko na lahat ng taong inutangan ko rito sa Maynila. At since wala na akong rason para manatili at magtrabaho rito ay uuwi na ako sa amin. Nabubuhay naman kami sa pagtatrabaho ko sa isang grocery store malapit sa amin, hindi nga lang ganoon kalaki ang sahod tulad dito sa Maynila, ngunit hindi naman ganoon kalaki ang gastos doon.
Simpleng buhay lang naman ay sapat na sa akin. Hindi ako sanay na nawawalay nang matagal sa mga magulang ko kaya hindi na ako magtatagal pa rito. Nag-aabang na ako ng masasakyang bus na deretso sa may Batangas port. Hapon pa ang biyahe ngunit alas-siete pa lang ng umaga ay bibiyahe na ako. Kailangan. maaga makarating para kung sakali ay hindi maiiwan ng barko.
May tumigil na hi-ace van sa tapat ko. At sa tingin ko ay magtatagal iyon sa pagparada roon kaya naisipan kong lumipat ng puwesto. Nakakaisang hakbang pa lamang ako nang bumukas ang de-slide na pinto niyon.
"Miss!" tawag sa akin ng lalaking naka-itim. Naka-face mask at salamin ito.
"H-Ho...?"
"Elissa Perez, hindi ba?"
"O-Oho, ako nga -"
Ngunit bago pa ako nakapagtanong kung ano ang kailangan nito sa akin ay mayroon na itong idinikit sa aking bibig. At sa isang iglap lang ay umikot ang aking mga paningin. Hanggang sa hindi ko na nasundan kung ano na ang mga sunod na nangyari. Bigla na lang akong bumagsak sa mga bisig nito.
. . . . .
"ARAY!"
Naalimpungatan ako nang bigla akong mauntog. Sapo ang nasaktang ulo ay unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. At ganoon na lamang ang paghihilakbot ko nang mapagtanto kung ano ang kalagayan ko nang mga oras na 'yon. Nakaupo ako sa isang upuan, naka-seatbelt, nakagapos ang mga kamay at paa.
Tumingin ako sa may bintana at halos malula sa taas na kinaroroonan namin. Dinig ang ugong ng eroplano. Hindi. Hindi iyon eroplano kung hindi isang helicopter. Dahil maliit lamang iyon at kakaunti ang upuan para sa mga pasehero. Kitang-kita ko agad ang pilotong nagpapalipad niyon. Bukod dito ay may kasama pa akong tatlong lalaki. Pawang sila nakasalamin at jacket na itim, naka-facemask. Tanda ko kung sino ang katabi ko ngayon. Ito ang lalaking lumabas ng van kanina at naglagay ng panyo sa tapat ng aking bibig.
"S-Sino ho kayo? A-Ano'ng kailangan n'yo sa akin? S-Saan n'yo ako dadalhin?" sunud-sunod na tanong ko.
Malawak na kalupaan ang natatanaw ko sa baba. Hindi ko alam ang lugar na 'yon pero masasabi kong probinsya. May mga taniman akong nakikita, may mga tila bahay-kubo. Pagkuwa'y malawak na kaparangan na.
"Ssshhh. Huwag kang maingay at natutulog ang ibang kasama natin," sa halip na sagutin ay kalmadong sabi ng lalaki.
"Sino kayo? Bakit n'yo ako dinadala rito? Bakit dinukot n'yo ako?" histerikal pa ring tanong ko. Dukot. Oo. Pandudukot itong ginawa nila sa akin. Kidnapping.
Tumikhim ang lalaki at seryosong humarap sa akin. Ngunit hindi pa rin ito nag-aalis ng salamin kaya hindi ko makilala ang mukha.
"Huwag mong sabihing hindi mo alam kung bakit. Ikaw ang may kasalanan kung bakit ka naririto ngayon. Napag-utusan lang kami. Trabaho lang ang ginagawa namin at walang personalan."
Trabaho lang at walang personalan. Minsan ko na rin iyong nasabi sa sarili. Ilang araw pa lang ang nakalilipas. T-teka, hindi kaya...
"K-Kuya... M-Manong..." Hindi ko alam kung ano ang itatawag dito. "M-Maawa ho kayo sa akin..." nanginginig ang boses na pakiusap ko. "N-Nagawa ko lang ho iyon dahil kailangang-kailangan ko ng pera. K-Kasi ho --"
"Huwag ako ang kausapin mo hinggil sa bagay na iyan. Hintayin mo ang pagdating ni Sir Xavier bukas."
Xavier... Lalong nadagdagan ang takot na nabuo sa aking dibdib. Kompirmado. Tama ang hinala ko, dumating na ang sandaling ikinatatakot ko. Isang linggo pa lang ang lumilipas mula nang magawa ko ang 'misyong' iyon at heto't nakagawa ito agad ng hakbang para matunton ako.
"P-Pero K-Kuya - - -" Sinunod ko sana ang utos ng matanda. Nagpakalayo-layo dapat ako agad.
"Shhh! Manahimik ka. Wala akong ganang makipag-usap. " Muli ako nitong pinatahimik nang lagyan na naman ng panyo ang tapat ng aking bibig. Hindi ako nakakaiwas lalo't alam kong wala rin naman akong takas. Sa ikalawang pagkakataon ay nawalan ako ng malay.
KAHOL ng mga aso.
Iyon ang muling nagpabalik ng ulirat ko. Agad akong napabalikwas ng bangon nang mapagtantong sobrang lapit pala ng mga kahol na iyon sa akin.
At sa pagmulat ng aking mga mata ay tumambad sa akin ang nangangalit na mga mata ng galit na galit at ubod nang laking itim na aso. Napaigtad pa ako nang sa aking likuran ay may narinig pa akong isa pang kumakahol. At ganoon na lang ang paghihilakbot ko nang muntikan nang mahagip ng isa pang aso ang balikat ko. Mabuti na lang at nakakilos ako agad. Impit pa akong napasigaw. Halos atakihin sa puso nang maisandal ko sa pinakagitnang bahagi ng kulungan ang aking katawan.
Nasa isang malaking kulungan ako. Pinagigitnaan ako ng dalawang kasing laki ng taong mga aso. Nakakulong din ng mga ito. Patuloy na maririnig ang gigil na ungol na may kasamang tahol ng mga ito sa akin. Parang gustong-gusto nila akong lapain. Nginangatngat pa ng isa ang bakal na nakapagitan sa amin.
Nasaan ako? Anong lugar ito? May bubungan ang pinagkulungan nila sa akin kaya hindi ko makita ang itaas. Natatakot naman akong gumalaw sa puwesto ko dahil sa dalawang asong tila sabik na lapain ako. Ang tanging nakikita ko lang ay ang malamansyon sa laking bahay sa harapan. Kalahati lang niyon ang nakikita ko. Sa parteng ibaba. Napapitlag ako nang makita ang isa sa mga lalaking lumabas mula sa malaking pinto.
"K-Kuya... M-Manong, palabasin ninyo ako rito. Parang awa n'yo na. Bakit sa kulungan ng aso n'yo ako ipinasok?" naiiyak na pakiusap ko. Sana sa bodega na lang nila ako dinala. At least doon tahimik akong magdurusa. Hindi tulad dito. Bawat kibot ay ang mga malalaking pangil ang aking nakikita.
Ngunit hindi ako pinansin ng lalaki. Dere-deretso ito sa labas ng gate.
Kinuha ko na lang ang nga nagkalat na gamit ko sa dulong bahagi ng kulungan. Malaking kulungan iyon na makakahiga ako kung sakali. Ngunit hindi iyon ang pakay ko kaya kinuha ko ang bag. Naalala ko ang aking cellphone. Hihingi ako ng tulong. Tatawag ako sa mga kakilala ko para ipaalam ang nangyari sa akin. Ngunit ni hindi ko nga alam kung saang lupalop ako dinala ng mga lalaki. Nailabas ko na ang lahat ng mga dala kong gamit ngunit hindi ko roon nakita ang cellphone.
"Iha..."
Napaangat ako ng tingin nang marinig ang boses ng matandang babae. Para akong inulan ng pag-asa nang makita itong palapit sa akin. Madala itong tray. Palagay ko'y pagkain. Nasa mga mata nito ang pag-aalala at malasakit sa akin. Nagtahulan ang mga aso ngunit sa isang sutsot lang nito ay natahimik ang mga iyon.
"M-Manang... Manang, ilabas ho ninyo ako rito, parang awa n'yo na ho. Ayoko rito," pagmamakaawa ko habang nakakapit sa pintong gawa sa bakal. Nakakandado iyon gamit ang isang malaking padlock. Binuksan iyon ng matanda matapos ilapag ang tray ng pagkain sa isang tabi.
"Kumain ka muna, iha. Baka nagugutom ka na."
"Manang, ilabas ho ninyo ako rito. Pakiusap ho, pakiusap," pag-uulit ko.
Umiling ito. "Hindi maaari dahil dito ka ibiniling ilagay ni Senorito." Pagkalusot ng tray ng pagkain ay agad nitong nai-padlock na muli ang pinto.
"P-Pero, Manang, hindi naman..."
"Kasambahay lang ako rito, iha, bawal akong kumilos nang hindi naaayon sa ipinag-uutos sa akin kaya hindi ko maaaring sundin ang pakiusap mo..."
Tumalikod na ito at nakapaglakad na pabalik sa loob bago pa man ako nakapagsalita. Naiiyak na pinagmasdan ko na lang ang pagkaing iniwan nito. At least, binigyan ako nito ng pagkain. Saka ko lang napagtanto na gutom na gutom na pala ako. Tahimik na kumain na lamang ako sa isang tabi.
Halos naubos ang maghapon ko kakatulala at kakaisip ng mga mangyayari. Balot ng kaba at takot ang buong sistema ko. Paulit-ulit ko mang kurutin ang sarili sa paniwalang isa lamang iyong panaginip ay wala ring nangyari. Totoong naroon ako at nakakulong. At tanging ang mga kumidnap lang sa akin ang nakakaalam ng aking magiging kapalaran doon. Noon ako labis na nagsisisi sa aking ginawa. Kung hindi ko sana pinatulan ang alok ng matandang iyon sa akin, malamang na hindi ko ito sasapitin. Ngunit kung hindi ko naman iyon ginawa ay tuluyang mawawala naman ang nag-iisang kayamanan ng pamilya namin.
Ginusto mo 'yan kaya harapin mo ang konsekuwensya! Nasabi ko na lamang sa isip. Isa pa, kahit bali-baligtarin ko ang mundo ay nangyari na iyon at wala na akong magagawa. Ang tangi ko na lang pag-asa ay kung madadala sa pakiusapan si Xavier. Kahit alam kong napakalabong mangyari.
Nahiga na lamang ako sa isang tabi at pilit iwinaksi ang takot. Sana paggising ko ay wala na ako sa lugar na 'yon. Nang kinagabihan ay hinatiran pa akong muli ng pagkain ng matanda. Nakiusap ako kung maaari akong makibanyo at pinaunlakan naman ako nito. Sa may maid quarters ako nito pina-CR at hinayaang magbihis ng damit. Naisip kong tumakas ngunit paano? Wala akong matanaw sa sobrang kadiliman ng buong paligid. At alam kong hindi ako makalalabas doon kahit anong pagtatangka ang gawin ko dahil bantay sarado ang gate ng mga lalaki.
Ibinalik din ako sa kulungan ng mga aso. Pinahiram ako n katulong ng kumot at ang mga gamit ko na lang ang ginawa kong unan.
Pinilit kong matulog kahit halos bangungutin na ako sa sobrang takot. Bukas daw darating si Xavier. Ang lalaking may atraso ako nang malaki.