Chapter 3

1335 Words
BANGS Nagulat ako nang dumating si Delfin at may dalang tshirt para sa akin at sopas at tubig. Hindi ko alam kung paano n'ya nalaman na narito kami sa hospital dahil wala naman akong tinawagan sa kanilang dalawa ni Trina. Ililipat pa lang si Nanay sa ICU at hinihintay ko ang oras na pwede akong pumasok sa loob para makita s'ya ng malapitan.  "Bangs," tawag n'ya sa akin.  "O, anong -- paano mo nalaman na narito kami?" tanong ko sa kanya. Inabot ko ang binibigay n'yang sopas at tubig. Ngayon ako nakaramdam ng pagkalam ng sikmura at hapunan na pala.  "Nabalitaan ko sa atin. May nakakita daw sa palengke na nabangga si Nanay Ida. Isang kotseng itim pero sa bilis ay hindi natandaan ang plaka. Wala namang camera doon para makita natin ang pangyayari. Kumain ka muna." "Salamat, Delfin. Pati ikaw ay naabala na," nahihiya kong sabi sa kanya.  "Ano ka ba naman, Bangs? Tatatlo na nga lang tayong nagdadamayan ni Trina ay mahihiya ka pa? Kumain ka na muna. Dinalhan din kita ng tshirt na pamalit. Pasens'ya ka na, tshirt ko ito at hindi naman ako makadaan sa bahay n'yo. Kinuha ko nga lang 'to sa sinampay." Si Delfin at Trina ay parehong ulila na sa mga magulang at nakatira sa mga t'yahin nila hanggang si Trina ay namasukan sa Maynila. Hindi na s'ya nakapag-aral ng kolehiyo pagkatapos ng high school dahil wala na silang pera. Si Delfin naman ay pinalad na makakuha ng scholarship kaya nakapagtapos ng Business Management. Hindi ko nga alam kung bakit nagtatiyaga s'ya sa factory bilang supervisor ay marami pa namang ibang companies. Pero naisip ko rin na baka doon na s'ya komportable. Simula kasi noong mag-graduate s'ya ay doon na s'ya nag-OJT kaya alam na n'ya ang pasikot-sikot.  "Salamat talaga dito."  "Walang anuman. Ano nga pala ang lagay ni Nanay Ida? Tinawagan ko si Trina kanina at siguradong kailangan mo ng tulong sa pera."  Lalo akong nakaramdam ng panliliit sa sarili ko. "Pati ipon n'yo ni Trina ay magagalaw pa. Hayaan n'yo na. Gagawan ko na lang ng paraan."  "May naipon akong treinta mil. Si Trina ay may kinse mil na naitabi. Ipapadala daw n'ya mamaya. Magkano ba ang kailangan natin?"  Napabuntong hininga ako at saka hinigop ang natitirang sabaw sa container. "Singkwenta mil ang operasyon. Nasa ICU pa si Nanay kaya siguradong tataas ang bill. Bukod doon ay may mga gamot pa. Balak ko nga sanang humingi ng tulong kina T'yang Remy." Napangiwi si Delfin. "Ano? Doon sa t'yang mo na ubod ng sungit? Aba ay napakamatapobre ng matandang 'yon! Bangs, baka pati kaluluwa mo ay hingin n'yang kapalit kasama na ang maging alila ka n'ya ng sampung -- aray ko!"  Hinampas ko s'ya sa braso at napatawa ako. Kahit papaano ay napagaan n'ya ang dibdib ko. Si Delfin talaga ay likas na mabait at masayahin kaya kahit hindi s'ya nagpapatawa, itong mga ganitong banat n'ya ay sapat na para lumakas ang loob ko.  "Sobra ka naman. Pinsan naman n'ya si Nanay. Siguro naman ay tutulong s'ya kahit kaunti lang." Umiling-iling si Delfin. "Ewan ko lang. Pero pagdating d'yan kay T'yang Remy mo ay diskump'yado ako. Magdodonate 'yan sa simbahan pero kung sa inyo ni Nanay Ida -- sus! Baka namuti na ang uwak ay wala ka pang makita kahit isang kusing." "Gusto ko pa ring subukan." "O sige, ganito na lang. Subukan mong humiram sa kanya at susubukan kong mag-loan sa factory. Mabuti na 'yong may back up." Hindi ko naiwasan na mangilid ang luha sa sinabi n'ya. Kahit salat ako sa lahat ay mayaman naman ako sa kaibigan. Kahit dalawa lang sila ni Trina, ang swerte-swerte ko na. Hindi ko kailangan ng maraming kaibigan kung peke naman. Ang mahalaga ay mahal namin ang isa't isa. Daig pa namin ang magkakapatid at siguro ay ito ang plano ng D'yos sa amin -- ang paglapitin kaming tatlo ng tadhana para damayan ang isa't isa.  *** Pagkatapos kong bisitahin si Nanay sa ICU ay umuwi ako sa bahay. Nagpaiwan si Delfin sa hospital at nagvolunteer na s'ya muna ang magbabantay kay Nanay kahit may nurse naman at hindi rin s'ya pwedeng pumasok. Ako nga ay limang minuto lang ay pinalabas na. Naiintindihan ko naman dahil sa risk ng infection.  Nang makarating ako sa bahay ay gusto ko sanang magpa-init muna ng tubig bago maligo pero magagahol ako sa oras. Baka hindi ako papasukin sa kabilang bahay kapag masyado akong nagpa-late. Bitbit ang gasera ay nagtungo ako sa banyo sa labas. Hindi ko na binasa ang buhok ko at nagbuhos na lang ako ng katawan saka mabilis na nagsabon. Suot ko ang roba na papasko sa akin ni Trina noong nakaraang pasko para daw hindi ako nag-aalala na malalaglag ang towel sa katawan ko. Mahirap na daw at baka mabosohan ako. Nang makabalik ako sa loob ng bahay ay mabilis akong nagpalit ng pantalon na maong at tshirt na puti. Naisip kong magsuot ng rubber shoes para mas madali akong makakilos sa hospital. Dali-dali akong naglagay ng ilang gamit ni Nanay at pamalit ko na rin. Baka bukas ay pwede na s'yang ilipat sa ward. Nagdala rin ako ng isang unan at pinaltan 'yon ng bagong punda at saka isang kumot na maayos-ayos pa. Ang iba kasi naming gamit ay manipis na sa sobrang kalumaan. Bitbit ang lahat ng 'yon ay naglakad ako papunta sa malaking bahay na hindi kalayuan dito sa dampa namin. Pinindot ko ang doorbell at mayamaya ay lumabas si Luningning -- ang all around help nila.  "Ate Bangs, ano at gabing gabi na ay nasa daan ka pa. Naglayas ka ba? Bakit may dala kang bag at unan?" gulat na tanong n'ya sa akin. Mabait si Luningning at kung minsan ay pumupuslit pa s'ya para dalhan kami ng ulam kaya paminsan minsan ay nakakatikim din kami ng masarap nina Nanay. Sasagot pa lang ako ay lumabas na si T'yang at may dalang pamaypay. Kahit gabi na ay nakabihis pa rin ito at makolorete ang mukha. "Anong kailangan mo, Ivanka?" mataray na tanong n'ya sa akin. "T'yang si Na --" "Pera na naman? Aba! Anong akala mo sa akin, may balon ng pera? Kung 'yang Nanay mo kasi ay hindi nagpadala sa kalandian n'ya, hindi s'ya maghihirap ng ganyan. At hindi pa nakuntento sa paglalandi, aba ay nagpabuntis pa!" Kinagat ko ang dila ko ng mariin para hindi s'ya sagutin. Sa ngayon ay kailangan ko ng tulong n'ya. "T'yang, nabangga po si Nanay kanina. Hit and run at nag-iimbestiga pa ang mga pulis. Baka po mapapahiram n'yo kami kahit magkano lang. Kahit po pambili lang ng gamot." Umismid muna s'ya at naglitanya uli. "Sinasabi ko na nga ba at pera na naman ang kailangan n'yo! Magbanat kayo ng buto para magkaroon kayo ng pera hindi 'yong ako ang pinepeste n'yo. Mga bwiset!" Hinarap n'ya si Luningning at inutusan. "Kunin mo nga ang bag ko sa salas." Kaagad na tumalima si Luningning at bakas sa mukha n'ya ang awa sa akin. Nang makabalik ay iniabot ang bag kay T'yang. "Hayan ang limang libo. Ibalik mo 'yan sa katapusan!" Inihagis n'ya sa labas ng gate ang pera at nilimot ko 'yon isa-isa. Mabuti na lang at iilang piraso lang dahil tig-limang daan. Pumasok na s'ya sa loob pagkatapos. Ni hindi man lang tinanong kung anong lagay ni Nanay.  "Ate Bangs, pasens'ya ka na kay Ma'am. Mainit kasi ang ulo at natalo sa sugal kanina. Saglit lang at kukuha ako ng pera. Pangdagdag mo na kay Nanay Ida. Kaunti lang kasi ang ipon ko." "Huwag na. Pati ikaw ay --" "Huwag ka ng tumanggi. Alam ko naman na kung ako ang mangailangan ay tutulungan mo rin ako. Sandali lang ha." Pumasok s'ya sa loob at kaagad din na lumabas. Inabot sa aking one thousand five hundred at inilagay sa kamay ko.  "Luningning, maraming salamat. Ibabalik ko ito sa iyo, pangako," sabi ko sa kanya. "Huwag mo ng isipin 'yon. Sabihin mo kay Nanay Ida, magpagaling s'ya kaagad ha. Miss ko na ang kakanin n'ya." Tumango ako at umalis na. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD