ELISSA
"NANAY ko!"
Bigla akong napabalikwas ng bangon nang maramdaman ang malamig na tubig na bumuhos sa katawan ko. Nanginig pa ang kalamnan ko dahil sa ginaw. Pagtingin ko sa taong may gawa niyon sa akin ay nakita ko ang lalaking nakasalamin. Kilala ko na ang tabas ng buhok nito kaya nakatitiyak ako na ito ang lalaking 'leader' sa tatlong kumidnap sa akin. Mula pa kahapon ay ito na lang ang nakikita ko. Wala na ang dalawa nitong kasama.
Ngunit sa likuran nito ay may isa pang lalaki ang nakatayo. Mas matangkad ito kumpara sa naka-salaming itim na lalaki. Mukhang sundalo ang tindig ng huli, samantalang ang isang ito ay pang-boss ang dating. Naka-slacks pang itim at navy blue na polo shirt ito. Sa kanang kamay ay hawak ang hilahan ng maleta. Mukhang kadarating lang nito.
Ni Jax Xavier Delaford.
"Pinagigising ka ni Boss. Gusto niyang makasiguro kung tama ang babaeng nakuha namin."
Matamang nakatitig sa mukha ko si Xavier. Hindi ko mabasa sa mga mata niya kung alin ba sa dalawa ang gusto niyang gawin sa akin : ang sugurin ako at bugbugin o magmakaawa para alamin kung bakit ko iyon nagawa at kung sino ang nag-utos sa akin. Alin man sa dalawa, alam ko ang kahihinatnan. Alam kong sisingilin niya ako sa lahat ng damage na dulot ng ginawa ko. Sa kahihiyan at siyempre sakit nang hindi natuloy ang kaniyang kasal. Nagbaba agad ako ng tingin dahil parang sinusunog na ako ng mga nanlilisik niyang mga mata. Alam kong nagpipigil pa siya nang mga sandaling iyon. Ngunit nakakuyom na ang kaniyang mga kamao.
"Dalhin mo siya sa bodega, Joaquin. Iaakyat ko lang ang gamit ko sa taas."
Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Xavier. Ramdam ko ang bigat sa dibdib niya nang padabog niyang hilahin ang bag at padaskol na buksan ang pinto. Hinablot naman ng Joaquin ang braso ko at hinila ako palabas ng kulungan. Kumahol ang dalawang aso na ikinapitlag ko. Sinaway niya ang mga ito. Kalalapag lang ng mga paa ko sa tsinelas nang pabalagbag na nito akong kaladkarin patungo sa dereksyong hindi sa may maindoor bagkus sa likod na bahagi ng mansion.
"K-Kuya, s-sandali lang, nasasaktan ako," pagmamakaawa ko. Hindi ako masyadong makasabay sa mga hakbang nito dahil masyadong malalaki at mabibilis.
"Ayaw ni Boss ng pinaghihintay, bilisan mo!"
"B-Bakit naman kasi kailangan n'yo pang buhusan ng tubig ang damit ko? Sana sinigawan n'yo na lang ako." Malamig ang hangin doon at talagang nanonoot sa kalamnan ko. Basa ang halos kalahati ng katawan ko. Pati ang ilang damit ko na ginawa kong unan ay nadamay rin.
"Wala akong pakialam sa sintimyento mo. Bilis! Pasok!"
Puwersahan niya akong pinaupo sa isang upuang gawa sa bakal sa loob ng tinutukoy na bodega. Ngunit hindi naman mukhang bodega dahil kahit papaano ay maayos pa rin ang pagkakasalansan ng mga gamit. Mga lumang gamit pero sa tingin ko ay mapapakinabangan pa. May malaking ref, may mesa, mga upuan at kung ano-anong nakasakong kagamitan. Lahat nakaayos sa isnag tabi. Ang liwanag doon ay nagmumula sa bukas na maliliit na bintana. Inilabas ng Joaquin ang itinatago nitong posas sa tagiliran ng pantalon at ipinosas ang isa kong kamay sa upuan.
"H-Hindi n'yo naman kailangang gawin ito sa akin," nanginginig ang boses na sabi ko. Ngunit hindi ito kumibo na tila wala ngang kapaki-paki sa 'sintimyento' ko. Lumabas ito ng pinto bodega na tila may inaabangan at the same time ay binabantayan ang ikikilos ko. Nakahiwalay ang bodegang iyon sa mansyon. Palagay ko, dati itong maid's quarter. Whatever.
Habang hinihintay namin ang 'huhukom' sa akin ay samu't saring dahilan na ang isinisiksik ko sa utak ko. Mga isasagot ko sa kaniya kapag tinanong ako ni Xavier. Magsasabi ako ng totoo, iyon ang nasa isip ko. Wala naman talaga kong ibang dahilan maliban sa halagang iyon. Sana naman ay maniwala siya kapag sinabi ko iyon. Ngunit sabihin nating naniwala nga siya, mababawasan ba ang galit niya? Malamang na hindi. Sinira ko ang araw na dapat ay masaya siya at nagdiriwang kasama ang babaeng pinakamamahal niya. Tandang-tanda ko ang hitsura niya habang naroon ako sa harap nila. Inosente ang mukha ni Xavier. Hindi guilty. Kahit nga nang saglit kong mapagmasdan ang kaniyang mukha ay nahinuha ko na iyon agad. Hindi ito ang tipo ng lalaking kaliwa't kanan ang babae. He looked manly at kung sa babae ay may pagka-delikadesa. Halatang lumaki sa maayos na pamilya.
Bigla tuloy akong napaisip. At nakonsensya. Ano naman kaya ang dahilan ng matanda at pinatigil nito ang kasal? Kung tutuusin, napakasuwerte ng babaeng dapat ay pakakasalan nito. Guwapo at mayaman ang pamilya ni Xavier. At bagay na bagay sila kung tutuusin ng bride.
"Iwan mo na kami, Joaquin."
Sandaling parang tumigil sa pag-ikot ang mundo ko nang makaharap na ang lalaki. Nakapambahay na ito - simpleng yellow varsity short at puting sando na parang dating t-shirt na tinanggalan lang ng manggas at de-sipit na tsinelas. Ganoon lang ang ayos nito ngunit hindi man lang nakabawas sa appeal nito.
Tila nagliliyab ang mga matang nakatingin na naman ito sa aking gawi. Nang tuluyang umalis si Joaquin ay pabalagbag nitong isinara ang pinto. Napapitlag pa ako dahil sa lakas niyon, akala ko ay magko-collapse na ang mga dingding. Saglit siyang nameywang sa harap ko, pagkuwa'y kinuha ang isa pang bakanteng upuang bakal at padaskol na naupo roon. Nasa harapan ko na siya ngayon, napatungo ako. Parang matutunaw ako sa mga titig na 'yon.
"Sino ka at bakit mo sinira ang araw ng kasal ko?" derektang tanong niya.
Galit siya alam ko, pero hindi ko masyadong kababakasan ng galit ang boses niya. He really seemed like a very educated man para magalit at magwala, at kung meron mang nakakatakot sa kaniya, iyon ay ang kaniyang nanlilisik na mga tingin. Siguro ay ganoon lang talaga ang boses niya? Galit na pero may tunog pa ring lambing at lumanay. Kitang-kita naman sa kilos niya ang labis na pagkamuhi sa akin.
"M-May nag-utos lang ho sa akin. P-Pero maniwala kayo, h-hindi ko rin ginusto ang ginawa ko," kaila ko.
Parang maiiyak na ako sa sobrang kaba at takot. Lalo nang mahagilap niya ang isang lumang plorera at walang habas iyong ibinato sa sahig.
"Damn you! Hindi mo ginusto pero ginawa mo!"
Nabasag ang plorera at may naramdaman akong mga pinong tumusok sa gilid ng aking mga paa. Hindi ko ininda iyon dahil lamang sa akin ang takot nang mas tumaas na nga ang boses niya. Siguro mali ako, walang edukado kapag galit ang isang tao. Now he sounded more of a beast. Ngunit naroon pa rin ang pagpipigil. He could have hit me pero imbes ay sa plorera niya ibinaling ang galit.
"G-Ginawa ko lang naman 'yon dahil wala akong choice. K-Kailangan ko ho ng-"
"Walang choice? You did have a choice. Pero ang maling choice ang pinili mo. Alam mo ba kung ano ang idinulot ng ginawa mo, ha? Because of what you did, iniwan ako ng babaeng pinakamamahal ko at napahiya ako sa harap ng maraming tao! God knows I never had any woman in my life, maliban kay Lianna. Matinong lalaki ako, hindi ako palikero at lalong hindi ako papatol sa isang kagaya mo. Wala akong atraso kahit na kanino. Walang kaaway, walang karibal. Ngunit nang dahil lang sa babaeng katulad mo, naging miserable ang buhay ko!" Isa pang lumang vase na may lamat na gilid ang nahagip ni Xavier at muling ibinato sa sahig. "Damn youu!! "
"K-Kailangang-kailangan ko lang ho talaga ng pera..." pilit na katwiran ko kahit naghihilakbot na ako sa takot. Halos mabingi ako sa haba ng pagkakasigaw niya sa murang iyon na halos idikit na niya ang bibig sa aking mukha. "May matandang nakiusap sa akin na gawin ang bagay na 'yon. B-Binayaran niya ako ng malaking halaga kaya ko iyon ginawa."
Inaasahan kong paniniwalaan niya ang sinabi ko. Dahil iyon naman talaga ang totoo. Alam naman pala niyang hindi siya papatol sa isang kagaya ko, at isa siyang matinong lalaki, dapat lang na paniwalaan niya ako.
Nang-uuyam siyang tumitig sa akin. Kitang-kita ko ang mas pag-igting ng mga panga niya, ang muhi sa kaniyang mga mata. "Sino ang nag-utos sa 'yo?" maang niya.
"Isang matandang babae -"
"Sinungaling!"
"Nagsasabi ako ng totoo."
Narinig ko ang nakakaloko niyang tawa. "At sino ang matandang babae iyon?"
"Hindi ko ho kilala. Basta lang siya lumapit sa akin at inalok ako ng pera. B-Basta gagawin ko ang ipinag-uutos niya. Iyon nga ay ang puntahan ka sa simbahan at tumutol sa kasal ninyong dalawa ng kasintahan n'yo. Hindi ko siya kilala pero dahil kailangang-kailangan ko talaga ng pera kaya tinanggap ko ang alok niya."
Patawaran na lang kami ngunit talagang nagsasabi ako ng totoo. 'Yong bride niya, kung mahal naman talaga siya niyon ay walang pag-aalinlangang maniniwala sa kaniya kung paliliwanagan niya nang ayos. Pero ang lupa namin ay himala na lang talaga ang makapagpapabawi niyon sa amin. At ayaw kong mawala iyon kaya patawarin niya na lang sana ako sa aking ginawa.
"Sinungaling ka. Hindi ako naniniwala sa 'yo!"
Siguro nga ay wala siyang kilalang kagalit kaya wala sa bokabularyo niya kung sino ang mag-uutos niyon para gawin iyon sa kaniya. Pero hindi ko rin naman kilala ang matanda at wala naman akong ibang ginawa kung hindi sumunod lang sa inuutos nito. Malay ko ba sa likaw ng bituka niyon.
"Ikaw na rin ang nagsabi na hindi pa ninyo ako nakikilala." Naalala ko ang sinabi niya sa bride na hindi pa niya ako nakikita maliban sa araw na 'yon ng kasal. "Kaya talagang wala akong personal na dahilan para sirain ang inyong kasal. Nagsasabi ako ng totoo. B-Binayaran ako ng one hundred fifty thousand ng matanda para gawin 'yon. Kailangang-kailangan ko ng saliping iyon para sa pamilya ko kaya tinanggap ko ang alok. Maniwala kayo, nagsasabi ako ng totoo."
Hindi lang ako makaluhod dahil nakaposas ang kamay ko sa upuan. Talagang luluhod ako at magmamakaawa sa kaniya para lang palayain na niya ako. Siya na ang bahalang maghanap sa matanda. Wala naman siyang mapapala sa akin dahil iyon lang naman ang kaya kong ibigay na sagot.
Saglit na hindi umimik si Xavier. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at may tinawagan.
Nabuhayan naman ang loob ko. Naniniwala na kaya siya sa akin? Na-realize na ba niya na wala siyang mapapala sa akin?
"T-Tanda ko pa ang hitsura ng matandang babae. P-Puwede siya... Puwede siyang i-sketch."
Ganoon ang alam ko kapag naghahanap ang pulis ng mga suspek. Ini-sketch nila ang mukha nito ayon sa deskripsyon ng biktima o saksi para mapagtanto agad ang hitsura nito. Pero hindi ako ang biktima o saksi rito, kasabwat ako ng matanda.
Ngunit handa akong ipagkanulo ang matandang iyon basta mapapalaya ako. Kapag natagpuan niya ito ay sila na ang bahalang rumesolba sa problema nilang dalawa. Basta ako, labas na ako. Hindi naman siguro babawiin pa ng matanda ang ibinayad sa akin.
Saglit lang akong binalingan ng tingin ni Xavier. Tumayo na ito pagkuwan. Sumagot na yata ang tinawagan.
"Hindi pa tayo tapos. Babalikan kita."